2010
Kumilos nang Buong Sigasig
Mayo 2010


Kumilos nang Buong Sigasig

Kailangan nating matutuhan ang tungkulin nating nagmula sa Panginoon, at saka tayo kumilos nang buong sigasig, nang hindi nagiging tamad o pabaya.

President Henry B. Eyring

Mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo ngayong gabi. At napakumbaba ako ng nalalaman ko tungkol sa inyong tapat na paglilingkod sa priesthood. Nagsasalita ako sa inyo ngayong gabi tungkol sa kasigasigan sa paglilingkod sa Panginoon. May mga naranasan ako kamakailan kaya ko napili ito.

Isa na riyan ang maingat na pag-aaral ko ng pambihirang bagong buklet para sa Aaronic Priesthood, na binanggit ni Brother David L. Beck. Pinamagatan itong Pagtupad ng Aking Tungkulin sa Diyos. Habang binabasa at pinag-iisipan ko kung ano ang inaasahan nitong gawin at kahinatnan ng mga kabataang lalaki, napagtanto ko na ipinaliliwanag nito ang ipinangako ni Pangulong Brigham Young sa maytaglay ng priesthood na masigasig habambuhay: “Ang indibiduwal na nagtataglay ng [Priesthood], na patuloy na tapat sa kanyang tungkulin, patuloy na nasisiyahan sa paggawa ng mga bagay na hinihiling sa kanya ng Diyos, at habang buhay na patuloy sa pagganap sa bawat tungkulin ay makakamit hindi lamang ang pagkakataong tumanggap, kundi ang kaalaman kung paano matatanggap ang mga bagay tungkol sa Diyos, upang patuloy na malaman ang kaisipan ng Diyos.”1

Ilang linggo pa lamang ang nakararaan, nakita kong magsimula ang isang bagong deacon sa landas na iyon ng kasigasigan. Ipinakita sa akin ng kanyang ama ang isang diagram na nilikha ng kanyang anak na makikita ang bawat hanay sa kanilang kapilya, isang numero para sa bawat deacon na aatasang magpasa ng sacrament, at ang lalakarin nila sa kapilya sa pagpapasa ng sacrament sa mga miyembro. Napangiti kami ng ama sa pag-iisip na ang batang iyon, kahit hindi sinabihang gawin iyon, ay gumawa ng plano upang matiyak na magtatagumpay siya sa kanyang paglilingkod sa priesthood.

Nakita ko sa kanyang kasigasigan ang huwaran mula sa bagong buklet na Tungkulin sa Diyos. Iyon ay para malaman ang inaasahan sa inyo ng Panginoon, planuhing gawin ito, kumilos ayon sa inyong plano nang buong sigasig, at pagkatapos ay ibahagi sa iba kung paano kayo nagbago at pinagpala ang iba dahil sa inyong karanasan.

Ginawa ng deacon ang diagram na iyon upang matiyak na magagawa niya ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Sa pagsisimula ng kanyang paglilingkod sa priesthood, tinuruan siya ng Panginoon na masiyahan sa patuloy na “paggawa ng mga bagay na hinihiling sa kanya ng Diyos.”2

Ang isa pang karanasan kaya ako magsasalita sa inyo tungkol sa kasigasigan ngayong gabi ay ang pagmamasid ko sa isang lalaking malapit nang matapos sa kanyang paglilingkod sa priesthood sa buhay na ito. Dalawang beses siyang naging bishop. Noong una siyang matawag bilang bishop, ilang taon bago ko siya nakilala, bata pa ako. Ngayong matanda na siya, ini-release na siya sa ikalawang pagkakataon bilang bishop. Dahil dumarami ang kanyang pisikal na mga limitasyon hirap na hirap na siyang maglingkod sa priesthood.

Pero may plano siyang kumilos nang buong sigasig. Sa bawat Linggong nakapagsimba siya naupo siya sa hanay na pinakamalapit sa pintuan kung saan papasok ang karamihan sa mga tao para sa sacrament meeting. Maaga siyang dumating doon para makatiyak na may bakanteng upuan. Bawat taong dumarating ay nakikita ang kanyang tingin ng pagmamahal at pagbati, tulad ng ginawa nila kapag umuupo siya sa harapan bilang bishop nila. Ang kanyang impluwensya ay nagpasigla at nagbigay-inspirasyon sa amin dahil alam namin ang naging kapalit ng kanyang paglilingkod. Tapos na ang atas niya bilang bishop; hindi natapos ang kanyang paglilingkod sa priesthood.

