2023
Minamahal ng Diyos
Setyembre 2023


“Minamahal ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

I Mga Taga Corinto 11

Minamahal ng Diyos

Sa plano ng kaligayahan ng Diyos, bawat kabataang babae at kabataang lalaki ay may banal na layunin, bawat isa sa inyo ay minamahal at kailangan.

si Elder Gong kasama ang mga kabataan

Isipin kung ano kaya ang magiging tunog ng musika kung magkakapareho ang tunog ng bawat instrumento. Paano kung magkatulad ang bawat teklado sa piyano o kung magkakatulad ang bawat tinig sa isang koro? Ang musika ay magiging masyadong nakababagot!

Buti na lang, ang mga instrumento ng musika at mga tinig sa koro ay magkakaiba sa tunog at tono. Ang mga teklado sa isang piyano ay may maraming himig, at ang mga koro ay may kaaya-ayang tunog. Ang mga french horn, tuba, biyolin, at tambol ay may dagdag na natatanging tunog na kaaya-aya sa isang orchestra.

Mga Kalakasan at Kaloob

Tulad sa musika, nagagalak ang Ama sa Langit sa maraming talento, personalidad, at karanasan ng bawat isa sa Kanyang mga anak, bawat isa ay minamahal na anak na babae o anak na lalaki. Anuman ang inyong sitwasyon, saanman kayo nakatira sa mga bansa, lahi, at tao, ipinagdiriwang ng Ama sa Langit ang inyong walang-hanggang potensyal, kung magiging sino kayo sa pamamagitan ng pagsunod, biyaya, at pagmamahal.

binatilyong tumutugtog ng keyboard

Nang may malaking pagmamahal, inaanyayahan Niya kayong tuklasin ang inyong banal na pagkatao at isakatuparan ang inyong banal na layunin. Hinihikayat Niya kayong paunlarin ang inyong mga espirituwal na kaloob, makadiyos na pagkatao, at napakalawak na posibilidad. At binibigyan Niya kayo ng mga pagkakataon araw-araw para matutong makita at paglingkuran ang mga nasa paligid ninyo tulad ng gagawin ni Jesucristo.

Sa banal na plano ng Diyos, naparito tayo sa mundong ito sa pamamagitan ng isang ina at ama. Kailangan ng mga pamilya ang dalawang ito. Magkasama, bilang pantay na magkatuwang, ang mga magulang ang nangangalaga at tumutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Sa ating mga tahanan, ang mga ama at asawang lalaki ay dapat mamuno nang may kahinahunan, kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig—mabubuting katangiang kailangan ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng ating mga ugnayan. Nananangis ang langit kapag, sa anumang relasyon o ugnayan, ay may pang-aabuso, pamamahala, o anumang uri ng pamimilit, ng kalalakihan o kababaihan. Ang paghihikayat, mahabang pagtitiis, kabaitan, at dalisay na kaalaman ay mga katangiang katulad ng kay Cristo na hangad ng bawat isa sa atin.

Mangyari pa, walang sinumang perpekto—ni ang sinumang pamilya. Anuman ang inyong sitwasyon, igalang ang inyong mga magulang at mahalin ang inyong pamilya—ang pamilyang mayroon kayo at magiging pamilya ninyo balang-araw. Matutulungan ka ng ating Tagapagligtas na maunawaan, patawarin, at hikayatin ang mga nasa paligid mo. Kapag ginawa mo ang lahat ng makakaya mo, tutulungan at gagabayan ka ng Panginoon. Alalahanin sana na ang iyong katayuan sa harapan ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan ay nakasalalay sa iyong pagkatao at kabutihan sa pagtupad ng iyong mga tipan sa Diyos.

sakramento

Priesthood at ang Plano ng Diyos

Mas mahal at mas kilala tayo ng Ama sa Langit kaysa sa pagmamahal at pagkakilala natin sa ating sarili. Ang Kanyang awtoridad ng priesthood ay ibinibigay upang pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang mga karapat-dapat na kapatid na lalaki ay mayhawak ng priesthood, pero hindi sila ang priesthood. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang priesthood “ay mahalaga rin sa [kababaihan] tulad sa sinumang tao.” Ang priesthood ay nagbibigay sa kababaihan at kalalakihan ng “access sa … lahat ng espirituwal na kayamanan ng Panginoon para sa Kanyang mga anak.”1

