2023
4 na Paraan para Mapatatag ang Inyong Pamilya
Setyembre 2023


“4 na Paraan para Mapatatag ang Inyong Pamilya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.

4 na Paraan para Mapatatag ang Inyong Pamilya

Mapapatatag ninyo ang inyong pamilya sa pinakamainam na paraan sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Gaano man katatag ang inyong pamilya, maaari itong mas mapalakas pa. Sa panahong ito, parang patuloy ang pag-atake sa pamilya. Ito ay dahil alam ni Satanas na mahalaga ang mga pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Kung may magagawa ang kaaway para sirain ang buhay-pamilya, siguradong susubukan niya ito.

Bagama’t walang perpektong pamilya, may isang bagay na mayroon sa inyo na wala sa ibang pamilya: kayo! At nasa inyong tabi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro ng mga propeta at apostol na, “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”1

Narito ang ilang paraan na mapapalakas at magbibigay ng kaligayahan ang ebanghelyo ng Panginoon sa inyong pamilya:

  • Ang mga pamilya ay maaaring ibuklod sa kawalang-hanggan.

  • Maaaring masiyahan ang mga pamilya sa pagsasama-sama, paglingkod sa isa’t isa, at pagkadama na kabilang at may diwa ng banal na pagkatao.

  • Ang mga pamilya ay maaaring umasa sa kapangyarihan ni Jesucristo na lutasin ang mga di-pagkakaunawaan, alitan, at hamon sa pamamagitan ng pagsisisi, kapatawaran, at pananampalataya.

Narito ang apat na paraan na mapapatatag ninyo ang inyong pamilya sa pamumuhay ng ebanghelyo:

mga taong nagdarasal

Mga paglalarawan ni Lai T. Sheng

1 Maghikayat ng Panalangin

Ang mga pamilya ay nagiging mas matatag kapag sama-sama silang nagdarasal. Mapagpapala ng panalangin ang inyong pamilya ng kapayapaan, pagmamahal, at pagkakasundo. Kung ang panalangin ay hindi nakagawian ng inyong pamilya, ipagdasal na malaman kung paano ninyo matutulungan ang inyong pamilya na sama-samang manalangin. Maging handang kumilos ayon sa mga sagot na natatanggap ninyo.

2 Sama-samang Magsimba

Sa simbahan ay natututunan natin ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tumatanggap din tayo ng sakramento at nakikipagtipan sa Diyos na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang aalalahanin (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

Ang pagsisimba bilang pamilya ay tumutulong na mas mapalapit ang lahat sa Diyos at sa isa’t isa. Kailangan ng taimtim na pangako na magsisimba linggu-linggo, ngunit pagpapalain ng Diyos ang iyong mga pagsisikap. Kung pipiliin ng inyong pamilya na huwag magsimbang kasama ninyo, dapat ninyong malaman na palalakasin kayo ng inyong pagdalo at tutulungan kayong makahanap ng iba pang mga paraan para mapatatag ninyo ang inyong pamilya.

gusali ng simbahan

3 Magmahal at Maglingkod

Itinuro ng Tagapagligtas, “Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo” (Juan 15:12). Sabihin sa iyong pamilya kung gaano mo sila kamahal—kahit sigurado ka na alam na nila. Ang pagpapahayag ng iyong pagmamahal sa inyong pamilya sa pamamagitan ng salita at pagkilos ay nag-aanyaya sa Espiritu sa inyong tahanan.

Ang paglilingkod sa mga kapamilya ay isang mahalagang paraan para maipakita ang iyong pagmamahal. At ang paglilingkod sa iba nang magkakasama ay naglalapit din sa inyong pamilya sa isa’t isa at sa Ama sa Langit. Hindi ninyo kailangang mag-organisa ng napakalaking serbisyong proyekto. Ang paglilingkod ay maaaring maging simple, tulad ng paghahanda ng paboritong pagkain para sa isang kapitbahay. Ang paglilingkod bilang isang pamilya ay naghahatid ng kagalakan dahil, tulad ng mababasa natin sa mga banal na kasulatan, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

maglola na magkayakap

4 Ipamuhay ang Ebanghelyo

Marami ang may kapamilya na hindi miyembro ng Simbahan o piniling tumigil sa pagsisimba. Kung walang suporta ng pamilya, maaaring mahirap makibahagi sa simbahan. Kung gayon din ang sitwasyon ng inyong pamilya, tandaan na maaari pa rin kayong maging puwersa para sa kabutihan sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo.

Hayaang makita ng inyong pamilya na ipinamumuhay mo ang pinaniniwalaan mo. Hindi mo alam kung kailan nila nakikita ang sinasabi at ginagawa mo. Ihahatid nito ang liwanag ng ebanghelyo sa inyong pamilya. Anuman ang sitwasyon ng inyong pamilya, ang palagian ninyong pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ay magbubukas ng pintuan para magabayan, maimpluwensyahan, at mapasigla ng Espiritu ang inyong pamilya at tulungan silang mas mapalapit sa Tagapagligtas na si Jesucristo.