2010
Ang Landas ng Ating Tungkulin
Mayo 2010


Ang Landas ng Ating Tungkulin

Ang tungkulin ay hindi nangangailangang magawa nang perpekto, ngunit nangangailangan ito ng kasigasigan. Hindi ito basta kung ano ang legal; kundi kung ano ang mabuti.

Bishop Keith B. McMullin

Ito ay isang magulong mundo. Ang hidwaan at kalamidad ay nasa lahat ng dako. Madarama ninyo kung minsan na para bang ang sangkatauhan mismo ay nanganganib.

Sa pagbibigay ng babala sa ating panahon, sinabi ng Panginoon, “Ang kalangitan ay mayayanig, at gayon din ang lupa; at matinding paghihirap ang mapapasa mga anak ng tao, subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko.”1 Dapat tayong mapanatag sa pangakong ito.

Lubusan mang sirain ng mga kalamidad “ang takbo ng [ating] pamumuhay,”2 hindi nito dapat iwanang wasak magpakailanman ang ating mga buhay. Ang mga ito ang maaaring “[pumukaw sa atin] sa pag-alaala,”3 “[gumising sa atin] sa pagpapahalaga ng [ating] tungkulin sa Diyos,”4 at magpanatili sa atin “sa landas ng [ating] tungkulin.”5

Sa Holland noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ng pamilya Casper ten Boom ang kanilang tahanan bilang kanlungan para sa mga yaong pinaghahanap ng mga Nazi. Ito ang paraan nila para maipamuhay ang kanilang pananampalataya bilang Kristiyano. Apat na miyembro ng pamilya ang namatay sa pagbibigay ng kanlungang ito. Si Corrie ten Boom at ang kanyang kapatid na si Betsie, ay nakulong nang ilang buwan sa nakakatakot at kasumpa-sumpang concentration camp na Ravensbrück. Namatay roon si Betsie—nakaligtas naman si Corrie.

Sa Ravensbrück, natutuhan nina Corrie at Betsie na tinutulungan tayo ng Diyos na magpatawad. Pagkatapos ng digmaan, determinado si Corrie na ibahagi ang mensaheng ito. Sa isang pagkakataon, katatapos lang niyang magsalita sa isang grupo ng mga tao sa Germany na nagdaranas ng pamiminsala ng digmaan. Ang mensahe niya ay “Nagpapatawad ang Diyos.” Sa panahong iyon nakatulong ang katapatan ni Corrie ten Boom.

Isang lalaki ang lumapit sa kanya. Nakilala niya ito bilang isa sa pinakamalulupit na guwardya sa kampo. “Binanggit mo ang Ravensbrück sa iyong mensahe,” sabi niya. “Guwardya ako roon… . Ngunit mula noon, … naging Kristiyano na ako.” Ipinaliwanag niya na hinangad niya ang pagpapatawad ng Diyos sa mga kalupitang kanyang nagawa. Iniabot niya ang kanyang kamay at nagtanong, “Mapapatawad mo ba ako?”

Sabi ni Corrie ten Boom:

“Maaaring sandali lang siyang nakatayo roon—nakaunat ang mga kamay —ngunit para sa akin parang inabot ito ng maraming oras habang pinagpapasiyahan ko ang pinakamahirap na bagay na gagawin ko.

“… Ang mensaheng nagpapatawad ang Diyos ay may … kundisyon: na patawarin natin ang mga yaong nakasakit sa atin… .

“… Tahimik akong nanalangin. ‘Tulungan po ninyo ako!’ ‘Maiaabot ko po ang aking kamay. Magagawa ko iyan. Tulungan po ninyo akong magawa ito nang taos sa puso ko.’

“… Walang sigla at wala sa loob na iniabot ko ang aking kamay sa taong iyon. Nang gawin ko ito, isang di kapani-paniwalang bagay ang nangyari. Ang init ay nagsimulang dumaloy sa aking balikat, pababa sa aking braso, at tumuloy sa aming magkahawak na kamay. At ang nakapagpapagaling na init na ito ay tila lumaganap sa buo kong pagkatao, at nagpaluha sa aking mga mata.

“‘Pinatatawad na kita, kapatid!’ ang sabi ko. ‘Nang buong-puso.’

