2010
Mga Kuwento kay Jesus, Isalaysay sa Akin
Mayo 2010


Mga Kuwento kay Jesus, Isalaysay sa Akin

Isang malakas na personal na pananampalataya kay Jesucristo ang maghahanda sa [inyong mga anak] sa mga hamon na malamang na makaharap nila.

Elder Neil L. Andersen

Kapag naatasan kang magsalita sa huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya, pinakikinggan mo ang bawat salita, na iniisip kung aling bahagi ng iyong mensahe ang mababanggit bago ikaw ang magsalita. Walang ibinibigay na mga paksa, hindi magkakaugnay ang mga tema. Gayunman, ang paraan ng Panginoon, ang palaging pinakamainam. Pinakikinggan Niya ang dasal ng bawat tagapagsalita at inaayos ang espirituwal na tunog na puno ng paghahayag at kapangyarihan. Mga temang inuulit, mga alituntuning batay sa iba pang alituntunin, mga babala ng propeta, mga pangakong nagbibigay- sigla—ang banal na harmonya ay isang himala! Pinatototohanan ko na sa kumperensyang ito ay narinig natin at nadama ang kaisipan at kalooban ng Panginoon.

Inilarawan ni Pangulong Monson ang bagong henerasyon bilang “ang pinakamagaling”1 at sinabi sa ating mga kabataan: “Naparito kayo sa mundo sa napakagandang panahon. Ang mga oportunidad ninyo ay halos walang hangganan.”2 Ngunit nagbabala din siya, “Inilagay tayo sa mundo sa panahon ng kaguluhan.”3 “Ito ay panahon ng kapabayaan, ang lipunan ay binabalewala at nilalabag ang mga batas ng Diyos.”4 Maraming nakapaligid sa atin kaya’t naaagaw ng iba ang ating pansin. “Gamit ng kalaban ang lahat ng paraan para malinlang tayo.”5

Hawak natin sa ating mga bisig ang bagong henerasyon. Dumarating sila sa mundong ito taglay ang mahahalagang responsibilidad at malaking espirituwal na kakayahan. Hindi dapat pangkaraniwan ang paghahanda natin sa kanila. Ang hamon sa atin bilang mga magulang at guro ay hindi ang lumikha ng espirituwal na pundasyon sa kanilang mga kaluluwa kundi sa halip ay ipagpatuloy ang kanilang espirituwal na pag-unlad dahil sa taglay nilang pananampalataya noon pa sa buhay bago ang buhay na ito.

Sa hapong ito nais kong bigyang-diin ang samo ng isang bata sa isang kanta sa Primary:

Ang mga k’wento kay Jesus na gusto ko,

Isalaysay po sa akin lahat ito.6

Sa ating mundo ngayon, bawat bata, bawat binatilyo at dalagita ay nangangailangan ng sariling pagbabalik-loob sa katotohanan. Bawat isa’y nangangailangan ng sariling liwanag, ng sariling pananampalatayang “matatag at di natitinag”7 sa Panginoong Jesucristo, na di umaasa sa mga magulang, mga lider ng kabataan, at nakaalalay na mga kaibigan.

Ang mga kuwento tungkol kay Jesus ay maaaring tulad ng ihip ng hangin sa pag-aalab ng pananampalataya na nasa puso ng ating mga anak. Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.”8 Ang mga kuwento tungkol kay Jesus na paulit-ulit na ibinabahagi ay nagdudulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at lakas sa pundasyon ng patotoo. May naiisip pa ba kayong mas mahalagang kaloob sa ating mga anak?

Ang buhay at mga turo ba ni Jesucristo ay nakaukit sa isipan at kaluluwa ng ating mga anak? Naiisip ba nila ang buhay ng Tagapagligtas kapag iniisip nila kung ano ang gagawin sa kanilang buhay? Magiging mas mahalaga pa ito sa susunod na mga taon.

Nailarawan na ba sa isipan ng ating mga anak ang kapulungan sa buhay bago ang buhay na ito,9 kung saan si Jesus—na pinakadakila sa lahat—ay nagsabing, “Narito ako, Isugo ako”?10 Nakikita ba nila ang kanilang kahandaang maglingkod bilang pagsunod sa Kanyang halimbawa?

Naiisip ba nila ang Kanyang abang pagsilang,11 ang Tagapagligtas ng mundo na “inihiga sa isang pasabsaban.”12 Ang Kanyang kalagayan ba ay nakakatulong sa kanila na mas maunawaan ang tamang kalagyan ng materyal na mga pag-aari?

Alam ba nilang madalas ituro noon ni Jesus na, “Humingi at kayo ay makatatanggap”?13Ang Kanyang mga dasal ba ng pasasalamat14 at Kanyang mga pagsamo sa Kanyang Ama15 ay dumadaloy sa isipan ng ating mga anak habang nakaluhod sila sa panalangin para sa sarili nilang mga alalahanin?

