Ang Paghahanda ay Naghahatid ng mga Pagpapala
Isaalang-alang ang ating mga tungkulin, mga responsibilidad ay ating isipin, at Panginoong Jesucristo ay ating sundin.
Mga kapatid, kayo na narito sa Conference Center sa Salt Lake City ay napakagandang pagmasdan. Kamangha-manghang malaman na sa libu-libong kapilya sa buong mundo, ang iba sa inyo—na kapwa mga maytaglay ng priesthood ng Diyos—ay natatanggap ang brodkast na ito sa pagsasahimpapawid ng satellite. Magkakaiba kayo ng nasyonalidad, at iba’t iba ang inyong mga wika, ngunit may isang katangian na karaniwan sa ating lahat. Tayo ay pinagkatiwalaang magtaglay ng priesthood at kumilos sa ngalan ng Diyos. Tayo ay tumanggap ng isang sagradong pagtitiwala. Malaki ang inaasahan sa atin.
Isa sa mga tandang-tanda ko pa ay ang pagdalo sa pulong ng priesthood noong bagong orden akong deacon at kinakanta ang pambungad na himnong “Come, All Ye Sons of God.” Sa gabing ito inuulit ko ang kahulugan ng espesyal na himnong iyon at sinasabi sa inyo, “Halina, mga anak ng Diyos na may pagkasaserdote.”1 Isaalang-alang ang ating mga tungkulin, mga responsibilidad ay ating isipin, at Panginoong Jesucristo ay ating sundin.
Dalawampung taon na ang nakalilipas dumalo ako sa isang sacrament meeting kung saan tumugon ang mga bata sa temang “Ako ay Kabilang sa Simbahan ni Jesucristo.” Ipinamalas ng mga batang ito na nagsasanay sila sa paglilingkod sa Panginoon at sa iba. Maganda ang musika, mahusay ang kanilang pagbigkas, at ang espiritu ay sugo ng langit. Isa sa mga apo kong lalaki, na 11 taong gulang noon, ang nagsalita tungkol sa Unang Pangitain nang ilahad niya ang kanyang bahagi sa programa. Pagkatapos, nang lumapit siya sa kanyang mga magulang at lolo’t lola, sinabi ko sa kanya, “Tommy, palagay ko halos handa ka nang maging misyonero.”
Sagot niya, “Hindi pa po. Marami pa akong dapat matutuhan.”
Sa mga sumunod na taon, natuto nga si Tommy, salamat sa kanyang mga magulang at guro at tagapayo sa simbahan, na tapat at mapagmalasakit. Pagsapit niya sa hustong gulang, tinawag siyang magmisyon. Ginawa niya ito nang buong dangal.
Mga kabataan, hinihikayat ko kayo na maghandang maglingkod bilang misyonero. Maraming kasangkapang tutulong sa inyo na pag-aralan ang mga bagay na pakikinabangan ninyo at tutulong din na makapamuhay kayo sa paraang karapat-dapat. May isang gayong kasangkapan sa buklet na pinamagatang Para sa Lakas ng mga Kabataan, na inilathala sa pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Tampok dito ang mga pamantayan mula sa mga panulat at turo ng mga lider ng Simbahan at sa banal na kasulatan, na kung susundin ay maghahatid ng mga pagpapala ng ating Ama sa Langit at ng patnubay ng Kanyang Anak sa bawat isa sa atin. Bukod pa rito, may manwal ng mga aralin, na maingat na inihanda matapos ang mapanalanging pagsasaalang-alang. Nagdaraos ang mga pamilya ng mga Family Home Evening, kung saan itinuturo ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Halos lahat kayo ay may pagkakataong dumalo sa mga klase ng seminary na tinuturuan ng matatapat na guro na maraming maibabahagi.
Simulang maghanda para sa kasal sa templo gayundin para sa misyon. Ang wastong pakikipagdeyt ay bahagi ng paghahandang iyon. Sa mga kultura kung saan angkop ang pagdedeyt, huwag makipagdeyt hangga’t wala pa kayong 16 na taong gulang. “Hindi lahat ng tinedyer ay kailangang makipagdeyt o kaya’y gustuhin ito… . Kapag nagsimula kayong makipagdeyt, lumabas nang maramihan o kaya’y kasama ang isa pang pareha… . Tiyaking makikilala ng mga magulang ninyo [at makilala ninyo] ang mga ka-deyt ninyo.” Dahil ang pagdedeyt ay paghahanda sa pag-aasawa, “makipagdeyt lang sa may mataas na pamantayan.”2
Tiyaking magpunta sa mga lugar na kaiga-igaya ang kapaligiran, kung saan hindi kayo mahaharap sa tukso.