“Matagal-tagal ding magkahawak ang aming mga kamay, ang dating guwardya at bilanggo. Noon ko lamang nadama ang napakatinding pagmamahal ng Diyos.”6

Para sa mga yaong tinalikuran ang masama at namuhay nang mabuti, na nagsisikap na magkaroon ng mas maningning na araw at sinusunod ang mga utos ng Diyos, ang mga bagay ay iinam nang iinam sa kabila ng malulungkot na pangyayari. Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang daan. Mula sa Getsemani, sa krus, at sa libingan, Siya ay matagumpay na nagbangon, nagdala ng buhay at pag-asa sa ating lahat. Inaanyayahan Niya tayo na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”7

Ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kung gusto nating maglakad nang nakataas ang noo, kailangang gumawa tayo ng mabuti sa buhay. Kung gusto nating matupad ang ating tadhana at makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit, dapat nating sundin ang Kanyang mga utos at iayon ang ating mga buhay sa Tagapagligtas. Sa paggawa nito, hindi lamang natin makakamtan ang ating mithiing buhay na walang hanggan, ngunit lilisanin din natin ang mundo na mas maunlad at mabuti kaysa hindi natin ipinamuhay at isinagawa ang ating mga tungkulin.8

Nasa Banal na Biblia ang mga salitang ito na nagbibigay-inspirasyon: “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: Ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.”9

Ano ang Bagay na ito na Tinatawag na Tungkulin?

Ang tungkulin na sinasabi ko ay ang mga inaasahang gagawin natin at isasakatuparan. Ito ay utos na nananawagan sa mga indibiduwal at komunidad na gawin ang tama, totoo, at marangal. Ang tungkulin ay hindi nangangailangang magawa nang perpekto, ngunit nangangailangan ito ng kasigasigan. Hindi ito basta kung ano ang legal; kundi kung ano ang mabuti. Hindi ito nakalaan sa malalakas o matataas ang katungkulan ngunit sa halip ay nakasalalay sa pundasyon ng responsibilidad, integridad, at katapangan ng sarili. Ang paggawa ng tungkulin ay pagpapakita ng pananampalataya.

Sabi ni Pangulong Monson tungkol dito: “Minahal at itinangi ko ang magandang salitang tungkulin10 Para sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, ang landas ng ating tungkulin ay pagtupad sa ating mga tipan sa araw-araw na buhay.

Kanino at para sa Anong Bagay may Tungkulin Tayo?

Una, ang landas ng ating tungkulin ay sa ating Diyos, ang Walang Hanggang Ama. Siya ang may-akda ng plano ng kaligtasan, “ang tagapaglikha ng langit at lupa,” ang lumalang kina Adan at Eva.11 Siya ang bukal ng katotohanan,12 ang larawan ng pagmamahal,13 at ang dahilan kung bakit may pagtubos sa pamamagitan ni Cristo.14

Sabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Lahat nang nasa atin ay nagmumula sa [Diyos]… . Sa loob at labas ng ating sarili tayo ay isa lamang walang buhay na luwad. Ang buhay, katalinuhan, karunungan, pag-unawa, kakayahang mag-isip ay pawang mga kaloob ng Diyos sa mga anak ng tao. Binigyan Niya tayo ng lakas ng katawan gayundin ng kakayahan ng ating isipan… . Dapat nating igalang ang Diyos nang buong katalinuhan, lakas, pang-unawa, karunungan, at nang lahat ng kakayahang taglay natin. Dapat nating hangaring gumawa nang mabuti sa mundo. Ito ang ating tungkulin.”15

Hindi magagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin sa Diyos Ama nang hindi ginagawa ang kanyang tungkulin sa Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesucristo. Ang magpitagan sa isa ay nangangailangan ng pagpipitagan para sa isa, sapagkat itinalaga ng Ama na tanging sa at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo na lubos na magagampanan ng tao ang tungkuling ito.16 Siya ang ating Halimbawa, ating Manunubos, at ating Hari.

Kapag ginagawa ng kalalakihan at kababaihan at mga batang lalaki at babae ang kanilang tungkulin sa Diyos, madarama nilang gawin ang kanilang tungkulin sa isa’t isa, sa kanilang pamilya, simbahan at bansa, sa lahat ng bagay na ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga. Hinihingi ng tungkulin nila na paunlarin ang kanilang mga talento at maging masunurin sa batas at maging mabuting tao. Sila ay nagiging mapagpakumbaba, maamo at madaling pakiusapan. Nadadaig ng pagtitimpi ang pagpapalayaw sa sarili; ginagabayan ng pagsunod ang kanilang pagsisikap. Dumarating ang kapayapaan sa kanila. Ang mga mamamayan ay nagiging tapat, ang mga komunidad ay nagiging mapagkawanggawa, at nagiging magkakaibigan ang magkakapit-bahay. Nalulugod ang Diyos ng kalangitan, payapa ang mundo, at ang daigdig na ito ay nagiging mas mainam na lugar.17

Paano Natin Malalaman ang Landas ng Ating Tungkulin sa Gitna ng Paghihirap?

