Nagsalita Sila sa mga Kabataan
Matuto, Kumilos, at Magbahagi: Gawin ang Inyong Tungkulin sa Diyos
Tayo ay pinagkatiwalaang magtaglay ng priesthood at kumilos sa ngalan ng Diyos. Tayo ay tumanggap ng isang sagradong pagtitiwala. Malaki ang inaasahan sa atin… . Isaalang-alang natin ang ating mga tungkulin, isipin natin ang ating mga responsibilidad, at sundin natin ang Panginoong Jesucristo.
Pangulong Thomas S. Monson, “Ang Paghahanda ay Naghahatid ng mga Pagpapala,” 64.
Ilang linggo pa lamang ang nakararaan, nakita kong magsimula ang isang bagong deacon sa landas na iyon ng kasigasigan. Ipinakita sa akin ng kanyang ama ang isang diagram na nilikha ng kanyang anak na makikita ang bawat hanay sa kanilang kapilya, isang numero para sa bawat deacon na aatasang magpasa ng sacrament, at ang lalakarin nila sa kapilya sa pagpapasa ng sacrament sa mga miyembro. Napangiti kami ng ama sa pag-iisip na ang batang iyon, kahit hindi sinabihang gawin iyon, ay gumawa ng plano upang matiyak na magtatagumpay siya sa kanyang paglilingkod sa priesthood.
Nakita ko sa kanyang kasigasigan ang huwaran mula sa bagong buklet na Tungkulin sa Diyos. Iyon ay para malaman ang inaasahan sa inyo ng Panginoon, planuhing gawin ito, kumilos ayon sa inyong plano nang buong sigasig, at pagkatapos ay ibahagi sa iba kung paano kayo nagbago at pinagpala ang iba dahil sa inyong karanasan.
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kumilos nang Buong Sigasig,” 60.
Dapat maunawaan ng matatandang miyembro ng Simbahan na ang mga kinakailangan sa Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos ay hindi lamang mahahabang listahan ng gagawin. Ang mga ito ay mga pansariling mithiin na itinakda ng bawat kabataang lalaki at babae upang tulungan silang maging karapat-dapat na matanggap ang mga ordenansa sa templo, magmisyon, magpakasal sa templo, at magtamasa ng kadakilaan. Ngunit dapat na maunawaan ito: ang subukan ng mga kabataang lalaki at babae na isagawa ang mga mithiing ito nang mag-isa ay isang malaking kawalan at trahedya!
Mga ama, ina, at lider ng mga kabataan, hinihikayat namin kayong makibahagi sa Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos kasama ng inyong mga anak at mga kabataan. Hindi lamang sila uunlad; kayo rin ay uunlad. At kasinghalaga niyan, magkasama kayong uunlad sa bigkis ng pananampalataya at pakikipagkaibigan na magtutulot sa inyo na mapalakas ang isa’t isa at manatili sa landas ng ebanghelyo magpakailanman.
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon,” 95.
Pagkakataon ninyo ito, mahal kong mga binatilyo sa Aaronic Priesthood. Handa ba kayong gampanan ang inyong tungkulin? Kailangan ng Panginoon ang bawat binatilyong may kakayahan na maghanda at mangakong muli, simula ngayong gabi, na maging marapat sa tawag mula sa propeta ng Diyos na maglingkod sa misyon.
Elder Ronald A. Rasband ng Pitumpu, “Ang Banal na Tawag ng Isang Misyonero,” 51.
Bilang deacon, teacher, at priest, lalahok kayo sa mga aktibidad na magpapalakas sa inyong espirituwalidad at tutulong sa inyong matutuhan at magampanan ang inyong mga tungkulin sa priesthood. Bawat aktibidad ay sumusunod sa simpleng huwarang ito:
Una matututuhan ninyo ang isang alituntunin ng ebanghelyo o tungkulin sa priesthood. Matutuklasan ninyo ang nais ipagawa sa inyo ng Ama sa Langit, at sisikapin ninyong magtamo ng espirituwal na patotoo kung bakit ito mahalaga.
Pagkatapos ay gagawa kayo ng mga planong isasagawa batay sa natutuhan ninyo. Hinihikayat kayong ibatay ang inyong mga plano sa sarili ninyong mga pangangailangan, sitwasyon, at pagkakataong maglingkod sa iba. Magandang pagkakataon ito upang angkinin ang responsibilidad para sa sarili ninyong pag-unlad at magkaroon ng espirituwal na pag-asa sa sarili.
