2010
Tulungan Sila na Makabalik
Mayo 2010


Tulungan Sila na Makabalik

Matutulungan natin nang husto ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng mga paraan na magkaroon sila ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo habang sila ay bata pa.

President Henry B. Eyring

Mga kapatid, ang ating Ama sa Langit ay humihingi at nangangailangan ng ating tulong na dalhin pabalik sa Kanya ang Kanyang mga espiritung anak. Magsasalita ako ngayon tungkol sa mga kabataan na narito na sa Kanyang totoong Simbahan at tinatahak na ang makipot at makitid na landas pabalik sa kanilang tahanan sa langit. Hangad Niyang magtamo sila sa murang edad ng espirituwal na lakas na manatili sa landas. At kailangan niya ang ating tulong na mapabalik sila agad sa landas kung nalilihis na sila.

Bata pa akong bishop nang maliwanagan ako kung bakit nais ng Panginoon na palakasin natin ang mga bata sa kanilang murang edad at sagipin sila agad. Magkukuwento ako sa inyo tungkol sa isang kabataang babae na kumakatawan sa marami na sinikap kong matulungan sa loob ng maraming taon.

Umupo siya sa harapan ng mesa ko. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang buhay. Siya ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Simbahan noong siya ay walong taong gulang. Walang luha sa kanyang mga mata habang isinasalaysay niya ang kasunod na mahigit 20 taong pangyayari sa kanyang buhay, ngunit may lungkot sa kanyang tinig. Sinabi niyang nagsimula ang pagtahak niya sa kasalanan nang piliin niyang makihalubilo sa mga taong inakala niyang masayang kasama. Sinimulan niyang labagin ang mga utos na para sa kanya noong una ay tila hindi gaanong mahalaga.

Sa una nakadama siya ng kaunting lungkot at pagsisisi. Ngunit ang pagsama niya sa kanyang mga kaibigan ay nagbigay sa kanya ng panibagong pakiramdam na siya ay tinatanggap nila, at dahil dito ang paminsan-minsan niyang pasiyang magsisi ay tila naging di na gaanong mahalaga. Dahil pabigat nang pabigat ang nalalabag niyang mga utos, ang pangarap na masaya at walang hanggang tahanan ay tila naglalaho na.

Nakaupo siya sa harapan ko na mabigat ang kalooban. Gusto niyang sagipin ko siya mula sa patibong ng kasalanan na kinasadlakan niya. Ngunit ang tanging paraan palabas ay ang manampalataya siya kay Jesucristo, magkaroon ng bagbag na puso, magsisi at sa paraang ito ay malinis, mabago, at mapalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoon. Nagpatotoo ako sa kanya na posible pa rin ito. At nangyari nga ito, ngunit naging napakahirap nito kaysa manampalataya nang maaga sa buhay sa pagtahak pabalik sa Diyos at noong una siyang malihis ng landas.

Kaya, matutulungan natin nang husto ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng mga paraan na magkaroon sila ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo habang sila ay bata pa. At pagkatapos dapat tayong tumulong na paningasin agad ang pananampalatayang iyan bago ito lumamlam dahil sa paglihis nila sa landas.

Kaya asahan natin ang halos patuloy na pagkakataong tulungan ang mga naglalakbay sa mga anak ng Diyos. Sinabi sa atin ng Panginoon kung bakit magiging gayon nang ilarawan Niya ang mapanganib na paglalakbay pabalik ng lahat ng espiritung anak ng Diyos sa abu-abong likha ng kasalanan at ni Satanas:

“Magsipasok kayo sa makipot na pasukan; sapagkat malapad ang pasukan, at malawak ang daan patungo sa pagkawasak, at marami ang papasok doon sa lugar na iyon;

“Sapagkat makipot ang pasukan, at makitid ang daan, patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong nito.”1

Dahil nakikinita ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak, isang mapagmahal na Ama sa Langit ang naglagay ng mga gabay at tagasagip sa kanilang dinaraanan. Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang ligtas tayong makapaglakbay at makita ang ating dinaraanan. Tinawag Niya bilang Kanyang propeta sa panahong ito si Pangulong Thomas S. Monson. Mula sa kanyang pagkabata itinuro ni Pangulong Monson hindi lamang kung paano manatili sa landas kundi pati na rin ang pagsagip sa mga yaong nasadlak sa kalungkutan.

