Tumutulong na mga Kamay, Nagliligtas na mga Kamay
Nawa’y sundin natin ang payo at halimbawa ng propeta at hanapin araw-araw ang mga nangangailangan.
Mahal kong mga kapatid, labis akong nagpapasalamat sa pagkakataong magsalita sa kumperensyang ito. Nagpapasalamat ako para kay Pangulong Thomas S. Monson, at nagpapatotoo ako na siya ay propeta ng buhay na Panginoon. Hangang-hanga ako sa napakagandang halimbawa ni Pangulong Monson, na ginugol ang kanyang buhay gamit ang kanyang mga kamay sa pagtulong at pagliligtas sa iba.
Nabubuhay tayo sa isang panahon na maraming taong dumaranas ng mga kalamidad at nangangailangan ng tulong dahil sa mapanirang mga epekto ng mga lindol, tsunami, bagyo at iba pang kapinsalaang dulot ng kalikasan. Tumutulong ang Simbahan sa mga taong ito sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ang mga miyembro ng Simbahan ay tapat na nagbibigay ng malaking handog-ayuno buwan-buwan at naglilingkod sa diwa ng pagmamahal. Literal silang nag-aalok ng tulong sa pamamaraan ng Panginoon. Sinusunod nila ang utos ng Panginoon na, “alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap, sapagkat siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo” (D at T 52:40).
Ngayon ay gusto kong magtuon sa mga kamay na espirituwal na tumutulong at nagliligtas. Ang talagang gawain at kaluwalhatian ng Panginoon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Marami sa paligid natin ang nangangailangan ng espirituwal na tulong. Sa pagbibigay natin ng tulong sa mga miyembrong di-gaanong aktibo, sa mga pamilyang hindi lahat ay miyembro at mga yaong hindi natin kapanalig, inaanyayahan natin ang lahat na “lumapit kay Cristo.”1
Noong bagong binyag ako sa Simbahan, nasagip ang aking espiritu ng nagliligtas na mga kamay ng isang tapat na miyembro ng Simbahan. Lumaki ako sa Matsumoto, Japan, malapit sa pinagdausan ng Nagano Winter Olympics. Ang aking bayang sinilangan ay katulad na katulad ng Salt Lake City, isang lambak na naliligiran ng magagandang bundok. Noong 17 taong- gulang ako, nakilala ko ang dalawang misyonerong Amerikano, sina Elder Carter at Elder Hayashi. Kahit dalawa o tatlong taon lang ang pagitan ng edad namin, may napakagandang bagay sa mga elder na noon ko lang nadama. Sila ay masisipag, masayahin, at puno ng pagmamahal at liwanag. Hangang-hanga ako sa kanilang mga katangian, at ginusto kong maging katulad nila. Nakinig ako sa kanilang mensahe at nagpasiya akong magpabinyag. Ang mga magulang ko, na mga Buddhist, ay kontrang-kontra sa pagpapabinyag ko. Sa tulong ng mga misyonero at ng Panginoon, pinayagan nila ako at himalang nabinyagan ako.
Nang sumunod na taon pumasok ako sa unibersidad sa Yokohama. Nag-iisa, malayo sa aking bayang sinilangan at mga taong kilala ko, nalungkot ako at napalayo sa Simbahan. Isang araw, tumanggap ako ng postcard mula sa isang miyembro ng Simbahan doon sa amin. Isinulat niya na nabalitaan niyang hindi na ako dumadalo sa mga miting ng Simbahan. Nagbanggit siya ng isang banal na kasulatan at inanyayahan ako na bumalik sa simbahan. Napuspos ako sa mga salita ng banal na kasulatan. Nakatulong iyon para madama ko na may mahalagang bagay nga sigurong nawala sa akin, at nagbulay-bulay at nahirapan ako nang maraming araw. Naging dahilan din ito para maalala ko ang pangako sa akin ng mga misyonero: “Kung babasahin mo ang Aklat ni Mormon at taos na ipagdarasal kung ang pangakong nasa Moroni ay totoo, malalaman mo ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”2
Nalaman ko na hindi ako nagdarasal nang buong puso at nagpasiya akong gawin ito. Isang umaga, maaga akong gumising at lumuhod sa maliit na apartment ko at taos-pusong nagdasal. Sa gulat ko, napasaakin ang pagpapatibay ng Espiritu Santo tulad ng ipinangako. Nag-alab ang dibdib ko, nanginig ang katawan ko, at napuspos ako ng galak. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, nalaman ko na buhay ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo at talagang nagpakita Sila kay Joseph Smith. Nangako ako sa puso ko na magsisisi at tapat na susundin si Jesucristo habambuhay.