Pagkatapos ay ibabahagi ninyo sa iba ang natutuhan at naranasan ninyo. Kapag ginawa ninyo ito, mapapatatag ninyo ang inyong patotoo at mapapalakas ang pananampalataya ng mga nakapaligid sa inyo. Daragdagan ninyo ang inyong kakayahang magsalita sa iba tungkol sa ebanghelyo… .
… Pinatototohanan ko na ang matapat ninyong paglilingkod sa Aaronic Priesthood ay magpapabago sa buhay ng mga pinaglilingkuran ninyo. May mga taong nangangailangan ng inyong paglilingkod sa priesthood. Kailangan kayo ng inyong pamilya. Kailangan kayo ng inyong korum. Kailangan kayo ng Simbahan. Kailangan kayo ng mundo.
David L. Beck, Young Men general president, “Ang Dakilang Aaronic Priesthood,” 54.
Ang impormasyon tungkol sa bagong programa ng Tungkulin sa Diyos ay makukuha sa maraming wika sa DutyToGod.lds.org.
Paninindigan sa Kabanalan: Pansariling Pag-unlad
Sa unang pahina ng inyong aklat na Pansariling Pag-unlad ng Young Women makikita ninyo ang mga salitang ito: “Ikaw ay pinakamamahal na anak na babae ng Ama sa Langit, na inihandang pumarito sa lupa sa natatanging panahong ito para sa isang sagrado at maluwalhating layunin.”
Mga kapatid, totoo ang mga salitang ito! Hindi ito gawa-gawa lang sa isang alamat! Hindi ba’t kagila-gilalas na malaman na ang ating walang hanggang Ama sa Langit ay kilala kayo, pinakikinggan kayo, binabantayan kayo, at walang katapusan ang pagmamahal sa inyo? Sa katunayan, napakalaki ng pagmamahal Niya sa inyo kaya’t ipinagkaloob Niya sa inyo ang buhay na ito sa mundo bilang mahalagang regalo “noong unang panahon,” kumpleto ng sarili ninyong kuwento ng pakikipagsapalaran, pagsubok, at mga pagkakataon ng kagitingan, karingalan, katapangan, at pagmamahal. At, higit sa lahat, iniaalay Niya sa inyo ang isang regalong hindi matutumbasan at mahirap maunawaan. Ibinibigay sa inyo ng Ama sa Langit ang pinakadakilang kaloob sa lahat—buhay na walang hanggan—at ang pagkakataon at walang katapusang pagpapala ng inyong sariling “kaligayahan magpakailanman.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Inyong Kaligayahan Magpakailanman,” 124.
Mga kabataang babae ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, alalahanin kung sino kayo! Kayo ay pinili. Kayo ay mga anak na babae ng Diyos. Hindi kayo dapat maging henerasyon ng mga kabataang babae na kontento na sa pakikibagay. Dapat kayong magkaroon ng lakas ng loob na mamukod-tangi, na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5). Papapaniwalain kayo ng mundo na wala kayong kabuluhan—na wala kayo sa uso at walang kamuwang-muwang. Aakitin kayo ng mundo at igigiit sa maingay na tinig na “magpakasasa,” “subukan ang lahat,” “mag-eksperimento at maging masaya.” Sa kabaligtaran, bumubulong ang Espiritu Santo at inaanyayahan kayo ng Panginoon na “[lumakad] sa landas ng kabanalan,” “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito,” “at tuparin ang [inyong] mga tipan” (D at T 25:2, 10, 13).
Elaine S. Dalton, Young Women general president, “Alalahanin Kung Sino Kayo!” 120.
Ang Pansariling Pag-unlad ay magandang paraan para mapangalagaan ang inyong patotoo nang dahan-dahan. Ang mga karanasan sa pinahahalagahan at proyekto ay maliliit na hakbang na mangangalaga sa inyong patotoo kay Jesucristo habang natututuhan ninyo ang Kanyang mga turo at regular na ipinamumuhay ang mga ito. Dahil sa palagiang pangangalagang ito kayo ay mananatiling ligtas.
Mary N. Cook, unang tagapayo sa Young Women general presidency, “Huwag na Huwag Susuko Kailanman!” 117.
Palaging sasaatin ang Panginoon at hindi tayo iiwang mag-isa. Itinuro sa atin na kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Bilang isa sa Kanyang minamahal na mga anak na babae, makakamtan ninyo ang Kanyang katiyakan at patnubay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng panalangin.
Ann M. Dibb, pangalawang tagapayo sa Young Women general presidency, “Ikaw ay Magpakatapang na Mabuti,” 114.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa Pansariling Pag-unlad, magpunta sa PersonalProgress.lds.org.