Inilagay tayo ng Ama sa Langit sa maraming iba’t ibang sitwasyon upang palakasin at, kung kinakailangan, akayin nang ligtas ang mga naglalakbay. Ang ating pinakamahalaga at mabigat na mga tungkulin ay sa pamilya. Mahalaga ang pamilya dahil sa simula pa lang ng buhay ng isang bata ay may pagkakataon na siya na mailagay nang matatag ang kanyang mga paa sa landas pabalik sa Ama. Ang mga magulang, kapatid, lolo’t lola, tiya at tiyo, ay naging mas malalakas na gabay at tagasagip dahil sa bigkis ng pagmamahalan na siyang tunay na katangian ng isang pamilya.

Nakalalamang ang pamilya sa unang walong taon ng buhay ng bata. Protektado ang mga bata sa mga taong ito, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi magagamit ni Satanas ang abu-abo ng kadiliman para maikubli ang landas pabalik. Sa mahahalagang taong iyon, tinutulungan ng Panginoon ang mga pamilya sa pamamagitan ng pagtawag ng mga lider sa Primary na tutulong para lumakas ang espirituwalidad ng mga bata. Naglalaan din Siya ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na mangangasiwa sa sacrament. Sa mga panalanging iyon sa sacrament, naririnig ng mga bata ang pangako na mapapasakanila ang Espiritu ng Diyos kung masunurin sila sa mga utos ng Diyos. Bunga nito, matatag nilang malalabanan ang tukso kapag dumating ito at pagkatapos, balang araw, ay tutulong sa pagsagip sa iba.

Maraming bishop sa Simbahan ang nabigyan ng inspirasyon na tawagin ang pinakamatatag na mga tao sa ward upang paglingkuran ang mga bata sa Primary. Alam nila na kung mapalalakas ang mga bata, sa pananampalataya at patotoo, malamang na hindi na sila kailangang sagipin kapag tinedyer na sila. Alam nila na ang matibay na espirituwal na saligan ay makagagawa ng kaibhan habang buhay.

Lahat tayo ay makakatulong. Ang mga lola, lolo at bawat miyembro na may kakilalang isang bata ay makakatulong. Hindi kailangang may katungkulan sila sa Primary. Ni kailangan ng edad para dito. Isang babae, na noong bata pa, ang nasa Primary general board na tumulong sa paglikha ng CTR motto.

Hindi siya kailanman nagsawa sa paglilingkod sa mga bata. Nagturo siya sa Primary ng kanyang ward, sa sarili niyang kahilingan, hanggang sa halos 90 taong gulang na siya. Dama ng maliliit na bata ang pagmamahal niya sa kanila. Nakita nila ang kanyang halimbawa. Natutuhan nila mula sa kanya ang simpleng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. At higit sa lahat, dahil sa kanyang halimbawa natutuhan nilang madama at makilala ang Espiritu Santo. At nang magawa nila ito, nakamtan nila ang pananampalatayang kailangan nila para mapaglabanan ang tukso. Malamang na hindi na nila kailangang masagip at nakahanda sila na magsagip ng iba.

Natutuhan ko ang kapangyarihan ng simpleng pananampalataya sa panalangin at sa Espiritu Santo noong maliliit pa ang aming mga anak. Hindi pa nabibinyagan noon ang aming panganay na anak. Masigasig siyang tinulungan ng kanyang mga magulang, guro sa Primary at lider ng priesthood na madama at makilala niya ang Espiritu at malaman kung paano tumanggap ng Kanyang tulong.

