2010
Elder Larry R. Lawrence
Mayo 2010


Elder Larry R. Lawrence

Ng Pitumpu

Elder Larry R. Lawrence

Sa pamamagitan ng iba’t ibang tungkulin at paglilingkod sa Simbahan, natuto si Elder Larry Ray Lawrence na “tumiwala … sa Panginoon ng buong puso [niya]” (Mga Kawikaan 3:5).

Isinilang noong Agosto 1947 kina Argil at Mary Lawrence sa Cheverly, Maryland, lumaki si Elder Lawrence sa Tucson, Arizona. Nag-aral siya sa University of Arizona, kung saan siya nagtamo ng bachelor’s degree sa agricultural biochemistry at doctorate sa medisina, na humantong sa propesyon niya bilang ophthalmologist.

Sumapi siya sa Simbahan noong 1970, sa edad na 23, at pinakasalan si Laurel Stott sa Mesa Arizona Temple noong Nobyembre 5, 1971.

Bago natawag sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, tumupad siya ng mga tungkulin kabilang na ang pagiging elders quorum president, bishop, high councilor, stake president, at stake mission president.

Sabi ni Elder Lawrence, noong tila nababawasan na ang kaabalahan niya sa buhay, at malalaki at nagsasarili na ang anim nilang anak, natawag silang mag-asawa na mangulo sa Russia Novosibirsk Mission sa Siberia noong 2001. Kinailangang sumampalataya nina Elder at Sister Lawrence nang iwan nila ang kanilang tahanan at pamilya para maglingkod sa isang lupaing ang wika, lahi, at klima ay lubos na hindi pamilyar.

“Malaking pagsubok sa amin na basta magtiwala na lang sa Panginoon,” sabi ni Sister Lawrence. “Lahat ng ipinag-alala namin ay hindi tulad ng aming inakala, at [ang karanasan] ay nagpabago sa buhay namin.”

Isang karatula sa kusina ng mission home ang naglaan ng palagiang paalala na “isaalang-alang [ang Tagapagligtas] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36).

Itinuturing nina Elder at Sister Lawrence ang kanilang karanasan sa misyon na kabilang sa pinakadakila sa kanilang buhay at pakiramdam nila ay inihanda sila nito para sa mga bago nilang responsibilidad sa tungkulin ni Elder Lawrence sa Pitumpu.

“Hindi namin alam ang mangyayari, pero alam namin na magiging mabuti ito,” sabi ni Elder Lawrence.