2010
Ang Banal na Tawag ng Isang Misyonero
Mayo 2010


Ang Banal na Tawag ng Isang Misyonero

Kailangan ng Panginoon ang bawat binatilyong may kakayahan na maghanda at mangakong muli, simula ngayong gabi, na maging marapat sa tawag mula sa propeta ng Diyos na maglingkod sa misyon.

Elder Ronald A. Rasband

Magandang gabi, mahal kong mga kapatid sa priesthood. Ngayong gabi nais kong magsalita tungkol sa paglilingkod ng misyonero. Iuukol ko ang aking sasabihin sa malaking grupo ng mga binatilyong maytaglay ng Aaronic Priesthood na nakatipon sa iba’t ibang dako ng mundo at sa kanilang ama, lolo, at lider ng priesthood na nangangalaga sa kanila.

Ang gawaing misyonero ay isang paksang napakalapit sa puso ko, gayundin sa bawat miyembro ng walong Korum ng Pitumpu, na hinirang ng Panginoon na humayo “sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawat bayan at dako na kaniyang paroroonan.”1 Gawaing misyonero ang siyang pinakamahalagang saligan ng Simbahan at ang nakapagliligtas na pagpapala sa lahat ng tatanggap ng mensahe nito.

Nang magministeryo ang Panginoon sa mga tao, sinabihan Niya ang mga mangingisda sa Galilea na iwanan ang kanilang mga lambat at sundan Siya, at sinabing, “Gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”2 Ipinaabot ng Panginoon ang mga tawag na iyon sa mga mapagkumbabang mga lalaki upang sa pamamagitan nila ay marinig ng iba ang mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo at lumapit sa Kanya.

Noong Hunyo ng 1837, tinawag ni Propetang Joseph Smith si Heber C. Kimball, isang Apostol, na magmisyon sa England. Dumating ang tawag kay Elder Kimball habang nakaupo ang dalawa sa Kirtland Temple at nangusap si Joseph nang may banal na kapangyarihan: Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin: ‘Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa England at ipahayag ang aking ebanghelyo at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon.’”3

Ang bulong na iyon ng Epiritu ay isang halimbawa kung paano dumarating ang tawag sa mga lingkod ng Panginoon na magpadala ng mga misyonero sa mga lugar na paglilingkuran nila.

Ang mga misyonero ngayon ay humahayo nang dala-dalawa tulad ng utos ng Panginoon, hatid ang mensahe ring iyon, na may gayon ding banal na tawag na maglingkod mula sa propeta ng Diyos. Sinabi ng ating propetang si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa mga tinawag na maglingkod: “Nasa inyo ang pagkakataong maging misyonero. Naghihintay sa inyo ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Nasa inyo ang pribilehiyong maging mga kalahok at hindi mga tagamasid sa paglilingkod ng priesthood.”4

Pagkakataon ninyo ito, mahal kong mga binatilyo sa Aaronic Priesthood. Handa ba kayong gampanan ang inyong tungkulin? Kailangan ng Panginoon ang bawat binatilyong may kakayahan na maghanda at mangakong muli, simula ngayong gabi, na maging marapat sa tawag mula sa propeta ng Diyos na maglingkod sa misyon.

Natutuwa akong maalala ang malaking galak ng aming buong pamilya nang matanggap ng dalawang anak namin ang kanilang tawag na maglingkod bilang mga full-time missionary. Puspos ng kasabikan at pag-asam ang aming puso nang buksan ng bawat isa ang espesyal nilang liham mula sa propeta ng Diyos. Ang anak naming babaeng si Jenessa ay natawag sa Michigan Detroit Mission, at ang anak naming lalaking si Christian ay natawag sa Russia Moscow South Mission. Nakaaaba at napakasayang mga karanasan, at magkakasabay pa ito!

Nang magkaroon kami ni Sister Rasband ng pribilehiyong mamuno sa New York New York North Mission ilang taon na ang nakalilipas, namangha ako nang dumating ang mga misyonero sa New York City.

Nang interbyuhin ko sila sa unang araw nila sa misyon, nakadama ako ng matinding pasasalamat para sa bawat misyonero. Nadama ko na ang pagtawag sa kanila sa aming mission ay plano ng langit para sa kanila at sa akin bilang kanilang mission president.

