2010
Ang Dakilang Aaronic Priesthood
Mayo 2010


Ang Dakilang Aaronic Priesthood

Agaran ang panawagang tuparin ninyo ang inyong tungkulin sa Diyos. Tiwala akong tutuparin ninyo ito.

David L. Beck

Ikinararangal kong magsalita ngayong gabi sa kahanga-hangang mga binatilyo ng Simbahan. Pinagpala akong makapulong ang marami sa inyo sa iba’t ibang dako ng mundo. Nakakahawa ang inyong sigla.

Hinaharap ninyo ang inyong mga hamon nang may pambihirang lakas at tapang. Ipinararating ko ang aking pagmamahal at tiwala sa inyo.

Pinasisigla ninyo ang mga tao sa inyong paligid nang higit kaysa akala ninyo. Pakinggan ang mga salita ng isang binatilyo na hindi natin kamiyembro, habang sinisikap na ilarawan ang kanyang kaibigang maytaglay ng Aaronic Priesthood: “May napupuna nga akong kakaiba kay Luis… . Ang lalaking ito ay hindi katulad ng … ibang tao. Basta may kung anong bagay kang makikita sa kanya… . Hindi ko alam kung ano iyon, pero iba siya sa kanilang lahat. Basta may mararamdaman ka; hindi [isang bagay na] … nakikita mo. Mararamdaman mo lang ito.”

May napakahalagang bagay na nagtatangi kay Luis at sa inyo sa ibang mga binatilyo. Natanggap na ninyo ang Aaronic Priesthood. Ito ay sagradong kaloob, at maraming hindi lubos na nagpapahalaga rito. Ngayong gabi tutulungan ko kayong makita kung paano ninyo matutuklasan sa sarili ninyo ang kadakilaan ng Aaronic Priesthood.

I. May Tiwala sa Inyo ang Diyos

Kapag ipinagkatiwala ng Diyos sa inyo ang Kanyang sagradong priesthood, nagpapakita Siya ng malaking tiwala sa inyo. Alam Niyang mapagkakatiwalaan Niya kayong gamitin ang priesthood para paglingkuran ang iba, tulad ng pagtitiwala Niya sa ibang mga binatilyo na gawin ang ilan sa pinakamahalaga Niyang gawain.

Halimbawa, hindi makakamtan ng mundo ang malakas na patotoo sa Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo kung hindi dahil sa dalawang binatilyong pinagkatiwalaan ng Diyos. Si Mormon, ang propetang nagtipon sa sagradong talaang ito, ay 10 taon lamang nang maatasang obserbahan at kalaunan ay itala ang kasaysayan ng kanyang mga tao. Sa edad na 15, siya ay “dinalaw ng Panginoon, at nakatikim at nakaalam ng kabutihan ni Jesus” (Mormon 1:15).

Ang Aklat ni Mormon ay isinalin at inilathala ni Joseph Smith, na tinawag sa kanyang dakilang gawain sa edad na 14, nang dalawin siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Malaki ang [inaasahan sa inyo]… .Tulad ng tunog ng trumpeta dumarating ang salita ng Panginoon sa inyo, at sa akin, at sa mga mayhawak ng priesthood sa lahat ng dako: ‘Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig’ ” (“Ang Panawagan na Maging Matapang,” Liahona, Mayo 2004, 54, 57).

II. Ang Bagong Programa ng Tungkulin sa Diyos

Para matulungan kayong tumugon sa agarang panawagang iyon, inilunsad ng Simbahan ang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos, tulad ng ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring kanina. Natutuwa ako sa programang ito. Ipadadala ang mga materyal sa inyong mga bishop at branch president simula sa Hunyo. Dapat ninyong simulan itong gamitin pagkatanggap ninyo nito.

Bilang deacon, teacher, at priest, lalahok kayo sa mga aktibidad na magpapalakas sa inyong espirituwalidad at tutulong sa inyong matutuhan at magampanan ang inyong mga tungkulin sa priesthood. Bawat aktibidad ay sumusunod sa simpleng huwarang ito:

Una matututuhan ninyo ang isang alituntunin ng ebanghelyo o tungkulin sa priesthood. Matutuklasan ninyo ang nais ipagawa sa inyo ng Ama sa Langit, at sisikapin ninyong magtamo ng espirituwal na patotoo kung bakit ito mahalaga.

