Ang Kapangyarihan ng Priesthood
Ang priesthood ay walang lakas na dapat nitong taglayin at hindi ito magkakaroon ng lakas maliban kung ang kapangyarihan ng priesthood ay matatag na nakatuon sa mga pamilya.
Mangungusap ako sa mga ama at mga pamilya saan mang dako sa Simbahan.
Ilang taon na ang nakalilipas sinimulan namin ang correlation sa pamamahala ni Pangulong Harold B. Lee. Noong panahong iyon sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ngayon, tayo ay nagkakampo laban sa pinakamalaking hanay ng kasalanan, bisyo, at kasamaan na ngayon lamang nagsama-sama sa ating harapan… . Ang plano ng pakikidigma na kung saan tayo ay nakikipaglaban upang iligtas ang mga kaluluwa ng tao ay hindi atin. Ito [ay dumating] sa pamamagitan ng inspirasyon at paghahayag mula sa Panginoon.”1
Noong mga taong iyon ng correlation, binago ang buong istruktura ng Simbahan. Binago ang buong kurikulum. Binago ang mga adhikain at kaugnayan ng mga organisasyon sa isa’t isa. Ang mahalagang kataga noong mga taong iyon ng correlation at pagbabago ay priesthood.
Binanggit din ni Pangulong Monson si Gedeon, isang bayani sa Lumang Tipan. Si Gedeon ay piniling mamuno sa libu-libong hukbo ng Israel. Ngunit sa kanilang lahat, 300 lalaki lang ang pinili niya.
Nakakaaliw ang paraan ni Gedeon sa pagpili ng kanyang mga sundalo. Nang uminom ng tubig sa sapa ang mga sundalo, karamihan ay “yumuko … upang uminom.” Nilagpasan niya ang mga iyon. Ang ilan ay isinalok sa tubig ang kanilang kamay at uminom, na nananatiling lubos na alisto. Sila ang mga pinili.2
Nabubuhay tayo sa panahon ng “mga digmaan [at] alingawngaw ng mga digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako.”3 Tulad ng ipinropesiya, “buong mundo [ay] nagkakagulo,”4 at “si Satanas ay nagtungo sa lupa.”5 Hangad niyang wasakin ang lahat ng mabuti at matwid.6 Siya si Lucifer na pinalayas sa harapan ng Diyos.7 Sa kabila ng lahat ng iyon, napakapositibo ng damdamin natin tungkol sa hinaharap.
Nagtagumpay ang maliit na hukbo ni Gedeon dahil, tulad ng sabi sa talaan, “Sila’y nangakatayo, bawa’t isa sa kaniyang dako.”8
Ang “dispensasyon ng kaganapan ng panahon”9 na ito ay nagsimula sa pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith.10 Pagkatapos, ipinakita ni anghel Moroni kay Joseph kung saan nakabaon ang mga laminang naglalaman ng Aklat ni Mormon.11 Binigyan si Joseph ng kapangyarihang isalin ang mga ito.12
Habang nagsasalin, nabasa nina Joseph at Oliver Cowdery ang tungkol sa binyag. Ipinagdasal nilang malaman kung ano ang gagawin.13 Doon nagpakita sa kanila ang sugong anghel na si Juan Bautista. Iginawad Niya sa kanila ang Aaronic Priesthood “na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”14
Sumunod na nagpakita sina Apostol Pedro, Santigo, at Juan, na pinakamalapit sa Panginoon sa Kanyang pagmiministeryo, at iginawad kina Joseph at Oliver ang nakatataas na priesthood,15 o “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.”16 Ang priesthood, ayon sa paliwanag sa mga banal na kasulatan, ay ipapangalan kay Melquisedec, ang dakilang mataas na saserdoteng pinag-aabutan ni Abraham ng ikapu.17
Sa gayon ay ito ang naging awtoridad nila. Sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood nagkaroon sila ng karapatan sa lahat ng kapangyarihan ng langit. Iniutos sa kanilang ituro ang ebanghelyo sa lahat ng bansa.18
Noon pa man ay hindi na madaling ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi iyon madali noong nabubuhay Siya, at hindi ito madali noong nagsisimula pa lang ang Simbahan. Ang mga unang Banal ay sumailalim sa matinding pagdurusa at oposisyon.
Mahigit 180 taon na ngayon mula nang ipanumbalik ang priesthood. Ngayon ay halos 14 na milyon na tayong mga miyembro. Sa kabila nito, maliit na bahagi lang tayo kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao sa mundo. Ngunit tayo ay tayo, at alam natin ang alam natin, at dapat tayong humayo at mangaral ng ebanghelyo.
