2010
Upang Makita ng Ating mga Anak ang Mukha ng Tagapagligtas
Mayo 2010


Upang Makita ng Ating mga Anak ang Mukha ng Tagapagligtas

Sagradong responsibilidad natin bilang mga magulang at lider ng bagong henerasyon ng mga batang ito na ilapit sila sa Tagapagligtas.

Cheryl C. Lant

Ilang taon na ang nakalilipas tinuruan ko ang isang grupo ng mga nursery leader kung paano magbigay ng maikling aralin ng ebanghelyo sa mga batang paslit. Kalong ng isa sa mga lider ang kanyang musmos na anak na lalaki. Hawak ko ang isang larawan ng Tagapagligtas at, para maipamalas kung paano magsalita sa mga batang musmos, nagsimula akong magsalita tungkol kay Jesus. Nagpadausdos ang batang lalaki mula sa kandungan ng kanyang ina, lumapit sa akin, tinitigang mabuti ang larawan, at hinaplos ang mukha. Sa bahaging iyon ng pagtuturo, nagtanong ako, “Sino ito?” May ngiti sa labi, sumagot ang bata ng, “Jesus.”

Napakabata pa nito para masabi man lang ang sarili niyang pangalan, pero nakilala niya ang nasa larawan at alam niya ang pangalan ng Tagapagligtas. Sa magiliw niyang sagot, naisip ko ang mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Hanapin ang mukha ng Panginoon tuwina, upang sa pagtitiyaga ay maaari ninyong matamo ang inyong mga kaluluwa, at kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (D at T 101:38).

Ano ang ibig sabihin ng hanapin ang mukha ng Tagapagligtas? Tiyak na ang ibig sabihin nito ay higit pa sa pagkilala lamang sa Kanyang larawan. Ang paanyaya ni Cristo na hanapin Siya ay isang paanyayang kilalanin kung sino Siya, ano ang ginawa Niya para sa atin, at ano ang ipinagagawa Niya sa atin. Ang paglapit kay Cristo, at kalaunan ay pagkakita sa Kanyang mukha, ay mangyayari lamang kapag lumapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng ating pananampalataya at mga kilos. Nangyayari ito sa pamamagitan ng habambuhay na pagsisikap. Kaya paano natin Siya hahanapin sa buhay na ito para makita natin ang Kanyang mukha sa kabilang buhay?

Mayroon tayong salaysay sa 3 Nephi tungkol sa mga taong talagang nakita ang mukha ng Tagapagligtas sa buhay na ito. At kahit hindi natin Siya makita ngayon, siguro ay matututo tayo sa kanilang karanasan. Pagkamatay ng Tagapagligtas, nagpakita Siya sa mga taong ito, tinuruan Niya sila, at binasbasan sila. At pagkatapos “ito ay nangyari na, na kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit” (3 Nephi 17:11).

Sagradong responsibilidad natin bilang mga magulang at lider ng bagong henerasyon ng mga batang ito na ilapit sila sa Tagapagligtas upang makita nila ang Kanyang mukha at maging ang mukha ng ating Ama sa Langit. Kapag ginawa natin ito, makikita rin natin Sila.

Muli ang tanong, paano natin ito gagawin, lalo na sa mundong puno ng mga gambala? Sa 3 Nephi, minahal ng mga magulang ang Panginoon. Naniwala sila. Sumampalataya sila sa mga himalang ginawa ni Jesus. Minahal nila ang kanilang mga anak. Tinipon nila ang mga ito para pakinggan ang mga salita ng Panginoon at sinunod nila ang Kanyang utos na ilapit ang mga bata sa Kanya.

Matapos mailapit ang mga bata, pinaluhod ni Cristo ang mga magulang. Pagkatapos ay ginawa Niya para sa kanila ang ginawa Niya para sa ating lahat. Nanalangin Siya sa Ama para sa kanila, at nang gawin Niya ito, sinasabing “[napaka]dakila at kagila-gilalas” ng Kanyang panalangin na hindi kayang ilarawan ng mga salita (3 Nephi 17:16). Sa paglapit sa Tagapagligtas at pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala, napalakas ang mga magulang na ito na gawin ang lahat ng kailangan upang “mailapit” ang kanilang mga anak.

