Cheryl A. Esplin
Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency
Si Cheryl Asay Esplin, pangalawang tagapayo sa Primary general presidency, ay hindi makaalaala na kahit minsan ay hindi siya naniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. “Bata pa ay tinuruan na akong magdasal,“ sabi niya. “Natatandaan kong nagdarasal muna ako para makatanggap ng tulong bago ako gumawa ng anuman, at tuwina akong nakatatanggap ng sagot sa aking mga dalangin.
Isinilang noong Oktubre 1944 kina Orson at Mildred Asay, lumaki si Sister Esplin sa isang bukirin walong milya (13 km) pasilangan ng Lovell, Wyoming, USA. Ikalawa siya sa panganay sa kanilang magkakapatid, at lagi siyang nauutusang mag-alaga ng bata. Habang nagbabantay sa kanyang mga nakababatang kapatid, natatandaan ni Sister Esplin na ipinanalangin niya ang kaligtasan ng kanilang pamilya habang wala ang kanyang mga magulang.
Nagtapos si Sister Esplin nang may bachelor’s degree sa elementary education mula Brigham Young University. Habang nag-aaral, nakilala niya ang kanyang asawa, si Max Esplin, at nagpakasal sila sa St. George Utah Temple noong ika -1 ng Setyembre 1967. Sa pagtatapos ng pag-aaral, pumasok sa militar si Brother Esplin, at nagturo sa fifth grade sa loob ng dalawang taon si Sister Esplin na malapit sa kanyang pamilya sa Byron, Wyoming.
Naglingkod siya sa mga auxiliary ng Relief Society, Young Women, at Primary. Ang kanyang pinakahuling tungkulin ay sa Primary general board. Naglingkod din siya kasama ng kanyang asawa nang maging pangulo ito ng North Carolina Raleigh Mission.
May limang anak ang mga Esplin. Mahilig maggugol ng oras sa kanyang mga apo si Sister Esplin; nagluluto sila ng hot cake at waffle, naglalaro ng dress-up, nagha-hiking, at sama-samang nagbabasa.
Malapit sa puso ni Sister Esplin ang mensahe ng paborito niyang banal na kasulatan, sa Doktrina at mga Tipan 84:88: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.” Umaasa siya na maalala ng mga bata na laging makakausap nila ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.