2010
Lahat ng mga Bagay ay Nagkakalakip na Gumagawa sa Ikabubuti
Mayo 2010


Lahat ng mga Bagay ay Nagkakalakip na Gumagawa sa Ikabubuti

Maaaring hindi natin malaman sa buhay na ito kung bakit natin dinaranas ito, ngunit makapagtitiwala tayo na maaaring umunlad ang ating pagkatao mula sa karanasang ito.

Elder James B. Martino

Noong bata pa ako inaabangan ko ang panahon ng tagsibol. Habang umiinit ang klima, handa na ako sa pagsisimula ng baseball. Gaya ng karamihan sa mga binatilyo, pangarap kong maging bantog na manlalaro ng baseball. Naaalala ko ang kuwento tungkol sa isang napakabatang lalaki na iyon din ang pangarap. Sa hangaring maging bantog na manlalaro ng baseball, nagpasiya siyang lumabas at magpraktis. Hinawakan niya ang bola sa isang kamay at ang bat o pamalo sa kabilang kamay, at inihagis niya ang bola sa ere. Sa hangaring mapalo nang malayo ang bola sa abot-kaya niya, pumalo siya nang malakas, ngunit bumagsak ang bola sa lupa nang hindi man lang nakanti ang pamalo. Ayaw niyang sumuko, kaya sinubukan niya itong muli. Nang ibabato na niya ang bola sa ere, lumakas ang determinasyon niya nang maisip niyang paluin ito nang malakas. Ngunit sa wakas, gayon pa rin ang nangyari. Bumagsak sa lupa ang bola. Ngunit tulad ng alam ng sinumang mahusay na manlalaro ng bola, may tatlo kang strike bago ka ma-out. Dinagdagan niya ang konsentrasyon, ibinato ang bola sa ere, at ibinuhos ang lakas sa pagpalo. Nang muling bumagsak sa lupa ang bola, nagsimulang mangilid ang kanyang mga luha. Nang bigla siyang mapangiti nang todo, at sinabi niyang, “Ang galing ng pitcher!”

Bawat isa sa atin ay daranas ng mga pagsubok, at tulad ng simpleng halimbawang ito, ang reaksyon natin sa mga paghihirap na iyon ang magpapasiya ng ating tagumpay at kaligayahan. Bawat isa sa atin ay daranas ng kagipitan saanman tayo naroon. Itinuro sa atin sa mga banal na kasulatan na “kinakailangan … na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”1 Bawat isa sa atin ay daranas ng mga paghihirap, at ang problema ay hindi kailan kundi kung paano natin haharapin ang mga ito.

Itinuro ni Apostol Pablo ang isang nakawiwiling aral ilang taon lang bago danasin ng mga Banal sa Roma ang ilan sa pinakamararahas na pang-uusig noong panahon ng Kristiyanismo. Ipinaalala ni Pablo sa mga Banal na “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.”2 Ang ating Ama sa Langit, na lubos at ganap na nagmamahal sa atin, ay hinahayaang magkaroon tayo ng mga karanasang huhubog sa mga pag-uugali at katangiang kailangan natin para mas lalo tayong maging katulad ni Cristo. Maraming anyo ang ating mga pagsubok, ngunit bawat isa ay nagtutulot na maging higit na katulad tayo ng Tagapagligtas habang natututuhan nating kilalanin ang kabutihang nagmumula sa bawat karanasan. Kapag naunawaan natin ang doktrinang ito, lalo nating matitiyak ang pagmamahal ng ating Ama. Maaaring hindi natin malaman sa buhay na ito kung bakit natin dinaranas ito, ngunit makapagtitiwala tayo na maaaring umunlad ang ating pagkatao mula sa karanasang ito.

Alam ko na ngayon na mas madaling lumingon kapag tapos na ang pagsubok at makita kung ano ang natutuhan natin mula sa ating karanasan, ngunit ang hamon ay ang magkaroon tayo ng walang hanggang pananaw habang dumaranas tayo ng pagsubok. Para sa ilan, maaaring hindi matindi ang ating mga pagsubok, ngunit sa bawat isa sa atin na dumaranas ng mga ito, totoo ang mga pagsubok at kailangan nating magpakumbaba sa harapan ng Diyos at matuto mula sa Kanya.

Sa Linggong ito ng Paskua, alalahanin natin ang buhay ng ating Tagapagligtas. Siya ang gusto nating gayahin sa lahat ng ating gawain. Babanggit ako ng limang bagay na matututuhan natin mula sa mga huling sandali ng buhay ng Tagapagligtas sa lupa na makakatulong sa pagharap natin sa sarili nating mga pagsubok.

Una, hinangad Niyang huwag gawin ang Kanyang kalooban kundi ang kalooban ng Kanyang Ama. Nanatili Siyang tapat sa Kanyang sagradong misyon kahit sa oras ng pagsubok. Nang magpatirapa Siya sa Halamanan ng Getsemani, hiniling Niya, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”3 Kung minsan dumaranas tayo ng pasakit at kalungkutan upang matuto tayo at maging handa para sa darating na mga pagsubok. May tanong ako sa inyong mga ina: “Gagawa ba kayo ng isang bagay na magdudulot ng pasakit at luha sa inyong mga anak kahit wala silang nagawang mali?” Siyempre naman! Bawat mabuting ina ay dinadala sa doktor ang kanyang musmos na anak para pabakunahan, at halos bawat anak na umaalis sa klinika ng doktor ay umiiyak. Bakit ninyo ginagawa iyan? Dahil alam ninyo na ang kaunting sakit ngayon ay magpoprotekta sa kanila sa posibleng sakit at pagdurusa sa hinaharap. Alam ng ating Ama sa Langit ang katapusan sa simula pa lang. Kailangan nating sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas at magtiwala sa Kanya.