Nililiwanag ng Aklat ni Mormon na hinding-hindi tayo gaanong darami. Ngunit taglay natin ang kapangyarihan ng priesthood.19
“At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti … ; gayon pa man, namasdan ko na ang simbahan ng Kordero, na mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo; at ang kanilang nasasakupan sa mundo ay kakaunti.”20
Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Bagama’t masasabi … na tayo ay kakaunti kung ihahambing sa … mundo, maihahambing naman tayo sa lebadurang binanggit ng Tagapagligtas, na kalaunan ay pupuno [o magpapasigla] sa buong mundo.”21
Maiimpluwensyahan natin ang buong sangkatauhan, at sa takdang panahon ay tiyak na magagawa natin iyan. Malalaman nila kung sino tayo at kung bakit tayo ganito. Maaaring tila wala itong pag-asa; napakahirap nito; ngunit hindi lang posible kundi tiyak na magwawagi tayo sa digmaan laban kay Satanas.
Ilang taon na ang nakararaan nagbigay ako ng mensaheng pinamagatang “What Every Elder Should Know: A Primer on Principles of Priesthood Government (Mga Bagay na Dapat Malaman ng Bawat Elder: Isang Panimulang-aklat tungkol sa mga Alituntunin sa Pamamahala sa Priesthood).” Kalaunan, nang ilalathala na ito, pinalitan ko ang pamagat ng: “What Every Elder Should Know—and Every Sister as Well (Mga Bagay na Dapat Malaman ng Bawat Elder—at Gayundin ng Bawat Sister).”22
Isinali ko ang kababaihan dahil mahalagang maunawaan ng lahat kung ano ang inaasahan sa mga kalalakihan. Kung hindi natin kukunin ang pansin ng mga ina at anak na babae at ng kababaihan—na may impluwensya sa kanilang mga asawa, ama, anak, at kapatid na lalaki—hindi tayo uunlad. Mawawalan ng malaking kapangyarihan ang priesthood kung kaliligtaan natin ang kababaihan.
Ang priesthood ay awtoridad at kapangyarihang ipinagkaloob ng Diyos sa kalalakihan sa lupa upang kumilos para sa Kanya.23 Kapag ginagamit nang wasto ang awtoridad ng priesthood, gagawin ng mga maytaglay ng priesthood ang Kanyang gagawin kung narito Siya.
Maganda ang nagawa natin sa pamamahagi ng awtoridad ng priesthood. Naitatag natin ang awtoridad ng priesthood sa halos lahat ng dako. Mayroon tayong mga korum ng mga elder at high priest sa buong mundo. Ngunit sa palagay ko naunang umunlad ang pamamahagi ng awtoridad ng priesthood kaysa kapangyarihan ng priesthood. Ang priesthood ay walang lakas na dapat nitong taglayin at hindi ito magkakaroon ng lakas maliban kung ang kapangyarihan ng priesthood ay matatag na nakatuon sa mga pamilya na tulad ng nararapat.
Sabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Tila malinaw sa akin na walang pagpipilian ang Simbahan—at wala kailanman—kundi mas tulungan ang pamilya sa pagsasagawa ng banal na misyon nito, hindi lamang dahil iyan ang utos ng langit, kundi dahil iyan ang pinaka-praktikal na tulong natin sa ating mga kabataan—ang tumulong na mapahusay ang kalidad ng buhay ng mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Mahalaga ring tulad ng maraming programa at pagsisikap nating mag-organisa, ang mga ito ay hindi dapat ipanghalili sa tahanan; dapat nilang suportahan ang tahanan.”24
Nagpahayag si Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa priesthood sa tahanan: “Sa tahanan ang awtoridad na mamuno ay laging nasa ama, at sa lahat ng tungkol sa tahanan at pamilya wala nang ibang awtoridad na hihigit dito. Para mailarawan ang alituntuning ito, marahil ay sasapat na ang isang insidente. Kung minsan ay nangyayari na tinatawag ang mga elder para magbasbas sa mga miyembro ng isang pamilya. Maaaring kabilang sa mga elder na ito ang mga stake president, apostol, o maging mga miyembro ng unang panguluhan ng Simbahan. Hindi tama sa mga sitwasyong ito na nakatayo lang sa isang tabi ang ama at asahan ang mga elder na mamahala sa pagsasagawa ng mahalagang ordenansang ito. Naroon ang ama. Karapatan at tungkulin niyang mangulo. Siya dapat ang pumili ng taong magpapahid ng langis, at ng taong magdarasal, at hindi niya dapat madama na dahil naroon ang mga presiding authority ng Simbahan ay wala na siyang karapatang mamahala sa pagsasagawa ng basbas na iyon ng ebanghelyo sa kanyang tahanan. (Kung wala ang ama, dapat hilingin ng ina sa naroong presiding authority na mamahala.) Ang ama ang nangungulo sa mesa, sa panalangin, at nagbibigay ng mga pangkalahatang tagubilin tungkol sa kanyang buhay-pamilya sa kaninumang naroon.”25
Noong Vietnam War, nagdaos kami ng sunud-sunod na mga espesyal na pulong para sa mga miyembro ng Simbahan na pinaglingkod sa militar. Pagkatapos ng isang gayong pulong sa Chicago, nakatayo ako sa tabi ni Pangulong Harold B. Lee nang sabihin ng isang mabait na kabataang Banal sa mga Huling Araw kay Pangulong Lee na nakabakasyon siya para bisitahin ang kanyang tahanan at pinapupunta siya sa Vietnam pagkatapos. Humingi siya ng basbas kay Pangulong Lee.