Pagkatapos ay gagawa kayo ng mga planong isasagawa batay sa natutuhan ninyo. Hinihikayat kayong ibatay ang inyong mga plano sa sarili ninyong mga pangangailangan, sitwasyon, at pagkakataong maglingkod sa iba. Magandang pagkakataon ito upang angkinin ang responsibilidad para sa sarili ninyong pag-unlad at magkaroon ng espirituwal na pag-asa sa sarili.

Pagkatapos ay ibabahagi ninyo sa iba ang natutuhan at naranasan ninyo. Kapag ginawa ninyo ito, mapapatatag ninyo ang inyong patotoo at mapapalakas ang pananampalataya ng mga nakapaligid sa inyo. Daragdagan ninyo ang inyong kakayahang magsalita sa iba tungkol sa ebanghelyo.

Nagpapasalamat ako sa isang binatilyong nagbahagi sa akin ng sumusunod na karanasan. Siya at ang isa pang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay inatasang mangasiwa ng sacrament sa isang lalaking hindi na makalabas ng bahay at malubha ang sakit. Dumating sila sa bahay nito na walang kamalay-malay na nang huling magpatingin ito sa doktor ay pinagbawalan siyang kumain ng kahit ano—kahit isang pirasong tinapay lang sa sacrament. Matapos basbasan ang tinapay, inilapit ng binatilyo ang sacrament sa nanghihinang lalaki. Kumuha siya ng isang piraso ng binasbasang tinapay, naghintay sandali, at pagkatapos ay idiniin ito sa kanyang mga labi. Nang makita raw ng binatilyo ang pagpipitagan ng matapat na lalaking ito sa sacrament, nadama niya na parang minamasdan niya ang paghalik ng lalaki sa mga paa ng Tagapagligtas. Masasabi niya na mahal ng lalaki ang Panginoon.

Ang kahalagahan ng sacrament ay nakintal sa binatilyong iyon sa di-malilimutang paraan nang araw na iyon. Magkakaroon kayo ng mga sagradong karanasan, tulad ng binatilyo.

Ang inyong mga magulang, lider, at miyembro ng korum ay may mahalagang papel sa programa ng Tungkulin sa Diyos. Ang mga pulong ng inyong korum sa araw ng Linggo ay magbibigay ng regular na mga pagkakataong matuto, kumilos, at magbahagi. Ang bagong programa ng Tungkulin sa Diyos ay gagabayan kayo sa pagtupad ng inyong tungkulin sa Diyos at pagtuklas sa kadakilaan ng Aaronic Priesthood.

III. Tuparin ang Inyong Tungkulin sa Diyos

Nitong nakaraang taon nakapaglakbay ako at binago nito ang pananaw ko sa inyo at sa Aaronic Priesthood magpakailanman. Nasasabik akong matuklasan ninyo sa inyong sarili ang natuklasan ko. Malalaman ninyo kung bakit napakahalaga ng Aaronic Priesthood sa inyong buhay at kung gaano ito kahalaga sa Simbahan. Mapapahalagahan ninyo kung bakit tinawag itong isa sa “dakilang mga ulo” ng priesthood (tingnan sa D at T 107:6). Mas mauunawaan ninyo ang kahulugan ng mga susi ng priesthood, paglilingkod ng mga anghel, at panimulang ebanghelyo (tingnan sa D at T 13; 84:26).

Ipapaisip sa inyo ni Satanas na napakabata o napaka-kaunti ninyo para makagawa ng mga makabuluhang bagay gamit ang Aaronic Priesthood. Hindi totoo iyan.

Ang mga salita ng Diyos kay Moises ay para sa inyo ngayon: “Masdan, ikaw ay aking anak; … at ako ay may gawain para sa [iyo]” (Moises 1:4, 6).

