Patuloy na Magtiyaga
Ang mga aral na natutuhan natin mula sa pagtitiyaga ay magpapaunlad sa ating pagkatao, magpapasigla sa ating buhay, at magpapaibayo ng ating kaligayahan.
Noong mga 1960s, isang propesor sa Stanford University ang nagsimula ng isang simpleng eksperimento para subukan ang lakas ng isipan ng apat-na-taong mga bata. Hinarapan niya sila ng malaking marshmallow at pagkatapos ay sinabihan sila na makakain nila ito kaagad o, kung maghihintay sila nang 15 minuto, puwede silang kumain ng dalawang marshmallow.
Pagkatapos ay iniwanan niya ang mga bata at pinanood ang nangyari sa likod ng isang two-way mirror. Ilan sa mga bata ang agad kumain ng marshmallow; ang ilan ay ilang minuto lang nakapaghintay bago napatangay sa tukso. Tanging 30 porsiyento lang ang nakapaghintay.
Medyo nakakawili ang eksperimentong ito, at nagpatuloy ang propesor sa iba pang bahagi ng pagsasaliksik, dahil, sa sarili niyang mga salita, “iilang bagay lang ang magagawa mo sa mga batang nagsisikap na huwag kumain ng mga marshmallow.” Ngunit nang maglaon, sinubaybayan niya ang mga bata at nagsimulang mapansin ang isang nakawiwiling pagkakaugnay: ang mga batang hindi nakapaghintay ay nahirapan sa buhay kalaunan at mas maraming problema sa pag-uugali, samantalang yaong mga nakapaghintay ay naging mas positibo at masigla, mas matataas ang marka sa paaralan at suweldo, at mas magandang makisama.
Ang nagsimula bilang simpleng eksperimento sa mga bata at marshmallow ay naging pag-aaral na nagpapakita na ang kakayahang maghintay—magtiyaga—ay isang mahalagang katangiang maaaring makapagsabi kung magtatagumpay ang isang tao sa buhay kalaunan.1
Maaaring Mahirap Maghintay
Maaaring mahirap maghintay. Alam iyan ng mga bata, gayon din ng matatanda. Nabubuhay tayo sa mundo na nag-aalok ng fast food, instant messaging, pelikulang madaling mapanood, at agarang sagot sa pinakamababaw o pinakamalalim na mga tanong. Ayaw nating maghintay. Tumataas pa nga ang presyon ng ilan kapag mas mabagal ang pila nila sa grocery kaysa sa ibang nasa paligid nila.
Ang pagtitiyaga—ang kakayahang magpigil sandali sa gusto natin—ay isang mahalaga at pambihirang katangian. Gusto natin ang gusto natin, at gusto natin ito ngayon din. Samakatwid, ang ideya mismo ng pagtitiyaga ay tila hindi kasiya-siya at kung minsan ay masaklap.
Magkagayunman, kung wala tayong tiyaga, hindi masisiyahan sa atin ang Diyos; hindi tayo magiging sakdal. Tunay ngang ang pagtitiyaga ay nagpapadalisay na prosesong nagpapahusay ng pang-unawa, nagpapalalim ng kaligayahan, nagtutuon ng pagkilos, at naghahandog ng pag-asa para sa kapayapaan.
Bilang mga magulang, alam natin kung gaano kasama ang ibigay ang bawat naisin ng ating mga anak. Ngunit hindi lamang mga anak ang napapahamak kapag agaran silang binigyang-kasiyahan. Alam ng ating Ama sa Langit kung ano ang nauunawaan ng mabubuting magulang sa paglipas ng panahon: kung gustong maabot ng mga anak ang kanilang potensyal, dapat silang matutong maghintay.
