Elder Patrick Kearon
Ng Pitumpu
Nang manirahan sandali sa California, nakitira si Elder Patrick Kearon sa “isang namumukod-tanging” pamilyang Banal sa mga Huling Araw na nagbahagi sa kanya ng ebanghelyo.
Dalawang taon pagkaraan, nang makauwi sa England, nakilala niya ang mga misyonero sa isang kalye sa London at kalaunan ay sinimulan niyang siyasatin ang Simbahan. Nabasa niya ang isang banal na kasulatan sa Aklat ni Mormon na nagsasaad na, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Tumaginting ang banal na kasulatang iyon sa kanya nang gunitain niya ang galak sa tahanan ng pamilyang LDS na iyon at sa buhay ng mga misyonerong nagtuturo sa kanya.
“Umalingawngaw ang banal na kasulatang iyon sa mga tainga ko,” sabi ni Elder Kearon. “Sa mga nakakilala ko, nakita ko kung paano lubhang mapapayaman ang ating buhay sa pagsunod sa payo ng Tagapagligtas na magalak.”
Mula nang sumapi sa Simbahan noong Disyembre 24, 1987, nakapaghatid na ng galak si Elder Kearon sa iba’t ibang tungkulin, kabilang na ang ward Young Men president, tagapayo sa bishop, branch president, stake president, at Area Seventy.
Nang unang matawag bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, lagi na raw niyang “sinisikap na magabayan ng mga alituntunin ng Simbahan. Nakita ko na kung paano magbabago ang buhay sa pamumuhay ng mga alituntuning iyon.”
Si Elder Kearon ay isinilang sa Carlisle, Cumberland, England, noong Hulyo 1961, kina Paddy at Patricia Kearon. Nang magsilbi sa British Royal Air Force ang kanyang ama, nag-aral si Elder Kearon Middle East at sa United Kingdom.
Nakilala niya si Jennifer Carole Hulme habang nag-aaral ito sa Brigham Young University sa England. Ikinasal sila sa Oakland California Temple noong 1991. Sila ay may apat na anak, na ang isa ay pumanaw na.
Si Elder Kearon ay tumira at nagtrabaho sa United Kingdom, Saudi Arabia, sa United States sa iba’t ibang industriya, kabilang na ang pulitika, health care, at industriya ng sasakyan. Bago natawag, nagpapatakbo ng isang communications consultancy sa England sina Elder at Sister Kearon.