2010
Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!
Mayo 2010


Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!

Ang pag-unawa at pananampalataya natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magbibigay ng lakas at kakayahan kailangan upang magtagumpay sa buhay.

Elder Richard G. Scott

Umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, ang banal na araw na iyon na nagtakda sa buong Kristiyanismo na gunitain ang tagumpay ni Jesucristo laban sa kamatayan. Nilagot ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang noon ay ayaw malagot na mga tanikala ng kamatayan. Binuksan niya ang landas kung saan bawat anak ng Ama sa Langit na isisilang sa lupa ay magkakaroon ng pagkakataong bumangon mula sa kamatayan upang mabuhay na muli.

Galak na galak siguro ang ating Ama sa Langit sa sagradong araw na iyon nang maputol ng ganap na masunurin at karapat-dapat Niyang Anak ang mga tanikala ng kamatayan. Ano kaya ang walang hanggang layunin ng plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit kung hindi ito ginawang epektibo ng walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ng Kanyang maluwalhati at masunuring Anak? Ano kaya ang walang hanggang layunin ng Paglikha ng daigdig, kung saan ang mga talinong nananahan sa mga espiritu ay tatanggap ng katawan, kung sa kamatayan magwawakas ang pag-iral at walang mabubuhay na mag-uli? Kayluwalhati ng umagang iyon para sa lahat ng nakaunawa sa kahalagahan nito.

Ang Pasko ng Pagkabuhay ang sagradong panahong iyon na ang puso ng bawat tapat na Kristiyano ay bumabaling sa abang pasasalamat sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas. Panahon ito na dapat maghatid ng kapayapaan at galak sa lahat ng nagmamahal sa Kanya at ipinakikita ito sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay nagpapaalala tungkol kay Jesus, sa Kanyang buhay, Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at pagmamahal. Bumangon Siya mula sa mga patay “na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis” (Malakias 4:2; 3 Nephi 25:2). Ah, kaylaki ng pangangailangan nating lahat sa pagpapagaling na mailalaan ng Manunubos. Ang sa akin ay isang mensahe ng pag-asa batay sa mga alituntuning nasa mga turo ng Dalubhasang Gurong si Jesucristo.

Mas ganap na mauunawaan ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lawak at lalim ng pagpapagaling na laan ng Kanyang Pagbabayad-sala dahil nasa atin ang kabuuan ng Kanyang doktrina. Batid natin na yaong kusa Niyang ginawa nang may matinding pagdurusa at sakripisyo ay aapekto sa atin hindi lamang sa buhay na ito kundi sa buong kawalang-hanggan.

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, habang ginugunita ninyo ang Pagkabuhay na Mag-uli at halagang ipinalit at kaloob na ibinigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, pag-isipan kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa mga sagradong pangyayaring iyon. Ang personal na patotoo ninyo tungkol sa katotohanan ay lalakas. Dapat ay higit pa ito sa mga alituntuning isinasaulo ninyo. Dapat ay maging bahagi ito ng inyong pagkatao bilang isang makapangyarihang proteksyon laban sa nag-iibayong pagkasuklam na humahawa sa ating mundo.

Nagpahayag si propetang Lehi ng isang malalim na katotohanan nang sabihin niyang: “Anupa’t ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas; sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan. Masdan, inihandog niya ang kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan, upang tugunin ang layunin ng batas para sa lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu; at walang sinumang maaaring makatugon sa mga layunin ng batas” (2 Nephi 2:6–7). Ipinahihiwatig ng banal na kasulatang iyan na para sa mayayabang at hambog, parang hindi nagkaroon ng Pagbabayad-sala.

Si Jesucristo ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos. Siya ay isang maluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang. May kakayahan Siyang ipadama ang pag-ibig na napakamakapangyarihan, napakatindi para malagpasan ang kakayahan ng dila ng tao na magpahayag nang malinaw. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay upang lagutin ang mga bigkis ng kamatayan. Ganap na isinakatuparan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang plano ng kaligayahan ng Kanyang Ama sa Langit.

Si Jesus ang nagtitimbang sa pagitan ng katarungan at awa alinsunod sa ating pagsunod sa Kanyang ebanghelyo. Siya ang liwanag para sa buong sangkatauhan. Siya ang bukal ng lahat ng katotohanan. Tinutupad Niya ang lahat ng Kanyang pangako. Lahat ng sumusunod sa Kanyang mga utos ay magkakamit ng napakaluwalhating mga pagpapalang maiisip natin.