Ang isa pa sa mga bagay na ipinagawa ni Cristo sa mga magulang na ito ay matatagpuan sa 3 Nephi 22:13: “Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”

Kaya nga, kasunod ng sarili nilang mga karanasan sa Tagapagligtas, tinuruan nitong mga magulang na Nephita ang kanilang mga anak tungkol sa Kanya. Itinuro nila sa kanila na mahalin ang Panginoon. Itinuro nila sa kanila ang Kanyang ebanghelyo. Itinuro nila sa kanila kung paano ito ipamuhay. Tinuruan nila silang mabuti kaya nagkaroon ng kabutihan at kapayapaan sa lupain sa loob ng 200 taon (tingnan sa 4 Nephi 1:1–22).

Ngayon, hinihiling kong tingnan ninyo ang inyong mga mahal sa buhay. Ito ang pinakamahalaga—ang ating pamilya. Natitiyak ko na higit sa anupaman, nais ninyong mapasainyo nang walang hanggan ang pamilyang ito. Matutulungan tayo ng salaysay sa 3 Nephi na mailapit ang ating mga anak sa Kanya dahil binibigyan tayo nito ng huwarang susundan. Una, dapat nating mahalin ang Panginoon nang buong puso, at mahalin ang ating mga anak. Ikalawa, dapat tayong maging karapat-dapat na halimbawa sa kanila sa pamamagitan ng patuloy na paghahanap sa Panginoon at pagsisikap na ipamuhay ang Ebanghelyo. Ikatlo, dapat nating ituro ang ebanghelyo sa ating mga anak at kung paano ipamuhay ang mga turo nito.

Ang pagsunod sa huwarang ito na ilapit ang ating mga anak sa Tagapagligtas ay isang proseso. Tingnan nating muli ang huwaran. Una, dapat nating malaman kung paano mahalin ang Panginoon at ating pamilya. Kailangan nito ng panahon, karanasan, at pananampalataya. Kailangan nito ng di- makasariling paglilingkod. Pagkatapos, kapag napuspos tayo ng pagmamahal ng Panginoon, maaari na tayong magmahal. Maaari Niyang tangisan ang ginagawa natin, pero mahal Niya tayo at laging Siyang nariyan para tulungan tayo. Ganyan natin dapat matutuhang mahalin ang ating mga anak.

Ikalawa, dapat tayong maging mga karapat-dapat na halimbawa. Isa rin itong proseso. Kung nais nating ilapit ang ating mga anak kay Cristo upang makita nila ang Kanyang mukha, mahalagang hanapin din natin ito para makita natin. Kailangan nating malaman ang paraan para maipakita ito sa kanila. Dapat nating isaayos ang sarili nating buhay upang tularan at sundan tayo ng mga bata. Maitatanong natin, “Ano ang nakikita ng mga anak ko kapag tumingin sila sa aking mukha? Nakikita ba nila ang larawan ng Tagapagligtas sa mukha ko dahil sa aking pamumuhay?”

Ngayon alalahanin, walang sinuman sa atin ang magiging perpektong halimbawa sa ating mga anak, ngunit lahat tayo ay maaaring maging karapat-dapat na mga magulang at lider. Ang ating pagsisikap na maging marapat ay isang halimbawa na. Kung minsan ay maaari nating madama na bigo tayo, ngunit maaari pa rin tayong magsikap. Dahil sa Panginoon at sa pamamagitan Niya, maaari tayong lumakas upang maging katulad ng nararapat nating kahinatnan. Magagawa natin ang kailangan nating gawin.