Nananalangin tayo! Ito ay tiyak na paraan ng lahat ng tao para makabatid; ito ay pakikipag-ugnayan sa langit na nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Sabi ni Apostol Pedro, “Ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay sa kanilang mga daing.”18

Ang mapagpakumbaba, taimtim, at inspiradong panalangin ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng banal na patnubay na kailangang-kailangan natin. Ipinayo ni Brigham Young, “May mga panahon, na ang mga tao ay naguguluhan at puno ng pagkabalisa at suliranin … gayunman ang itinuturo sa atin ng ating pagpapasiya [ay] tungkulin nating manalangin.19

Itinuro ni Jesus:

“Laging manalangin na baka kayo ay madala sa tukso; …

“Kaya nga, kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan; …

“Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain.”20

Upang maging mabisa ang mga panalangin, kailangang ang mga ito ay tugma sa plano ng langit. Ang pagdarasal nang may pananampalataya ay nagbubunga kapag ang pagkakatugmang iyon ay naroon, at magkakaroon nito kapag ang mga panalangin ay binigyang-inspirasyon ng Banal na Espiritu. Ipinaaalam ng Espiritu ang dapat nating idalangin.21 Kung wala ang inspiradong gabay na ito, malamang na tayo ay “[magsi]sihingi ng masama,”22 hangarin lamang ang ating gusto hindi ang “Inyong kalooban.”23 Ang magabayan ng Espiritu Santo habang nananalangin ay kasinghalaga ng maliwanagan ng gayunding Espiritu habang tumatanggap ng sagot sa panalangin. Ang gayong mga panalangin ay nagdadala ng mga pagpapala ng langit dahil ang ating Ama ay “talastas ang mga bagay na [ating] kinakailangan, bago [natin] hingin sa kaniya”24 at sinasagot Niya ang bawat taimtim na panalangin. Sa huli, ang Ama at ang Anak ang nangangako, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.”25

Pinatototohanan ko na ang landas ng ating tungkulin ay malinaw na kinakitaan ng lubos na pananampalataya at paniniwala sa Diyos, ang Walang Hanggang Ama, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at ng kapangyarihan ng panalangin. Ang landas na ito ang dapat tahakin ng lahat ng anak ng Diyos na nagmamahal sa Kanya at naghahangad na sundin ang Kanyang mga utos. Para sa mga bata, ito ay humahantong sa pansariling tagumpay at paghahanda; para sa matatanda, ito ay humahantong sa pinanibagong pananampalataya at pagpapasiya; para sa naunang mga henerasyon, ito ay humahantong sa matwid na pananaw at pagtitiis hanggang wakas. Binibigyan nito ang bawat tapat na manlalakbay ng lakas ng Panginoon, pinoprotektahan siya mula sa kasamaan ng panahon, at pinagkakalooban ng kaalaman na “ang wakas ng bagay [ay] matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos: sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.”26 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Moises 7:61; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 156.

  3. Mosias 1:17.

  4. Alma 7:22.

  5. Helaman 15:5.

  6. Corrie ten Boom, Tramp for the Lord (1974), 54–55.

  7. Lucas 18:22.

  8. Thomas S. Monson, ginamit nang may pahintulot.

  9. Eclesiastes 12:13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  10. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 43.

  11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:17–19.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:36.

  13. Tingnan sa I Ni Juan 4:8.

  14. Tingnan sa Juan 3:16; Helaman 5:10–11.

  15. Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1899, 69, 70; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  16. Tingnan sa Moroni 10:32–33; Doktrina at mga Tipan 59:5.

  17. Tingnan sa Alma 7:23, 27.

  18. 1 Pedro 3:12.

  19. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 52; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. 3 Nephi 18:18–19, 21.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:29–30.

  22. Santiago 4:3.

  23. Mateo 6:10.

  24. Mateo 6:8.

  25. Mateo 7:7; tingnan din sa Pagsasalin ng appendix.

  26. Eclesiastes 12:13; idinagdag ang pagbibigay-diin.