mga kabataang lalaki at babae sa computer

Paglilingkod nang Magkakasama

Sa Simbahan ng Panginoon, nag-uusap-usap tayo sa council habang sama-sama tayong naglilingkod. Sa ating mga council, ang mga lider ay naghahangad ng mga kabatiran at ideya mula sa lahat, pati na sa mga kabataang babae at kabataang lalaki. Sa bawat sitwasyon, nararating natin ang mas mabubuting desisyon at mas nagtatagumpay tayo sa paglilingkod sa Panginoon kapag pinapahalagahan natin ang mga kontribusyon ng bawat isa at nagtutulungan bilang magkakapatid sa Kanyang gawain.

Sa ating mga ward at branch, pinamumunuan ng mga kabataang babae at kabataang lalaki ang mga klase at korum. Sa ward youth council, tinutulungan ng ating mga lider ng kabataan ang bawat kabataan na makipag-ugnayan sa langit, sa mga lider ng ating Simbahan, at sa iba pang mga kabataan. Bilang mga ministering companion sa mga adult, ang ating mga kabataang lalaki at babae ay tumutulong at nagpapala sa marami. Sa ating paglilingkod, magkakasama tayong lahat.

mga kabataang lalaki at babae na magkasamang naglilingkod

Napakalaking pagpapala na ang mga kabataang lalaki at babae ay nagsisilbing mga saksi ng ipinanumbalik na mga ordenansa ng ebanghelyo. Kayo ang mga saksi para sa mga binyag, kapwa sa binyag para sa mga buhay at sa binyag para sa mga ninuno sa loob ng templo. Naglilingkod din kayo sa iba pang mga lugar sa bahay ng Panginoon.

Mga Pagpapala ng Pakikipagtipan sa Diyos

Bawat kabataang babae at bawat kabataang lalaki ay isa-isang gumagawa ng mga sagradong tipan sa Diyos. Kapag tapat na iginagalang, ang ating mga tipan sa Diyos ay naghahatid ng Kanyang mga pagpapala—na mas malaki kaysa inaakala natin. Ang ating mga tipan sa Diyos ay makapagpapabanal sa ating mga hangarin at kilos. Ang ating mga tipan at ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay makatutulong sa atin na maging tulad ng isang anak ng Diyos—mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pagmamahal (tingnan sa Mosias 3:19). Sa lahat ng ating ginagawa, nagsisimula tayo kay Jesucristo. Siya ang una nating pinipili sa maraming pagpili natin, at inuuna natin Siya sa bawat pagpiling ginagawa natin.

Jesucristo

Umasa sa Tagapagligtas

Magkakaroon ka ng kaligayahan at mainit na pakiramdam sa iyong puso kapag nakasentro kay Jesucristo ang iyong pag-aaral ng ebanghelyo, paglilingkod, mga aktibidad, at personal na pag-unlad at sa pagpili ng mabuti. Ang iyong mga pagsisikap na nakasentro kay Cristo ay maaaring maging masaya at makabuluhan kapag tinutulungan mo ang iba nang may tunay na pagkahabag at pagmamahal.

Nangyayari ang mga pambihirang bagay kapag mahal ng mga kabataang lalaki at kabataang babae ang Panginoon at naglilingkod nang may pagkakaisa at pagkakasundo. Totoo ito sa seminary, sa regular na mga aktibidad ng mga kabataan, at sa FSY.

dalagita

Taglay ang walang hanggang pagmamahal, inaanyayahan ng ating Ama sa Langit ang bawat kabataan, babae at lalaki, na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).

Mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tutulungan at pagpapalain ka Nila na maging tunay na masaya. Unahin mo nawa na piliin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Magtiwala sa Diyos at maging kaisa ni Jesucristo sa mga nakapaligid sa iyo. Bilang minamahal na anak ng Diyos, maaari kang kumonekta at mapabilang sa komunidad ng mga Banal na Kanyang ipinanumbalik na Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung sino ka man at kung magiging sino ka man ay kailangan sa mundo ngayon. Malaking kaibhan ang magagawa mo sa iyong pamilya, sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, at sa mundo.

Kay Jesucristo, lahat ng mabubuting bagay ay posible. Kay Jesucristo, lahat ng tunay na bagay ay mangyayari, sa panahon at paraan ng Diyos. Bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi, nagpapatotoo ako at nangangako.