“At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu”
Alam nating matagumpay tayo kung namumuhay tayo sa paraan na magiging karapat-dapat tayo, makatatanggap, at malalaman kung paano sundin ang Espiritu.
Nitong nakaraang taon libu- libong babaeng Banal sa mga Huling Araw ang nakilala ko sa maraming bansa. Marami at nakalulungkot ang mga hamong kinakaharap ng mga kababaihang ito. Ang ilan sa mga ito ay mga problema sa pamilya, pagsubok sa kabuhayan, kalamidad, aksidente, at karamdaman. Napakaraming panggagambala at walang sapat na kapayapaan at kagalakan. Sa kabila ng popular na mga mensahe sa media, walang sinuman ang may sapat na yaman, ganda, o talino para maiwasan ang isang karanasan sa buhay.
Ang mga tanong ng mga kababaihan ay seryoso at malalim. Nababalisa sila tungkol sa hinaharap, nalulungkot para sa mga nabigong pag-asa, nag-aalinlangan, at nababawasan ang pagpapahalaga sa sarili. Makikita rin sa kanila ang matinding hangaring gawin ang tama.
Nagkaroon ako ng matibay na patotoo sa kahalagahan ng mga anak na babae ng Diyos. Napakarami ang nakasalalay sa kanila. Sa mga pagbisita ko sa mga kababaihan, nadama ko na mas kailangan ngayon ang ibayong pananampalataya at personal na kabutihan. Mas kailangan ngayon ang matatatag na pamilya at tahanan. Mas maraming magagawa ngayon para tulungan ang ibang nangangailangan. Paano nagpapaibayo ng pananampalataya, nagpapatatag ng mga pamilya, at nagbibigay ng ginhawa ang isang tao?1 Paano nakakahanap ng mga sagot ang isang babae sa sarili niyang mga tanong at nananatiling matatag at di-natitinag sa ating panahon laban sa napakatinding oposisyon at kahirapan?
Personal na Paghahayag
Alam ng isang mabuting babae na wala siyang sapat na lakas, panahon, o oportunidad na pangalagaan ang lahat ng tao o gawin ang lahat ng makabuluhang bagay na gustung-gusto niyang gawin. Hindi payapa ang buhay ng karamihan sa mga babae at bawat araw ay tila kailangang gawin ang isang milyong bagay, na karamihan ay mahalaga. Dapat labanan ng isang mabuting babae ang kaakit-akit at nakapanlilinlang na mga mensahe ng maraming bagay, na nagsasabi sa kanya na karapatan niyang mag-ukol ng mas maraming oras na malayo sa kanyang mga responsibilidad at karapat-dapat siyang mabuhay nang mas madali at malaya. Ngunit sa personal na paghahayag, maitatama niya ang kanyang mga priyoridad at mabubuhay siya nang may tiwala.
Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos ukol sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito. Ang pagiging marapat sa Espiritu ng Panginoon ay nagsisimula sa paghahangad sa Espiritung iyon at nagpapahiwatig ng tiyak na antas ng pagkamarapat. Ang pagsunod sa mga kautusan, pagsisisi, at pagpapanibago ng mga tipang ginawa sa binyag ay nagpapala na laging mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.2 Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay nagdaragdag din ng espirituwal na lakas at kapangyarihan sa buhay ng isang babae. Maraming sagot sa mahihirap na tanong ang matatagpuan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, dahil tumutulong ito sa paghahayag.3 Dumarami ang mga ideyang natatagpuan sa banal na kasulatan habang lumalaon, kaya mahalagang mag-ukol ng ilang oras sa mga banal na kasulatan araw-araw. Mahalaga ring manalangin araw-araw para mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.4 Yaong mga masigasig humingi ng tulong sa panalangin ay kadalasang may kalapit na papel at lapis para magsulat ng mga tanong at magtala ng mga damdamin at ideya.