Kung hindi sa Pagbabayad-sala, hindi ganap na maisasakatuparan ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay ng lahat ng pagkakataon para madaig ang mga bunga ng mga pagkakamaling nagawa natin sa buhay. Kapag sinunod natin ang isang batas, tumatanggap tayo ng isang pagpapala. Kapag sinuway natin ang isang batas, wala nang natitira mula sa dating pagsunod upang bigyang-kasiyahan ang mga hinihingi ng katarungan para sa sinuway na batas. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay tinutulutan tayong pagsisihan ang anumang pagsuway upang maiwasan natin ang mga parusang ipapataw ng katarungang iyon.

Ang pagpipitagan at pasasalamat ko para sa Pagbabayad-sala ng Banal ng Israel, ang Prinsipe ng Kapayapaan at ating Manunubos, ay patuloy na lumalago habang sinisikap kong unawain pa itong lalo. Alam ko na walang mortal na isipang sapat na makapaglalarawan, ni hindi angkop na maipapahayag ng dila ng tao, ang buong kahalagahan ng lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa mga anak ng ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Subalit mahalagang matutuhan ng bawat isa sa atin ang kaya nating matutuhan tungkol dito. Pagbabayad-sala ang mahalagang sangkap na iyon sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit na kung wala ay hindi maisasagawa ang plano. Ang pagkaunawa ninyo sa Pagbabayad-sala at ang ideyang laan nito sa inyong buhay ay lubhang magpapaibayo sa makabuluhang paggamit ninyo ng lahat ng kaalaman, karanasan, at mga kasanayang natutuhan ninyo sa buhay.

Naniniwala ako na may matututuhan tayo sa pagsisikap na wariin kung ano ang kinailangang gawin kapwa ng Ama at ng Kanyang nagkusang-loob na Anak sa Pagbabayad-sala. Tatlo sa mga hamong nakaharap ng Tagapagligtas ang:

Una, isang malaking responsibilidad, dahil napagtanto Niya na kung hindi magawa ito nang lubusan, walang sinuman sa mga anak ng Kanyang Ama ang makababalik sa Kanya. Palalayasin sila mula sa Kanyang harapan magpakailanman dahil walang paraan para pagsisihan ang nasuway na mga batas at walang maruming bagay na iiral sa kinaroroonan ng Diyos. Nabigo sana ang plano ng Kanyang Ama, at bawat espiritung anak ay sasailalim ng walang hanggang kapangyarihan at parusa ni Satanas.

Pangalawa, sa Kanyang ganap na dalisay na puso’t isipan, kinailangan Niyang personal na madama ang mga bunga ng lahat ng mararanasan ng sangkatauhan, maging ang mga pinakaimoral at pinakamasamang kasalanan.

Pangatlo, kinailangan Niyang pagtiisan ang malupit na pagsalakay ng mga kampon ni Satanas nang pisikal at emosyonal Siyang subukan kung hanggang saan Siya makapagtitiis. Pagkatapos, sa mga kadahilanang hindi natin lubos na alam, habang nasa kasukdulan ng Kanyang kakayahan, noong kailangang-kailangan ng Tagapagligtas ng tulong, tinulutan Siya ng Kanyang Ama na balikatin ang mabigat na responsibilidad sa sarili lamang Niyang lakas at kakayahan.

Sinisikap kong wariin kung gaano kasakit sa ating Ama sa Langit nang sumigaw ang Tagapagligtas mula sa krus, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46; Marcos 15:34). Hindi ako naniniwala na pinabayaan ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak sa krus. Naniniwala ako na ang pagsigaw ay dahil nadama ng Anak na iyon ang nagpapalakas na suportang noon pa Niya tinatamasa mula sa Kanyang Ama. Batid ng Kanyang Ama na kailangan ng Tagapagligtas na ganap at lubos na maisakatuparan ang Pagbabayad-sala sa sarili Niya, nang walang tulong ng iba. Hindi iniwan ng Ama ang kanyang Anak. Ginawa Niyang posible na mapagwagian ng Kanyang sakdal na Anak ang mga walang hanggang bunga ng Pagbabayad-sala.

Wala sinuman sa atin kailanman sa buhay na ito ang lubos na makauunawa sa buong pakinabang ng mga bunga ng Pagbabayad-sala.