Ibinigay Niya sa inyo ang Kanyang kapangyarihang gumawa ng mga dakilang bagay. Sa pagtupad sa inyong tungkulin sa Diyos, patatatagin at pagpapalain ninyo ang inyong pamilya. Ito ang pinakadakilang tungkulin ninyo sa priesthood. Pakinggan ang paglalarawan ng isang ina sa epekto ng kanyang anak sa pamilya nito: “Taglay ni Leo ang priesthood sa aming tahanan, at malaking pagpapala ito. Mabuting halimbawa siya sa kanyang mga kapatid; … tinitiyak niya ng lagi silang nagdarasal. Nagpapasa siya ng sacrament tuwing Linggo. Nakikita siya ng nakababata niyang kapatid na lalaki. Tumutulong siya … sa panalangin ng pamilya. Alam ko na patuloy siyang magiging pagpapala habang tumatanda siya. Nabinyagan niya ang nakababata niyang kapatid na lalaki. Ito ay kaaliwan at kaloob sa amin.”

Sa pagtupad ninyo sa inyong Tungkulin sa Diyos, matutulungan ninyo ang inyong mga kaibigan na hindi natin kamiyembro at matutulungan silang maghandang sumapi sa Simbahan. Tulad ng isang tunay na kapatid, babantayan at palalakasin ninyo sila. Mangunguna kayo sa pagsagip sa iba pang mga binatilyong naligaw ng landas.

Sa pagtupad sa inyong Tungkulin sa Diyos, magiging puwersa kayo sa kabutihan sa lahat ng oras at sa lahat ng sitwasyon. Ang inyong mabuting halimbawa at matapat na paglilingkod sa priesthood ay magiging mabisang paraan upang anyayahan ang lahat ng kakilala ninyo na lumapit kay Cristo.

Sa pinaka-kritikal nilang sandali, umasa ang mga Nephita sa isang binata, si Mormon, bilang lider at inspirasyon (tingnan sa Mormon 2:1–2). Ngayon, umaasa kami sa inyo bilang malaking kalakasan sa Simbahan at isang puwersa para sa kabutihan sa mundo. Iyan ang inaasahan ng Panginoon.

IV. Maging Matapat na Lalaki ng Priesthood

Pinatototohanan ko na madarama ninyo ang pagbabago sa inyong puso sa pagiging matapat na lalaki ng priesthood. Hahangarin ninyong maging lubusang malinis at karapat-dapat na mangasiwa ng sacrament. Pakikitunguhan ninyo ang bawat dalaga nang may kabaitan at paggalang. Igagalang ninyo ang inyong mga magulang. Iiwasan ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu sa diwa, salita, o gawa. Makikilala ninyo ang Panginoon, na pinaglilingkuran ninyo, at magsusumikap kayong maging katulad Niya.

Pinatototohanan ko na ang matapat ninyong paglilingkod sa Aaronic Priesthood ay magpapabago sa buhay ng mga pinaglilingkuran ninyo. May mga taong nangangailangan ng inyong paglilingkod sa priesthood. Kailangan kayo ng inyong pamilya. Kailangan kayo ng inyong korum. Kailangan kayo ng Simbahan. Kailangan kayo ng mundo.

Agaran ang panawagang tuparin ninyo ang inyong tungkulin sa Diyos. Tiwala akong tutuparin ninyo ito.

Isang malamig na umaga ilang linggo pa lang ang nakalilipas, nag-jogging ako sa tabi ng Tagus River sa Lisbon, Portugal. Napadaan ako sa isang bantayog na inilaan sa mga explorer na Portuges ng mga nakalipas na siglo. Tumigil ako habang sumisikat ang araw at nasinagan ng mainit na liwanag nito ang bantayog at ako. Nagkaroon ako ng inspirasyon nang tumingin ako sa determinadong mukha ng mga explorer na nakatunghay sa tubig. Sila ay mga lalaking handang gawin ang mga bagay na iilan lamang ang nakagawa. Iniwan nila ang pamilyar at komportableng mundo at buong tapang na naglayag sa di-kilalang karagatan at nakatuklas ng mga bagong lupain. Binago nila ang mundo.

Nakikita ko kayo kapag naiisip ko ang bantayog na iyon ng matatapang na explorer. Nakikita ko kayo sa isang personal na paglalakbay na iilan lang sa mundo ngayon ang pipiliing tahakin ito. Nakikita kong tinutupad ninyo ang inyong tungkulin sa Diyos.

Dalangin ko na nawa’y maunawaan nating lahat ang dakilang Aaronic Priesthood at magtiwala, tulad ng Diyos, sa mga maytaglay nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.