Siya’y Nagbangon!
Libingang walang laman sa unang umagang iyon ng Paskua ang tugon sa tanong ni Job, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?”
Napakagandang sesyon nito. Sa pangalan ng lahat ng lumahok ngayon sa pananalita o musika, bilang Pangulo ng Simbahan, dalawang salita lamang ang naipasiya kong sabihin sa inyo sa sandaling ito, na kilala bilang ang dalawang pinakamahalagang salita sa wikang Ingles. Kay Sister Cheryl Lant at sa kanyang mga tagapayo, sa koro, mga musikero, tagapagsalita, ang mga salitang iyon ay “Thank you.”
Maraming taon na ang nakararaan, habang ako ay nasa London, England, pinuntahan ko ang bantog na Tate art gallery. Nakadispley ang mga likhang-sining nina Gainsborough, Rembrandt, Constable at iba pang kilalang mga pintor sa iba’t ibang silid. Hinangaan ko ang kagandahan ng mga iyon at kinilala ang kahusayang kinailangan upang likhain ang mga obra-maestrang ito. Gayunman, naroon sa tahimik na sulok ng ikatlong palapag ang isang ipinintang larawan na hindi lamang umagaw ng aking pansin kundi nakaantig din sa akin. Ipininta ng pintor na si Frank Bramley ang isang hamak na kubo na nakaharap sa maalong dagat. Dalawang babae, ang ina at ang asawa ng pumalaot na mangingisda, ang nagbantay at naghintay nang buong magdamag sa kanyang pagbalik. Nakalipas na ang magdamag, at napagtanto nila na nawala siya sa karagatan at hindi na magbabalik. Nakaluhod sa tabi ng kanyang biyenang babae, na nakasubsob ang ulo sa kandungan ng matanda, nanangis sa kalungkutan ang bata pang asawa. Makikita sa upos na kandila sa pasimano ng bintana kung gaano katagal sila naghintay nang walang saysay.
Nadama ko ang pighati ng asawa; dama ko ang kanyang pagdadalamhati. Malungkot ang kuwento ng nakaaantig at malinaw na ipinamagat ng pintor sa kanyang sining. Sabi roon, Isang Walang Pag-asang Bukang-Liwayway.
Ah, kaytagal na inasam ng babae ang pag-aliw, maging ang katotohanan, ng “Requiem” ni Robert Louis Stevenson:
Nakauwi na ang naglayag mula sa karagatan,
At ang mangangaso mula sa kaburulan.1
Sa lahat ng katotohanan ng mortalidad, walang kasintiyak ang wakas nito. Ang kamatayan ay dumarating sa lahat; ito ang “pamana sa ating lahat; kukunin nito ang kanyang [mga] biktima habang sanggol o bata pa; [dadalaw ito] sa panahon ng kasibulan, o maaaring maantala hanggang sa pumuti na ang … buhok; maari itong mangyari dahil sa aksidente o sakit, … o dahil sa katandaan; ngunit darating ito.”2 Tiyak itong magbibigay ng pighati sa pagkawala ng mahal sa buhay at, lalo na sa mga bata, isang dagok sa mga pangarap na hindi nagkatotoo, mga ambisyong hindi natupad, at mga pag-asang naglaho.
Sinong tao, na nawalan ng mahal sa buhay o, tunay nga, na nakakaunawang siya man ay mamamatay, ang hindi pinagbulayan kung ano ang nasa kabila ng tabing na naghihiwalay sa nakikita at sa hindi nakikita?
Maraming siglo na ang nakalipas ang lalaking si Job—na nabiyayaan ng mga materyal na bagay, ay nasumpungan ang kanyang sarili na labis na nagdurusa sa lahat ng mangyayari sa tao—ay nakaupo kasama ang kanyang mga kaibigan at binigkas ang walang-kamatayang tanong, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?”3 Sinambit ni Job ang pinagbulayan ng bawat nabubuhay na lalaki o babae.
Sa maluwalhating umagang ito ng Paskua gusto kong isaalang-alang ang tanong ni Job—“Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?”—at ibibigay ko ang sagot dito na nagmumula hindi lamang sa matamang pagninilay kundi mula rin sa inihayag na salita ng Diyos. Magsisimula ako sa mahahalaga.
Kung may plano ang mundong ito na tinitirhan natin, dapat ay may Tagaplano. Sino ang maaaring magmasid sa maraming kagila-gilalas na bagay sa sansinukob nang hindi naniniwalang may plano para sa buong sangkatauhan? Sino ang magdududa na may Tagaplano?