Talagang kailangang palakasin ng bawat isa sa atin ang ating pag-unawa sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maging di-matitinag na pundasyon ito na mapagtatatagan ng ating buhay. Habang lalong nawawalan ng mapagtatatagang mga pamantayan ang mundo at habang lalong binabalewala ang karangalan, kabanalan, at kadalisayan sa paghahanap ng kasiyahan, ang pag-unawa at pananampalataya natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magbibigay ng lakas at kakayahang kailangan upang magtagumpay sa buhay. Maghahatid din ito ng tiwala sa mga oras ng pagsubok at ng kapayapaan sa mga sandali ng kalituhan.

Masigla ko kayong hinihikayat na magplano ng personal na pag-aaral upang higit na maunawaan at mapahalagahan ang walang katulad, walang hanggan, at walang katapusang mga bunga ng sakdal na pagtupad ni Jesucristo sa Kanyang banal na pagkahirang bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang malalim na personal na pagbubulay-bulay ng mga banal na kasulatan na nilakipan ng pagsasaliksik, taos-pusong panalangin ay magpapatibay sa inyong pag-unawa at pagpapahalaga sa Kanyang walang katumbas na Pagbabayad-sala. Ang isa pang mabisang paraan para malaman ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay sa palagiang pagdalo sa templo.

Nawa’y mapanibago ng bawat isa sa atin ang ating determinasyong ituro ang mga tunay na alituntunin sa loob ng kabanalan ng ating tahanan. Kapag ginawa natin iyan, mabibigyan natin ng napakalaking pagkakataong lumigaya ang mga espiritung ipinagkatiwala sa ating pangangalaga. Gamitin ang Simbahan bilang mabuting kasangkapan upang palakasin ang tahanan, ngunit kilalanin na bilang mga magulang ay atin ang pangunahing responsibilidad at pribilehiyong magabayan ng Panginoon sa pagpapalaki ng mga espiritung anak na ipinagkatiwala Niya sa ating pangangalaga.

Ang malaking kahalagahan ng pagtuturo ng katotohanan sa tahanan ay kailangan. Ang Simbahan ay mahalaga, ngunit sa tahanan naglalaan ng kailangang pag-unawa at pagtuturo ang mga magulang sa mga anak. Totoo ngang sinabi na ang pinakamahahalagang katungkulan ngayon at magpasawalang-hanggan ay yaong sa ama at ina. Darating ang panahon na palalayain tayo mula sa lahat ng iba pang tungkuling natatanggap natin ngunit hindi sa tungkulin ng ama at ina.

Habang inyong pinagbubulayan—hindi lang binabasa kundi pinagbubulayan at pinagninilayan—ang mga talata sa banal na kasulatan, ikikintal ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang mga katotohanan sa inyong puso’t isipan bilang matibay na pundasyon sa walang-katiyakang panahong ito na ating nakabuhayan. Bilang mga magulang, ihanda ang inyong mga anak para sa mga hamong kanilang kakaharapin. Ituro sa kanila ang katotohanan, hikayatin silang ipamuhay ito, at magiging maayos ang buhay nila gaano man katindi ang kaguluhan sa mundo.

Ngayong Paskua, magpasiyang gawing buhay na sentro ng inyong tahanan ang Panginoong Jesucristo. Tiyakin na bawat desisyong gagawin ninyo, espirituwal man ito o pisikal, ay magabayan ng kaisipang “Ano ang gustong ipagawa sa akin ng Panginoong Jesucristo?”Kapag ang Tagapagligtas ang sentro ng inyong tahanan, puspos ito ng kapayapaan at katahimikan. May diwa ng payapang katiyakang namamayani sa tahanan na nadarama ng mga bata at ng matatanda man.

Ang pinakamainam na paraan para maging permanente ang pagpapakabuti ay gawing huwaran si Jesucristo at gawing gabay sa buhay ang Kanyang mga turo.

Kung naging suwail kayo sa Kanyang mga utos at nadarama ninyong hindi kayo karapat-dapat, kilalanin na ito ang dahilan kaya nagbuwis ng buhay ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala nagbigay Siya ng walang hanggang pagkakakamali, mapagsisihan ang mga maling pagpili, at magapi ang mga negatibong epekto ng buhay na taliwas sa Kanyang mga turo.

Mahal ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin at gagawin Niyang posibleng matugunan ang bawat pangangailangan natin kapag naging karapat-dapat tayo sa lahat ng pagpapalang nais Niyang kamtan natin sa daigdig na ito sa pamamagitan ng ating pagsunod. Minamahal at sinasamba ko Siya. Bilang Kanyang awtorisadong lingkod taimtim akong nagpapatotoo nang buong kakayahan ng aking pagkatao na Siya ay buhay, sa pangalan ni Jesucristo, amen.