Ang Pagtitiyaga ay Hindi Lamang Paghihintay
Noong 10 taong gulang ako, naging mga refugee ang pamilya ko sa ibang lupain. Noon pa man ay mahusay na akong mag-aaral—ibig kong sabihin, hanggang makarating kami sa West Germany. Doon, malaki ang pagkakaiba ng karanasan ko sa pag-aaral. Ang geography na pinag-aralan namin sa paaralan ay bago sa akin. Ibang-iba rin ang pinag-aralan naming history. Dati-rati, Russian ang pinag-aaralan kong pangalawang wika; ngayon ay Ingles na. Mahirap ito para sa akin. Tunay ngang may mga sandali na talagang naniniwala akong hindi ginawa ang dila ko para magsalita ng Ingles.
Dahil malaking bahagi ng kurikulum ang bago at dayuhan sa akin, napag-iwanan ako. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nag-isip-isip ako kung hindi lang sapat ang talino ko para mag-aral.
Mabuti na lang may guro akong nagturo sa akin na magtiyaga. Itinuro niya sa akin na sa matatag at palagiang pagsisikap—matiyagang pagpupumilit—ay matututo ako.
Sa paglipas ng panahon, naging malinaw ang mahihirap na asignatura—kahit ang English. Unti-unti naunawaan ko na kung lagi kong gagamitin ito, matututo ako. Hindi naging madali iyon, pero sa pagtitiyaga, nagawa ko.
Mula sa karanasang iyon natutuhan ko na ang pagtitiyaga ay higit pa sa simpleng paghihintay na may mangyari—kailangan mo ng aktibong pagsisikap sa makabuluhang mga mithiin at huwag mawalan ng pag-asa kapag hindi dumating kaagad o nang walang hirap ang mga resulta.
May mahalagang konsepto rito: ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot. Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis, iyon ay pagtitiis nang husto!
Ang kawalan ng tiyaga, sa kabilang banda, ay sintomas ng pagkamakasarili. Ugali iyon ng taong sarili lang niya ang iniisip. Nagmumula iyon sa lubhang umiiral na sintomas na tinatawag na “pinakamahalaga sa sansinukob,” na umaakay sa mga tao na maniwala na ang mundo ay umiikot sa kanila at lahat ng iba pa ay sumusuportang tauhan lang sa malaking teatro ng mortalidad kung saan sila lang ang bida.
Ibang-iba ito, mahal kong mga kapatid, mula sa pamantayang itinakda ng Panginoon para sa atin bilang mga maytaglay ng priesthood.
Pagtitiyaga, Isang Alituntunin ng Priesthood
Bilang mga maytaglay ng priesthood at kinatawan ng Panginoong Jesucristo, dapat nating pagsilbihan ang iba sa paraang naaayon sa Kanyang halimbawa. May dahilan kaya halos lahat ng aralin sa pamumuno ng priesthood ay humahantong kalaunan sa ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Sa ilang talata, nagbigay ang Panginoon ng huwaran sa pamumuno ng priesthood. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”2
Ang mga ugali at gawi ng tao na inilarawan sa mga talatang ito ang pundasyon ng makadiyos na pagtitiis at may koneksyon sa epektibong paglilingkod ng priesthood at patriarch. Ang mga katangiang ito ay bibigyan kayo ng lakas at karunungan sa pagganap sa inyong mga tungkulin, pangangaral ng ebanghelyo, pakikisalamuha sa mga miyembro ng korum, at pagbibigay ng pinakamahalagang paglilingkod ng priesthood—na talaga namang siyang mapagmahal na paglilingkod sa loob ng sarili ninyong tahanan.
Lagi nating tandaan na ang isa sa mga dahilan kaya ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang priesthood ay para ihanda tayo para sa mga walang hanggang pagpapala sa pagpapalantay sa ating likas na pagkatao sa pamamagitan ng tiyagang kailangan sa paglilingkod ng priesthood.
Yamang matiyaga ang Panginoon sa atin, magtiyaga tayo sa ating mga pinaglilingkuran. Unawain na sila man, tulad natin, ay hindi perpekto. Sila, tulad natin, ay nagkakamali. Gusto nila, tulad natin, na maging maganda ang iniisip ng iba tungkol sa kanila.
