Pagbati sa Kumperensya
Salamat, mga kapatid, sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Kalugud-lugod, mga kapatid, na magkasama-sama tayong muli. Kasabay ng araw ng kumperensyang ito ang ika-180 taon mula nang itatag ang Simbahan. Nagpapasalamat tayo nang lubos kay Propetang Joseph Smith, na naghangad ng katotohanan, natagpuan ito, at sa tagubilin ng Panginoon, ay ipinanumbalik ang ebanghelyo at itinatag ang Simbahan.
Patuloy ang pag-unlad ng Simbahan simula nang araw na yaon ng taong 1830. Patuloy nitong binabago ang buhay ng parami nang paraming mga tao taun-taon at lumalaganap sa lahat ng panig ng mundo habang ang ating mga misyonero ay naghahanap ng mga taong naghahanap ng katotohanan. Tinatawagan nating muli ang mga miyembro ng Simbahan na pagmalasakitan ang mga bagong miyembro o yaong nagsisikap makabalik sa Simbahan, at palibutan sila ng pagmamahal at tulungan silang mapanatag.
Salamat, mga kapatid, sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Salamat sa lahat ng inyong ginagawa sa inyong mga ward at branch, sa inyong mga stake at district. Handa kayong maglingkod nang mabuti at marami kayong magandang nagagawa. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon habang sinisikap ninyong sumunod sa Kanya at sa Kanyang mga kautusan.
Mula nang huli tayong magkita, patuloy na nagbibigay ang Simbahan ng mga kinakailangang tulong sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sa nakaraang tatlong buwan, nabigyan ng tulong ang French Polynesia, Mongolia, Bolivia, Peru, Arizona, Mexico, Portugal at Uganda, maliban pa sa ibang lugar. Kamakailan, tinulungan natin ang Haiti at Chile matapos ang malakas at mapanirang lindol at tsunami sa mga lugar na yaon. Nagpapahayag tayo ng pagmamahal sa mga miyembro ng ating Simbahan na nagdurusa sa mga kalamidad na ito. Ipinagdarasal namin kayo. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong lahat na nagkusang tumulong sa pamamagitan ng pagbabahagi ng anuman ang mayroon kayo at, sa maraming pagkakataon, ng inyong panahon, talento, at kahusayan.
Sa taon ding ito ang ika-25 taon mula nang maging bahagi ng ating gawaing pangkapakanan ang ating programang pantao. Ang bilang ng mga taong natulungan ng programang ito ay hindi kailanman sapat na masusukat. Pagsisikapan nating lagi na maging isa sa mga nauunang dumating sa mga lugar na may kalamidad, saan man ito mangyari.
Patuloy na umuunlad at sumusulong ang Simbahan. Ang pagtatayo ng mga templo ay nagpapakita ng gayong pag-unlad. Kamakailan ibinalita namin na may bagong templong itatayo sa Payson, Utah. Ibinalita rin namin ang malalaking renobasyong gagawin sa Ogden Utah Temple. Sa susunod na tatlong buwan ilalaan natin ang mga templo sa Vancouver, British Columbia; sa Gila Valley, Arizona; at sa Cebu City sa Pilipinas. Bago magtapos ang taong ito may iba pang templong ilalaan o muling ilalaan. Patuloy tayong magtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo habang dumarami ang ating mga miyembro. Bawat taon milyun-milyong ordenansa ang isinasagawa sa mga templo para sa ating pumanaw na mga mahal sa buhay. Nawa’y magpatuloy ang tapat nating pagsasagawa sa mga ordenansang yaon para sa mga taong hindi magagawa iyon para sa kanilang sarili.
Alam ng marami sa inyo na pagkatapos ng kumperensya noong Oktubre, ang aking mahal na kabiyak na si Frances ay natumba na ikinabali ng kanyang balakang at balikat. Matapos ang dalawang matagumpay na operasyon at ilang linggo sa ospital, nakauwi na siya. Maayos na siya at patuloy ang kanyang paggaling. Nakadalo siya sa Young Women General meeting nitong nakaraang Sabado at planong daluhan ang isa o dalawang sesyon ngayon o bukas. Sa katunayan, bago magsimula ang sesyong ito sinabi niya, “Pupunta ako ngayon!” At narito nga siya! Kasama ko siyang lubos na nagpasasalamat sa ating Ama sa Langit at sa inyo at sa inyong mga dalangin at pangangamusta para sa kanya.
Narito tayo ngayon, mga kapatid, upang matagubilinan at mabigyan ng inspirasyon. Binabati namin kayo na mga bago pa lamang miyembro ng Simbahan. Ang iba sa inyo ay nahihirapan sa mga problema, hamon, kabiguan, at kawalan. Mahal namin kayo at ipinagdarasal namin kayo. Maraming mensahe, na tatalakay sa iba’t ibang paksa sa ebanghelyo, ang ibibigay sa susunod na dalawang araw. Ang mga kalalakihan at kababaihang magsasalita sa inyo ay naghangad ng tulong ng langit hinggil sa mga mensaheng kanilang ibibigay.
Dalangin ko na mapuspos tayo ng Kanyang Espiritu habang tayo ay nakikinig at natututo. Ang mangyari nawa ito, ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, amen.