Bumaling sa Panginoon
Huwag hayaang mapinsala ng sitwasyon sa mundo ang inyong espirituwalidad kailanman.
Maraming taon na ang nakalilipas, namasdan ko ang isang dalamhati—na naging trahedya. Malapit nang isilang ang unang anak ng isang mag-asawang bagong kasal. Ang buhay nila ay puno ng pag-asam at pananabik sa mahalagang karanasang ito. Sa oras ng panganganak, nagkaroon ng mga kumplikasyon at namatay ang sanggol. Ang dalamhati ay nauwi sa pighati, ang pighati ay nauwi sa galit, ang galit ay nauwi sa paninisi, at ang paninisi ay nauwi sa paghihiganti sa doktor, na pinaratangan nilang siyang responsable. Ang mga magulang at ibang mga kapamilya ay nakialam nang husto, at sama-samang naghangad na sirain ang reputasyon at propesyon ng doktor. Sa mga linggo at buwan ng kapaitang namayani sa pamilya, isinisi nila ang kanilang kapighatian sa Panginoon. “Paano Niya natulutang mangyari ang kalunus-lunos na bagay na ito?” Tinanggihan nila ang paulit-ulit na pagsisikap ng mga lider at miyembro ng Simbahan na panatagin ang kanilang espiritu at damdamin at dumating ang panahon na inihiwalay nila ang kanilang sarili sa Simbahan. Apat na henerasyon na ngayon ng pamilya ang naapektuhan. Kung saan dati-rati ay may pananampalataya at katapatan sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan, nawalan na ng espirituwalidad ang sinuman sa pamilya sa loob ng maraming taon.
Sa pinakamahihirap na sitwasyon sa buhay, madalas ay iisa lang ang pinagmumulan ng kapayapaan. Ang Pangulo ng Kapayapaan, si Jesucristo, ay iniaabot ang Kanyang biyaya sa paanyayang, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28). Nangako pa Siya, “Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).
May dalawang anak ang mga lolo’t lola ko sa tatay, isang lalaki (ang tatay ko) at isang babae. Matapos magmisyon at maglingkod sa militar sa Hawaii, bumalik ang tatay ko sa kapuluan noong 1946 para magtrabaho at palakihin ang kanyang pamilya. Ang mga magulang niya ay nakatira sa Salt Lake City, gayundin ang kanyang kapatid. Nag-asawa ang kanyang kapatid noong 1946 at pagkaraan ng apat na taon ay nagdalantao. May napakaespesyal na dahilan para asamin ng mga magulang ang anak na babae (na sa pagkakataong ito ay nag-iisang anak na babae) na manganak sa unang pagkakataon. Walang nakakaalam na kambal ang ipinagbubuntis niya. Ang malungkot, siya at ang kambal ay pawang nangamatay sa panganganak.
Nagdalamhati ang lolo’t lola ko. Gayunman, ang kanilang pagdadalamhati ay dagli nilang ibinaling sa Panginoon at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi iniisip kung bakit nangyari ito at kung sino ang dapat sisihin, nagtuon sila sa pamumuhay nang matwid. Hindi mayaman ang lolo’t lola ko; hindi sila kabilang sa mataas na lipunan; hindi sila nagkaroon ng mataas na katungkulan sa Simbahan kailanman—tapat lang silang mga Banal sa mga Huling Araw.
Matapos magretiro sa trabaho noong 1956, lumipat sila sa Hawaii para makapiling ang kaisa-isa nilang inapo. Ang sumunod na mga taon ay ginugol nila sa pagmamahal sa kanilang pamilya, paglilingkod sa Simbahan, at karaniwan, masaya lang silang magkasama-sama. Ayaw nilang magkahiwa-hiwalay kahit kailan at pinag-usapan pa nila na sinuman ang maunang mamatay sa kanila ay gagawa ng paraan para magkasama-sama silang muli. Nang malapit na silang mag-90 anyos at makalipas ang 65 taong pagsasama, pumanaw sila pareho na oras lang ang pagitan sa isa’t isa dahil sa katandaan. Bilang bishop nila, pinangasiwaan ko ang kanilang burol.
Ang katapatan nina Lolo Art at Lola Lou, lalo na sa gitna ng kahirapan, ay nakaimpluwensya na ngayon sa sumunod na apat na henerasyon. Naging tuwiran at malaki ang epekto nito sa kanilang anak (ang tatay ko) at sa nanay ko nang mamatay ang kapatid kong babae, na bunso nila, dahil sa mga kumplikasyon sa panganganak. Sa edad na 34, namatay siya 10 araw matapos manganak, naulila ang 4 na anak, edad 10 araw hanggang 8 taon. Sa halimbawang nakita nila sa nagdaang henerasyon, bumaling sa Panginoon ang aking mga magulang—nang walang pag-aalinlangan—upang maaliw.
Sa buong mundo at sa lahat ng miyembro ng Simbahan, may malaking kagalakan at malaking kapighatian. Kapwa ito bahagi ng plano. Kung wala ang isa, hindi natin malalaman ang isa. Hindi magkataliwas ang mga pahayag na “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25) at “sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11); magkatulong sila. Sa paglalarawan ng kanyang nadama nang bumaling siya sa Panginoon, sinabi ni Nakababatang Alma, “Ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit” (Alma 36:20).