Huwag ninyong isusuko ang sinuman kailanman. At kasama riyan ang inyong sarili.
Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay makakaugnay kahit kailan sa alipin sa talinghaga ni Cristo na may utang sa hari at nagsumamo sa hari na, “Panginoon, pagtiisan mo ako.”3
Ang Paraan at Panahon ng Panginoon
Ang mga anak ni Israel ay naghintay nang 40 taon sa ilang bago sila nakapasok sa lupang pangako. Naghintay nang 7 taon si Jacob para kay Raquel. Naghintay ang mga Judio nang 70 taon sa Babilonia bago sila nakabalik para muling itayo ang templo. Naghintay ang mga Nephita ng palatandaan ng pagsilang ni Cristo, batid na kung hindi dumating ang palatandaan, sila ay masasawi. Ang mga pagsubok ni Joseph Smith sa Liberty Jail ay naging dahilan para mag-isip maging ang propeta ng Diyos, “Hanggang kailan?”4
Sa bawat pagkakataon, may layunin ang Ama sa Langit sa pag-uutos sa Kanyang mga anak na maghintay.
Bawat isa sa atin ay tinawag upang maghintay sa sarili nating paraan. Naghihintay tayo ng sagot sa mga dalangin. Naghihintay tayo sa mga bagay-bagay na sa oras na iyon ay mukhang tamang-tama at napakabuti para sa atin kaya hindi natin maisip kung bakit ayaw pa itong sagutin ng Ama sa Langit.
Naaalala ko noong naghahanda akong magsanay bilang fighter pilot. Ginugol namin ang malaking oras ng pangunang military training sa pag-eehersisyo. Hindi ko pa tiyak kung bakit itinuring na napakahalagang bahagi ng paghahanda sa pagkapiloto ang walang-katapusang pagtakbo. Gayunman, tumakbo kami nang tumakbo nang tumakbo.
Habang tumatakbo ako napansin ko ang isang bagay na totoong nakabalisa sa akin. Paulit-ulit akong nilagpasan ng mga lalaking naninigarilyo, umiinom, at gumagawa ng lahat ng bagay na taliwas sa ebanghelyo at, lalo na, sa Word of Wisdom.
Naaalala ko na inisip ko, “Sandali lang! Hindi ba dapat ay makatakbo ako nang hindi napapagod?” Pero napagod ako, at nalagpasan ako ng mga taong talagang hindi sumusunod sa anumang may kaugnayan sa Word of Wisdom. Inaamin ko na nabalisa ako rito noon. Tinanong ko sa aking sarili, totoo ba ang pangako o hindi?
Hindi kaagad dumating ang sagot. Ngunit kalaunan nalaman ko na ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad nang kasimbilis ng o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. Ilang taon pagkaraan nakikita ko na ang malinaw na katunayan ng mga temporal na pagpapalang dumarating sa mga yaong sumusunod sa Word of Wisdom—bukod pa sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kaagad mula sa pagsunod sa anumang batas ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, natitiyak ko na ang mga pangako ng Panginoon, kung hindi man laging mabilis marahil, ay laging tiyak.
Ang Pagtitiyaga ay Nangangailangan ng Pananampalataya
Itinuro ni Brigham Young na kapag may nangyari na hindi niya lubos na maunawaan, dumadalangin siya sa Panginoon, “Bigyan [po Ninyo] ako ng tiyaga na makapaghintay hanggang sa maunawaan ko ito.”5 Pagkatapos ay patuloy na nagdarasal si Brigham hanggang sa maunawaan niya ito.
Dapat nating malaman na sa plano ng Panginoon, nakauunawa tayo nang “taludtod sa taludtod, utos sa utos.”6 Sa madaling salita, dumarating ang kaalaman at pang-unawa kapag nagtiyaga tayo.
