Elder Jairo Mazzagardi
Ng Pitumpu
Alam ni Elder Jairo Mazzagardi kung ano ang kahulugan ng pagsasakripisyo sa paglilingkod sa Panginoon. Noong 1990, tumanggap ng tawag si Elder Mazzagardi mula kay Pangulong Thomas S. Monson, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan, na tinawag siyang mangulo sa Salvador Brazil Mission.
“Hindi ko pinangarap na maging mission president ako,” sabi ni Elder Mazzagardi. “Halos limang taon na akong stake president. Abala kami—at mabuti ang nangyayari—sa aming gawain. Ang pagtanggap sa tawag na ito ay mangangahulugan na tatalikuran ko ang lahat.”
Pagkatapos ng tawag sa telepono, binigyan ng panahon ni Pangulong Monson si Elder Mazzagardi na pag-isipan ang tawag. Ngunit nakapagpasiya na si Elder Mazzagardi at ang kanyang asawa ilang taon na bago iyon na ang buhay nila ay ilalaan nila sa Panginoon, kaya noon mismo ay tinanggap niya ang tawag. “Anuman ang kailangan sa amin ng Panginoon, handa kaming humayo,” wika niya.
Bago natawag sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, naglingkod si Elder Mazzagardi bilang tagapayo sa bishop, high councilor, tagapayo sa isang stake presidency, stake president, regional representative, Area Seventy, tagapayo sa Campinas Brazil Temple presidency, at president ng São Paulo Brazil Temple.
Ginugol ni Elder Mazzagardi, isang negosyante, ang bahagi ng kanyang propesyon sa meat industry at kalaunan ay nagmay-ari ng isang real estate company. Naglingkod din siya sa Brazilian army bilang artillery sergeant mula 1965 hanggang 1966. Isinilang siya kina Antonio at Margarida Mazzagardi noong Abril 1947 sa Itú, Brazil. Lumaki siya roon at sa Jundiaí, Brazil. Nagkakilala sila ng kanyang asawang si Elizabeth Ienne noong bata pa sila at nakasal sa Hoboken, New Jersey, noong Hulyo 1970.
Bagaman matagal silang hindi naging interesado sa Simbahan, nang makabalik ang mga Mazzagardi sa Brazil, inanyayahan sila ng isang kaibigan na dumalo sa São Paulo Brazil Temple open house. Doon ay kapwa sila nagkaroon ng makapangyarihang karanasang espirituwal. Nabinyagan sila noong Oktubre 31, 1978, at nabuklod bilang pamilya noong Nobyembre 1979. Ang mga Mazzagardi ay may tatlong anak.