Ang paghahayag ay maaaring dumating oras-oras at maya’t maya kapag tama ang ginagawa natin. Kapag nangalaga ang mga babae na katulad ni Cristo, maaaring bumaba ang kapangyarihan at kapayapaan upang gumabay kapag kailangan ang tulong. Halimbawa, madarama ng mga ina ang tulong ng Espiritu kahit nagpapapansin ang pagod at maingay na mga anak, ngunit mapapalayo sila sa Espiritu kung hindi sila makapagtimpi sa mga anak. Kapag nasa tamang lugar tayo, tatanggap tayo ng patnubay. Kailangan dito ang sadyang pagsisikap na bawasan ang mga panggagambala, ngunit kapag nasasaatin ang Espiritu ng paghahayag, maaari tayong manaig laban sa oposisyon at sumampalataya pa rin sa kabila ng mahihirap na panahon at mga gawaing dapat gawin araw-araw. Ang personal na paghahayag ay nagbibigay sa atin ng pang-unawa kung ano ang gagawin araw-araw para pag-ibayuhin ang pananampalataya at kabutihan ng sarili, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin ang mga nangangailangan ng ating tulong. Dahil ang personal na paghahayag ay pinagmumulan ng lakas na laging napapanibago, posibleng madama na naliligiran tayo ng tulong sa mga oras ng kaguluhan.
Sinabihan tayong magtiwala sa Espiritung iyon na umaakay sa atin na “gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid.”5 Sinabihan din tayo na liliwanagan ng Espiritung ito ang ating isipan, pupuspusin ng galak ang ating kaluluwa, at tutulungan tayong malaman ang lahat ng bagay na dapat nating gawin.6 Ang ipinangakong personal na paghahayag ay dumarating kapag hiniling natin, naghanda tayo para dito, at sumulong tayo nang may pananampalataya, tiwala na ibubuhos ito sa atin.
Relief Society—Nagtuturo, Nagbibigay-inspirasyon, at Nagpapalakas
Dagdag pa rito, ang Panginoon sa Kanyang karunungan ay naglaan ng Relief Society upang tulungan ang Kanyang mga anak na babae sa mga huling araw na ito. Kapag naglilingkod ang Relief Society sa inspiradong paraan, pinasisigla nito ang kababaihan at inilalayo sila sa magulong mundo at tinuturuan ng paraan ng pamumuhay na naghahanda sa kanila para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Responsibilidad ng kalipunang ito na tulungan ang kababaihan na pag-ibayuhin ang pananampalataya at kabutihan ng sarili, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang ibang nangangailangan. Sa pamamagitan ng Relief Society, masasagot ang mga katanungan ng kababaihan at pagpapalain sila sa pinagsama-samang espirituwal na kapangyarihan ng lahat ng miyembro nito. Pinatutunayan ng Relief Society ang tunay at walang hanggang katangian ng mga anak na babae ng Diyos. Isa itong sagradong pagtitiwala, isang gabay na liwanag, at isang sistema ng pangangalaga na nagtuturo at nagbibigay-inspirasyon sa kababaihan na maging matatag at di-natitinag. Ang sawikain nitong, “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailan man,”7 ay nakalarawan sa lahat ng mabubuting babae.
Kapag lumipat sa Relief Society o nabinyagan sa Simbahan ang isang babae, nagiging bahagi siya ng kapatirang nagpapalakas sa kanya sa paghahanda para sa buhay na walang hanggan. Ang pagpasok sa Relief Society ay nagpapakita na ang isang babae ay maaaring pagkatiwalaan at asahang gumawa ng mahalagang kontribusyon sa Simbahan. Patuloy siyang umuunlad nang hindi tumatanggap ng materyal na gantimpala o papuri.