Isang hapon, inihatid siya ng asawa ko sa bahay ng isang babae na nagtuturo sa kanyang magbasa. Ang plano namin ay sunduin siya pag-uwi ko mula sa trabaho.

Natapos nang maaga ang aralin niya kaysa sa inaasahan namin. Tiwala siya na alam niya ang daan pauwi. Kaya naglakad na siya. Sinabi niya na tiwalang-tiwala siya at gusto ang ideyang umuwing mag-isa. Matapos siyang makapaglakad nang halos kalahating milya, gumagabi na. Nahiwatigan niya na malayung-malayo pa siya sa bahay.

Naaalala pa niya na nanlabo ang mga ilaw ng mga kotse na dumaraan dahil sa kanyang pagluha. Para siyang isang musmos, hindi isang batang may tiwala sa sarili noong simulan niyang maglakad mag-isa pauwi. Naisip niya na kailangan niya ng tulong. May isang bagay siyang naalala. Alam niya na dapat siyang manalangin. Kaya’t nilisan niya ang kalsada at nagtungo sa ilang mga puno na hindi niya gaanong makita sa dilim. Nakahanap siya ng pagluluhuran.

Mula sa mga palumpong, nakarinig siya ng mga tinig na papalapit sa kanya. Dalawang kabataan ang nakarinig sa kanyang pag-iyak. Nang makalapit na sila, sabi nila, “May maitutulong ba kami sa iyo?” Habang umiiyak sinabi niya sa kanila na naligaw siya at gusto na niyang umuwi. Nagtanong sila kung alam niya ang kanyang numero ng telepono o address. Hindi niya alam. Tinanong nila kung alam niya ang kanyang pangalan. Iyon ang alam niya. Siya ay isinama nila sa kalapit na lugar kung saan sila nakatira. Nahanap nila ang pangalan ng pamilya namin sa direktoryo ng telepono.

Nang matanggap ko ang tawag, dali-dali akong nagpunta, at nagpasalamat na naglagay ang Diyos ng mabubuting tao sa kanyang daraanan pauwi. At lubos ang pasasalamat ko na naturuan siyang manalangin nang may pananampalataya na darating ang tulong kapag siya ay naligaw. Ang pananampalatayang iyan ay umakay sa kanya sa kaligtasan at nagdala ng mga tagasagip nang mas maraming beses kaysa sa naaalala niya.

Ang Panginoon ay naglaan ng isang huwaran ng pagsagip at mga tagasagip sa Kanyang kaharian. Sa Kanyang karunungan, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod na lumikha ng ilang pinakamabibisang paraan para mapalakas tayo, at tawagin ang pinakamahuhusay na tagasagip, habang pinagdaraanan natin ang pagiging tinedyer.

Alam ninyo ang dalawang mabisang programa na inilaan ng Panginoon. Ang isa, para sa Young Women ay tinatawag na “Pansariling Pag-unlad.” Ang isa naman, para sa mayhawak ng Aaronic Priesthood, ay tinatawag na Tungkulin sa Diyos. Hinihikayat namin ang mga kabataan ng bagong henerasyon na gamitin ang kanilang potensiyal sa pagkakaroon ng matinding espirituwal na lakas. At nakikiusap kami sa mga yaong nangangalaga sa mga kabataan na gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon para matulungan sila. At yamang ang kinabukasan ng Simbahan ay nakasalalay sa kanila lahat tayo ay nagmamalasakit.

Ang dalawang programa ay pinahusay pa, ngunit hindi binago ang layunin nito. Ganito ang pagkasabi ni Pangulong Monson: kailangang “alamin natin ang dapat matutuhan, gawin ang dapat nating gawin, at maging kung ano dapat tayo.”2

Nilinaw ng buklet na Pansariling Pag-unlad para sa mga kabataang babae ang layunin para sa kanila: “Gamit ng programang Pansariling Pag-unlad ang walong pinahahalagahan ng Young Women upang tulungan kang maunawaan kung sino ka talaga, bakit ka narito sa daigdig, at ano ang dapat mong gawin bilang anak na babae ng Diyos upang makapaghanda para sa araw na pupunta ka sa templo upang gumawa ng mga sagradong tipan.”

