2010
Bagong Programa ng Tungkulin sa Diyos, Ibinalita
Mayo 2010


Bagong Programa ng Tungkulin sa Diyos, Ibinalita

Gaya ng ibinalita sa pangkalahatang kumperensya, isang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos ang binuo sa ilalim ng pamamahala ng nabubuhay na mga propeta upang tulungan ang mga kabataang lalaki na magkaroon ng espirituwal na kalakasan at magampanan ang kanilang mga tungkulin sa priesthood.

“[Ang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos] ay mabisang kasangkapan,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa sesyon sa Sabado ng umaga. “Palalakasin nito ang mga patotoo ng mga kabataang lalaki at ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ito ay tutulong sa kanila na matutuhan at hangaring maisakatuparan ang mga tungkulin nila sa priesthood. Palalakasin nito ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga magulang, sa kapwa miyembro ng korum, at sa kanilang mga lider.”

Ang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos ay ginawang simple at nakatuon sa mga bagay na pinakamahalaga. Ang mga kailangan sa tatlong age group, kasama ang mga tagubilin sa mga magulang at lider, ay nasa iisang aklat. Ang aklat at kaugnay na mga materyal ay magagamit na sa 27 mga wika sa pagitan ng Hunyo at Agosto 2010. Ang karagdagang mga salin ng mga materyal ay patuloy na makukuha sa buong taon.

Ang mga aktibidad ay isinaayos upang matutuhan ng mga binatilyo ang isang alituntunin ng ebanghelyo o tungkulin sa priesthood, kumilos nang ayon sa natutuhan nila, at pagkatapos ay ibahagi ang mga naiisip at nadarama nila sa kanilang mga magulang, mga lider ng Simbahan, o sa kanilang korum.

“Bilang deacon, teacher, at priest, lalahok kayo sa mga aktibidad na magpapalakas sa inyong espirituwalidad at tutulong sa inyong matutuhan at magampanan ang inyong mga tungkulin sa priesthood,” sabi ni David L. Beck, Young Men general president, sa sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya. “Ang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos ay gagabayan kayo sa pagtupad ng inyong tungkulin sa Diyos at pagtuklas sa kadakilaan ng Aaronic Priesthood.”

Ang programa ay dinisenyo upang hikayatin ang mga binatilyo na akuin ang responsibilidad sa sarili nilang pag-unlad, ngunit naglalaan din ito ng mga pagkakataon upang palakasin ang kaugnayan sa pagitan ng mga binatilyo at kanilang mga magulang, lider, at mga miyembro ng korum. Marami sa mga aktibidad na ito ay madaling maisasama sa family home evening at mga miting at aktibidad ng korum.

“Ang mga magulang, lider, at miyembro ng korum ay may mahalagang papel sa programa ng Tungkulin sa Diyos,” sabi ni Brother Beck sa mga magasin ng Simbahan. “Ang mga pulong ng korum sa araw ng Linggo ay magbibigay ng regular na mga pagkakataong matuto, kumilos, at magbahagi.”

Ang mga kabataang lalaki ay hinihikayat na magpatuloy sa kasalukuyang programa hanggang sa maipatupad na ang bagong programa sa kanilang ward o branch. Kapag naipatupad na ang bagong programa, dapat simulang gawin ng bawat binatilyo ang bahaging katugon ng kanyang kasalukuyang tungkulin sa priesthood. Kung malapit na niyang matapos ang mga kailangan para sa pagtanggap ng karampatang sertipiko o medalyon sa kanyang tungkulin sa ilalim ng dating programa, maaari niyang kumpletuhin ang mga kailangang iyon habang sinisimulang gawin ang bagong programa.

“Bawat aktibidad sa Pagtupad ng Aking Tungkulin sa Diyos ay ay sumusunod sa isang huwaran na tutulong sa inyo na maging mayhawak ng priesthood na nais ng Panginoon na marating ninyo,” sabi ni Brother Beck.

Makukuha ang karagdagang impormasyon at mga materyal online sa DutyToGod.lds.org.