Nakakita na kayo ng gayong mga halimbawa ng dakilang mga lingkod sa priesthood. Ngayong gabi, sisikapin kong sabihin sa inyo kung ano ang nalaman ko tungkol sa kanila. Nagsisimula ito sa pagkatuto nilang malaman kung kanino sila naglilingkod at bakit. Kapag naitanim iyan sa kanilang puso, humuhusay ang paglilingkod nila.

Una, magsasalita ako nang tuwiran sa mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood. Magiging mas masigasig kayo kapag nadama ninyo ang laki ng tiwala ng Diyos sa inyo. May mensahe ang Unang Panguluhan para sa inyo sa buklet na Tungkulin sa Diyos: “Malaki ang tiwala ng Ama sa Langit sa iyo at may mahalagang misyong ipagagawa sa iyo. Tutulungan ka Niya kapag nananalangin ka sa Kanya, nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu, sumusunod sa mga utos, at tumutupad sa mga tipang iyong ginawa.”3

Nagbalik si Juan Bautista sa lupa upang ipanumbalik ang priesthood na taglay ninyong mga binatilyo. Hawak niya ang mga susi ng Aaronic Priesthood. Kay Juan nagpabinyag si Jesus. Alam ni Juan kung sino ang tumawag sa kanya. Sabi niya sa Panginoon, “Kinakailangan ko na ako’y iyong bautismuhan.”4

Alam ni Juan na ang priesthood ni Aaron ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” nang isugo siya ng Panginoon para ordenan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829.5 Alam niya kung sino ang tumawag sa kanya at para sa anong maluwalhating layunin siya isinugo.

Ang mga tungkulin ninyo sa priesthood ay nagtutulot sa inyo na magpasa ng sacrament ng Hapunan ng Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan ngayon. Iyan din ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na ipinagkaloob sa Labindalawang Apostol nang magministeryo Siya sa lupa. Ginawa Niya itong muli nang tumawag Siya ng labindalawang disipulo matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli upang pamunuan ang Kanyang Simbahan.

Ang Panginoon Mismo, ayon sa inilarawan sa Aklat ni Mormon, ay naglaan ng mga sagisag ng Kanyang walang hanggang sakripisyo at ibinahagi ito sa mga tao. Isipin Siya at kung paano Niya kayo ikinararangal kapag naglilingkod kayo sa priesthood. Kapag inalala ninyo Siya, magiging determinado kayong gawin ang sagradong paglilingkod na iyon, nang mabuti at tapat na katulad ng ginawa Niya hangga’t kaya ninyo.6

Maaaring maging huwaran iyan sa buhay ninyo na magpapaibayo ng inyong kakayahang maging masigasig sa bawat paglilingkod sa priesthood kung para saan ay inihahanda kayo ng Panginoon at tatawagin Niya kayong gawin ito. Ang determinasyong iyan ay tutulong sa inyo na maghandang matanggap ang Melchizedek Priesthood, na tinawag noong una na “Pagkasaserdote alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.”7

Ngayon, nais kong magsalita sa mga yaong natawag at nabigyang- dangal na maglingkod sa Melchizedek Priesthood. Gaya ng Aaronic Priesthood, ang Melchizedek Priesthood ay mahigit pa sa tiwalang gawin ang gagawin ng Panginoon. Ito ay isang paanyayang maging katulad Niya. Narito ang Kanyang pangako:

“Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

“Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;

“At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.”8

May huwarang sinusunod para mapagkalooban ng maluwalhating pagpapalang iyon ang lahat ng maytaglay ng priesthood. May isang lugar sa banal na kasulatan kung saan nagbibigay ng huwaran ang Panginoon para sa atin sa ika-107 bahagi ng Doktrina at mga Tipan:

“Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.

“Siya na tamad ay hindi ibibilang na karapat-dapat magtagal, at siya na hindi natututuhan ang kanyang tungkulin at ipinakikita ang kanyang sarili na hindi kaayun-ayon ay hindi ibibilang na karapat-dapat na magtagal. Maging gayon nga. Amen.”9

Kailangan nating matutuhan ang tungkulin nating nagmula sa Panginoon, at saka tayo kumilos nang buong sigasig, nang hindi nagiging tamad o pabaya. Simple lang ang huwaran ngunit hindi madaling sundin. Napakadali nating magambala. Ang pagbabasa ng mga pang-araw-araw na balita ay maaaring magmukhang mas kawili-wili kaysa manwal ng mga aralin sa priesthood. Ang pag-upo para magpahinga ay maaaring mas kaakit-akit kaysa paggawa ng mga appointment na bisitahin ang mga nangangailangan ng ating paglilingkod sa priesthood.

