Elder Kevin R. Duncan
Ng Pitumpu
Mula pa sa pagkabata, sabik nang maglingkod sa Panginoon si Elder Kevin Read Duncan bilang misyonero. “Hinding-hindi ako nag-alangan. Noon ko pa alam na gusto kong magmisyon,” wika niya.
Bago pa man siya nag-19, nakilala na ni Elder Duncan ang isang General Authority na naglilingkod sa Missionary Department na hinamon siyang isaulo ang mga talakayan ng misyonero. Natugunan niya ang hamong iyon at kalaunan ay natawag sa Chile Santiago South Mission. Napatunayan niya ang kanyang kagustuhang maglingkod sa Panginoon nang magmisyon siya. “Alam ko na gusto kong maging misyonero araw-araw habang ako ay nabubuhay,” sabi ni Elder Duncan.
Si Elder Duncan, na isinilang noong Oktubre 1960, ay anak nina David Henry at LaRene Eliza Duncan. Lumaki siya sa sakahan ng pamilya sa West Point, Utah. Sa paninirahan sa sakahan noong bata pa siya ay natuto siya hindi lamang ng pagtatrabaho, wika niya, kundi nahilig pa siyang magtrabaho.
Ang ugaling iyon sa trabaho ay nakatulong sa kanya na magtamo ng bachelor’s degree sa accounting, master’s degree sa accounting taxation, at juris doctorate sa law mula sa Brigham Young University. Nagsimula siya ng propesyon bilang tax attorney at kalaunan ay nagtatag ng isang korporasyon sa litigation technology.
Ikinasal sina Elder Duncan at ang kanyang asawang si Nancy Elizabeth Smart noong Hunyo 27, 1986, sa Salt Lake Temple. Mayroon silang limang anak, kabilang na ang isang anak sa unang asawa ni Elder Duncan, ang pumanaw na si Wendy Wallentine.
Halos 20 taon matapos magmisyon sa Chile, nagbalik si Elder Duncan sa misyon sa paglilingkod sa Simbahan bilang associate international legal counsel para sa Simbahan sa South America. Habang naroon, natawag siyang mangulo sa Chile Santiago North Mission, at tumira sa mismong mission home na pinaglingkuran niya noong binata siya.
Bago natawag sa Unang Korum ng Pitumpu, naglingkod si Elder Duncan bilang tagapayo sa bishop, ward mission leader, high councilor, at Area Seventy sa Utah South Area.