Mga Miyembro sa Haiti Sumusulong, Matatag sa Ebanghelyo
Nang manalanta ang isang lindol sa Haiti noong Enero 2010, nagtatakbo pauwi si Jean-Elie René upang tiyaking ligtas ang kanyang pamilya. Nang makarating, namataan niya ang isa sa kanyang tatlong anak na lalaki na umiiyak sa lansangan, at dinig niya ang pagsigaw ng isa pang anak mula sa mga guho ng dating kinatatayuan ng tahanan ng pamilya.
Sinundan ng 32-anyos na ama ang pinanggagalingan ng iyak at naghukay sa mga labi hanggang sa matagpuan niya ang kanyang limang taong gulang na anak na lalaki at ang bangkay ng kanyang asawa na nagdadalantao, na nakaprotekta pa rin sa kanilang siyam na buwang gulang na sanggol mula sa bumagsak na bubong ng kanilang tahanan.
Si Brother Rene ang ward clerk sa Leogane Ward, Port-au-Prince Haiti Stake. Bagama’t nawala ang kanyang kabiyak, ang kanyang anak na nasa sinapupunan ng kanyang asawa, at kanyang tahanan, hindi siya nagrereklamo o nagagalit sa kanyang situwasyon. Nang mga sumunod na araw matapos ang lindol, si Brother Rene ay matatagpuan sa meetinghouse, kasama ang sanggol sa kanyang kandungan at ang dalawa pa niyang anak na lalaki sa magkabilang panig, tumutulong sa bishop sa pakikipag-coordinate sa tulong na ibinigay sa mga miyembro ng ward at iba pang pansamantalang nanirahan sa meetinghouse.
Nakakaantig ang kuwento ni Brother Rene, ngunit hindi ito kakaiba. Malaki ang hirap na dinanas ng mga miyembro ng Simbahan sa buong Haiti dahil sa pinsalang dulot ng 7.0 na lakas ng lindol, ngunit ipinakita lamang ng kalamidad ang lakas ng dumaraming mga miyembro sa Haiti. Tulad ni Brother Rene, maraming miyembro—kapwa ang matatagal nang miyembro at ang unang henerasyon ng mga miyembro—ang nalampasan ang mga hamon at nagkaroon ng kapayapaan at kapanatagan sa pagiging tapat at masunurin.
Napatunayan sa Pagsubok
Sa mga pagsubok sa kanilang buhay, ang mga miyembro ng Simbahan sa Haiti ay nananatiling matatag sa ebanghelyo habang pinangangalagaan at pinalalakas nila ang isa’t isa at ang iba pa sa kanilang mga komunidad.
“Totoo na lahat ng aming ari-arian, maging ang aming mga materyal na pag-aari at aming mga pamilya, ay naglaho. Ngunit ang aming pananampalataya kay Jesucristo ay hindi nasira,” sabi ni Yves Pierre-Louis, bishop ng Leogane Ward. “Magandang pagkakataon iyon para masuri namin ang aming sarili bilang mga disipulo ni Cristo.”
Ang mga lokal na lider ng priesthood ay mga dakilang halimbawa ng pananampalataya at patotoo nang harapin nila ang mga hamon, pinag-aralang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa panahon ng kahirapan at tinulungan ang mga nangangailangan, sabi ni Elder Francisco J. Viñas ng Pitumpu, Caribbean Area President.
“Ginamit nila ang kanilang mga susi sa priesthood upang pagpalain ang buhay ng mga miyembro at mga di-miyembro,” sabi niya. “Gumawa sila sa konseho at tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu sa pagharap sa mahihirap na hamon sa araw-araw.”
Ang epekto ng pinsalang dulot ng lindol ay naging isang hamon, lalo na sa mga bishop sa Haiti, sabi ni Prosner Colin, pangulo ng Port-au-Prince Haiti Stake. Ang mga bishop at iba pang mga lider ng Simbahan ay naiwang mangalaga at tumulong sa daan-daang miyembro ng ward, gayundin sa kani-kanilang pamilya.
