2010
Mga Ina na Nagtuturo sa mga Anak sa Tahanan
Mayo 2010


Mga Ina na Nagtuturo sa mga Anak sa Tahanan

Naniniwala ako na bahagi sa plano ng Diyos na ang tungkulin ng mga ina ay nagbibigay-diin sa pagkalinga at pagtuturo sa susunod na henerasyon.

Elder L. Tom Perry

Kamakailan nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita kasama si Elder Donald L. Hallstrom sa limang lungsod sa gitnang bahagi ng Estados Unidos. Sa bawat lungsod na aming binisita, magpupulong kami kasama ang mga full-time missionary, kasunod ang isang pagpupulong na kasama ang mga lider ng stake at ward tungkol sa gawaing misyonero. Sa pagitan ng dalawang pagpupulong na iyon, maghahanda ang stake Relief Society ng isang simpleng hapunan para sa amin upang magkaroon ng pagkakataong makipagkita sa mga stake president. Noong nasa Milwaukee, Wisconsin kami, dalawang pamilya na may maliliit pang mga anak ang nakiusap sa Relief Society na hayaang sila na lamang ang maghanda at magsilbi ng hapunan. Ang dalawang asawang lalaki ang nasa kusina. Ang dalawang ina ang nag-asikaso ng pag-aayos sa hapag- kainan at pagsisilbi ng pagkain. Tatlong bata ang nag-ayos ng mga pinggan at kubyertos at nagsilbi ng pagkain sa ilalim ng paggabay ng kanilang mga ina. Pagkakataon ito para sa mga ina na makapagturo sa kanilang mga anak. Napakagandang pagmasdan ang mga batang sumusunod sa bawat utos habang tinuturuan sila ng kanilang mga ina. Naisagawa nila ang kanilang mga gawain nang lubos at maayos.

Ang pangyayaring ito ay nagpaalala sa akin sa mga pagsasanay na natanggap ko mula sa aking ina. Tulad ni propetang Nephi, at gaya ng marami sa inyo, isinilang ako sa butihing mga magulang (tingnan sa 1 Nephi 1:1).

Kamakailan nagbahagi sa akin ang isa sa mga pamangkin kong babae ng apat na notebook na puno ng tala ng aking ina sa paghahanda niya para magturo sa kanyang klase sa Relief Society. Nakikinita ko ang mga notebook na ito—at mayroon pang iba na hindi ko pa nakikita—na kumakatawan sa daan-daang oras ng paghahanda ng aking ina.

Mahusay na guro ang aking ina na masigasig at puspusan sa kanyang paghahanda. Malinaw ko pang naaalala ang mga araw bago siya magturo. Puno ang hapag-kainan ng mga librong sanggunian at mga tala na inihahanda niya para sa kanyang lesson. Napakaraming materyal na naihanda at sigurado ako na maliit lamang na bahagi nito ang nagamit sa klase, ngunit sigurado rin ako na wala sa mga inihanda niya ang nasayang. Paano akong nakasisiguro tungkol dito? Habang binubuklat ko ang mga pahina ng kanyang mga notebook ay para bang naririnig ko ang aking ina na tinuturan akong muli. Muli, napakarami ng nilalaman ng kanyang notebook sa kahit anong paksa na ibabahagi niya sa oras ng klase, ngunit ang hindi niya naituro sa klase ay itinuturo niya sa kanyang mga anak.

Naniniwala ako na mabuti ring sabihin na habang ang aking ina ay isang napakahusay na guro sa mga sister sa Relief Society, ang pinakamagandang turo niya ay nangyari sa kanyang mga anak sa tahanan. Siyempre, ito ay dahil sa mas malaki ang oras na mayroon siya sa pagtuturo sa kanyang mga anak kumpara sa pagtuturo niya sa mga sister sa Relief Society, ngunit gusto ko ring isipin na lubos siyang naghanda, una, na maging isang halimbawa sa kanyang mga anak sa masigasig na paglilingkod sa Simbahan, at, pangalawa, dahil nalaman niyang ang mga natutuhan niya mula sa paghahanda ng kanyang mga lesson ay maaring ulit-ulitin para sa mas dakilang layunin—pagtuturo sa kanyang mga anak na lalaki at babae.