Kapag nakikita ko na inilalayo ako ng ibang mga libangan sa mga tungkulin ko sa priesthood at gustong magpahinga ng katawan ko, hinihikayat ko ang sarili ko sa mga salitang ito, “Alalahanin Siya.” Ang Panginoon ang ating sakdal na halimbawa ng kasigasigan sa paglilingkod sa priesthood. Siya ang ating pinuno. Tinawag Niya tayo. Nangunguna Siya sa atin. Pinili Niya tayo para sundan Siya at isama natin ang iba.

Ngayong gabi naaalala ko Siya, at naaantig ang puso ko. Sabado ng gabi ito bago sumapit ang Linggo ng Paskua, kung kailan gugunitain natin ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Naaalala ko ang Kanyang halimbawa bago Siya namatay.

Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang Ama at sa atin, pinagdusa Niya ang Kanyang Sarili nang higit pa sa kakayahan ng mortal na tao. Sinabi Niya sa atin ang ilang kinailangan Niyang gawin sa walang hanggang sakripisyong iyon. Naaalala ninyo ang mga salita:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”10

Mula sa krus sa Kalbaryo, nagpahayag ang Tagapagligtas, “Naganap na.”11 Pagkatapos ay nilisan ng Kanyang Espiritu ang Kanyang katawan, at mapagmahal na inilagak ang Kanyang mga labi sa isang libingan. Tinuruan Niya tayo ng isang aral sa Kanyang ginawa sa loob ng tatlong araw sa daigdig ng mga espiritu, bago Siya Nabuhay na Mag-uli, na naaalala ko tuwing natutukso akong madama na natapos ko na ang ilang mahihirap na atas sa paglilingkod sa Kanya at nararapat na akong magpahinga.

Ang halimbawa ng Tagapagligtas ay pinalalakas ang loob kong magpatuloy. Ang Kanyang mga ginawa sa lupa ay natapos na, ngunit pumasok Siya sa daigdig ng mga espiritu na determinadong ituloy ang Kanyang maluwalhating gawaing magligtas ng mga kaluluwa. Inorganisa Niya ang gawain ng matatapat na espiritu upang sagipin ang mga yaong maaari pang makibahagi sa awa na ginawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alalahanin ang mga salita sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan:

“Ngunit masdan, mula sa mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao; at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay.

“At ang mga napiling sugo ay humayo upang ipahayag ang kalugud-lugod na araw ng Panginoon at ipahayag ang kalayaan sa mga bihag na nakagapos, maging sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng ebanghelyo.”12

Tuwing maaalala natin Siya, nagiging mas madaling labanan ang tukso na naising magpahinga mula sa mga gawain natin sa priesthood. Dapat natin Siyang alalahanin ngayon, kaya nga tayo narito upang alamin ang ating mga tungkulin, na determinadong gawin ang ipinakipagtipan nating gagawin, nang buong sigasig. At dahil sa Kanyang halimbawa magtitiis tayo hanggang matapos ang mga atas na ibinigay Niya sa atin sa buhay na ito at mangangakong gawin ang kalooban ng Kanyang Ama magpakailanman, katulad Niya noon at ngayon.

Ito ang Simbahan ng Panginoon. Tinawag Niya tayo at pinagkatiwalaan kahit alam Niyang may mga kahinaan tayo. Alam Niya ang mga pagsubok na kakaharapin natin. Sa tapat na paglilingkod at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, matututuhan nating gustuhin ang gusto Niya at maging katulad ng nararapat sa atin upang mapagpala ang mga pinaglilingkuran natin para sa Kanya. Kapag pinaglingkuran natin Siya nang matagal at masigasig, magbabago tayo. Lalo tayong magiging katulad Niya.

Nakakita na ako ng katibayan ng himalang iyon sa buhay ng Kanyang mga lingkod. Nakita ko ito ilang linggo na ang nakalilipas sa salas ng isang tapat na maytaglay ng priesthood.

Kilala ko na siya noon bilang deacon, ama, bishop, at miyembro ng stake presidency. Naobserbahan ko nang ilang dekada ang kanyang kasigasigan sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos sa kanyang priesthood.

