“Mga Propetang Sumusunod sa mga Propeta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2023.
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Mga Propetang Sumusunod sa mga Propeta
Kahit sino ay makakahanap ng mga pagpapala sa pagsunod sa propeta—maging ang mga Apostol.
Patuloy tayong hinihilingang sundin ang propeta. Pero maaaring nagtataka ang ilan kung bakit napakahalagang sumunod.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2017, hiniling ni Pangulong Thomas S. Monson, na propeta noong panahong iyon, sa mga miyembro ng Simbahan na pag-aralan, hindi lang basta basahin, ang Aklat ni Mormon araw-araw. Sina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong Henry B. Eyring ay kapwa sumunod sa payo ng propeta at nagsalita tungkol sa nangyari.
Isang Masunuring Apostol
Sinabi ni Pangulong Nelson: “Sinikap kong sundin ang payo ni [Pangulong Monson]. Kabilang sa maraming bagay, gumawa ako ng listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang isinasakatuparan nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang inihahayag nito. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon sa gayong paraan marami tayong matututuhan at mahihikayat tayong ipamuhay ito!”1
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Nelson na nagtanong din siya ng katulad nito at nalaman niya na napakaraming buhay ang naantig sa pagsunod sa payo ni Pangulong Monson. Ginagabayan tayong lahat sa pamamagitan ng ating propeta, mga banal na kasulatan, at personal na paghahayag.
Isang Tapat na Apostol
Sinabi ni Pangulong Eyring: “Binasa ko ang Aklat ni Mormon araw-araw sa loob ng mahigit 50 taon. Kaya marahil maaari ko nang isipin na para sa iba ang mga salita ni Pangulong Monson. Ngunit, tulad ng marami sa inyo, nadama ko ang panghihikayat ng propeta at nahimok ako ng kanyang pangako na mas magsikap pa.”
Nagpatuloy si Pangulong Eyring: “Ang pagsunod sa payo ni Pangulong Monson ay nagkaroon ng dalawang iba pang magagandang epekto sa akin: Una, ang Espiritung ipinangako niya ay nagdulot ng pag-asa sa mga mangyayari sa hinaharap, kahit tila patuloy na nadaragdagan ang kaguluhan sa mundo. At, pangalawa, mas ipinadama ng Panginoon sa akin—at sa inyo—ang Kanyang pagmamahal sa mga taong nagdurusa.”2
Lahat
Lahat ay maaari at dapat sundin ang payo ng propeta mula sa pangkalahatang kumperensya. Saanman kayo naroon sa inyong espirituwal na paglalakbay, lagi ninyong maaaring pagbutihin pa, kayo man ay Apostol, bagong miyembro, o sa pagitan nito. Hindi nito binabawasan ang pangangailangan natin sa personal na paghahayag; isa pang paraan ito para mapagpala tayo ng Diyos. Kung kahit ang mga Apostol ay maaaring makahanap ng mga karagdagang pagpapala sa ganitong paraan, tiyak na makakahanap din tayo.