Hayaan ninyo akong alalahanin saglit at ibahagi ang ilang mga aral na natutuhan ko mula sa aking ina tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan. Naunawaan ng aking ina ang kahalagahan ng pagtuturo sa kanyang mga anak ng tungkol sa mga pamantayan, kagandahang-asal, at doktrina habang kami ay mga bata pa. Bagama’t nagpapasalamat siya sa iba taong nagturo sa kanyang mga anak sa labas ng tahanan, sa eskuwelahan man o sa simbahan, alam niya na ipinagkatiwala sa mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak at, higit sa lahat, kailangang tiyakin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay natuturuan ng kung ano ang ninanais ng kanilang Ama sa Langit na matutuhan nila. Kami ng aking mga kapatid ay inuusisang mabuti ng aming ina matapos kaming maturuan sa labas ng tahanan upang matiyak na ang tamang mga aral ay umabot sa aming mga tainga at humubog sa aming mga isipan.

Dati may mga araw na iniisip ko, habang patakbo akong umuuwi mula sa eskwelahan, na tapos na ako sa pag-aaral sa araw na iyon, ngunit madali itong naiiba kapag nakikita ko na ang aking inang naghihintay sa akin sa pintuan. Noong bata pa kami, bawat isa sa amin ay may mesa sa kusina kung saan maaari kaming patuloy na maturuan ng aming ina habang gumagawa ng gawaing bahay at naghahanda ng hapunan. Likas sa kanya ang pagiging guro at mas marami siyang ipinapagawa sa amin kaysa sa aming mga guro sa eskuwelahan at simbahan.

Kabilang sa sakop ng pagtuturo ng aking Ina ay ang kapwa sekular at espirituwal na mga aralin. Tinitiyak niya na walang nahuhuli sa amin sa aming mga aralin sa eskwela, na madalas ay dinadagdagan pa niya. Sa amin din niya unang itinuturo ang mga lesson niya sa Relief Society. Kami, siyempre, ang nakakatanggap ng kumpletong bersyon na makikita sa mga notebook niya, hindi ang mga pinaikling bersyon na kailangang pagkasyahin sa nakaiskedyul na oras ng pagtuturo sa klase.

Bahagi ng aming pag-aaral sa tahanan ang pagsasaulo ng mga banal na kasulatan, kabilang ang Mga Saligan ng Pananampalataya, at mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang aking ina ay isang taong naniniwala na magiging mapurol ang isip kung hindi ito palagiang ginagamit. Tinuruan niya kami habang naghuhugas ng mga pinagkainan, gumagawa ng mantikilya, at tumutulong sa iba pang gawain. Hindi niya tinutulutang makapasok ang masasamang bagay sa isipan ng kanyang mga anak kahit pa sila ay abala sa pagtatrabaho.

Hindi ko ginagawang huwaran ang aking ina para sa mga magulang sa panahon ngayon. Ibang-iba na ang panahon ngayon, ngunit habang nag-iiba ang panahon, ang pagtuturo ng magulang ay hindi dapat kailanman binabalewala. Maraming gawain ang nag-uugnay sa mga pinahahalagahan ng isang henerasyon sa susunod, ngunit marahil ang pinakamahalaga sa mga gawaing ito ay ang pagtuturo ng mga magulang sa anak sa tahanan. Higit itong totoo kung isasaalang-alang natin ang pagtuturo ng magagandang asal, mga pamantayang moral at etikal, at pananampalataya.

Ang pagtuturo sa tahanan ay nagiging mas mahalaga sa mundo ngayon, kung saan ang impluwensiya ng kalaban ay masyadong laganap at siya ay sumasalakay, sinusubukang pahinain at wasakin ang pinakapundasyon ng ating lipunan, maging ang pamilya. Dapat magpasiya ang mga magulang na ang pagtuturo sa tahanan ay isang pinakasagrado at mahalagang responsibilidad. Habang ang ibang mga institusyon gaya ng simbahan at eskuwelahan ay makatutulong sa mga magulang na “turuan ang bata sa daan na dapat niyang lakaran” (Mga Kawikaan 22:6), sa huli ang responsibilidad na ito ay nakaatang pa rin sa mga magulang. Ayon sa dakilang plano ng kaligayahan, sa mga magulang ipinagkatiwala ang pag-aalaga at pag-unlad ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang ating mga pamilya ay isang mahalagang bahagi ng Kanyang gawain at kaluwalhatian—“ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Sa walang hanggang plano ng Diyos, nilayon na gumanap ang mga magulang bilang pangunahing tauhan sa mga buhay ng kanilang mga anak. Mabuti na lang, may mga taong nauugnay sa kanilang buhay na maaaring tumulong kung wala ang mga magulang. Gayunpaman, ang mga magulang ay inutusan ng Panginoon na palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan (tingnan sa D at T 93:40).

