Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan
Ang paunang espirtuwal na babala … [ay] makatutulong sa mga magulang sa Sion na maging mapagbantay at madaling makahiwatig tungkol sa kanilang mga anak.
Kamakailan nagmamaneho ako ng aking sasakyan nang magsimulang pumatak ang ulan sa windshield na dulot ng bagyong may kasamang kulog at kidlat. Sa gilid ng kalsada, isang napapanahong babala ang nakadispley: “Baha sa Daraanan.” Ang kalsada na dinaraanan ko ay tila ligtas naman. Ngunit ang mahalagang impormasyong ito ang nagpahanda sa akin sa maaaring panganib na hindi ko inaasahan at hindi nakikita. Habang patuloy ako sa aking pupuntahan, nagdahan-dahan ako at matamang inabangan ang mga karagdagang babala.
Ang paunang mga babala ay makikita sa maraming aspeto ng ating buhay. Halimbawa, ang lagnat ay maaaring sintomas ng sakit o karamdaman. Ang iba’t ibang indicator sa pananalapi at merkado ay ginagamit sa pagtaya ng kalakaran sa lokal at pandaigdigang ekonomiya sa hinaharap. At depende sa lugar sa mundo kung saan tayo nakatira, makatatanggap tayo ng mga babala sa pagbaha, pagguho ng yelo, bagyo, tsunami, tornado, o pagbagyo ng niyebe.
Biniyayaan din tayo ng paunang espirituwal na mga babala bilang pinagmumulan ng proteksyon at patnubay sa ating mga buhay. Alalahanin kung paano binalaan ng Diyos si Noe ng mga bagay na hindi pa nakikita, at siya ay “naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan” (Sa Mga Hebreo 11:7).
Si Lehi ay binalaan na lisanin ang Jerusalem at isama ang kanyang pamilya sa ilang dahil hinangad siyang patayin ng mga taong pinagsabihan niyang magsisi (tingnan sa 1 Nephi 2:1–2).
Ang Tagapagligtas mismo ay nakaligtas dahil sa babala ng isang anghel: “Narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka’t hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya’y puksain” (Mateo 2:13).
Pag-isipan ang sinabi ng Panginoon sa paghahayag na kilala bilang Word of Wisdom: “Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyang-babala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karungungan sa pamamagitan ng paghahayag” (D at T 89:4).
Ang mga espirituwal na babala ay dapat humantong sa higit pang maingat na pagbabantay. Tayo ay nabubuhay sa “araw ng babala” (D at T 63:58). At dahil tayo ay binalaan at babalaan pa, kailangan nating, tulad ng ipinayo ni Apostol Pablo, “mangagpuyat sa buong katiyagaan” (Mga Taga Efeso 6:18).
Dalangin ko ang patnubay ng Espiritu Santo habang inilalarawan ko ang isang paunang espirituwal na babala na makatutulong sa mga magulang sa Sion na maging mapagbantay at madaling makahiwatig tungkol sa kanilang mga anak. Ang paunang sistema ng babalang ito ay angkop sa lahat ng edad ng mga bata at naglalaman ng tatlong mahahalagang bahagi: (1) pagbabasa at pag-uusap tungkol sa Aklat ni Mormon kasama ang inyong mga anak, (2) pagpapatotoo nang kusang-loob sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa inyong mga anak, at (3) pag-anyaya sa mga anak bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo na kumilos at hindi lamang pinakikilos. Ang mga magulang na tapat na ginagawa ang mga bagay na ito ay pagpapalain na matanto ang paunang mga palatandaaan ng espirituwal na pag-unlad o mga hamon sa kanilang mga anak at magiging lalong handa na makatanggap ng inspirasyon na palakasin at tulungan ang mga anak na iyon.
Bahagi Bilang Isa: Pagbabasa at Pag-uusap tungkol sa Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang tanging aklat na pinatotohanan ng Panginoon na totoo (tingnan sa D at T 17:6; tingnan din sa “Isang Patotoo Tungkol sa Aklat ni Mormon,” ni Russell M. Nelson, Liahona, Ene. 2000, 84). Sa katunayan, ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.
Ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na manghikayat at magpabalik-loob ay mula sa katotohanang nakatuon ito sa Panginoong Jesucristo at sa inspiradong kalinawan at kaliwanagan ng mga turo nito. Ipinahayag ni Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan para sa aking mga tao, upang matuto sila” (2 Nephi 25:4). Ang salitang ugat na linaw sa talatang ito ay hindi tumutukoy sa mga bagay na ordinaryo o simple; sa halip, ito ay nagpapakita ng tagubilin na malinaw at madaling maunawaan.
Ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo dahil nakatuon ito sa Katotohanan (tingnan sa Juan 14:6; 1 Nephi 13:40), maging kay Jesucristo, at ipinanunumbalik ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis mula sa totoong ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 13:26, 28–29, 32, 34–35, 40). Ang pambihirang pagsasama ng dalawang bagay na ito—pagtutuon sa Tagapagligtas at kalinawan ng mga turo—ay malakas na nag-aanyaya sa pagpapatotoo ng pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, maging ang Espiritu Santo. Kaya, ang Aklat ni Mormon ay nangungusap sa espiritu at puso ng mambabasa na walang katulad sa iba pang tomo ng mga banal na kasulatan.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pagsunod sa mga alituntuning matatagpuan sa Aklat ni Mormon ay tutulong sa atin na “[mapa]lapit sa Diyos” nang higit kaysa alinmang aklat (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 74). Kapag palagian nating binasa at pinag-usapan ang tungkol sa Aklat ni Mormon, magkakaroon tayo ng lakas na mapaglabanan ang tukso at mag-iibayo ang pagmamahalan sa ating pamilya. At ang mga talakayan tungkol sa mga doktrina at alituntunin sa Aklat ni Mormon ay naglalaan ng mga pagkakataon para sa mga magulang na maobserbahan ang kanilang mga anak, mapakinggan sila, matuto sa kanila, at maturuan sila.
Anuman ang edad ng mga kabataan, maging ang mga sanggol, makatutugon at tumutugon sila sa diwa ng Aklat ni Mormon. Maaaring hindi maunawaan ng mga bata ang lahat ng salita at kuwento, ngunit tiyak na madarama nila ang “[kilalang] espiritu” na inilarawan ni Isaias (Isaias 29:4; tingnan din sa 2 Nephi 26:16). At ang mga tanong ng isang bata, ang mga obserbasyong ibinabahagi ng isang bata, at ang mga talakayang nangyayari ay nagbibigay ng isang mahalaga at paunang espirituwal na mga babala. Ang mahalaga, ang gayong pag-uusap ay makatutulong sa mga magulang na mahiwatigan ang natututuhan, iniisip, at damdamin ng kanilang mga anak tungkol sa mga katotohanang nasa sagradong tomo ng mga banal na kasulatan, gayundin ang mga problemang maaaring makaharap nila.
Bahagi Bilang Dalawa: Pagpapatotoo nang Kusang-Loob
Ang patotoo ay personal na kaalaman, nakabatay sa patotoo ng Espiritu Santo, na ang ilang mga bagay na may walang hanggang kahalagahan ay totoo. Ang Espiritu Santo ay sugo ng Ama at ng Anak at ang guro at gabay sa lahat ng katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; 16:13). Sa gayon, “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
Ang kaalaman at espirituwal na paniniwala na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo ay bunga ng paghahayag. Ang paghahangad at pagtatamo ng mga pagpapalang ito ay nangangailangan ng matapat na puso, tunay na layunin, at pananampalataya kay Cristo (see Moroni 10:4). Ang personal na patotoo ay may kaakibat ding responsibilidad at pananagutan.