Nakapaligid sa kanya ang kanyang pamilya sa salas nila. Nakangiti siya, nakasuot ng puting polo, amerikana, at kurbata. Nagulat ako, kasi naroon ako dahil sinabihan ako na nasa kalagitnaan siya ng masakit na panggagamot at hindi pa siya magaling.

Binati niya ako katulad ng pagbati niya sa daan-daang iba pang bisita sa habambuhay niyang paglilingkod sa priesthood, nang nakangiti. Nagpunta ako para tulungan siya sa mga pagsubok na nakaharap niya, ngunit tulad ng madalas mangyari sa paglilingkod sa priesthood, ako ang natulungan at natuto.

Naupo kami at masayang nag-usap. Sinabi niya sa akin kung paano inalagaan ng tatay niya ang nanay ko nang malapit na itong mamatay. Hindi ko alam iyon. Napagtanto ko noon na natutuhan niya noong bata pa siya mula sa kanyang ama na masigasig sa priesthood kung paano tumulong. Dahil sa ideyang iyan pinasalamatan ko ang mga panahong naisama ko ang mga anak kong lalaki sa mga pagbisita ko sa priesthood para mag-alo at magbasbas.

Pagkaraan ng ilang minuto, tahimik niyang itinanong, “Angkop bang hilingin kung puwede mo akong basbasan?” Ang dati niyang stake president, na kasama niyang naglingkod nang matagal, ang nagpahid ng inilaang langis sa kanyang ulo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood.

Nang ibuklod ko ang basbas, itinuro sa akin ng Espiritu Santo ang isang bahagi ng nagawa ng Panginoon para sa tapat na maytaglay ng priesthood na ito. Malinis na siya, nahugasan na ang kanyang mga kasalanan. Nagbago na ang kanyang likas na pagkatao upang gustuhin ang gusto ng Tagapagligtas. Hindi na siya takot mamatay. Ang hangarin ng kanyang puso ay mabuhay upang maglingkod sa kanyang pamilya at sa iba pang anak ng Ama sa Langit na nangangailangan sa kanya.

Lumabas ako sa dilim ng gabi na nagpapasalamat na masaksihan ang kabaitan ng Panginoon sa Kanyang maaasahan at masisigasig na lingkod ng priesthood. Binabago Niya ang kanilang puso upang gustuhin ang gusto Niya at kumilos na katulad Niya.

Nagtatapos ako ngayon sa payong ito sa mga lingkod ng Panginoon sa priesthood. Pag-isipan nang malalim at masigasig ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Magpumilit sa panalangin na ihayag sa inyo ng Espiritu Santo ang likas na katangian ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Magsumamo na ipakita sa inyo ng Espiritu ang gustong ipagawa sa inyo ng Panginoon. Planuhing gawin ito. Mangakong sundin Siya. Kumilos nang may determinasyon hanggang sa magawa ninyo ang iniutos Niya. At manalangin pagkatapos upang magpasalamat sa pagkakataong maglingkod at malaman kung ano pa ang gagawin ninyo.

Pinatototohanan ko na ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay. Sila ay nabuhay na mag-uli at maluwalhating mga nilalang na nagmamahal at nagbabantay sa atin. Ang mga susi ng priesthood ay ipinanumbalik ng mga sugo ng langit kay Propetang Joseph Smith. Tuluy-tuloy ang pagpasa nito hanggang sa makarating kay Pangulong Thomas S. Monson. Ang mga susing iyon ay hawak ng bawat isa sa mga buhay na Apostol.

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na matutuhan ninyong damhin sa pamamagitan ng Espiritu ang laki ng tiwala at mga pangakong natanggap ninyo bilang inordenang mga lingkod ng priesthood sa totoong Simbahan ng Panginoon, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 144.

  2. Mga Turo: Brigham Young, 144.

  3. Pagtupad sa Aking Tungkulin sa Diyos: Para sa mga Maytaglay ng Aaronic Priesthood (buklet, 2010), 5.

  4. Mateo 3:14.

  5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13.

  6. Tingnan sa 3 Nephi 20:3–9.

  7. Doktrina at mga Tipan 107:3; tingnan din sa Alma 13:1–9.

  8. Doktrina at mga Tipan 84:33–38.

  9. Doktrina at mga Tipan 107:99–100.

  10. Doktrina at mga Tipan 19:16–19.

  11. Juan 19:30.

  12. Doktrina at mga Tipan 138:30–31.