Nasabi na ba natin sa kanila ang tungkol sa pagmamahal ni Jesus sa mga bata, kung paano Niya kinarga ang mga ito, ipinagdasal sila, at tumangis?16 Alam ba ng ating mga anak na si Jesus ay laging handa at “bukas ang mga bisig upang [sila] ay tanggapin”?17

Nakahuhugot ba sila ng lakas sa mga kuwento ng pag-aayuno ni Jesus18—habang itinuturo natin sa kanila ang batas ng pag-aayuno?

Sa kanilang kalungkutan, alam ba ng mga anak natin ang lungkot na nadama ng Tagapagligtas nang iwan Siya ng Kanyang mga kaibigan at nang tanungin Niya ang Kanyang mga Apostol, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”19

Nadama na ba ng ating mga anak ang kapangyarihan ng mga himala ng Tagapagligtas? Pinagaling ni Jesus ang ketongin,20 ibinalik ang paningin ng bulag.21 Pinakain Niya ang 5,000,22 pinayapa ang dagat,23 at ibinangon si Lazaro mula sa mga patay.24 Naniniwala ba ang ating mga anak na “sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga himala ay nagagawa,”25 at nagdarasal ba sila para sa mga himala sa kanilang sariling buhay?

Ang ating mga anak ba ay nagkalakas-loob na sa mga salita ng Tagapagligtas sa pinuno ng sinagoga: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang?”26

Alam ba ng mga anak natin ang tungkol sa Kanyang perpektong buhay,27 ang Kanyang di-makasariling paglilingkod, ang pagkakanulo sa Kanya at ang mapait na Pagpapako sa Krus?28 Pinatotohanan na ba natin sa kanila ang katunayan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli,29 ang Kanyang pagbisita sa mga Nephita sa mga lupain ng Amerika,30 ang Kanyang pagpapakita kay Propetang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan?31

Inaasam ba natin ang Kanyang maringal na pagbabalik, kung saan lahat ay itatama at bawat tuhod ay luluhod at ipagtatapat ng bawat dila na si Jesus ang Cristo?32

Sinasabi ba ng ating mga anak, “Ang mga k’wento kay Jesus na gusto ko, isalaysay po sa akin lahat ito”?33

Sa kabataan at mga bata: Mamuhay ayon sa inyong mahahalagang responsibilidad at malaking espirituwal na kakayahan. Hangaring malaman pa ang tungkol kay Jesus; buklatin ang mga banal na kasulatan. Ang isang ideya ay ang muling basahin ang aklat ni Juan at pagkatapos ay talakayin ito sa inyong mga magulang, guro, at sa isa’t isa.

Sa mga ama at ina, sa mga lolo at lola, at sa mga walang sariling anak na buong pagmamahal na nangangalaga sa mga bata at kabataan, ang payo ko ay dalasan pa ang pagbanggit kay Jesucristo. Sa Kanyang banal na pangalan ay may malaking espirituwal na kapangyarihan. “Walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan … kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo.”34

Sa mga inang pinalalaki ang kanilang mga anak nang walang ama sa tahanan, ipinapangako ko na sa pagbanggit ninyo kay Jesucristo, madarama ninyo ang kapangyarihan ng langit na nagpapala sa inyo.

Pagkamatay ng kanyang asawa, pinalaki ni Sister Stella Oaks ang kanyang tatlong maliliit na anak (kabilang si Elder Dallin H. Oaks35) nang mag-isa. Minsan sinabi niya: “Ipinagkaloob sa akin na malaman na mahal ako ng Panginoon at tutulungan akong magampanan ang aking misyon. Nadama ko ang nakapupuspos na pagmamahal … [at nalaman] na [tutulungan] Niya tayo sa kabila ng darating na mga pagsalungat.”36

May espesyal na samo ako sa mga ama: Pakiusap, maging mahalagang bahagi kayo ng pagbanggit sa inyong mga anak ng tungkol sa Tagapagligtas. Kailangan nila ang katibayan ng inyong pananampalataya, gayundin ang sa kanilang ina.

Bagamat may mga pagkakataong ang bata ay hindi nakikinig nang may nagtitiwalang puso, ang inyong patotoo kay Jesus ay mananatili sa kanyang isip at kaluluwa. Naaalala ba ninyo ang kuwento ni Alma na pinili ang maling landas? Pagbalik, sinabi niya:

“Naalaala ko [na] … ang aking ama [ay nagsasalita] … hinggil sa pagparito [ni] … Jesucristo, … na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.”37

Kung ang isang bata ay hindi nakikinig, huwag malungkot. Ang panahon at katotohanan ay nasa inyong panig. Sa tamang sandali, maaalala nila ang inyong mga salita na parang galing mismo sa langit. Hindi mawawala kailanman ang inyong patotoo sa isipan ng inyong mga anak.