Ganap na binago ng espirituwal na karanasang ito ang buhay ko! Nagpasiya akong magmisyon bilang pasasalamat ko sa Panginoon at sa miyembro ng Simbahan na sumagip sa akin. Pagkatapos ng misyon ko, nabuklod ako sa templo sa isang napakabuting babae, at nabiyayaan kami ng apat na anak. Hindi ito nagkataon lamang na ang babaeng ito ang siyang nagligtas sa akin sa pamamagitan ng pagpapadala ng postcard sa malungkot na apartment na iyon sa Yokohama ilang taon na ang nakararaan. Pasasalamatan ko magpakailanman ang awa ng Panginoon at ang tulong ng miyembrong ito ng Simbahan, na muli akong inanyayahang “lumapit kay Cristo.”3
Alam ko na marami sa inyo ang lihim na iniaabot ang inyong mapagmahal at nagliligtas na mga kamay sa araw-araw. Kasama na rito ang isang tapat na Relief Society sister na nagmamalasakit hindi lamang sa mga kababaihang nakaatas na bisitahin niya kundi gayundin sa sinumang babaeng maysakit o nangangailangan ng tulong. Madalas siyang bumisita at sa loob ng maraming taon ay napalakas niya ang pananampalataya ng marami. Iniisip ko ang isang bishop na madalas bumisita sa mga biyuda at biyudo sa kanyang ward. Ang pagtulong na ito ay nagpatuloy sa loob ng maraming taon matapos siyang i-release.
May kilala akong lider ng priesthood na nag-uukol ng panahon sa isang binatilyong namatayan ng ama. Sinasamahan niya ito sa mga aktibidad, tinuturuan ng ebanghelyo, at pinapayuhan na tulad ng gagawin ng ama nito. May isa pang pamilyang nagagalak sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang mga magulang at anak ay nagpapatotoo tungkol sa ebanghelyo sa mga nasa paligid nila at minahal sila ng marami.
Bilang bahagi ng aktibidad sa Primary, naglalagay ang aking limang-taong-gulang na apong babae ng popcorn sa malaking boteng babasagin tuwing may nagagawa siyang mabuti. Kinakanta niya nang malakas ang awiting ito ng Primary habang naghahanap siya ng mabubuting bagay na magagawa araw-araw: “Propeta’y sundin, propeta’y sundin, Propeta’y sundin: s’ya ang gabay.”4
Wala akong sapat na oras para masabi sa inyo ang lahat ng mabuting bagay na nakikita kong ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan. Sinusunod nila ang payo ng propeta—hindi dahil sa tungkulin o responsibilidad kundi sa sariling-kusa nila, nang hindi nagpapakilala at may galak.
Kung minsan nadarama natin na mahina tayo at walang lakas para sagipin ang iba, ngunit pinaalalahanan tayo ng Panginoon, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).
Magtatapos ako sa pagbanggit ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mga kapatid, napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, paghikayat, suporta, pag-alo, kabaitan—maging sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”5
Nawa’y sundin natin ang payo at halimbawa ng propeta at hanapin araw-araw ang mga nangangailangan, nang tayo ay maging mga kamay ng Panginoon sa pagtulong at pagliligtas sa Kanyang mga anak, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.