Sa aklat ng Genesis nalaman natin na nilikha ng Dakilang Tagaplano ang langit at ang lupa: “At ang lupa ay walang anyo, at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman.”
“Magkaroon ng liwanag,” sabi ng Dakilang Tagaplano, “at nagkaroon ng liwanag.” Nilikha Niya ang kalawakan. Inihiwalay Niya ang lupa sa mga tubig at sinabing, “Sibulan ang lupa ng damo, … [ang] punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi.”
Dalawang liwanag ang Kanyang nilikha—ang araw at ang buwan. Ang mga bituin ay Kanya ring nilikha. Nilikha Niya ang mga nilalang sa tubig at ang mga ibong lumilipad sa papawirin. At nangyari nga. Nilikha Niya ang mga hayop, ganid, at kinapal na umuusad. Malapit nang matapos ang plano.
Ang huli sa lahat, Kanyang nilikha ang tao sa Kanyang sariling larawan—lalaki at babae—na may kapamahalaan sa lahat ng iba pang nilalang.4
Tao lamang ang binigyan ng katalinuhan—isang utak, isang isipan, at isang kaluluwa. Tao lamang, na may mga katangiang ito, ang may kakayahang sumampalataya at umasa, magkaroon ng inspirasyon at ambisyon.
Sino ang makapangangatwiran na ang tao—na pinakadakila sa lahat ng nilalang ng Dakilang Tagaplano, na may kapamahalaan sa lahat ng bagay, may utak at determinasyon, may isip at kaluluwa, may katalinuhan at kabanalan—ay dapat mamatay kapag iniwan na ng espiritu ang kanyang katawang-lupa?
Para maunawaan ang kahulugan ng kamatayan, kailangan nating maunawaan ang layunin ng buhay. Ang malamlam na liwanag ng paniniwala ay dapat kumuha ng higit na liwanag mula sa paghahayag, na nagbibigay sa atin ng kaalaman na nabuhay tayo bago isinilang sa mortalidad. Sa ating buhay bago tayo isinilang, walang alinlangang kabilang tayo sa mga anak ng Diyos na naghiyawan sa galak dahil sa pagkakataong maparito sa puno ng pagsubok subalit kailangang mortal na buhay.5 Alam natin na ang ating layunin ay magtamo ng pisikal na katawan, madaig ang mga pagsubok, at mapatunayang susundin natin ang mga utos ng Diyos. Alam ng ating Ama na dahil sa likas na katangian ng mortalidad, tayo ay matutukso, magkakasala, at magkukulang. Para magkaroon tayo ng lahat ng pagkakataong magtagumpay, naglaan Siya ng Tagapagligtas, na magdurusa at mamamatay para sa atin. Hindi lamang Siya magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan, kundi bilang bahagi ng Pagbabayad-salang iyon, dadaigin Niya rin ang pisikal na kamatayang daranasin natin dahil sa Pagkahulog ni Adan.
Kaya nga, mahigit 2,000 taon na ang nakaraan, si Cristo, na ating Tagapagligtas, ay isinilang sa mundo sa isang sabsaban sa Betlehem. Dumating na ang matagal nang ipinropesiyang Mesiyas.
Kakaunti ang naisulat tungkol sa pagkabata ni Jesus. Gusto ko ang talata mula sa Lucas: “At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”6 At mula sa aklat ng Mga Gawa, may maikling talata tungkol sa Tagapagligtas na napakalawak ng kahulugan: “[Siya ay] naglilibot na gumagawa ng mabuti.”7
Siya ay bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan. Tinawag Niya ang Labindalawang Apostol. Pinagaling Niya ang maysakit. Pinalakad Niya ang lumpo, ibinalik ang paningin ng bulag, binigyan ng pandinig ang bingi. Maging ang mga patay ay Kanyang binuhay. Siya ay nagturo, nagpatotoo at nagpakita ng perpektong halimbawang susundin natin.
At pagkatapos ay nagwakas na ang mortal na misyon ng Tagapagligtas ng sanlibutan. Idinaos ang huling hapunan kasama ang Kanyang mga Apostol sa silid sa itaas. At naghintay sa huli ang Getsemani at pagpapako sa krus sa Kalbaryo.