Nagulat ako nang sabihin ni Pangulong Lee, “Ang tatay mo ang dapat magbasbas sa iyo.”
Lungkot na lungkot na sinabi ng binata, “Hindi po marunong magbasbas ang tatay ko.”
Sumagot si Pangulong Lee, “Umuwi ka, anak, at sabihin mo sa tatay mo na pupunta ka sa digmaan at gusto mong basbasan ka niya. Kung hindi siya marunong, sabihin mo sa kanya na uupo ka sa silya. Tatayo siya sa likuran mo at ipapatong ang mga kamay niya sa ulo mo at sasabihin ang anumang maisip niya.”
Malungkot na umalis ang batang sundalong ito.
Pagkalipas ng dalawang taon nakita ko siyang muli. Hindi ko na maalala kung saan. Ipinaalala niya sa akin ang karanasang iyon at sinabi, “Ginawa ko po ang sinabi ninyo sa akin. Ipinaliwanag ko sa tatay ko na uupo ako sa silya at dapat niyang ipatong ang mga kamay niya sa ulo ko. Kapwa kami napuspos ng kapangyarihan ng priesthood. Iyan ang naging lakas at proteksyon ko sa mapanganib na mga buwan ng digmaan.”
Sa isa pang pagkakataon nasa isang malayong lungsod ako. Pagkatapos ng kumperensya, nag-orden at nagtalaga kami noon ng mga lider. Pagkatapos namin, nagtanong ang stake president, “Puwede ba nating ordenan na maging elder ang isang binata na papunta ng misyon?” Ang sagot, mangyari pa, ay opo.
Paglapit ng binata, sumenyas siya sa tatlong kalalakihan na sumunod at saksihan ang kanyang ordenasyon.
Napansin ko sa likuran ang isang kamukha ng binatang ito, at itinanong ko, “Tatay mo ba iyon?”
Sumagot ang binata, “Opo.”
Sabi ko, “Ang tatay mo ang mag-oorden sa iyo.”
At nagprotesta siya, “Pero may nahilingan na po akong iba na mag-orden sa akin.”
At sabi ko, “Binata, ang tatay mo ang mag-oorden sa iyo, at habambuhay mong pasasalamatan sa Panginoon ang araw na ito.”
Pagkatapos ay lumapit ang ama.
Salamat na lang at elder siya. Kung hindi, naging elder sana siya kaagad! Sa militar, tatawagin nila iyong pagtataas ng ranggo. Kung minsan ginagawa ang gayong mga bagay sa Simbahan.
Hindi alam ng ama kung paano ordenan ang kanyang anak. Inakbayan ko siya at tinuruan sa pag-oorden. Nang matapos siya, elder na ang binata. Pagkatapos ay may nangyaring napakaganda. Ganap na nagbago, nagyakap ang mag-ama. Halatang hindi pa iyon nangyari kahit kailan.
Sabi ng ama, sa pagitan ng mga luha, “Hindi ko naorden ang ibang mga anak kong lalaki.”
Isipin kung gaano nga kaya kalaki ang nagawa kung iba ang nag-orden sa kanya, kahit na Apostol pa.
Habang kasalukuyang nasa lahat ng dako ng mundo ang priesthood, nananawagan kami sa lahat ng elder at high priest, lahat ng maytaglay ng priesthood, na manindigan, tulad ng maliit ngunit malakas na puwersa ng 300 ni Gedeon, sa kanyang sariling lugar. Ngayon ay dapat nating gisingin sa bawat elder at high priest, sa bawat korum at grupo, at sa ama ng bawat tahanan ang kapangyarihan ng priesthood ng Maykapal.