Pagkatapos ng aming misyon, tinawag ako ni Pangulong Gordon B. Hinckley na maglingkod bilang Pitumpu sa Simbahan. Bahagi ng maaga kong pagsasanay bilang General Authority ang pagkakataong makasama ang mga miyembro ng Labindalawa kapag nagtatalaga sila ng mga misyonero na maglingkod sa isa sa mahigit 300 mission ng dakilang Simbahang ito.

Sa panghihikayat at pahintulot ni Pangulong Henry B. Eyring, gusto kong ikuwento sa inyo ang isang karanasan naming dalawa, na napakaespesyal sa akin, ilang taon na ang nakalilipas noong miyembro pa siya ng Korum ng Labindalawa. Hawak ng bawat Apostol ang mga susi ng kaharian at ginagamit nila ito ayon sa tagubilin at atas ng Pangulo ng Simbahan. Si Elder Eyring ang nagtatalaga ng mga misyonero sa lugar na kanilang paglilingkuran, at bilang bahagi ng pagsasanay ko, inanyayahan akong magmasid.

Sumama ako kay Elder Eyring nang maaga isang umaga sa isang silid kung saan ilang malalaking computer screen ang inihanda para sa sesyon. Naroon din ang isang tauhan ng Missionary Department na itinalagang tumulong sa amin sa araw na iyon.

Una, lumuhod kami sa panalangin. Naalala kong gumamit si Elder Eyring ng napakataimtim na mga salita, na hinihiling sa Panginoon na pagpalain siyang malaman nang “ganap” kung saan nararapat italaga ang mga misyonero. Ang salitang “ganap” ang nakapagsabi kung gaano kalakas ang pananampalatayang ipinakita ni Elder Eyring sa araw na iyon.

Nang simula ng proseso, lalabas sa isa sa mga computer screen ang larawan ng isang misyonerong itatalaga. Paglitaw ng bawat larawan, sa tingin ko ay parang kasama namin sa silid ang misyonerong iyon. Pagkatapos ay babatiin ni Elder Eyring ang misyonero sa kanyang mabait at mapagmahal na boses: “Magandang umaga, Elder Reier o Sister Yang. Kumusta ka ngayon?”

Sinabi niya sa akin na sa sarili niyang isipan gusto niyang isipin kung saang lugar magtatapos ang mga misyonero sa kanilang misyon. Makakatulong ito para malaman niya kung saan sila itatalaga. Pagkatapos ay pag-aaralan ni Elder Eyring ang mga komento mula sa mga bishop at stake president, mga tala tungkol sa kanilang kalusugan, at iba pang impormasyon tungkol sa bawat misyonero.

Pagkatapos ay lumipat siya sa isa pang screen kung saan nakadispley ang mga area at mission sa buong mundo. Sa huli, ayon sa paramdam sa kanya ng Espiritu, itatalaga niya ang misyonero sa lugar na paglilingkuran nito.

Mula sa ibang mga miyembro ng Labindalawa, nalaman ko na ang ganitong pamamaraan ay karaniwan nang nangyayari bawat linggo sa pagtatalaga ng mga Apostol ng Panginoon sa napakaraming misyonerong maglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dahil nakapagmisyon na ako sa sarili kong bansa sa Eastern States Mission ilang taon na ang nakararaan, labis akong naantig sa karanasang ito. Gayundin, dahil nakapaglingkod na ako bilang mission president, nagpapasalamat ako sa karagdagang patotoo sa puso ko na ang tinanggap kong mga misyonero sa New York City ay ipinadala sa akin sa pamamagitan ng paghahayag.

Matapos italaga ang ilang misyonero, bumaling sa akin si Elder Eyring nang pagbulayan niya ang isang partikular na misyonero at nagsabing, “Brother Rasband, sa palagay mo saan dapat magpunta ang misyonerong ito?” Nagulat ako! Kimi kong sinabi kay Elder Eyring na hindi ko alam at hindi ko alam na maaari ko palang malaman! Tumingin siya sa akin nang diretso at sinabi lang na, “Brother Rasband, talasan mo pa ang pakiramdam mo at malalaman mo rin!” Dahil doon, inilapit ko pa nang kaunti ang silya ko kay Elder Eyring at sa computer screen, at talagang tinalasan ko pa ang pakiramdam ko!