Kadalasan ang malalalim na lambak ng ating kasalukuyan ay mauunawaan lang sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kanila mula sa mga kabundukan ng ating karanasan sa hinarahap. Kadalasan ay hindi natin nakikita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay hanggang sa matagal nang nakalipas ang mga pagsubok. Kadalasan ang pinakamahihirap na panahon sa ating buhay ay mahahalagang batong pagtatayuan ng pundasyon ng ating pagkatao at nagbibigay-daan sa pagkakataon, pang-unawa, at kaligayahan sa hinarahap.
Pagtitiyaga, Isang Bunga ng Espiritu7
Ang pagtitiyaga ay isang banal na katangiang magpapagaling sa mga kaluluwa, magbubukas ng mga yaman ng kaalaman at pang-unawa, at gagawing mga Banal at anghel ang mga karaniwang lalaki at babae. Ang pagtitiyaga ay totoong bunga ng Espiritu.
Ang pagtitiyaga ay pananatili sa isang bagay hanggang wakas. Ito ay pagpapaliban sa agarang kasiyahan para sa mga pagpapala sa hinaharap. Ito ay pagpipigil ng galit at masakit na pananalita. Ito ay paglaban sa kasamaan, kahit mukhang pinayayaman nito ang iba.
Ang pagtitiyaga ay pagtanggap sa isang bagay na hindi mababago at pagharap dito nang may tapang, gilas, at pananampalataya. Ito ay pagiging “handang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”8 Sa huli, ang pagtitiyaga ay pagiging “matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon”9 bawat oras ng bawat araw, kahit mahirap gawin iyon. Sa mga salita ni Juan na Tagapaghayag, “Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.”10
Ang pagtitiyaga ay proseso ng pagiging sakdal. Sinabi ng Tagapagligtas Mismo na sa inyong pagtitiyaga ay makakamtan ninyo ang inyong kaluluwa.11 O, sa paggamit ng ibang pagsasalin ng tekstong Griyego, “sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong kaluluwa.”12 Ang pagtitiyaga ay pananatiling sumasampalataya, batid na kung minsan ay sa paghihintay tayo higit na lumalago sa halip na sa pagtanggap. Totoo ito noong panahon ng Tagapagligtas. Totoo rin ito sa ating panahon, dahil tayo ay inutusan sa mga huling araw na ito na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap.”13
Pinagpapala Tayo ng Panginoon sa Ating Pagtitiyaga
Para mapalinaw ang sinabi ng Mang-aawit noong araw, kung matiyaga tayong maghihintay sa Panginoon, kakasihan Niya tayo. Diringgin Niya ang ating mga daing. Hahanguin Niya tayo mula sa kakila-kilabot na balon at itutuntong tayo sa matigas na bato. Pakakantahin Niya tayo ng isang bagong awitin, at pupurihin natin ang ating Diyos. Maraming makakakita nito, at magtitiwala sila sa Panginoon.14
Mahal kong mga kapatid, ganito ang pagtitiyaga: sundin ang mga utos; magtiwala sa ating Diyos Ama sa Langit; paglingkuran Siya nang may kaamuan at pagmamahal na tulad ni Cristo; sumampalataya at umasa sa Tagapagligtas; at huwag sumuko kailanman. Ang mga aral na natutuhan natin mula sa pagtitiyaga ay magpapaunlad sa ating pagkatao, magpapasigla sa ating buhay, at magpapaibayo ng ating kaligayahan. Tutulungan nila tayong maging marapat na mga maytaglay ng priesthood at tapat na disipulo ng ating Panginoong Jesucristo.
Dalangin ko na ang pagtitiyaga ay maging katangian natin na maytaglay ng priesthood ng Diyos na Maykapal; na buong tapang tayong magtiwala sa mga pangako ng Panginoon at sa Kanyang panahon; na makitungo tayo sa iba nang may pagtitiyaga at habag na hinahangad natin para sa ating sarili; at magpatuloy tayo sa pagtitiyaga hanggang sa tayo ay maging ganap. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.