Dapat na maging mapagbantay at espirituwal na masigasig ang mga magulang sa biglaang nagsusulputang pagkakataon na magpatotoo sa kanilang mga anak. Ang gayong mga pangyayari ay hindi kailangang planuhin, iiskedyul, o isulat. Sa katunayan, ang di gaanong pinlanong pagbabahagi ng patotoo ay mas malamang na makapagpasigla at magkaroon ng matagalang epekto. “Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao” (D at T 84:85).
Halimbawa, ang nagaganap na pag-uusap ng pamilya sa hapunan ay maaaring perpektong sitwasyon para sa mga magulang na ikuwento at patotohanan ang mga biyayang kanyang natanggap na may kaugnayan sa mga ginawa niya sa araw na iyon. At ang patotoo ay hindi kailangang magsimula sa mga katagang “Nagpapatotoo ako sa inyo.” Ang ating patotoo ay maipapahayag nang simple tulad ng “Alam kong nainspirasyunan ako sa trabaho ngayon” o “Ang katotohanan sa mga banal na kasulatang ito ay pinagmumulan ng lakas na palaging pumapatnubay sa akin.” Ang gayunding mga pagkakataon na magpatotoo ay maaari ding mangyari kapag magkasamang nagbibiyahe ang pamilya sa kotse o bus o sa napakarami pang sitwasyon.
Ang mga reaksyon ng mga bata sa gayong pagpapatotoo na kusang nangyari at ang kanilang kasabikan o katamlayan na makilahok ay matibay na mga pagmumulan ng paunang espirituwal na mga babala. Ang reaksyon sa mukha ng isang bata tungkol sa araling natutuhan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya o tuwirang pagtatanong tungkol sa isang alituntunin o gawain ng ebanghelyo ang maaaring pinakamalinaw at makatutulong sa mga magulang na mas maunawaan ang partikular na tanong o pangangailangan ng bata. Ang gayong pag-uusap—lalo na kapag ang mga magulang ay sabik na makinig mabuti tulad ng kasabikan nilang magsalita—ay makalilikha ng isang kapaligirang sumusuporta at nagbibigay ng seguridad sa tahanan at humihikayat pa ng patuloy na pag-uusap tungkol sa mahihirap na paksa.
Bahagi Bilang Tatlo: Pag-anyaya sa mga Anak na Kumilos
Sa malaking pagkakabaha-bahagi ng lahat ng nilikha ng Diyos, may “mga bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos” (2 Nephi 2:14). Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, tayo ay biniyayaan ng kaloob na kalayaan, ang kakayahan at kapangyarihang kumilos para sa sarili. Dahil napagkalooban ng kalayaan, tayo ang mga kinatawan ng ating sarili, at tayo ang talagang kumikilos at hindi pinakikilos—lalo na kapag tayo ay “mag[ha]hangad na matuto … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).
Bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo, dapat tayong maging “tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22). Nabubuksan ang ating mga puso sa impluwensya ng Espiritu Santo kapag ginamit natin nang wasto ang kalayaan at kumikilos ayon sa tamang mga alituntunin—at dahil diyan ating inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihang magturo at magpatotoo. Ang mga magulang ay may sagradong tungkulin na tulungan ang kanilang mga anak na kumilos at maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. At walang napakabatang anak para makibahagi sa huwarang ito ng pagkatuto.
Sa pagbibigay sa isang tao ng isda, makakakain siya nang isang beses. Ang pagtuturo sa isang tao na mangisda ay magbibigay sa kanya ng pagkain habang buhay. Bilang mga magulang at tagapagturo ng ebanghelyo, kayo at ako ay narito hindi upang magbigay ng isda; sa halip, ang ating gawain ay turuan ang ating mga anak na matutong “mangisda” at maging matatag sa espirituwal. Ang mahalagang mithiing ito ay pinakamainam na matatamo kapag hinihikayat natin ang ating mga anak na kumilos ayon sa wastong mga alituntunin—kapag tinutulungan natin sila na matuto sa pamamagitan ng pagsasagawa nito. “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios” (Juan 7:17). Ang gayong pag-aaral ay nangangailangan ng pagpupunyagi sa espirituwal, isipan, at pisikal at hindi basta lamang pagtanggap nang walang ginagawa.