Sa magalang ninyong pagbanggit sa Tagapagligtas—sa kotse, sa bus, sa hapag-kainan, habang nakaluhod sa panalangin, sa pag-aaral ng banal na kasulatan, o sa mga pag-uusap sa gabi—sasamahan ng Espiritu ng Panginoon ang inyong mga salita.38

Sa paggawa ninyo ng lahat sa abot-kaya ninyo, ang patotoo ni Jesus ay dahan-dahang titimo sa puso ng inyong mga anak. Lalapit sila sa kanilang Ama sa Langit sa mapagpakumbabang panalangin at madarama ang Kanyang impluwensya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Isang malakas na personal na pananampalataya kay Jesucristo ang maghahanda sa kanila sa mga hamon na malamang na makaharap nila.39

Nakilala ko sina Bill Forrest at Debbie Hutchings noong mga estudyante pa kami sa Brigham Young University. Nakauwi si Bill mula sa kanyang misyon. Sila ni Debbie ay umibig sa isa’t isa at ikinasal sa Oakland California Temple. Nanirahan sila sa Mesa, Arizona, at nabiyayaan ng limang anak na lalaki at dalawang anak na babae. Tinuruan nina Bill at Debbie ang kanilang mga anak na mahalin ang Panginoong Jesucristo tulad ng pagmamahal nila sa Kanya. Ang kanilang anak, si Elder Daniel Forrest, na nasa Mexico Oaxaca Mission ngayon, ay nagsabi, “Tuwing umaga, walang palya, nasa mesa kami bago pumasok sa eskuwela at nagbabasa at tinatalakay ang mga banal na kasulatan.”

Ang kanilang anak na si Kara, na may-asawa na at may dalawang maliliit na anak, ay naaalala pa ring mabuti ang paghahatid sa kanya ng ama sa mga gawain sa umaga sa hayskul. Sabi niya, “Gustung-gusto ng tatay ko na nagsasaulo ng mga quote, talata ng banal na kasulatan, at mga tula [at sa maagang mga pagbibiyaheng iyon] nagsasanay kami at binibigkas ang mga ito.” Isa sa kanyang mga paboritong talata ang “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … hindi [siya] magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa … dahil sa bato kung saan kayo nakasandig.”40

Biyernes bago ang Linggo ng Pagkabuhay noong taong 2000, eksaktong 10 taon na ang nakalilipas, si Bill Forrest ang Bishop noon ng Estate Groves Ward sa Arizona. Habang papunta sa trabaho, isang milya (1.6 km) lang ang layo mula sa tahanan, ang kotse niya ay binangga ng isang malaking trak ng graba. Si Debbie at ang mga bata ay kasunod lamang ni Bill na umalis ng bahay at di inaasahang napunta sa pinangyarihan ng trahedya. Namatay si Bill sa aksidente. Ang walang-kamatayang espiritu ng mahal na asawa at amang ito ay biglaang pinauwi sa Kanya na dumaig sa kamatayan, ang Anak ng Diyos, na ang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ay ipagdiriwang sana nila noong Linggong iyon ng Pagkabuhay.

Paano nagkaroon si Debbie at ang kanyang pitong anak (limang taon lang ang bunso) ng lakas na kailangan nila? Si Kara, na 15 taong gulang nang maaksidente ang kanyang ama, ay nagsabi sa akin kamakailan: “Nagpapasalamat ako sa aking [ina at ama] sa paraan nila ng pagtuturo sa akin [tungkol sa Tagapagligtas]. Kasama ko silang nagbubuklat ng mga banal na kasulatan, nagdarasal, at mga halimbawa sila ng dalisay na pag-ibig, pagmamahal, at pagtitiyaga [ng Tagapagligtas]… . Ang Paskua [ay] nakaaantig na panahon sa buhay ko bawat taon, habang pinag-iisipan ko ang buhay, misyon, at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Tagapagligtas, at naaalala ko ang buhay ng aking ama sa lupa.”

Sabi ni Elder Daniel Forrest: “Ako’y 10 taong gulang nang mamatay si Itay. Mahirap na panahon… . Ang nanay ko ay palaging halimbawa ng mga turo ng Tagapagligtas. Dala-dala ko ang nametag ng tatay ko mula sa kanyang misyon sa Espanya. [Dalawa] sa mga paborito kong quote mula sa aking ama [ay]: ‘Magagawa ng dalawang tao ang kahit ano basta ang isa sa kanila ay ang Panginoon’ at ‘Ang Tagapagligtas ang dapat nating gawing saligan. Kung wala iyan mahihirapan tayo.’”

Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pumuspos sa puso ng mga batang Forrest. Sa Linggong ito ng Pagkabuhay, 10 taon makaraan ang pagkamatay ng kanilang ama, nangungulila sila sa kanya, ngunit ang tibo ng kanyang kamatayan ay “nalulon kay Cristo.”41 Alam nila, dahil sa di- mapantayang kaloob ng Tagapagligtas, na maaari nilang makasamang muli ang kanilang ama sa lupa at kanilang Ama sa Langit.

Mga kuwento kay Jesus, isalaysay sa akin.

Ilang saglit pa maririnig natin ang propeta ng Diyos. Sa pagtukoy sa Kanyang propeta, sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig.”42 Pinatototohanan ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang tagapagsalita ng Panginoon sa mundo.

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang Kanyang buhay, Kanyang pagbabayad-sala, Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang pinakaaasam na pagbalik Niya ay sigurado at tiyak na tulad ng pagsikat ng araw. Purihin ang Kanyang pangalan magpakailanman.43 Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Thomas S. Monson, “Mga Di Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon,” Liahona, Mayo 2005, 19.

  2. Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 123.

  3. Thomas S. Monson, “Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2008, 65.

  4. Thomas S. Monson, “Pangwakas na Pananalita,” Liahona, Nob. 2009, 109.

  5. Thomas S. Monson, “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Mayo 2009, 113.

  6. “Ang mga K’wento kay Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 36.

  7. Alma 1:25.

  8. Juan 14:6.

  9. Tingnan sa Abraham 3:2–28.

  10. Abraham 3:27.

  11. Tingnan sa Lucas 2.

  12. Tingnan sa Lucas 2:7.

  13. 3 Nephi 27:29.

  14. Tingnan sa Lucas 10:21.

  15. Tingnan sa Lucas 11:2–4.

  16. Tingnan sa 3 Nephi 17:11–24.

  17. Mormon 6:17.

  18. Tingnan sa Lucas 4:1–13.

  19. Juan 6:67. Sa pagsasalita sa mga kabataan noong isang taon, sinabi ni Pangulong Monson: “Tatawagin kayo upang ipagtanggol ang inyong pinaniniwalaan. Maliban na malalim ang ugat ng inyong patotoo, mahihirapan kayong labanan ang pambabatikos ng mga taong humahamon sa inyong pananampalataya” (Liahona, Mayo 2009, 126).

  20. Tingnan sa Marcos 1:40–42.

  21. Tingnan sa Lucas 18:35–43.

  22. Tingnan sa Marcos 6:34–44.

  23. Tingnan sa Marcos 4:35–41.

  24. Tingnan sa Juan 11:8–53.

  25. Moroni 7:37.

  26. Marcos 5:36.

  27. Tingnan sa I Pedro 2:21–25.

  28. Tingnan sa Lucas 22:47–48; 23:32–46.

  29. Tingnan sa Juan 20:11–23.

  30. Tingnan sa 3 Nephi 11–26.

  31. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

  32. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:104.

  33. “Mga Kuwento kay Jesus, Isalaysay sa Akin.”

  34. Mosias 3:17.

  35. Minsan ay sinabi ni Elder Dallin H. Oaks: “Noong bata pa ako, halos gabi-gabi akong nagbabasa ng mga aklat. Isa sa mga paborito ko ang Hurlbut’s Story of the Bible … , [isang] aklat [na may] 168 mga kuwento mula sa Biblia. Gustung-gusto ko ang mga kuwentong ito at maraming beses kong binasa ang mga ito” (“Bible Stories and Personal Protection,” Ensign, Nob. 1992, 37).

  36. Stella Oaks, “Thy Will Be Done,” sa Leon R. Hartshorn, comp., Remarkable Stories from the Lives of Latter-day Saint Women, 2 tomo (1973–75), 2:184.

  37. Alma 36:17–18.

  38. Sa ating mundo ngayon higit kailanman ay kailangan natin ang mga salita ni Enos tungkol sa kanyang mga ama upang maging salita ng ating mga anak tungkol sa atin: “Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, … ay tumimo nang malalim sa aking puso. At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay [lumuhod] sa harapan ng aking Lumikha” (Enos 1:3–4).

  39. Nangako si Pangulong Monson sa mga kabataan: Kapag naitanim na mabuti, ang patotoo ninyo sa ebanghelyo, sa Tagapagligtas, at sa ating Ama sa Langit ay makaiimpluwensya sa lahat ng ginagawa ninyo sa buhay… . Ang inyong patotoo, kapag inalagaan palagi, ang magliligtas sa inyo” (Liahona, May 2009, 126).

  40. Helaman 5:12.

  41. Mosias 16:8.

  42. Doktrina at mga Tipan 21:5.

  43. Tingnan sa Alma 26:12.