Isang matalinong ama ang nagsabi sa kanyang anak na lalaki, “Kung matagpuan mo ang iyong sarili sa lugar na hindi mo dapat kalagyan, umalis ka roon!” Mabuting payo para sa ating lahat.
Ang mga lingkod ng Panginoon ay lagi tayong pinapayuhan na manamit nang wasto upang magpakita ng galang sa ating Ama sa Langit at sa ating sarili. Ang pananamit ninyo ay naghahatid ng mensahe sa iba tungkol sa inyo at madalas mag-impluwensya sa pagkilos ninyo at ng iba. Manamit sa paraang maipapakita ninyo ang pinakamaganda sa inyong sarili at sa mga nasa paligid sa inyo. Iwasan ang sobrang pananamit at kaanyuan, pati na ang mga tato at pagpapabutas ng katawan.
Kailangan ng lahat ang mabubuting kaibigan. Ang inyong mga kaibigan ay may malaking impluwensya sa inyong pag-iisip at ugali, katulad din ninyo sa kanila. Kapag pareho kayo ng mga pinahahalagahan ng inyong mga kaibigan, mapapatatag at mapapalakas ninyo ang loob ng isa’t isa. Tratuhin ang lahat nang may kabaitan at dangal. Maraming hindi miyembro ang sumapi sa Simbahan sa pamamagitan ng mga kaibigang nagsama sa kanila sa mga aktibidad ng Simbahan.
Ang madalas uliting kasabihan ay talagang totoo: “Katapatan ang pinakamainam na pamantayan.”3 Ang isang binatilyong Banal sa mga Huling Araw ay ipinamumuhay ang kanyang itinuturo at paniniwala. Tapat siya sa iba. Tapat siya sa kanyang sarili. Tapat siya sa Diyos. Nakaugalian na niya ang maging tapat at palagi siyang gayon. Kapag may mahirap na desisyong kailangang gawin, hindi na niya tinatanong ang kanyang sarili kahit kailan, “Ano ang iisipin ng iba?” sa halip ay, “Ano ang iisipin ko sa sarili ko?”
Para sa ilan, darating ang tukso na lapastanganin ang personal na pamantayan ng katapatan. Sa isang klase sa business law sa unibersidad na pinapasukan ko, naaalala ko na may kaklase ako na palaging hindi handa para sa mga talakayan sa klase. Naisip ko sa sarili ko, “Paano siya makakapasa sa huling pagsusulit?”
Natuklasan ko ang sagot nang pumasok siya sa silid-aralan para sa huling pagsusulit noong isang araw ng taglamig na tsinelas lang ang suot sa paa. Nagulat ako at pinagmasdan ko siya nang magsimula ang klase. Lahat ng aklat namin ay nasa sahig, tulad ng bilin sa amin. Hinubad niya ang kanyang tsinelas; at pagkatapos, gamit ang sinanay na mga daliri sa paa na pinahiran ng glycerine, buong husay niyang binuklat ang mga pahina ng isa sa mga aklat na ibinaba niya sa sahig, sa gayon ay nakita ang mga sagot sa mga tanong sa pagsusulit.
Natanggap niya ang isa sa pinakamatataas na marka sa kursong iyon ng business law. Ngunit dumating ang araw ng paghatol. Kalaunan, habang naghahanda siya sa pagkuha ng lahatang pagsusulit, sa unang pagkakataon ay sinabi ng dean na namamahala sa partikular na asignaturang iyon, “Sa taong ito hindi natin susundin ang nakaugalian at sasabihin na lang ninyo ang sagot sa halip na isulat ito.” Napahiya ang paborito nating eksperto sa paa dahil hindi niya masagot ang mga tanong at bumagsak sa pagsusulit.
Ang inyong pananalita at ginagamit na mga salita ay maraming sinasabi tungkol sa imaheng pinili ninyong ipakita. Gamitin ang wika upang patatagin at pasiglahin ang mga nakapaligid sa inyo. Ang lapastangan, bastos, o magaspang na pananalita at di-angkop o mahalay na mga biro ay masakit sa damdamin ng Panginoon. Huwag kailanman gamitin sa mali ang pangalan ng Diyos o ni Jesucristo. Sabi ng Panginoon, “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan.”4
Pinayuhan tayo ng ating Ama sa Langit na hangarin ang “anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri.”5 Anuman ang inyong binabasa, pinakikinggan, o pinanonood ay may epekto sa inyo.