Ang pag-aanyaya sa mga anak bilang mag-aaral ng ebanghelyo na kumilos at hindi lamang pinakikilos ay nakasalig sa pagbabasa at pag-uusap tungkol sa Aklat ni Mormon at pagpapatotoo na kusang nangyari sa tahanan. Ilarawan, halimbawa, sa inyong isipan ang isang family home evening na kasali ang mga bata at inaasahang handang magtanong tungkol sa nabasa nila at napag-aralan sa Aklat ni Mormon—o tungkol sa isang isyu na binigyang-diin kamakailan sa talakayan ng ebanghelyo o pagpapatotoo na kusang nangyari sa tahanan. At ilarawan pa na nagtanong ang mga bata at hindi gaanong handa ang mga magulang para masagot ito. Maaaring mangamba ang ilang magulang tungkol sa gayong hindi pormal na pagsasaayos ng mga aktibidad sa home evening. Ngunit ang pinakamagandang family home evening ay hindi kinakailangang mula sa gawa na, nabibili, o nakukuhang mga pakete ng mga outline at visual aid sa Internet. Napakagandang pagkakataon para sa mga miyembro ng pamilya na saliksikin ang mga banal na kasulatan nang magkakasama, at maturuan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. “Sapagkat ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; … at silang lahat ay gumagawa, bawat tao ayon sa kanyang lakas” (Alma 1:26).
Tinutulungan ba natin ang ating mga anak na makatayo sa sarili nilang mga paa na kumikilos at naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, o sinanay natin ang ating mga anak na maghintay na maturuan at pakilusin? Inuuna ba nating mga magulang na bigyan ang ating mga anak ng katumbas na espirituwal na isda na kakainin, o palagian natin silang tinutulungan na kumilos, matuto para sa kanilang sarili, at tumayo nang matatag at di natitinag? Tinutulungan ba natin ang ating mga anak na maging sabik sa pagtatanong, paghahanap, at pagkatok? (Tingnan sa 3 Nephi 14:7.)
Ang espirituwal na pagkaunawang natanggap natin, at napagtibay na totoo sa ating mga puso, ay hindi basta maibibigay sa ating mga anak. Ang itinurong sigasig at paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay dapat tumbasan para matamo at “maangking kanya” ang gayong kaalaman. Sa paraang ito lamang madarama rin sa puso ang nalalaman ng isipan. Sa paraang ito lamang makakakilos ang bata nang higit pa sa pag-asa sa espirituwal na kaalaman at mga karanasan ng mga magulang at matatanda at maangkin ang mga pagpapalang iyon na kanya. Sa paraang ito lamang magiging espirituwal na handa ang ating mga anak para sa mga hamon ng mortalidad.
Pangako at Patotoo
Pinatototohanan ko na ang mga magulang na palaging nagbabasa at nag-uusap tungkol sa Aklat ni Mormon kasama ang kanilang mga anak, na kusang nagbabahagi ng kanilang mga patotoo sa kanilang mga anak, at nag-aanyaya sa mga anak bilang mag-aaral ng ebanghelyo na kumilos at hindi lamang pinakikilos ay bibiyayaan ng mga matang makakakita sa malayo (tingnan sa Moises 6:27) at mga taingang makaririnig ng mga tunog ng pakakak (tingnan sa Ezekiel 33:2–16). Ang matatanggap ninyong espirituwal na paghiwatig at inspirasyon mula sa pagsasama ng tatlong banal na gawaing ito ay magpapatayo sa inyo bilang mga bantay sa tore para sa inyong mga pamilya—“mangagpuyat sa buong katiyagaan” (Mga Taga Efeso 6:18)—sa pagpapala ng inyong pamilya at inapo. Ipinangangako ko ito at pinatototohanan sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.