Mga Bagay na Nauukol sa Kabutihan
Bilang mga magulang at lider kailangan nating bantayan ang ating mga miyembro at pamilya, at tulungan silang lumayo sa mga bagay na maaaring umakay sa kanila tungo sa espirituwal na kamatayan.
Sinabihan tayo sa Doktrina at mga Tipan na matapos ang patotoo ng mga tagapaglingkod ng Diyos, ang patotoo ng mga lindol at ang patotoo ng iba pang mga pangyayari ay susunod. “At lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao” (D at T 88:91; tingnan din sa mga talata 88–90).
Bilang miyembro ng Caribbean Area Presidency, ako mismo ay saksi sa matatapat na Banal na pinalitan ng pananampalataya ang takot. Ang mga aral na natutuhan sa Haiti ay maaaring ihalintulad sa mga paglalarawan ng Aklat ni Mormon.
Ang impresyon sa matinding kapahamakang iyon ay nagpaalala sa akin sa mga salita na nasa ika-28 kabanata ng Alma: “Ito ay isang panahon na may narinig na masidhing pagdadalamhati at pananaghoy sa lahat ng dako ng buong lupain” (Alma 28:4).
Apatnapu’t dalawang miyembro ang namatay. Samantalang ang kanilang mga pamilya at kaibigan ay “nagdalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak, gayon pa man, sila ay nagsaya at nagpakagalak sa pag-asa, at nalalaman din, ayon sa mga pangako ng Panginoon, na sila ay ibabangon upang mamalagi sa kanang kamay ng Diyos, sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Alma 28:12).
Nagpadala ng agarang tulong ang Simbahan sa mga miyembro at di-miyembro at naipamahagi ito sa pangangasiwa ng mga lider ng priesthood at Relief Society sa lugar. Hindi lamang sila tumanggap ng tulong medikal, pagkain, tubig at iba pang pangunahing mga kailangan, tumanggap din sila ng payo, paggabay, at pag-alo mula sa kanilang mga lokal na lider. Sinuportahan sila ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na “[n]akidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at [inaliw] yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9).
Iba-ibang propeta sa magkakaibang panahon ang nagbabala sa atin tungkol sa isa pang trahedya na di gaanong napapansin ngunit mahalaga, at iyan ay ang “kakila-kilabot na kamatayan [na] sasapit sa masasama; sapagkat sila ay mamamatay sa mga bagay na nauukol sa mga bagay ng kabutihan; sapagkat sila ay marurumi, at walang maruming bagay ang maaaring magmana ng kaharian ng Diyos” (Alma 40:26).
Itinuro ni Nephi ang alituntuning ito sa kanyang mga kapatid, at sinabi sa kanila na ang mga “mamamatay sa kanilang mga kasamaan … ay tiyak ding itatakwil, alinsunod sa mga bagay na espirituwal, na tumutukoy sa kabutihan” (1 Nephi 15:33).
Itinuro ni Samuel, ang Lamanitang propeta, na “sinuman ang hindi magsisi ay puputulin at ihahagis sa apoy; at pagkatapos sasapit sa kanilang muli ang kamatayang espirituwal, oo, ang ikalawang kamatayan, sapagkat sila ay muling inihiwalay sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Helaman 14:18).
Ang trahedya ng pagkamatay sa mga bagay na espirituwal ay may mas matinding epekto sa mga taong “minsan nang naliwanagan ng Espiritu ng Diyos, at nagkaroon ng maraming kaalaman sa mga bagay na nauukol sa kabutihan, at pagkatapos ay nahulog sa kasalanan at paglabag, sila ay nagiging higit na matitigas, at sa gayon ang kanilang kalagayan ay nagiging lalong masama kaysa sa kung hindi nila nalaman kailanman ang mga bagay na ito” (Alma 24:30).
Bilang mga magulang at lider kailangan nating bantayan ang ating mga miyembro at pamilya, at tulungan silang lumayo sa mga bagay na maaaring umakay sa kanila tungo sa espirituwal na kamatayan. Hangad din nating iligtas ang mga taong patay ngayon sa bagay na espirituwal at tulungan silang “isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae” (Mosias 27:25).
Ang espirituwal na paggaling ng mga taong namatay sa mga bagay na nauukol sa kabutihan ay nangyayari sa pamamagitan ng bisa ng Pagbabayad-sala, pagbabalik-loob sa katotohanan, at pagkapit sa mga alituntunin ng kabutihan.
Ang pagtuturo sa ating mga miyembro at pamilya ng mga bagay na nauukol sa kabutihan ay kailangan sa proseso ng pangmatagalang pagbabago dahil maaaring maakay sila nito sa pagkakaroon ng wastong kaalaman sa mga utos ng Panginoon, sa mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo, at sa mga kinakailangan at ordenansa na dapat nating sundin upang makamit ang kaligtasan sa kaharian ng Panginoon.
Maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan na nagpapatibay sa kahalagahan ng pagtuturo ng “mga bagay na may kinalaman sa kabutihan” upang makatulong sa pagkakamit ng pangmatagalang pagbabago. Sa salaysay na ibinigay tungkol kay Ammon at sa kanyang mga kapatid na nangangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita, mababasa natin: “At si Ammon ay nangaral sa mga tao ni haring Lamoni; at ito ay nangyari na, na itinuro niya sa kanila ang lahat ng bagay hinggil sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 21:23).