Walang karaniwang taong makauunawa sa buong kahalagahan ng ginawa ni Cristo para sa atin sa Getsemani. Inilarawan Niya Mismo kalaunan ang karanasang ito: “[Ang] pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”8
Kasunod ng pagdurusa sa Getsemani, ngayong wala na Siyang lakas, dinakip Siya ng mababagsik at malulupit na kamay at iniharap kina Anas, Caifas, Pilato, at Herodes. Pinaratangan Siya at hinamak. Ang matitinding hampas ay lalo pang nagpahina sa Kanyang hirap nang katawan. Umagos ang dugo sa Kanyang mukha nang puwersahang iputong sa Kanyang ulo ang malupit na koronang puno ng tinik, kaya bumaon ito sa Kanyang noo. Pagkatapos ay muli Siyang iniharap kay Pilato, na nagpatangay sa sigawan ng galit na mga tao: “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”9
Hinampas Siya ng latigo na ang mga hibla ay gawa sa balat na may matutulis na bakal at buto. Nang tumindig mula sa malupit na paghampas, patumba-tumba Siyang humakbang na pasan ang sarili Niyang krus hanggang sa hindi na Niya makayanan at pinasan ito ng iba para sa Kanya.
Sa huli, sa burol na tinatawag na Kalbaryo, habang nakamasid ang walang magawang mga disipulo, ipinako ang Kanyang sugatang katawan sa krus. Walang awa Siyang inalipusta at hinamak at pinagtawanan. Magkagayunman Kanyang sinabi, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”10
Lumipas ang mga oras ng paghihirap habang unti-unti Siyang pumapanaw. Mula sa kanyang tuyot na mga labi nagmula ang mga katagang, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.”11
Nang palayain Siya ng kapayapaan at kaaliwan ng maawaing kamatayan mula sa kapighatian ng mortalidad, bumalik Siya sa piling ng Kanyang Ama.
Sa huling sandali, maaari sana itong talikuran ng Panginoon. Ngunit hindi Niya ito ginawa. Pinagtagumpayan Niya ang lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Ang Kanyang walang buhay na katawan ay mabilis ngunit magiliw na inilagak sa isang hiram na libingan.
Walang ibang mga salita sa mga banal na kasulatang Kristiyano ang naging mas makabuluhan sa akin kaysa sa sinabi ng anghel sa umiiyak na si Maria Magdalena at sa isa pang Maria nang, sa unang araw ng linggong iyon, nilapitan nila ang libingan para alagaan ang katawan ng kanilang Panginoon. Sabi ng anghel:
“Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.”12
Muling nabuhay ang ating Panginoon. Ang pinakamaluwalhati, nakakaaliw, at nakapapanatag sa lahat ng nangyari sa kasaysayan ng tao ay naganap—ang tagumpay laban sa kamatayan. Ang sakit at pagdurusa sa Getsemani at Kalbaryo ay napalis. Ang kaligtasan ng sanlibutan ay natiyak. Nabawi si Adan sa Pagkahulog.
Libingang walang laman sa unang umagang iyon ng Paskua ang tugon sa tanong ni Job, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” Sa lahat ng nakaririnig sa akin, ipinahahayag ko, Kung ang isang tao ay mamatay, siya ay muling mabubuhay. Alam natin, sapagkat nasa atin ang liwanag ng inihayag na katotohanan.
“Sapagka’t yamang sa pamamagitan ng tao’y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao’y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.
“Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”13
Nabasa ko—at pinaniniwalaan ko—ang mga patotoo ng mga yaong dumanas ng pighati sa pagkapako ni Cristo sa Krus at ng kagalakan sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nabasa ko— at pinaniniwalaan ko—ang mga patotoo ng mga tao sa Bagong Daigdig na dinalaw rin ng nagbangong Panginoon na iyon.
Pinaniniwalaan ko ang patotoo ng isang tao na nakipag-usap sa Ama at sa Anak, sa dispensasyong ito, sa kakahuyang tinatawag ngayong sagrado at ibinigay ang kanyang buhay, at tinatakan ang patotoong iyan ng kanyang dugo. Ipinahayag niya:
“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!
“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama.”14
Ang dilim ng kamatayan ay laging paglalahuin ng liwanag ng inihayag na katotohanan. “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan,” sabi ng Panginoon.15 “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.”16
Sa pagdaan ng mga taon hindi ko na mabilang ang mga patotoong narinig at nabasa ko, na ibinahagi sa akin ng mga taong nagpapatotoo sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli at nakatanggap, sa oras na kailangang-kailangan nila, ng kapayapaan at kaaliwang ipinangako ng Tagapagligtas.
Ilang bahagi lang nito ang babanggitin ko. Nitong nakaraang dalawang linggo nakatanggap ako ng isang nakaaantig na liham mula sa isang ama na may pitong anak tungkol sa kanyang pamilya at, lalo na, sa kanyang anak na si Jason, na nagkasakit noong 11 taong gulang ito. Sa sumunod na ilang taon, ilang beses nagpabalik-balik ang karamdaman ni Jason. Ikinuwento ng amang ito ang positibong ugali at masayang disposisyon ni Jason, sa kabila ng karamdaman nito. Natanggap ni Jason ang kanyang Aaronic Priesthood sa edad na 12 at “lagi siyang handang gampanan nang mahusay ang kanyang mga responsibilidad, mabuti man o hindi ang kanyang pakiramdam.” Natanggap niya ang kanyang Eagle Scout Award noong siya ay 14 na taong gulang.
