2010
Sinabi sa Akin ni Inay
Mayo 2010


Sinabi sa Akin ni Inay

Marahil kaya iisa ang ating nadarama sa pagmamahal ng ating ina ay dahil inilalarawan nito ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas.

Elder Bradley D. Foster

Ibinigay ng Panginoon sa mga magulang ang pangunahing responsibilidad na espirituwal na pangalagaan ang kanilang mga anak. Kung minsan ang responsibilidad na ito ay binabalikat ng iisang magulang. Medyo bata pa ang aking ina nang mamatay ang aking ama, dahil doon siya lang ang nagpalaki sa apat na anak. Ngunit hinarap niya ang kanyang responsibilidad nang may pananampalataya at tapang, at nangako na kung mananatili kami sa landas ng katotohanan, ang wakas ay magiging mas maganda kaysa simula. Tulad ng iba pang mga anak ng magigiting na ina sa Aklat ni Mormon, “hindi kami [nag-alinlangan], nalalaman ito ng aming [ina]” (Alma 56:48). Mga kapatid, nauunawaan ko dahil sa naranasan ko mismo ang malaking impluwensya ng mga ina.

Ang butihin kong kaibigan na si Don Pearson ay nagkuwento tungkol sa impluwensyang ito. Isang gabi hiniling ng kanyang apat-na-taong gulang na anak na basahan ito ng kuwento bago matulog. Pinili ni Eric ang paborito niyang aklat na: The Ballooning Adventures of Paddy Pork, na kuwento tungkol sa pamilyang nakatira sa mga pulo ng dagat at naglalakbay sa iba’t ibang pulo gamit ang hot-air balloon. Aklat ito na puro larawan at walang mga salita, kaya’t imbento lang ni Brother Pearson ang mga salita sa kuwento.

“Si Paddy ay nasa hot-air balloon. Pababa na siya sa isang pulo. Inilaglag niya ang isang tali na nasa tagiliran ng lobo.”

Pinatigil siya ni Eric. “Itay, hindi po tali ‘yan. Lubid po ‘yan.”

Tiningnan ni Brother Pearson si Eric at muling tiningnan ang aklat, at nagpatuloy siya: “Si Paddy ay lumalabas na sa lobo at bumababa sa puno. Naku! Sumabit ang coat niya sa sanga!”

Muli siyang pinatigil ni Eric. “Itay, hindi po coat ‘yan. Jacket ‘yan.”

Sa oras na iyon medyo naguguluhan na si Brother Pearson. “Eric,” sabi niya, “wala namang mga salita sa aklat na ito, puro larawan lang. Bakit pinagpipilitan mong jacket ‘yan?”

Sagot ni Eric, “Kasi po sinabi sa akin ni Inay.”

Isinara ng kanyang ama ang aklat at sinabi, “Eric, sa palagay mo sino ang nagdedesisyon, sino ang lider sa bahay na ito?”

Sa sandaling ito nag-isip na mabuti si Eric bago sumagot, “Kayo po, Itay.”

Ngumiti si Brother Pearson sa anak. Ang galing ng sagot mo! “Paano mong nalaman ‘yan?”

Mabilis na sumagot si Eric, “Sinabi po sa akin ni Inay.”

Tulad ng sabi ni Pangulong James E. Faust: “Wala nang mas bubuti pa sa buong mundo sa pagiging ina. Ang impluwensya ng isang ina sa buhay ng kanyang mga anak ay hindi mapapantayan” (“Mga Ama, Ina, Kasal,” Liahona, Ago. 2004, 3).

Sa plano ng Diyos, ang pag-aalaga ay tila bahagi ng espirituwal na pamanang ibinigay sa mga babae. Nakita ko ito sa mga anak kong babae, at ngayon nakikita ko sa mga apo kong babae—bago pa sila matutong maglakad, gusto na nilang kargahin at alagaan ang munti nilang mga manyika.

Bilang magsasaka at rantsero, nagkaroon ako ng pagkakataong mamasdan kung paano lumilitaw ang likas na pangangalaga ng ina. Tuwing tagsibol dinadala namin ang mga baka at ang mga guya sa tabi ng Idaho Snake River, kung saan nanginginain sila sa paanan ng burol nang mga isang buwan. Pagkatapos ay tinitipon namin sila at ibinababa sa daang papunta sa kural. Mula roon isasakay sila sa mga trak at ibibiyahe papunta sa mga pastulan sa Montana.

Isang napakainit na araw ng tagsibol, tumulong ako sa pagtitipon ng mga baka at nakapuwesto sa likuran ng kawan habang papunta ang mga ito sa maalikabok na daan papuntang kural. Ang trabaho ko ay tipunin ang mga baka na gumagala palayo sa daan. Mabagal gawin ito kaya nakakapag-isip-isip pa ako.

Dahil napakainit, nagtatakbuhan ang mga guya sa mga puno para maliliman. Nabaling ang isipan ko sa mga kabataan ng Simbahan na kung minsan ay nalalayo sa tuwid at makitid na landas. Naisip ko rin ang mga umalis sa Simbahan o ipinapalagay na iniwan sila ng Simbahan habang nakatuon sila sa ibang bagay. Naisip ko na hindi kailangang maging masama ang panggagambala para maging epektibo ito—kung minsan puwedeng isang lilim lang ito.

Matapos ang ilang oras ng pagtipon sa mga nagsigalang guya at tumatagaktak na pawis sa aking mukha, nanghihinang sinigawan ko ang mga guya, “Sumunod lang kayo sa mga nanay ninyo! Alam nila kung saan sila pupunta! Dati na silang dumadaan dito!” Alam ng kanilang mga ina na kahit mainit at maalikabok ang daan ngayon, ang wakas ay magiging mas maganda kaysa sa simula.

