2010
Mensahe sa Pagtatapos
Mayo 2010


Mensahe sa Pagtatapos

Ipinadadala sa atin ng Panginoon ang Kanyang liwanag na madaling makilala at laging tumatanglaw.

President Thomas S. Monson

Napakaganda ng huling sesyon na ito. Bihira akong makarinig ng napakahuhusay na mga sermon na itinuro sa iilang salita tulad ng naranasan natin ngayon. Narito tayong lahat dahil mahal natin ang Panginoon. Gusto nating maglingkod sa Kanya. Ang ating Ama sa Langit ay palaging nakasubaybay sa atin. Iyan ay pinatototohanan ko. Kinikilala ko ang Kanyang kamay sa lahat ng bagay.

Isang maikling banal na kasulatan:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”1

Iyan ang kuwento ng buhay ko.

Mahal kong mga kapatid, papatapos na tayo sa lubhang nagbibigay-sigla at nagbibigay-inspirasyong kumperensya. Matapos makinig sa payo at mga patotoo ng mga nagsalita sa atin, naniniwala akong lubos tayong pinagpala at mas determinado tayo ngayong ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Napakabuti na naparito tayo ngayon. Ipinaaabot namin ang pasasalamat sa bawat isa na nagsalita sa atin, gayundin sa mga nag-alay ng panalangin.

Napakaganda ng musika. Naaalala ko ang talatang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.”2

Ipinaaalala namin sa inyo na ang mga mensaheng narinig natin sa kumperensyang ito ay ililimbag sa isyu ng mga magasing Ensign at Liahona sa Mayo. Hinihikayat ko kayong pag-aralan ang mga mensahe, pag-isipan ang mga itinuturo, at ipamuhay ang mga ito.

Alam kong kaisa ko kayo sa pagpapasalamat sa mga kalalakihan at kababaihan na na-release sa kumperensyang ito. Naglingkod silang mabuti at nakagawa ng mga makabuluhang kontribusyon sa gawain ng Panginoon. Lubos ang kanilang dedikasyon. Taos-puso namin silang pinasasalamatan.

Ngayon, sinang-ayunan din natin, sa pagtataas ng mga kamay, ang mga kalalakihan at kababaihan na tinawag sa mga bagong katungkulan sa kumperensyang ito. Gusto naming ipaalam sa kanila na inaasam namin ang makasama sila sa layunin ng Panginoon.

Mga kapatid, ngayon, habang minamasdan natin ang mundo sa ating paligid, nahaharap tayo sa mabibigat na problema na nakababahala sa atin. Ang mundo ay tila lumisya na sa landas ng kaligtasan at lumayo na sa daungan ng kapayapaan.

Ang kaluwagan, imoralidad, pornograpiya, pagiging di tapat, at marami pang kasamaan ang dahilan ng paglulublob ng mga tao sa kasalanan at nawawalan na sila ng pagkakataon, napagkakaitan ng mga pagpapala, at gumuguho ang mga pangarap.

Ang payo ko sa ating lahat ay tumingin sa parola ng Panginoon. Walang napakakapal na hamog, napakadilim na gabi, napakalakas na unos, walang marinong naligaw na hindi maililigtas ng parola ng Panginoon. Tumatanglaw ito sa kabila ng mga unos ng buhay. Ipinadadala sa atin ng Panginoon ang Kanyang liwanag na madaling makilala at laging tumatanglaw.

Gustung-gusto ko ang mga salita sa Mga Awit: “Ang Panginoon ang aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya’y manganganlong ako; … Ako’y tatawag sa Panginoon … sa gayo’y maliligtas [ako] sa aking mga kaaway.”3

Mahal tayo ng Panginoon, mga kapatid, at pagpapalain tayo kapag tumawag tayo sa Kanya.

Malaki ang pasasalamat natin sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa lahat ng kabutihang hatid nito sa ating buhay. Ibinuhos ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala sa ating mga tao. Pinatototohanan ko sa inyo na ang gawaing ito ay totoo, na buhay ang ating Tagapagligtas, at Siya ang gumagabay at pumapatnubay sa Kanyang Simbahan dito sa lupa.

Ngayon, sa pagtatapos nitong kumperensya, puno ng galak ang puso ko at maganda ang pakiramdam ko. Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa inyo. Salamat sa inyong mga dalangin para sa akin at para sa lahat ng mga General Authority ng Simbahan. Dinirinig ng Panginoon ang inyong mga dasal at pinagpapala kami at ginagabayan kami sa mga gawain ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Ito ay labis naming pinasasalamatan.

Sa pag-alis natin sa kumperensyang ito, iniiwan ko sa inyo ang mga pagpapala ng langit. Sa pag-uwi ninyo sa inyong mga tahanan sa iba’t ibang panig ng mundo, dalangin ko sa ating Ama sa Langit na pagpalain kayo at ang inyong mga pamilya. Nawa ang mga mensahe at diwa nitong kumperensya ay makita sa lahat ng inyong ginagawa—sa inyong tahanan, sa inyong trabaho, sa inyong mga miting, at sa lahat ng inyong gawain.

Mahal ko kayo. Ipinagdarasal ko kayo. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa ang Kanyang ipinangakong kapayapaan ay mapasainyo ngayon at sa tuwina, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Mga Kawikaan 3:5–6.

  2. Doktrina at mga Tipan 25:12.

  3. Mga Awit 18:2–3.