Ito ang sabi ng pangalawang general Relief Society president na si Eliza R. Snow sa kababaihan: “Nais nating maging tunay na babae, hindi ayon sa pakahulugan ng mundo sa kataga, kundi mga karapat-dapat na makapiling ng Diyos at ng mga Banal. Sa isang organisadong gawain makapagtutulungan tayo hindi lamang sa paggawa ng mabuti kundi sa pagpapadalisay ng ating sarili, at iilan man o marami ang mang-usig sa dakilang gawaing ito, sila ang pupuno sa mararangal na posisyon sa Kaharian ng Diyos… . Ang kababaihan ay dapat maging mga babae at hindi mga sanggol na kailangang pansinin at iwasto sa lahat ng oras. Alam ko na gusto nating mapahalagahan pero kung hindi man natin makuha ang lahat ng pagpapahalagang inaakala nating nararapat sa atin, hindi na mahalaga iyon. Alam nating nag-atang ng mabigat na responsibilidad ang Panginoon sa atin, at walang nasa o hangaring itinanim ang Panginoon sa ating puso sa kabutihan na hindi magagawa, at ang pinakamabuting magagawa natin sa ating sarili at sa isa’t isa ay gawing dalisay at ituon ang ating sarili sa lahat ng mabuti at marangal para maging karapat-dapat sa mga responsibilidad na iyon.”8
Pagsukat sa Tagumpay
Laging gustong malaman ng mabubuting babae kung sila ay nagtatagumpay. Sa mundo kung saan madalas ay baluktot ang mga panukat ng tagumpay, mahalagang maghangad na makatanggap ng pagpapahalaga at pagsang-ayon mula sa mga angkop na mapagkukunan. Bilang buod ng listahang mababasa sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, maganda ang ginagawa natin kapag nagkakaroon tayo ng mga katangian ni Jesucristo at nagsikap tayong sundin nang husto ang Kanyang ebanghelyo. Maganda ang ginagawa natin kapag hinahangad nating paghusayin ang ating sarili at gumagawa tayo sa abot ng ating makakaya. Maganda ang ginagawa natin kapag nagpapaibayo tayo ng pananampalataya at kabutihan ng sarili, nagpapalakas ng mga pamilya at tahanan, at hinahanap at tinutulungan ang ibang nangangailangan. Alam nating matagumpay tayo kung namumuhay tayo sa paraan na magiging karapat-dapat tayo, makatanggap, at malaman kung paano sundin ang Espiritu. “Kapag nagawa na natin ang lahat sa abot-kaya natin, maaari pa rin tayong dumanas ng mga kabiguan, pero hindi tayo mabibigo sa ating sarili. Matitiyak natin na nalulugod ang Panginoon sa atin kapag nadama nating gumagawa ang Espiritu sa pamamagitan natin.”9 Kapayapaan, kagalakan, at pag-asa ang mapapasa mga yaong wasto ang pagsukat sa tagumpay.
Isinasaad sa aklat ni Joel na sa mga huling araw, ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos ay magpopropesiya at ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa Kanyang mga tagapaglingkod at Kanyang mga lingkod na babae.10 Inulit ni Pangulong Spencer W. Kimball ang propesiyang ito nang sabihin niyang:
“Karamihan sa malalaking pag-unlad na darating sa Simbahan sa mga huling araw ay dahil marami sa mabubuting babae sa mundo (na kadalasan ay napakalakas ng espirutwalidad) ang sasapi sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito hanggang sa mabanaag sa kababaihan ng Simbahan ang kabutihan at kahusayan sa kanilang buhay at makitang sila ay namumukod at naiiba—sa masasayang paraan—sa kababaihan ng mundo… .
Sa gayon ay mangyayari na ang ulirang kababaihan ng Simbahan ay magiging malaking puwersa kapwa sa dami at sa espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw.”11
Pinatototohanan ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Umaasa ang Panginoon na gagawin ng Kanyang mga anak na babae ang kanilang tungkulin sa pagpapalakas sa mga tahanan ng Sion at pagtatayo ng Kanyang kaharian sa lupa. Kapag naghangad sila at naging karapat-dapat sa personal na paghahayag, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa Kanyang mga lingkod na babae sa mga huling araw na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.