Dapat ituro ng mga magulang ang liwanag at katotohanan sa kanilang mga tahanan sa pagdarasal ng pamilya, sa pag-aaral ng banal na kasulatan, sa family home evening, sa pagbabasa ng libro nang malakas, sa pagkanta, at sa pagkain nang sabay-sabay. Alam nila na ang impluwensya ng mabuti, matapat, walang humpay, araw-araw na paggabay ay isa sa pinakamalakas at pinakamatibay na puwersa ng kabutihan sa mundo. Ang kalusugan ng kahit anong lipunan, ang kaligayahan ng mga tao nito, ang kanilang kasaganahan, at kanilang kapayapaan ay pawang nag-uugat sa pagtuturo sa mga anak sa tahanan.

Itinuro ni Elder Joseph Fielding Smith: “Tungkulin ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang nakapagliligtas na mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang sa gayo’y malaman nila kung bakit kailangan silang mabinyagan at magkaroon ng tapat na hangarin na magpatuloy sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos matapos silang mabinyagan, nang sila ay makabalik sa kanyang piling. Gusto ba ninyo, butihin kong mga kapatid, ang inyong mga pamilya, mga anak; gusto ba ninyong mabuklod sa inyong mga ama at ina na nauna sa inyo…? Kung gayon, dapat ninyong simulan ang pagtuturo habang bata pa sila. Magtuturo kayo sa pamamagitan ng halimbawa at alituntunin” (sa Conference Report, Okt. 1948, 153).

Ang halimbawa ng aking ina bilang isang guro sa tahanan ay nagpaisip pa sa akin, lalo na tungkol sa pagtuturo sa pangkalahatan. Gumugugol ang mga lider ng Simbahan ng maraming oras sa pag-iisip kung paano mapapaunlad ang pagtuturo sa Simbahan. Bakit tayo namumuhunan ng ganitong oras at pagsisikap? Sapagkat naniniwala tayo sa matinding bisa ng pagtuturo sa pagpapalago ng pananampalataya ng mga indibiduwal at pagpapalakas ng mga pamilya. Naniniwala ako na ang isa sa mga pinakaepektibong bagay na magagawa natin sa pagpapabuti ng pagtuturo sa Simbahan ay pagbutihin ang pagtuturo sa ating mga tahanan. Ang pagtuturo natin sa tahanan ay naghahanda sa atin na magturo ng mas mahusay sa Simbahan, at ang ating pagtuturo sa Simbahan ay tumutulong sa ating magturo nang mas mabisa sa tahanan. Sa buong Simbahan maraming mapagkukunang sanggunian at mga aralin na puno ng mga ideya para sa ituturong mga lesson. Walang labis sa paghahanda sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo; dahil ang mga nalaman sa ebanghelyo, nagamit man o hindi sa klase, ay palaging maituturo sa tahanan.

Sa inspiradong kasulatang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sinasabi:

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon’ (Mga Awit 127:3). Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan… .

“…Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mag-anak. Ang mga ina ay may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (Liahona, Okt. 2004, 49).

Ayon sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ang mga alituntuning naituro ko tungkol sa pagtuturo sa tahanan ay kapwa para sa mga magulang, ngunit lubos na mahalaga ito sa tungkulin ng isang ina. Kadalasang ginugugol ng mga ama ang kanilang araw sa trabaho na malayo sa tahanan. Isa iyan sa maraming dahilan kung bakit ang responsibilidad sa pagtuturo ng bata sa tahanan ay nakaatang sa mga ina. Bagama’t ang mga sitwasyon ay nag-iiba-iba at ang huwaran ay hindi palaging posible, naniniwala ako na bahagi sa plano ng Diyos na ang tungkulin ng ina ay nagbibigay-diin sa pagkalinga at pagtuturo sa susunod na henerasyon. Nakikita natin ang napakaraming hamon ngayon mula sa nakagugulo at nakasisirang impluwensiya na ang layon ay iligaw ang mga anak ng Diyos. Nakikita natin ang maraming kabataan na kulang sa malalim at espirituwal na pundasyon na kailangan upang manatiling matatag sa pananampalataya habang ang mga unos ng kawalan ng paniniwala at pag-asa ay umaaligid sa kanila. Napakaraming mga anak ng ating Ama sa Langit ang nadadaig ng kamunduhan. Ang mabangis na pagsalakay ng kasamaan laban sa ating mga anak ay muling mas mapanlinlang at mapangahas kaysa noon. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan ay isa pang karagdagang pananggalang na poprotekta sa ating mga anak mula sa makamundong mga impluwensya.

Pagpalain kayo ng Diyos mga butihing ina at ama sa Sion. Ipinagkatiwala Niya sa inyong kalinga ang Kanyang walang hanggang mga anak. Bilang mga magulang kasama tayo, maging katuwang, ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain at kaluwalhatian sa Kanyang mga anak. Sagradong tungkulin natin na gawin ang lahat ng ating makakaya. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.