At sinabi sa buklet na ito na ang mga kabataang babae ay “[gagawa] ng matitibay na pangako, isa[sa]katuparan ang mga ito, at i[u]ulat ang iyong pag-unlad sa isang magulang o pinuno.” Ipinangangako rin nito na, “ang mga huwaran na naitatag mo sa pagsasagawa sa Pansariling Pag-unlad—tulad ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsusulat ng journal—ay magiging gawi mo na sa araw-araw. Ang mga gawing ito ay magpapalakas sa iyong patotoo at tutulungan kang matuto at umunlad sa buong buhay mo.”3

Ang programang Tungkulin sa Diyos para sa kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood ay pinalakas at pinasimple. Ilalagay ito sa isang simpleng aklat para sa lahat ng tatlong katungkulan sa Aaronic Priesthood. Ang Young Men at kanilang mga lider ay tatanggap ng kopya ng bagong aklat na ito. Ito ay isang mabisang kasangkapan. Palalakasin nito ang mga patotoo ng mga kabataang lalaki at ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ito ay tutulong sa kanila na matutuhan at hangaring maisakatuparan ang mga tungkulin nila sa priesthood. Palalakasin nito ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga magulang, sa kapwa miyembro ng korum, at sa pagitan ng Young Men at kanilang mga lider.

Ang dalawang programang ito ay magbibigay ng malaking responsibilidad sa pagsisikap ng mga kabataan. Sila ay inaanyayahan na matuto at gawin ang mga bagay na mahirap para sa lahat. Sa pagbabalik-tanaw ko sa aking kabataan, hindi ko naalala na nagkaroon ako ng mahirap na hamon. Ah, sa ilang pagkakataon ay naanyayahan ako na pagtagumpayan ang mahihirap na hamon ngunit paminsan-minsan lang. Inaasahan ng mga programang ito ang tuluy-tuloy, malaking pagsisikap at pagkakaroon ng mga natutuhan at espirituwal na karanasan sa pagdaan ng mga taon.

Nang mapag-isipan ko ito, natanto ko na ang nilalaman ng aklat na ito ay pisikal na pagpapakita ng tiwala ng Panginoon sa bagong henerasyon at sa lahat sa atin na nagmamahal sa kanila. At nakakita ako ng katibayan na ang pagtitiwala ay naibigay na mabuti.

Sa mga pagbisita ko nakita ko ang pagkilos ng mga Aaronic Priesthood quorum. Nakakita ako ng mga kabataang lalaki na sinusunod ang mga huwaran sa pag-aaral, nagpaplano na gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos, at pagkatapos ay isinasakatuparan ang ipinangako nilang gagawin at ikinukuwento sa iba kung paano sila nabago sa espirituwal. At sa pagmamasid ko at pakikinig, kitang-kita na naaantig ng Espiritu ang mga ama, ina, lider, kaibigan, at kapwa miyembro sa kongregasyon kapag naririnig nilang nagpapatotoo ang mga kabataan kung paano sila napalakas. Napapasigla ang mga kabataan kapag nagpapatotoo sila, at gayon din ang mga yaong nagsisikap na tulungan silang umunlad.

Ang programa ng Young Women ay may gayunding mabisang huwaran na magpaunlad ng espirituwal na lakas sa mga kabataang babae at nagbibigay ng pagkakataon para sa atin na makatulong. Ang Pansariling Pag-unlad ay tumutulong sa mga kabataang babae na maghanda na matanggap ang mga ordenansa sa templo. Natutulungan sila sa pamamagitan ng mga halimbawa ng mga ina, lola at lahat ng mabubuting babae sa paligid nila sa Simbahan. Nakita ko kung paano tinulungan ng mga magulang ang isang anak na babae na makamtan ang kanyang mga mithiin at pangarap sa pamamagitan ng pagpansin at pagpapahalaga sa lahat ng mabubuting bagay na kanyang ginawa.

