Rosemary M. Wixom
Primary General President
Sa isang mundong puno ng ingay at kawalan ng seguridad, kailangang matuklasan ng mga bata kung paano makinig sa mga bulong ng Espiritu, sabi ni Rosemary Mix Wixom, bagong sinang-ayunang Primary general president.
“Makatatagpo ng seguridad ang mga bata sa panalangin,” wika niya. “Alam nila na hindi sila nag-iisa kailanman, na kasama nila ang Tagapagligtas, at na mahal Niya sila—kahit kapag nagkakamali sila.”
Isinilang noong Disyembre 1948 kina Robert Wayne at Mary Mix, lumaki si Sister Wixom sa Salt Lake City, Utah, USA. Habang lumalaki, ang kakambal niyang babae ang kanyang matalik na kaibigan, at tinuruan siya ng kanyang mga magulang na magbigay nang may galak sa puso. “Pagpasok namin sa pintuan ng bahay, napanatag ako,” sabi ni Sister Wixom.
Noong 12 taong gulang siya, lumalim ang pinag- ugatan ng kanyang kapanatagan. Habang nakaupo sa pulong-patotoo, bigla niyang naramdaman ang matinding hangaring ipahayag ang kanyang damdamin tungkol sa Tagapagligtas. “Tumayo ako, at basta na lang dumaloy ang pagmamahal ko kay Jesus,” pag-alaala ni Sister Wixom. Tinulungan siya ng kanyang ina na maunawaan na ang Espiritu Santo ang naghikayat sa kanyang damdamin.
“Hindi ko akalain na napakamakapangyarihan at totoong-totoo ng Espiritu Santo,” sabi ni Sister Wixom. Lumipas ang mga taon pinuspos siya ng Espiritu Santo ng damdamin ng kapayapaan habang ipinagdarasal niya ang isa sa kanyang mga anak. Ang dalangin niya ngayon ay matulungan ng mga magulang at lider ng Primary ang mga bata na matutong makinig sa mga bulong ng Espiritu Santo.
Si Sister Wixom ay tumanggap ng bachelor’s degree sa education mula sa Utah State University. Siya at ang kanyang asawang si Blaine Jackson Wixom ay ikinasal sa Salt Lake Temple noong Agosto 18, 1970. Sila ay may anim na anak.
Si Sister Wixom ay naging miyembro ng Primary general board bago naglingkod kasama ang kanyang asawa nang mangulo ito sa Washington D.C. South Mission. Si Sister Wixom ay naglingkod kalaunan sa Young Women general board, kung saan siya naglingkod hanggang matawag bilang Primary general president.