Nagsalita Sila sa Atin
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Isiping gamitin ang ilan sa mga pahayag, aktibidad, at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagbubulay.
Matatagpuan ninyo ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya online sa conference.lds.org. Mapapanood at maibabahagi rin ninyo ang mga multimedia na hango sa mga mensahe mula sa nakaraang kumperensya sa mormonmessages.org.
Paunawa: Ang mga numero ng pahina na nakalista sa ibaba ay tumutukoy sa unang pahina ng mensahe.
Para sa mga Bata
-
Lahat ay maaaring lumahok sa family history work! Iminungkahi ni Elder Russell M. Nelson na magdrowing ng family tree ang mga bata (pahina 91). Matutulungan sila ng mga magulang na idagdag ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno.
-
Basahin o muling isalaysay ang kuwento ni Elder Quentin L. Cook tungkol sa mga batang Samoan na tumatakbo palayo sa tsunami (pahina 83). Pagkunwariin ang mga kapamilya na pumapasok ang baha sa loob ng bahay at hikayatin silang humanap ng “mas mataas na lugar,” tulad ng kama o silya. Pag-usapan ang mga lugar na makikitaan natin ng mas mataas na espirituwal na lugar sa pagbaha ng kasamaang dinaranas natin ngayon.
-
Binanggit ni Elder D. Todd Christofferson si William Tyndale, na nagsalin ng Biblia sa Ingles (pahina 32). Ipabasa sa nakatatandang mga bata ang isang talata ng banal na kasulatan sa wikang hindi nila sinasalita. Kapag sinabi nilang hindi nila kaya, ipabasa ito sa kanila sa inyong katutubong wika. Pag-usapan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng akses sa mga banal na kasulatan sa inyong katutubong wika.
-
Kasama ang inyong pamilya, repasuhin ang isa sa maraming mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol kay Jesucristo. Kantahin ang “Ang mga K’wento kay Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 36). Mamahagi ng papel at lapis o mga krayola. Ipadrowing sa inyong mga anak ang paborito nilang kuwento tungkol kay Jesus. Sama-samang basahin ang kuwento mula sa mga banal na kasulatan.
Para sa mga Kabataan
-
Repasuhin ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf tungkol sa pagtitiyaga (pahina 56). Ano ang ilang alituntunin ng ebanghelyo at kinagawian na makapagtuturo sa atin ng pagtitiyaga? Isipin, halimbawa, ang pag-aayuno o hindi pakikipagdeyt hanggang mag-edad 16. Paano kayo nakinabang at ang inyong mga kapamilya sa pagpapamalas ng pagtitiyaga sa pagsunod sa mga ito at sa iba pang mga alituntunin?
-
Sina Elder M. Russell Ballard, Elder Bradley D. Foster, Sister Julie B. Beck, at Sister Elaine S. Dalton ay nagturong lahat tungkol sa likas na kabanalan ng mga babae (mga pahina 18, 10, 98, at 120). Kung kayo ay babae, paano nakaapekto ang kanilang mga mensahe sa pakiramdam ninyo tungkol sa inyong sarili? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa inyong layunin at mga kaloob? Kung kayo ay lalaki, paano nakaimpluwensya ang mga mensaheng ito sa pag-unawa ninyo sa inyong ina, mga kapatid na babae, mga kaibigan, at ibang mga dalaga at dalagita sa inyong buhay?
-
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Kung ang palabas sa telebisyon ay malaswa, isara ito. Kung malaswa ang pelikula, iwanan ito. Kung may nabubuong maling relasyon, putulin ito. Marami sa mga impluwensyang ito … [ay maaaring] palabuin ang ating pagpapasiya, pahinain ang ating espirituwalidad, at humantong sa bagay na maaaring masama” (pahina 45). Bilang pamilya, talakayin kung ano ang magagawa ninyo para maging lugar na tatahanan ng Espiritu ang inyong tahanan. Suriin ang sining, musika, mga aklat, video game, at iba pang libangan ninyo at itapon ang anumang hindi angkop.
Para sa Matatanda
-
Kasama ang inyong pamilya, repasuhin ang kuwentong ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa binatilyong nagngangalang Jason at ang kanyang pamilya (pahina 87). Pag-usapan kung paano tayo mapagpapala ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan.
-
Ibinahagi ni Elder L. Tom Perry kung paano tinuruan ng kanyang ina ang kanyang mga anak gamit ang ilan sa materyal na ginamit din niya sa pagtuturo sa Relief Society (pahina 29). Ano ang ilang paraan na maitutugma ninyo sa mga responsibilidad ninyo sa pamilya ang paglilingkod ninyo sa Simbahan?
-
Binigyang-diin ni Elder Robert D. Hales ang kahalagahan ng pakikipag-usap at pakikinig sa mga bata at kabataan (pahina 95). Anong mga pagkakataon ang malilikha ninyo para makausap ang inyong mga anak? Ano ang natutuhan ninyo nang pakinggan ninyo sila? Paano ninyo maipapakita ang kahandaan ninyong makinig? Sa anong mga paraan ninyo masasamantala ang pagkakataong magpatotoo nang bukal sa mga bata at kabataan? Para sa mga halimbawa, tingnan ang mensahe ni Elder David A. Bednar (pahina 40).
-
Binanggit ng ilang tagapagsalita ang kahalagahan ng Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad (tingnan sa mga pahina 22, 54, 60, 95, at 117). Ano ang magagawa ninyo para tulungang makinabang ang mga kabataan sa buhay ninyo mula sa mga programang ito?