Ilang araw lang ang nakararaan namasdan ko ang isang ina na nakatayong katabi ng kanyang anak habang magkasama nilang tinatanggap ang gawad na Pagkilala sa Pagdadalaga. At nang ibahagi nila sa akin ang kahalagahan nito sa kanila, nadama ko ang pagsang-ayon ng Panginoon at paghihikayat sa ating lahat.

Sa lahat ng tulong na maibibigay natin sa mga kabataang ito, ang pinakamaganda ay madama nila na nagtitiwala tayo sa kanila na nasa tamang landas sila pabalik sa Diyos at magagawa nila ito. At pinakamainam natin itong magagawa kung sasamahan natin sila. Dahil ang daraanan kung minsan ay matarik at mabato, paminsan-minsan sila ay panghihinaan ng loob at madarapa. Maaaring minsan ay malito sila sa kanilang patutunguhan at maligaw na hinahangad ang mga mithiing hindi gaanong mahalaga sa kawalang-hanggan. Malamang na hindi mangyari ang ganito sa mga inspiradong programang ito dahil aakayin nito ang mga kabataan na anyayahan at tanggapin ang pagsama ng Espiritu Santo.

Ang pinakamagandang payo na maibibigay natin sa mga kabataan ay na sila ay makababalik lamang sa Ama sa Langit kapag ginabayan at iwinasto sila ng Espiritu ng Diyos. Kaya nga, kung matalino tayo, hihikayatin natin, papupurihan at ipapakita ang lahat ng bagay na nag-aanyaya sa pagsama ng Espiritu Santo. Kapag ibinabahagi nila sa atin ang kanilang ginagawa at nadarama, kailangan din nating maging karapat-dapat para mapasaatin ang Espiritu. Pagkatapos, madarama nila sa ating papuri at mga ngiti ang pagsang-ayon ng Diyos. At kung nadama natin na kailangan natin silang payuhan para iwasto sila, madarama nila ang ating pagmamahal at ang pagmamahal ng Diyos sa ating ipinayo, at hindi pagkagalit at pagtakwil na magtutulot kay Satanas na maakay sila palayo.

Ang halimbawa na pinakakailangan nila mula sa atin ay ang gawin natin ang dapat nilang gawin. Kailangan nating manalangin para sa mga kaloob ng Espiritu. Kailangang pagbulayan natin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng buhay na mga propeta. Kailangan nating gumawa ng mga plano na hindi lamang pangarap kundi mga tipan. At pagkatapos kailangan nating tupdin ang mga pangako natin sa Panginoon. At kailangan nating pasiglahin ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala na dumating sa ating buhay.

At kailangang ipakita natin sa ating sariling buhay ang matatag at patuloy na katapatan na inaasahan sa kanila ng Panginoon. Kapag nagawa natin ito, matutulungan natin sila na madama mula sa Espiritu ang katiyakan na kung magsisikap sila, kanilang maririnig ang mga salita mula sa isang mapagmahal na Tagapagligtas at Ama sa Langit: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay: Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”4 At tayo na tumulong sa kanila ay maririnig nang may galak ang mga saliltang iyon.

Pinatototohanan ko na mahal kayo ng Panginoon at ang lahat ng anak ng Diyos. Ito ang Kanyang kaharian na ipinanumbalik lakip ang mga susi ng priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Si Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon sa panahong ito. Ipinapangako ko sa bawat isa sa inyo, kapag sinusunod ninyo ang inspiradong tagubilin sa totoong Simbahan ni Jesucristo, na ang ating mga kabataan at tayo na tumutulong at nagmamahal sa kanila, ay makararating nang ligtas sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas, para mamuhay bilang mga pamilya at nang may kagalakan magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. 3 Nephi 14:13–14.

  2. Thomas S. Monson, “Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Liahona, Nob. 2008, 67.

  3. Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 6.

  4. Mateo 25:21.