“[Ang mga bishop] ay patuloy na tumutulong,” sabi ni President Colin. “Nauunawaan nila na maraming nawala sa kanila, ngunit nasa kanila ang ebanghelyo. Hinihikayat nila ang [mga miyembro] na patuloy na mamuhay nang karapat-dapat.”
Si Bishop Pierre-Louis ay naging lider ng komunidad pagkatapos ng lindol. Sa paglipas ng mga linggo at buwan matapos ang pinsala sa Haiti, inilaan niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga miyembro at di-miyembro sa Leogane—na tumutugon sa mga pangangailangan ng daan-daang katao.
“Lubos na kahanga-hanga siya, mapagpakumbabang tagapaglingkod na makikilala mo,” sabi ni Chad Peterson, isang doktor mula sa Arizona na nakasama ni Bishop Pierre-Louis bilang volunteer pagkatapos ng lindol.
Pananampalataya sa Ngayon at sa Hinaharap
Maraming kuwento tungkol sa mga miyembro sa buong Haiti na ang katatagan at pananampalataya nila ang tumulong sa kanila sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
“Bagamat nagdusang mabuti ang matatapat na Banal na Haitian, sila ay puno ng pag-asa sa hinaharap,” sabi ni Elder Wilford W. Andersen ng Pitumpu sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010. “Tulad ng mga pioneer noong 1846, nadurog ang kanilang mga puso ngunit ang kanilang espiritu ay malakas. Sila rin ay nagtuturo sa atin na ang pag-asa at kaligayahan at galak ay hindi bunga ng kalagayan, kundi ng pananampalataya sa Panginoon.”
Nakita kaagad ang gayong pagsunod at pananampalataya pagkatapos ng lindol nang ang mga miting ng Simbahan ay nagpatuloy nang walang tigil.
Kahit nasalanta ang kanilang bansa, ang mga miyembro sa Haiti ay dumating sa simbahan suot ang kanilang damit pangsimba, at may mga ngiti sa kanilang mga mukha. Ang ebanghelyo ang pinaghugutan nila ng lakas na humatak sa kanila mula sa kanilang kalungkutan at pighati.
“Kahit nawalan sila ng mga tahanan, trabaho, at mga miyembro ng pamilya, ang mga tao ay lubhang mapagmahal, mapagtiwala, at likas na mabubuti. Kahanga-hanga ang kanilang pananampalataya,” sabi ni Brother Peterson.
Ngayon, ang Simbahan ay patuloy na lumalaganap sa Haiti. Nadagdagan ang bilang ng mga dumadalo sa sacrament meeting, sabi ni President Colin, at ang mga mamamayan ng Haiti ay patuloy na gumagawa upang muling itatag ang kanilang mga komunidad.
“Maayos naman ang kalagayan ng mga miyembro kaya nakatutulong sila sa iba,” sabi niya. “Dinadalaw nila sila; naghahanap sila ng mga trabaho para sa kanilang sarili at sa iba.”
Si Berthony Theodor, na tubong Haiti at welfare director ng Simbahan sa Haiti, ay nagsabi na siya at ang iba pang mga kasalukuyang pinuno at magiging mga pinuno ng Simbahan sa Haiti ay nagkaroon ng napakahalagang karanasan bunga ng kapahamakan.
“May pagkakataon kaming maglingkod sa iba, at muling naipapakita sa kanila kung gaano namin sila kamahal,” sabi niya. “Muli naming nalaman na hindi kami nag-iisa sa mundo, na kami ay mga miyembro ng mga tao ng Panginoon.”
Sinabi ni Brother Theodor na ang lindol—o iba pang kalamidad—ay hindi mapapawi ang kapayapaan o kagalakan ng mga miyembro sa Haiti.
“Nagpapatotoo ako na hindi nalilimutan ng Panginoon ang Kanyang mga anak,” sabi niya. “Alam Niya kung nasaan ako, ano ang situwasyon ko. Hindi Niya ako kailanman iiwang mag-isa.”