Matapos naming maipasok sa kural ang kawan, napansin namin ang tatlong baka na hindi mapakali sa tarangkahan. Hindi nila makita ang kanilang mga guya at tila nararamdaman nilang nasa daan pa ang mga ito. Isa sa mga cowboy ang nagtanong sa akin kung ano ang gagawin. Sabi ko, “Alam ko na kung nasaan ang mga guya. Mga sangkapat ng isang milya [0.4 km] mula rito ay may maliliit na puno. Sigurado akong doon natin sila makikita.”

Tama nga ang suspetsa ko, naroon ang mga nawawalang guya at umiidlip sa lilim ng puno. Nagulat sila nang lumapit kami, at nagpipiglas nang tipunin namin. Natakot sila dahil hindi kami ang kanilang mga ina! Habang mas sinisikap naming itulak sila papunta sa kural, lalo silang nagmamatigas. Bandang huli sinabi ko sa mga cowboy, “Sori. Alam ko na ang gagawin. Bumalik tayo at palabasin natin ang mga nanay nila sa kural. Pupunta ang mga baka at kukunin ang mga guya nila, at susundan ng mga guya ang mga nanay nila.” Tama ako. Alam na alam ng mga inahing baka kung saan hahanapin ang kanilang mga guya, at inakay nila ang mga ito pabalik sa kural, tulad ng inaasahan ko.

Mga kapatid, sa mundo kung saan ang bawat isa ay binigyan ng kalayaang pumili, maaaring may panahong naliligaw ang ating mga mahal sa buhay. Pero hindi tayo dapat sumuko. Dapat natin silang balik-balikan—huwag tayong titigil kahit kailan. Ang ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, ay nakiusap na sagipin natin ang mga mahal natin sa buhay na maaaring naliligaw (tingnan, halimbawa, ang “Gampanan ang Tungkuling Itinalaga sa Inyo,” Liahona, Mayo 2003, 54–57). Sa tulong ng mga lider ng priesthood, dapat magpabalik-balik ang mga magulang at hanapin ang naliligaw nilang mga mahal sa buhay, at tiyakin sa kanila na laging may “tahanan” sa pamilya at sa Simbahan, na naghihintay sa kanilang pagbabalik. Hindi natin alam kung kailan magbabago ang puso ng isang tao. Hindi natin alam kung kailan napapagod ang kaluluwa at suko na sa pasakit ng mundo. Kapag nangyayari iyan, tila unang bumabaling ang ating mga anak sa kanilang Ina, taglay ang damdaming ipinahiwatig sa isang tula ni Elizabeth Akers Allen:

Lumayo ka, lumayo ka, o malungkot na nakaraan!

Pagod na ako sa pagluha’t kahirapan, …

Sa walang kabuluhan, at panlilinlang,

Ina, oh, Ina, puso ko’y ikaw ang kailangan! …

Sa aking puso, sa panahong nagdaan,

Pagmamahal ng ina’y di mapapantayan; …

Walang ibang papawi ng dusa maliban sa Ina

Sa pagod na isip at nagdurusang kaluluwa.

Hayaang sa pagtulog ay mapanatag ako;

Iduyan mo ako Inay, Ako’y iduyan mo!

(“Rock Me to Sleep,” The Family Library of Poetry and Song, inedit ni William Cullen Bryant [1870], 190–91; ginawang makabago ang pagbabantas.)

Marahil kaya iisa ang ating nadarama sa pagmamahal ng ating ina ay dahil inilalarawan nito ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas. Tulad ng sabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang pagmamahal ng tunay na ina ay mas katulad ng pagmamahal ng Diyos kaysa iba pang uri ng pagmamahal” (“The Love of Mother,” Improvement Era, Ene. 1910, 278).

Tulad ng iba pang mga bagay, nagbigay ng perpektong halimbawa ang Tagapagligtas sa pagmamahal na ipinakita Niya sa Kanyang ina dito sa mundo. Sa huli, at pinakamahalagang sandali ng Kanyang buhay sa lupa—matapos ang dusa sa Getsemani, ang pakunwaring paglilitis, ang korona ng mga tinik, ang mabigat na krus kung saan buong kalupitan Siyang ipinako—nakayukong tumingin si Jesus mula sa krus at nakita ang Kanyang ina, si Maria, na pumaroon upang makapiling ang kanyang Anak. Ang Kanyang huling pagpapakita ng pagmamahal bago Siya namatay ay ang pagtiyak na mapangangalagaan ang Kanyang ina, na sinasabi sa Kanyang alagad, “Narito, ang iyong ina!” At mula nang oras na iyon ay kinupkop ng disipulo ang ina sa kanyang sariling tahanan. Gaya ng sinasabi sa mga banal na kasulatan, nalaman ni Jesus na “ang lahat ng bagay ay naganap na,” at iniyuko Niya ang Kanyang ulo at namatay (tingnan sa Juan 19:27–28, 30).

Ngayon nakatayo ako sa inyong harapan upang patotohanan na si Jesucristo ang tunay na Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Ito ang Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nais ng ating Ama sa Langit na makabalik sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak. Alam ko ito nang walang pagtutol dahil pinatotohanan ito ng Espiritu Santo sa aking puso. Hindi ko alam noon—noong bata pa ako na kailangan kong umasa sa patotoo ng aking mga magulang. Tiniyak ng aking ina na kung mananatili ako sa landas ng katotohanan, kahit mainit at maalikabok ang daan, kahit may mga panggagambala, ang wakas ay magiging mas maganda kaysa simula. Walang hanggan kong pasasalamatan na sinabi iyon sa akin ni Inay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.