2010
Nakaisang Dekada na sa Paglilingkod ang Conference Center
Mayo 2010


Nakaisang Dekada na sa Paglilingkod ang Conference Center

Ang kumperensya ng Abril ang nagbukas sa ikalawang dekada ng paglilingkod ng Conference Center. Sa unang 10 taon nito, milyun-milyon ang nakaranas sa kakaibang mga katangian ng namumukod-tanging gusaling ito sa mahigit 100 sesyon ng pangkalahatang kumperensya at 4,500 mga pagtatanghal, gayundin ang kaugnay na mga pagsasahimpapawid ng mga ito.

Naganap sa Conference Center ang kauna-unahan nitong sesyon ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 1, 2000. Doon ay sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “[Ang Conference Center] ay magiging malaking karagdagan sa lungsod na ito. Di lamang dito gaganapin ang ating mga pangkalahatang kumperensya, at iba pang mga miting ukol sa relihiyon, kundi magsisilbi din itong cultural center para sa pinakamaiinam na pagtatanghal ng sining. Umaasa kami na ang mga hindi natin kapanalig ay paririto, madarama ang kaiga-igayang kapaligiran ng magandang lugar na ito, at magpapasalamat sa presensya nito” (“To All the World in Testimony,Liahona, Hulyo 2000, 4; Ensign, Mayo 2000, 4).

Pagkaraan ng anim na buwan, noong Oktubre 8, inilaan ni Pangulong Hinckley ang gusali.

Mula noon, halos pitong milyong mga panauhin na ang nagpunta sa Conference Center upang dumalo sa mga 4,577 pagtatanghal. Mga 4.8 milyong mga panauhin ang nakapag-ikot sa gusali, at ang sentro ay naging punong-abala sa mahigit 5,500 na mga taong may matataas na katungkulan. Kasama sa mga pagtatanghal na ginanap sa auditorium at sa kalapit na Conference Center ang pangkalahatang kumperensya, 10 pangkalahatang miting ng Young Women, 10 pangkalahatang miting ng Relief Society, tatlong paggunita sa yumao (kabilang ang libing ni Pangulong Hinckley), at 125 mga pagtatanghal ng musika, hindi kasama dito ang Musika at Binigkas na Salita ng Tabernacle Choir, na 186 na beses na ginanap sa Conference Center.

Ang mga bilang na iyon ay pahiwatig ng katuparan ng mga salita ni Pangulong Hinckley.

Si Brent Roberts, director ng mga pasilidad sa headquarters, ay marami nang nakadaupang-palad na mga tao sa gusali na nagpakita ng kanilang pasasalamat sa nadama nila doon. “Pumapasok sila na may luha sa kanilang mga mata at taglay ang Espiritu sa kanilang mga puso,” sabi niya. “Gayunpaman, hindi ito dahil lamang sa gusali,—ito ay dahil sa Panginoon, sa Kanyang gawain, at sa Kanyang Espiritu.”

Ibinalita ni Pangulong Hinckley ang tungkol sa sentro sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1996.

Ang buod ng mga hamong nalampasan sa pagtatayo ng Conference Center ay tumutulong sa pagpapatunay ng kakaibang katayuan ng gusali. Ang 21,000- upuang auditorium ay itatayo noon sa dalisdis sa pagitan ng Main Street at West Temple Street ng Salt Lake City. Tatlong malalaking kompanya sa konstruksiyon ang nakiisa sa gawain. Hindi maglalagay ng mga suportang haligi sa loob ng auditorium, upang matiyak na walang magiging sagabal sa panonood ng lahat, kaya’t ang mga nagtayo ay gumamit ng 290- talampakang-haba (88 m) ng mga bakal na suporta sa bubong na makasusuporta sa bigat na nasa pagitan ng 250 at 525 libra bawat square inch (17–37 kg bawat square cm). Makakaya din ng disenyong ito ang mga plano ng paglalagay ng mga hardin sa ibabaw ng bubong. Araw-araw habang itinatayo ito, mga 1,000 manggagawa ang naroon.

Habang itinatayo, nanatiling matatag ang gusali nang tumama ang di pangkaraniwang buhawi noong 1999 sa Salt Lake City, at kahit nabali ang kamay ng malaking crane, nagpatuloy pa rin ang pagtatayo nito.

Natapos ang gusali sa takdang oras, at ang mga panauhin ng sentro ay nasisiyahan sa makabagong kagamitan at mga pasilidad. Para sa telebisyon, ang Conference Center ay may digital, high-definition signal. Ang unang live high-definition broadcast sa Utah ay nagmula sa Conference Center nang ipagdiwang ang ika-90 kaarawan ni Pangulong Hinckley noong Hunyo 2000.

Nilikha ng mga inhinyero ang sound system sa auditorium upang maging napakaganda ng acoustics nito—nakikinig man ang mga panauhin sa isang tagapagsalita o dumadalo sa isang musikal na pagtatanghal—na maingat na kinalkula at isinaalang-alang ang mga materyal sa mga dingding at kisame, ang bilang ng mga taong magkakasya sa loob, at ang inilagay na karpet at kutson.

Sinabi ni Pangulong Hinckley na ang gusali ay nagpapakita din ng diwa ng pagka-elegante. Ang pagka-elegante nito ay makikita habang naglalakad ang mga panauhin sa mga bulwagan, kung saan makikita ang nililok na larawan ng Tagapagligtas at ng mga Pangulo ng Simbahan; habang naglalakad sa mga hardin sa itaas ng bubong, sa gitna ng mga punongkahoy, bulaklak, palumpong, at talon; sa pagtingala sa siyam na skylight na nasa ibabaw ng gusali, na maaaring takpan kapag may mga pagtatanghal; at nasisiyahan sa mga ipinintang larawan sa buong gusali, na karamihan ay pamilyar sa mga miyembro ng Simbahan at halos lahat ay orihinal.

Ang malaking gusali ay nagtatampok ng maraming kahanga-hangang estadistika. Sakop nito ang 10 akre (4 na ektarya), o isang bloke sa lungsod. Sapat ang mga kawad ng kuryente sa loob ng sentro upang maikitan nang dalawang beses ang mundo. Mahigit 5,900 galon (22,330 litro) ng tubig ang paulit-ulit na ginagamit sa mga fountain at daluyan ng tubig bawat minuto.

Gayunman, ang pinakatampok na katangian ng sentro ay hindi ang milya- milyang kawad ng kuryente ni ang bigat na kayang suportahan ng bubong, ni ang anumang estadistika.

“Hindi ito pangmuseo, bagama’t napakaganda ng pagkakagawa nito,” sabi ni Pangulong Hinckley. “Isa itong gusaling marangal na gagamitin para sa Makapangyarihan at para sa katuparan ng Kanyang mga walang hanggang layunin” (“Ang Dakilang Milenyal na Taong Ito,” Liahona, Ene. 2001, 80; Ensign, Nob. 2000, 67).