Dalawang beses pa sa prosesong iyon, babaling sa akin si Elder Eyring at magtatanong, “Brother Rasband, saan sa pakiramdam mo nararapat magpunta ang misyonerong ito? Babanggit ako ng isang partikular na mission, at mataman akong titingnan ni Elder Eyring at sasabihing, “Hindi, hindi roon!” Pagkatapos ay patuloy siyang magtatalaga ng mga misyonero kung saan niya madamang ipadala sila.

Nang malapit na kaming matapos sa pagtatalaga, may lumabas na larawan ng isang misyonero sa screen. Nagkaroon ako na matinding inspirasyon, na pinakamalakas noong umagang iyon, na ang misyonerong nasa harapan namin ay itatalaga sa Japan. Hindi ko alam na tatanungin ako ni Elder Eyring tungkol dito, ngunit nakakagulat na tinanong nga niya ako. Medyo nag-aalangan at mapakumbaba kong sinabi sa kanya, “Japan?” Agad sumagot si Elder Eyring, “Sige, magpunta tayo roon.” At lumabas sa computer screen ang mga mission sa Japan. Agad kong nalaman na pupunta ang misyonero sa Japan Sapporo Mission.

Hindi itinanong sa akin ni Elder Eyring ang eksaktong pangalan ng mission, ngunit itinalaga niya ang misyonerong iyon sa Japan Sapporo Mission.

Lihim na naantig ang puso ko at taimtim akong nagpasalamat sa Panginoon na tinulutan akong maranasan ang inspirasyong malaman kung saan nararapat magpunta ang misyonerong iyon.

Sa pagtatapos ng pulong pinatotohanan sa akin ni Elder Eyring ang pagmamahal ng Tagapagligtas, na taglay Niya para sa bawat misyonerong itinalagang humayo sa mundo at mangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sinabi niya na dahil sa dakilang pagmamahal ng Tagapagligtas kaya nalalaman ng Kanyang mga lingkod kung saan dapat maglingkod itong mababait na binata at dalaga, senior missionary, at senior couple missionary. Naragdagan pa ang aking patotoo noong umagang iyon na bawat misyonerong tinawag sa Simbahang ito, at itinalaga o inilipat sa isang partikular na mission, ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Panginoong Diyos na Maykapal sa pamamagitan ng isa sa mga ito, na Kanyang mga lingkod.

Magtatapos ako sa mga salita ng Panginoon sa magkakapatid na Whitmer, na malaking papel ang ginampanan sa mga unang araw ng Panunumbalik. Sila ang mga mga saksi sa mga gintong lamina, at ang nilagdaan nilang mga patotoo ay kasama sa harapan ng bawat kopya ng Aklat ni Mormon. Sila ay kasama sa unang grupo ng mga misyonerong tinawag ng isang propeta ng Diyos noong 1829 upang ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.

Sa paunang salita sa bahagi 14 ng Doktrina at mga Tipan, nakasaad na, “Tatlong anak na lalaki ng mag-anak na Whitmer, bawat isa na nakatanggap ng patotoo sa katotohanan ng gawain, ay labis na nabahala sa bagay tungkol sa kani-kanilang mga gawain.”

Kina John at Peter Whitmer Jr. sinabi ito ng Panginoon: “Sapagkat maraming ulit mo nang ninais sa akin na malaman kung ano ang magiging pinakamahalaga para sa iyo.”5

Marahil tinanong na iyon ng marami sa inyong mga binatilyo sa inyong sarili. Narito ang sagot ng Panginoon: “At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo, na ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo ay magpahayag ng pagsisisi sa mga taong ito, upang ikaw ay makapagpadala ng mga kaluluwa sa akin, upang ikaw ay makapagpahinga kasama nila sa kaharian ng aking Ama.” 6

Sa panahong ito ng inyong buhay, tawag sa misyon mula sa Panginoon, mga kaibigan kong binatilyo, ang pinakamahalagang gawaing magagawa ninyo. Maghanda na ngayon, mamuhay nang matwid, matuto sa inyong pamilya at mga lider ng Simbahan, at sumama sa amin sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa—tanggapin ang inyong banal na pagkahirang sa “isang napakadakilang adhikain.”7 Ito ang aba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Lucas 10:1.

  2. Mateo 4:19.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 383.

  4. Thomas S. Monson, “That All May Hear,” Ensign, Mayo 1995, 49.

  5. Doktrina at mga Tipan 15:4; 16:4.

  6. Doktrina at mga Tipan 15:6; 16:6.

  7. Doktrina at mga Tipan 128:22.