Sabi ng Panginoon, “ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas.”26
Isinalaysay rin ni Propetang Nephi “ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal na simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo,” at sinabi na “nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”27
Kailangan natin ang bawat isa. Ang pagod man o pagal o tamad, at maging yaong inuusig ng budhi, ay dapat maibalik sa pamamagitan ng pagsisisi at kapatawaran. Napakarami nating kalalakihan sa priesthood na nabubuhay nang di nila gaanong nagagamit ang kanilang pribilehiyo at di naaabot ang inaasahan sa kanila ng Panginoon.
Dapat tayong magpatuloy, nang may tiwala sa banal na kapangyarihan ng priesthood. Pinagmumulan ito ng lakas at panghihikayat na malaman kung sino tayo at ano ang mayroon tayo at ano ang dapat nating gawin sa gawain ng Pinakamakapangyarihan.
Sabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”28
Ang mga tahanang walang priesthood ay dapat subaybayan at paglingkuran ng mga korum ng priesthood. Sa ganitong paraan, hindi kukulangin sa mga pagpapala ang anumang tahanang sakop ng Simbahan.
Ilang taon na ang nakararaan, isang pamilya ang nagtipon sa tabi ng kama ng isang maliit na matandang babaeng Danish. Kasama nila ang kanyang anak na lalaking suwail. Sa nagdaang ilang taon sa bahay nila siya nakatira.
Mangiyak-ngiyak siyang nakiusap, “Mama, kailangan mong mabuhay. Mama, hindi ka puwedeng mamatay.” Sabi niya, “Mama, hindi ka puwedeng mawala.” Hindi ako papayag.”
Tiningnan ng maliit na ina ang kanyang anak at sa kanyang putul-putol na puntong Danish ay sinabing, “But ver is yo powah?”—nasaan ang kapangyarihan mo?
Sabi ni Pablo:
“[Tayo ay] itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.
“Na sa kaniya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;
“Na sa kaniya’y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.”29
Ang tanong ay hindi kung ang gawain ng Panginoon ay mananaig. Alam natin na dapat nating bantayan ang lahat ng gawain natin at magkaisa tayo.
Ang awtoridad ng priesthood ay taglay natin. Matapos ang lahat ng pinag-ugnay-ugnay at inorganisa natin, responsibilidad natin ngayong pakilusin ang kapangyarihan ng priesthood sa Simbahan. Ang awtoridad sa priesthood ay nakukuha sa pamamagitan ng ordenasyon; ang kapangyarihan sa priesthood ay nagmumula sa tapat at masunuring pamumuhay sa pagtupad sa mga tipan. Nag-iibayo ito sa pamamagitan ng paggamit ng priesthood sa kabutihan.
Ngayon, mga ama, ipaaalala ko sa inyo ang kabanalan ng inyong tungkulin. Taglay ninyo ang kapangyarihan ng priesthood mula mismo sa Panginoon para protektahan ang inyong tahanan. May mga panahon na lahat ng tumatayong kalasag sa pagitan ng inyong pamilya at ng kasamaan ng kaaway ay siyang magiging kapangyarihang iyon. Tatanggap kayo ng tagubilin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.
Hindi kayo laging gagambalain ng kaaway sa mga pulong natin sa Simbahan—marahil ay paminsan-minsan lang. Ano’t anuman, malaya tayong magtipun-tipon kapag gusto natin nang walang gaanong panggagambala. Ngunit siya at yaong mga sumusunod sa kanya ay mapilit sa pagsalakay sa tahanan at pamilya.
Ang mahalagang mithiin ng lahat ng aktibidad sa Simbahan ay na ang isang lalaki at ang kanyang asawa at kanilang mga anak ay maging maligaya sa tahanan, protektado ng mga alituntunin at batas ng ebanghelyo, ligtas na ibinuklod sa mga tipan ng walang hanggang priesthood.
Bawat batas at alituntunin at kapangyarihan, paniniwala, ordenansa at ordenasyon, bawat tipan, sermon at sacrament, payo at pagwawasto, mga pagbubuklod, tawag, pagre-release, at paglilingkod—ang mahalagang layunin ng lahat ng ito ay gawing sakdal ang tao at pamilya, dahil sinabi ng Panginoon, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”30
Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng priesthood na ibinigay sa Simbahan upang pangalagaan at gabayan tayo. At dahil nasa atin iyan, hindi tayo natatakot sa mangyayari sa hinaharap. Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya. Susulong tayo, nakatitiyak na nasa atin ang pangangalaga ng Panginoon, lalo na sa ating pamilya. Sa Kanya ay sumasaksi ako sa pangalan ni Jesucristo, amen.