Ang ilan ay nadaraig ng malalaking problema; ang iba ay pinalalaki ang maliliit na problema. Si Symonds Ryder ay isang lider na Campbellite na nakabalita tungkol sa Simbahan at nakipagkita kay Joseph Smith. Naantig sa karanasang ito, sumapi siya sa Simbahan noong Hunyo 1831. Pagkatapos niyon, inorden siyang elder at natawag na maglingkod sa misyon. Gayunman, sa liham ng Unang Panguluhan at sa opisyal na pagtawag sa kanya na mangaral, mali ang pagkasulat sa kanyang pangalan—ng isang letra. Nakasulat ang apelyido niya na R-i-d-e-r, hindi ang tamang R-y-d-e-r. Naging dahilan ito upang magduda siya sa pagtawag sa kanya at sa mga tumawag sa kanya. Ipinasiya niyang huwag magmisyon at nag-apostasiya, na di-naglaon ay humantong sa pagkamuhi at matinding pagtuligsa kay Joseph at sa Simbahan. Noong Marso 1832, nang gabing sapilitang kunin ng mga galit at masasamang kalalakihan sina Joseph Smith at Sidney Rigdon mula sa tahanan ni John Johnson at lagyan sila ng alkitran at balahibo, isang tinig ang narinig na sumigaw ng “Simonds, Simonds [sic], nasaan ang timba ng alkitran?” (History of the Church, 1:262–263). Wala pang 10 buwan, mula sa pagiging masigasig na miyembro ay naging lider ng masasamang tao si Symonds Ryder, nagsimulang bumagsak ang kanyang espirituwalidad dahil sa hinanakit sa maling pagkasulat sa kanyang pangalan—nang isang letra. Gaano man kaliit ang isyu, maaaring itakda ng pagtugon natin dito ang landas natin sa buhay.
Nagpakita ng huwaran si Propetang Joseph Smith sa pagharap sa personal na trahedya at pagtuligsa sa kanya. Inihayag sa kanya habang nasa di- makataong kapaligiran sa Liberty Jail ang Banal na patnubay na ito (na may bahaging naglalarawan ng buhay ni Joseph hanggang sa sandaling iyon at isa ring paunang babala): Kung “ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, … kung ikaw ay tinawag upang dumanas ng pagdurusa; … kung ang iyong mga kaaway ay dadaluhong sa iyo; … kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, … at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:1, 5–7). Sumunod ang malalim na pahayag na: “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (talata 8). Sinundan ito ng malinaw na tagubilin at dakilang mga pangako. “Samakatwid, maging matatag sa iyong landas, at … huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan” (talata 9).
Sa sumunod na mga taon, patuloy na tiniis ni Joseph Smith ang buhay na puno ng hirap. Ibinigay niya ang pananaw na ito na puno ng pananampalataya: “At tungkol sa mga panganib na kung saan ako ay tinawag na magdanas, ang mga ito ay waring maliit na bagay sa akin… . Malalim na tubig ang aking kinasanayang languyin… . [Ako ay] … nagpupuri sa pagdurusa; sapagkat … ang Diyos … ay iniligtas ako sa kanilang lahat, at ililigtas ako magmula ngayon” (D at T 127:2). Ang tiwala ni Joseph na madaraig niya ang patuloy na pagtuligsa sa kanya ay batay sa kakayahan niyang patuloy na bumaling sa Panginoon.
Kung sa palagay ninyo ay nasaktan kayo—ng sinuman (kapamilya, kaibigan, kapwa miyembro ng Simbahan, lider ng Simbahan, kasamahan sa negosyo) o ng anuman (pagkamatay ng mahal sa buhay, problema sa kalusugan, pagkalugi, pang-aabuso, adiksyon)—harapin ang problema nang diretsahan at nang buo ninyong lakas. “Maging matatag sa iyong landas” (D at T 122:9); ang pagsuko ay hindi opsyon. At, huwag nang ipagpaliban, bumaling sa Panginoon. Lubos na sumampalataya sa Kanya. Tulutan Siyang makibahagi sa inyong pasanin. Tulutang pagaanin ng Kanyang biyaya ang inyong dalahin. Pinangakuan tayo na “hindi [tayo magdaranas] ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38). Huwag hayaang mapinsala ng sitwasyon sa mundo ang inyong espirituwalidad kailanman.
Sa pinakauliran Niyang ginawa, ang Pagbabayad-sala, kinailangan ni Jesus na magpakababa-baba “sa lahat ng bagay” (D at T 88:6) at danasin “ang lahat ng sakit ng tao” (2 Nephi 9:21). Sa gayon ay naunawaan natin na mas malawak ang layunin ng Pagbabayad-sala kaysa maglaan lang ng paraan para madaig ang kasalanan. Ang pinakadakilang ito sa lahat ng tagumpay sa mundo ang nagbigay ng kapangyarihan sa Tagapagligtas na tupdin ang kanyang pangako: “Kung kayo ay babaling sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, at ibibigay ang tiwala ninyo sa kanya, at paglilingkuran siya nang buong pagsusumigasig …, kung gagawin ninyo ito, siya … ay palalayain kayo mula sa pagkaalipin” (Mosias 7:33).
Sa pagdiriwang natin sa umagang ito ng Paskua, bumaling tayo sa Panginoon, ang ating “maningning na tala sa umaga” (Apocalipsis 22:16). Pinatototohanan ko na Kanyang liliwanagan magpakailanman ang ating daan, katotohanan, at buhay (Juan 14:6), sa pangalan ni Jesucristo, amen.