At ikatlo, may proseso tayo ng paglalapit ng ating mga anak sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga katotohanan ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan at mga propeta at sa pagtulong sa kanila na madama at makilala ang Espiritu. Maging ang mga batang paslit ay mauunawaan at matatanggap ang mga bagay na walang hanggan. Gustung-gusto nila ang mga banal na kasulatan, at mahal nila ang propeta. Gusto nila talagang maging mabait. Bahala na tayong tulungan sila na panatilihing bukas ang ugnayang iyan sa langit. Bahala na tayong pangalagaan sila mula sa mga impluwensyang nagpapalayo sa Espiritu. Makakakita tayo ng tulong at patnubay sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay matuturuan natin ang ating mga anak na maghanap ng sarili nilang mga sagot doon. Matuturuan natin ang ating mga anak ng mga wastong tuntunin at matutulungan silang ipamuhay ang mga ito. Maituturo natin sila sa Espiritu upang magkaroon sila ng sariling patotoo tungkol sa mga katotohanang natututuhan nila. Matutulungan natin silang makatagpo ng kagalakan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Magtatatag ito ng matibay na pundasyon ng pananampalataya at pagsunod sa buhay nila na magpapalakas sa kanila.

Ngayon, hindi madaling gawin ang lahat ng ito. Sinasabi sa salaysay ng mga Nephita na nagkaroon ng 200 taon ng kapayapaan ang mga pamilyang iyon. Ngunit tiyak na malaking pagsisikap ang kinailangan doon. Kailangan nito ng lubos na pagsisikap at pagtitiyaga at pananampalataya, pero wala nang mas mahalaga o kasiya-siya pa kaysa rito. At tutulungan tayo ng Panginoon, dahil mahal Niya ang mga batang ito nang higit pa sa pagmamahal natin sa kanila. Mahal Niya sila, at pagpapalain Niya sila.

Maaalala ninyo na isa-isa Niyang binasbasan ang mga batang Nephita at ipinagdasal Niya sila (tingnan sa 3 Nephi 17:14–17, 21). Pagkatapos ay “nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.

“At nang sila ay tumingin upang pagmasdan ay itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, at sila ay napalibutan ng apoy; at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila” (3 Nephi 17:23–24).

Paano mararanasan ng ating mga anak ang mga pagpapalang katulad nito ngayon? Sabi ni Elder M. Russell Ballard, “Malinaw na yaong mga pinagtiwalaan sa atin na magkaroon ng natatanging mga anak ay pinagkalooban ng sagrado at marangal na pamamahala, dahil tayo ang hinirang ng Diyos na palibutan ang mga bata ngayon ng pagmamahal at ng apoy ng pananampalataya at ng pagkaunawa kung sino sila” (“Behold Your Little Ones,” Tambuli, Okt. 1994, 40).

Mga kapatid, tayo ang mga anghel na isinugo ng Ama sa Langit ngayon upang pagpalain ang mga bata, at matutulungan natin silang makita ang mukha ng Tagapagligtas balang araw kapag itinuro natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo at pinuspos ng kagalakan ang ating tahanan sa pamumuhay nito. Sama-sama natin Siyang makikilala. Madarama natin ang Kanyang pagmamahal at mga pagpapala. At sa pamamagitan Niya makababalik tayo sa piling ng ating Ama. Ginagawa natin ito kapag handa tayong maging masunurin, tapat, at masigasig sa pagsunod sa Kanyang mga turo.

“Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga” (D at T 93:1).

Mga kapatid, alam ko na ang Diyos ay buhay. Si Jesucristo ay Kanyang Anak, ating Tagapagligtas at Manunubos. Inanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya at inutusan tayong ilapit ang ating mga anak upang sama-sama nating makita ang Kanyang mukha at mabuhay tayo magpasawalang hanggan sa piling Niya at ng ating Ama sa Langit. Dalangin ko na lahat tayo ay magsikap upang matanggap ang malaking pagpapalang ito, sa pangalan ni Jesucristo, Amen.