2010
Elder Juan A. Uceda
Mayo 2010


Elder Juan A. Uceda

Ng Pitumpu

Elder Juan A. Uceda

Nang simulang ligawan ni Elder Juan Alberto Uceda Andrade si Maria Isabel Bendezú—ang babaeng kalaunan ay kanyang pakakasalan—alam niya na espesyal ito. Kapwa sila nabinyagan sa Simbahan noong kabataan nila, at kapwa sila nagmisyon sa kanilang sariling bansa, sa Peru.

Ngunit ang pananalig ni Sister Uceda na makasal sa templo ang nakagawa ng kaibhan. Noon, ang pinakamalapit na templo ay nasa São Paulo, Brazil. “Pitong araw ang kinailangan para makarating doon, gamit ang lahat ng uri ng transportasyon,” paliwanag ni Elder Uceda. “Sumakay kami ng bus, kotse, barko, kabayo at karetela, tren, trak, at pati eroplano. Pagdating namin sa templo, hinipo namin ang mga dingding para lang matiyak na hindi panaginip iyon. Nagpatatag sa aming dalawa ang karanasang iyon.”

Ikinasal ang magkasintahan sa São Paulo Brazil Temple noong Abril 13, 1979. Sila ay may limang anak.

Si Elder Uceda ay isinilang noong Hulyo 1953 sa Lima, Peru, kina Juan Jose Uceda Perez at Ines Andrade Uceda. Matapos sumapi sa Simbahan noong 1972, nag-aral ng accounting at public relations si Elder Uceda sa Jose Carlos Mariátegui Institute sa Lima. Nag-aral din siya ng business administration sa Centro Andino de G.E. Institute at nagtamo ng bachelor’s degree sa public relations mula sa San Luis Gonzaga University.

Si Elder Uceda ay nakapagtrabaho sa Church Educational System bilang area director para sa Peru at Bolivia. Noong 2003 lumipat siya sa New Jersey, USA, mula sa Peru upang tulungan ang kanyang ama na magtayo ng negosyo sa educational and language training.

Dagdag pa sa kanyang paglilingkod bilang misyonero, si Elder Uceda ay nakapaglingkod na bilang high councilor, bishop, stake president, president ng Lima Peru North Mission, at Area Seventy. Ngayon ay naglilingkod siya sa Unang Korum ng Pitumpu.

“Malakas ang patotoo ko sa kapangyarihan ng personal na paghahayag mula sa Banal na Espiritu,” sabi ni Elder Uceda. “Ang patotoong iyan ay patuloy na tinitiyak ng mga pagpapalang dumarating mula sa pagsunod.”