Ikalawa, kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok, dapat tayong matutong huwag magreklamo o bumulung-bulong. Sinabi sa atin ni Nephi, pagkatapos ng isang magandang pangitain tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas: “Anupa’t kanilang hahagupitin siya, at titiisin niya ito; at kanilang sasampalin siya, at titiisin niya ito. Oo, kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito, dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao.”4 Lagi nating subukang itama ang problema at daigin ang pagsubok, ngunit sa halip na itanong na, “Bakit ako?” o “Ano ang ginawa ko para danasin ito?” siguro ang dapat nating itanong ay “Ano ang gagawin ko? Ano ang matututuhan ko mula sa karanasang ito? Ano ang dapat kong baguhin?”

Ilang taon na ang nakararaan habang naglilingkod ako sa Venezuela, iniwan ng bunsong anak namin ang komportable niyang paaralan para sumama sa amin. Hindi siya nagreklamo, pero halatang nahirapan siya nang magpunta siya sa bansang ito kung saan ang lahat ay bago sa kanya; ngunit sa kamangha-manghang takbo ng mga pangyayari, ang pagsubok na ito ay naging malaking pagpapala sa buhay niya. Nagawa niya ito nang baguhin niya ang sarili niyang pag-uugali at nagkaroon siya ng determinasyong magtagumpay.

Ikatlo, kapag nahaharap tayo sa mga hamon, dapat tayong humiling ng mas malaking tulong sa Diyos. Maging ang Tagapagligtas nating lahat ay kinailangang magdasal “nang mas taimtim” habang Siya ay nasa Halamanan ng Getsemani.5 Matututo tayong magkaroon ng mas malaking pananampalataya kapag ginawa natin ito. Dapat nating alalahanin na kadalasan ay hindi naaalis ng mga sagot ng ating Ama sa Langit ang pagsubok, sa halip ay tumutulong Siya upang lumakas tayo habang dinaranas natin ito. Gaya ng ginawa Niya sa mga alagad ni Alma, “pagagaanin [ng Panginoon] ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod.”6 Sa ating mga pagsubok, huwag tayong magalit o magwalang-bahala, bagkus ay sundan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas na maging mas taimtim, taos, at tapat.

Ikaapat, matutong maglingkod at isipin ang ibang tao maging sa oras ng ating pagsubok. Si Cristo ang huwaran ng paglilingkod. Ang buhay Niya ay puno ng mga halimbawa ng pagtulong at paglilingkod sa iba, at ang pinakadakilang kaloob Niya sa lahat ay ang ginawa Niya para sa atin. Sabi nga Niya, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi.”7 Dapat tayong magsisi at saka natin sundan ang Kanyang halimbawa ng paglilingkod. Kapag naglilingkod tayo sa iba, nalilimutan natin ang sarili nating mga problema, at sa pagsisikap na ibsan ang sakit o hirap ng iba, pinalalakas natin ang ating sarili.

Sa huli nating pangkalahatang kumperensya, sinabi ng ating mahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson, na: “Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.”8

Ikalima, patawarin ang iba at huwag tangkaing isisi sa kanila ang ating sitwasyon. Kung minsan gusto nating sabihin, “Kung hindi nila ginawa ito, hindi ko sana ginawa iyon.” May tendensiya ang likas na tao na sisihin ang iba para hindi nila panagutan ang mga ginawa nila. Tumingin ang Tagapagligtas sa mga nagpako sa Kanya sa krus at nakiusap sa Kanyang Ama sa Langit na “patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”9 Hindi ba natin kayang maging higit na mapagpatawad?

Habang dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay, panatilihin natin ang walang hanggang pananaw, huwag tayong magreklamo, maging mas madasalin tayo, maglingkod tayo sa iba, at patawarin natin ang isa’t isa. Kapag ginawa natin ito, “lahat ng mga bagay [ay magkakalakip na gagawa] sa ikabubuti [natin] na nagsisiibig sa Dios.”10 Taimtim at tiyak kong pinatototohanan na mahal tayo ng ating Ama at ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang ipakita at ituro sa atin ang daan. Siya ay nagdusa, Siya ay namatay, at Siya ay nabuhay na mag-uli upang tayo ay mabuhay, at hangad Niya na tayo ay “magkaroon ng kagalakan,”11 maging sa ating mga pagsubok sa buhay. Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. 2 Nephi 2:11.

  2. Mga Taga Roma 8:28.

  3. Lucas 22:42.

  4. 1 Nephi 19:9.

  5. Lucas 22:44.

  6. Mosias 24:14.

  7. Doktrina at mga Tipan 19:16.

  8. Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 85.

  9. Lucas 23:34.

  10. Mga Taga Roma 8:28.

  11. 2 Nephi 2:25.