Ang pornograpiya ay lalo nang mapanganib at nakalululong. Ang pang-uurirat tungkol sa pornograpiya ay maaaring makagawian, at humantong sa mas malalaswang materyal at kasalanang seksuwal. Iwasan ang pornograpiya anuman ang mangyari.
Huwag matakot na lumabas ng sinehan, patayin ang telebisyon, o baguhin ang istasyon ng radyo kung ang inilalahad ay hindi ayon sa mga pamantayan ng inyong Ama sa Langit. Sa madaling salita, kung duda kayo sa kaangkupan ng isang pelikula, aklat, o iba pang uri ng libangan, huwag itong panoorin, huwag itong basahin, huwag lumahok dito.
Ipinahayag ni Apostol Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? … Ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.”6 Mga kapatid, responsibilidad natin na panatilihing malinis at dalisay ang ating templo.
Ang mga droga, maling paggamit ng iniresetang gamot, alak, kape, tsaa, at mga produkto ng tabako ay sumisira sa kalusugan ng inyong katawan, isipan, at espiritu. Anumang uri ng alak ay masama sa inyong espiritu at katawan. Ang tabako ay maaaring umalipin sa inyo, pahinain ang inyong baga, at paikliin ang inyong buhay.
Ang musika ay makakatulong sa inyo na mas mapalapit sa inyong Ama sa Langit. Magagamit ito upang magturo, magpasigla, magbigay-inspirasyon, at magkaisa. Gayunman, ang musika, sa pamamagitan ng indayog, tunog, lakas, at mga titik nito, ay maaaring magpamanhid sa inyong espiritu. Hindi ninyo dapat punuin ang inyong isipan ng hindi karapat-dapat na musika.
Dahil ang seksuwal na pakikipagniig ay napakasagrado, hinihiling ng Panginoon ang pagpipigil sa sarili at kadalisayan bago ang kasal gayundin ang lubos na katapatan pagkatapos ng kasal. Sa pagdedeyt, igalang ang inyong kadeyt at umasang igagalang din niya kayo nang gayon. Pagluha ang tiyak na kasunod ng paglabag.
Ipinayo ni Pangulong David O. McKay, ikasiyam na Pangulo ng Simbahan, “Sumasamo ako sa inyo na mag-isip ng malinis na kaisipan.” At ginawa niya ang mahalagang pahayag na ito ng katotohanan: “Sa bawat gawa ay may naunang kaisipan. Kung gusto nating makontrol ang ating mga kilos, kailangan nating kontrolin ang ating pag-iisip.” Mga kapatid, punuin ang inyong isipan ng mabubuting kaisipan, at magiging angkop ang inyong mga kilos. Nawa magawa ng bawat isa sa inyo ang katotohanan ng sinabi ni Tennyson na binanggit ni Sir Galahad: “Ang aking lakas ay tila sampung beses, sapagkat dalisay ang aking puso.”7
Kailan lang ay ibinuod ng may-akda ng isang artikulo tungkol sa seksuwalidad ng mga tinedyer ang kanyang nasaliksik sa pagsasabing ang lipunan ay naghahatid ng halu-halong mensahe sa mga tinedyer: ang mga patalastas at mass media ay nagpaparating ng “napakabibigat na mensahe na ang pakikipagseks ay tanggap at inaasahan na,” mga panghihibok na kung minsan ay nagbabalewala sa mga babala ng mga dalubhasa at pagsusumamo ng mga magulang. Tahasang tinututulan ng Panginoon ang lahat ng mensahe ng media sa napakalinaw na salita nang sabihin Niya sa atin na, “Maging malinis kayo.”8
Tuwing dumarating ang tukso, alalahanin ang matalinong payo ni Apostol Pablo, na nagsabing, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.”9
Nang makumpirma kayong miyembro ng Simbahan, natanggap ninyo ang karapatang makasama ang Espiritu Santo. Matutulungan Niya kayong gumawa ng mabubuting pasiya. Kapag may hamon o tukso, hindi ninyo kailangang madama na nag-iisa kayo. Alalahanin na panalangin ang pasaporte sa espirituwal na kapangyarihan.
Kung mayroon mang nadapa sa kanyang paglalakbay, may landas pabalik. Ang proseso ay tinatawag na pagsisisi. Namatay ang ating Tagapagligtas para ibigay sa inyo at sa akin ang pinagpalang kaloob. Kahit mahirap ang landas, ang pangako ay tunay: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”10
Huwag isapalaran ang inyong buhay na walang hanggan. Sundin ang mga utos ng Diyos. Kung nagkasala kayo, kapag mas maaga kayong nagsimulang bumalik, mas maaga ninyong matatagpuan ang matamis na kapayapaan at kagalakan na kalakip ng himala ng pagpapatawad. Ang kaligayahan ay nagmumula sa pamumuhay sa paraang nais ng Panginoon at sa paglilingkod sa Diyos at sa iba.