Nitong nakaraang tag-init, hindi pa natatagalan matapos ang ika-15 kaarawan ni Jason, muli siyang naospital. Sa isa sa mga pagbisita ng ama kay Jason, nakita niyang nakapikit ito. Hindi alam kung gising o tulog si Jason, sinimulang niyang kausapin ito nang mahina. “Jason,” wika niya, “Alam ko na marami ka nang pinagdaanang hirap sa maikli mong buhay at mahirap ang kalagayan mo ngayon. Kahit nilalabanan mo ito, ayaw kong mawala ang pananampalataya mo kay Jesucristo kahit kailan.” Sinabi niya na nagulat siya nang biglang magmulat si Jason at nagsabing, “Hinding-hindi po!” sa malinaw at matatag na tinig. Pagkatapos ay pumikit na si Jason at hindi na nagsalita.
Isinulat ng kanyang ama, “Sa simpleng pahayag na ito, ipinahayag ni Jason ang isa sa pinakamalakas at dalisay na patotoo tungkol kay Jesucristo na noon ko lang narinig… . Nang maukit sa aking kaluluwa ang pahayag niyang ‘Hinding-hindi po!’ sa araw na iyon, napuspos ng galak ang puso ko na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang pambihira at marangal na anak… . [Iyon] ang huling pagkakataon na narinig ko siyang magpatotoo tungkol kay Cristo.”
Bagama’t inaasahan ng kanyang pamilya na isa lang itong karaniwang pagpapaospital, wala pang dalawang linggo ang lumipas ay pumanaw na si Jason. Nasa misyon noon ang kanyang kuya at ate. Katatanggap pa lang ng isa pa niyang kapatid, si Kyle, ng tawag nito sa misyon. Katunayan, mas maagang dumating ang tawag na magmisyon kaysa inaasahan, at noong Agosto 5, isang linggo lang bago pumanaw si Jason, nagtipon ang pamilya sa silid nito sa ospital para doon buksan ang sulat para sa misyon ni Kyle at maibahagi sa buong pamilya.
Sa kanyang liham sa akin, nagsama ang amang ito ng litrato ni Jason na nakahiga sa kanyang kama sa ospital, at nakatayo sa tabi ng kama ang kanyang Kuya Kyle, na hawak ang tawag niya sa misyon. Ganito ang nakasulat sa ilalim ng larawan: “Sabay na tinawag na maglingkod—sa magkabilang panig ng tabing.”
Ang kuya at ate ni Jason na nasa misyon na ay nagpadala ng maganda at nakaaaliw na mga liham upang ibahagi sa burol ni Jason. Isinulat ng kanyang ate, na naglilingkod sa Argentina Buenos Aires West Mission, sa bahagi ng ng liham nito: “Alam ko na si Jesucristo ay buhay, at dahil Siya ay buhay, lahat tayo, pati na ang pinakamamahal nating si Jason, ay muli ring mabubuhay… . Mapapanatag tayo sa tiyak na kaalaman na tayo ay magkakasamang ibinuklod bilang walang hanggang pamilya… . Kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya na sumunod at magpakabuti sa buhay na ito, makikita [natin siyang muli].” Sabi pa niya, “[Isang] banal na kasulatan na gustung-gusto ko noon pa man ang nagkaroon ngayon ng bagong kahulugan at kahalagahan sa panahong ito… . [Mula sa] Apocalipsis kabanata 21, talata 4: ‘At papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.’”
Mahal kong mga kapatid, sa oras ng ating pinakamatinding pighati, makatatanggap tayo ng malaking kapayapaan mula sa mga salita ng anghel sa unang umagang iyon ng Paskua, “Siya’y wala rito, sapagka’t siya’y nagbangon.”17
Siya’y nagbangon! Siya’y nagbangon!
Itanghal nang may sigla.
Nagapi N’ya ang libingan;
Ang mundo’y magdiwang na.
Malaya na ang tao.
Nagtagumpay si Cristo!18
Bilang isa sa mga natatangi Niyang saksi sa daigdig ngayon, ngayong maluwalhating Linggo ng Paskua, ipinahahayag ko na ito ay totoo, sa Kanyang sagradong pangalan—maging sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas—amen.