Makikita natin ang mga bunga ng masigasig na pagtuturo sa lahat ng bagay na nauukol sa kabutihan sa patuloy nating pagbabasa ng salaysay sa mga kabanata 23, kung saan nakasaad, “Na kasindami ng naniwala, o kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan … [ay] mga nagbalik-loob sa Panginoon [at] hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).
Nang itatag ng Nakatatandang Alma ang Simbahan, nagtalaga siya ng karapat-dapat na kalalakihan bilang kanilang mga priest at teacher na “[nangalaga sa] kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan” (Mosias 23:18).
Mahalaga ang papel ng mga magulang sa pagtulong sa kanilang mga anak na maunawaan ang mga bagay na nauukol sa kabutihan. Sa Aklat ni Mormon makikita natin na ang Nakababatang Alma, na nagdalamhati dahil sa kasamaan, sa mga digmaan, at kaguluhang umiral noon at nabagabag sa katigasan ng puso ng kanyang mga tao ay “pinapangyaring sama- samang tipunin ang kanyang mga anak na lalaki, upang maibigay niya sa bawat isa sa kanila ang kani-kanyang tungkulin, nang magkakahiwalay, hinggil sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 35:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nakakatuwang pansinin na itinuro at ibinigay niya sa kanyang mga anak ang kanilang tungkulin nang magkakahiwalay, na iniaakma ang kanyang tagubilin sa bawat anak, batay sa mga pangangailangan ng anak na iyon. Nagpatotoo siya at itinuro sa kanila ang doktrina at mga alituntunin, na naghanda sa kanila upang ipangaral ang mga alituntuning ding iyon sa iba.
Sa panahon na sinasalakay ang pamilya ng mga puwersa ng kasamaan at kung kailan ang kalagayan ng pamumuhay natin ay hindi naiiba sa mga naranasan ni Alma, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay nagtakda sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” (Liahona, Oct. 2004, 49).
Kasama rito ang pangangalaga, pagtataguyod, at pagtuturo sa kanilang mga anak ng lahat ng bagay na nauukol sa kabutihan upang manatili silang matatag, na ang “mga balakang ay may bigkis ng katotohanan, na may baluti sa dibdib ng kabutihan, at ang [kanilang] paa ay may panyapak ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan” (D at T 27:16).
Tulad noong panahon ni Alma, binabantayan din ng ating mga lider ang mga miyembro ng Simbahan at pinangangalagaan sila sa mga bagay na nauukol sa kabutihan. Tutulungan tayo ng mga bagay na ito na makamtan ang tuluyang pagbabago. Sa dokumentong “Leadership Training Emphasis,” na binago noong Disyembre 10, 2009, ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay humiling kapwa sa priesthood at mga auxiliary leader na “hikayatin ang bawat miyembro ng pamilya, mga magulang at anak, na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, palaging manalangin, at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo” (liham sa Unang Panguluhan, Dis. 15, 2009).
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, regular na pananalangin, at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mga gawa ng kabutihan, at inihayag ng Panginoon ang kagila-gilalas na pangakong ito: “Siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23).
Upang mas epektibong maituro ang mga bagay na nauukol sa kabutihan, mahalagang maunawaan na, bukod sa pagbabahagi ng impormasyon, kailangan nating mapadali ang paghahayag. Sa ganitong paraan, madarama ng taong tinuturuan ang hangaring alamin mismo ang mga alituntuning ito.
Inihayag ng Panginoon kay Hyrum Smith sa pamamagitan ng kanyang kapatid na si Propetang Joseph Smith:
“Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;
“At pagkatapos ay iyong malalaman … ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap” (D at T 11:13–14).
Sa pagtatapos, binabalaan tayo ng mga banal na kasulatan tungkol sa panganib ng pagkamatay hinggil sa mga bagay na nauukol sa kabutihan at sa bigat ng ibubunga nito sa mga taong minsan nang naliwanagan ng Espiritu ng Diyos, na nahulog sa kasalanan at paglabag.
Ang pagtuturo ng mga bagay na nauukol sa kabutihan ay mahalagang sangkap sa pagtulong sa mga tao na malaman ang katotohanan, magbalik-loob, at manatiling matatag sa pananampalataya kay Cristo hanggang sa wakas.
Ang mga magulang ay may banal na tungkuling ituro sa kanilang mga anak ang mga bagay na nauukol sa kabutihan. Ang mga lider at guro ay maaaring bantayan at pangalagaan ang mga miyembrong ipinagkatiwala sa kanila, at masigasig na ituro sa kanila ang lahat ng bagay na nauukol sa kabutihan.
Mas makakamtan ito kung ang paghahayag ay mapadadali habang nagtuturo, at sa gayon ay lilikha sa mga tao ng hangaring maliwanagan ng Espiritu ng Diyos. At habang nananampalataya sila, maipababatid sa kanila ng Espiritu ang mga bagay na nauukol sa kabutihan. Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.