Ang espirituwal na lakas ay kadalasang dumarating sa pamamagitan ng di-makasariling paglilingkod. Ilang taon na ang nakalilipas dinalaw ko ang tinatawag noon na California Mission, kung saan ininterbyu ko ang isang binatang misyonero mula sa Georgia. Naaalala kong sinabi ko sa kanya na, “Sumusulat ka ba sa mga magulang mo linggu-linggo?”
Sagot niya, “Opo, Brother Monson.”
Pagkatapos ay itinanong ko, “Nasisiyahan ka bang tumanggap ng mga sulat mula sa inyo?”
Hindi siya sumagot. Kalaunan, itinanong ko, “Kailan ka huling nakatanggap ng sulat mula sa inyo?”
Sa garalgal na tinig, sumagot siya, “Wala pa po akong natatanggap na sulat mula sa amin. Deacon pa lang po si Itay, at si Inay ay hindi miyembro ng Simbahan. Nagsumamo po sila na huwag na akong magmisyon. Sabi po nila kapag nagmisyon ako, hindi nila ako susulatan. Ano po ang gagawin ko, Brother Monson?”
Tahimik akong nag-alay ng panalangin sa aking Ama sa Langit: “Ano po ang dapat kong sabihin dito sa batang lingkod Ninyo, na isinakripisyo ang lahat upang paglingkuran Kayo?” At dumating ang inspirasyon. Sabi ko, “Elder, padalhan mo ng sulat ang iyong ama’t ina linggu-linggo habang nasa misyon ka. Ikuwento mo sa kanila ang ginagawa mo. Sabihin mo sa kanila kung gaano mo sila kamahal at saka magpatotoo ka sa kanila.”
Tanong niya, “Susulatan po ba nila ako pagkatapos niyon?”
Sagot ko, “Susulat sila sa iyo pagkatapos.”
Naghiwalay na kami at umalis na ako. Makalipas ang ilang buwan nasa isang stake conference ako sa Southern California nang lapitan ako ng isang binatang misyonero at sinabing, “Brother Monson, natatandaan po ba ninyo ako? Ako po iyong misyonerong hindi nakatanggap ng sulat mula sa tatay at nanay ko noong unang siyam na buwan ko sa misyon. Sabi po ninyo sa akin, ‘Sumulat ka sa inyo linggu-linggo, Elder, at susulatan ka ng mga magulang mo.’ ” At nagtanong siya, “Naaalala ba ninyo ang pangakong iyon, Elder Monson?”
Naalala ko nga. Nagtanong ako, “Sumulat na ba ang mga magulang mo?”
Dumukot siya sa kanyang bulsa at inilabas ang bungkos ng mga sulat na tinalian ng goma, kinuha ang liham na nasa ibabaw ng bungkos, at sinabing, “Sumulat na ang mga magulang ko! Pakinggan po ninyo ang sulat na ito mula sa aking ina: ‘Anak, tuwang-tuwa kami sa mga sulat mo. Ipinagmamalaki ka namin, aming misyonero. Hulaan mo! Naorden na si Itay na priest. Naghahanda siya para binyagan ako. Nakikipagkita ako sa mga misyonero; at isang taon mula ngayon gusto naming magpunta sa California pagkatapos mo ng iyong misyon, dahil gusto namin, kasama ka, na maging walang hanggang pamilya sa pamamagitan ng pagpasok sa templo ng Panginoon.’”Itinanong ng batang misyonerong ito, “Brother Monson, lagi po bang sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin at tinutupad ang mga pangako ng Apostol?”
Sagot ko, “Kapag may pananampalataya ang isang tao tulad ng ipinamalas mo, nakikinig ang ating Ama sa Langit sa gayong mga panalangin at sumasagot sa Kanyang sariling paraan.”
Malilinis na kamay, dalisay na puso, at handang isipan ang lumuhog sa langit. Isang basbas, mula sa langit, ang sumagot sa taimtim na panalangin ng mapakumbabang puso ng isang misyonero.
Mga kapatid, dalangin ko na nawa’y mamuhay tayo sa paraan na tayo rin ay lumuhog sa langit langit at mapagpala rin nang gayon, bawat isa at lahat, sa pangalan ng Maybigay ng lahat ng pagpapala, maging si Jesucristo, amen.