Sinusunod Natin si Jesucristo
Nagagalak tayo sa lahat ng ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Dahil sa Kanya makakamtan ng bawat isa sa atin ang ating kaligtasan at kadakilaan.
Mabigat na responsibilidad ang magsalita sa Linggo ng Paskua sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng mundo, na nagmamahal sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ipinagdiriwang natin ngayong umaga ang Kanyang tagumpay laban sa kamatayan. Itinatangi natin ang ating pagkaunawa at taimtim tayong nagpapasalamat sa kusa at nagbabayad- salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ang pagpapailalim Niya sa kalooban ng Kanyang Ama ay tagumpay ng langit laban sa kamatayan at siyang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Pinasasalamatan ko ang pagkakataong ito na magsalita tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas.
Ang dalawang huling araw ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas bago Siya ipinako sa Krus ay lubhang mahalaga at sa ilang paraan ay hindi kayang unawain. Maraming bagay na mahalaga sa ating walang hanggang tadhana ang naganap noong Huwebes at noong Biyernes, ang araw na ipinako si Cristo sa krus. Ang Huling Hapunan, isang Hapunan ng Paskua, ang “nakaugaliang pagdiriwang ng pagkaligtas ng Israel mula sa pagkaalipin,” ay nagsimula noong Huwebes ng gabi.1 Ang mga ordenansa at doktrinang napakahalaga ay pinasimulan sa Huling Hapunan. Tatlo lang ang babanggitin ko. Una, pinasimulan ng Tagapagligtas ang ordenansa ng sacrament. Kumuha Siya ng tinapay, pinagputul-putol ito, binasbasan ito, at ipinasa ito sa Kanyang mga didipulo, na sinasabing “Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.”2 Sa ganitong paraan Niya pinasimulan ang sacrament. Ikalawa, ang labis Niyang binigyang-diin ay ang mga doktrinang nagtuturo ng pagmamahal bilang isang pinakadakilang alituntunin. Itinuro Niya, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”3 Ikatlo, sa pamamagitan o patnubay ni Cristo, “ang Espiritu Santo ay ipinangako sa mga apostol” bilang isa pang Mang-aaliw.4
Sa huli ay isinakatuparan ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala. Pinasan Niya sa Kanyang sarili ang “bigat ng mga kasalanan ng sanlibutan” at ang “kilabot … na maaaring ihasik ni Satanas.”5 Sa prosesong ito tiniis Niya ang di-makatarungang paglilitis at ang kalunus-lunos at malungkot na pangyayaring nauwi sa pagpako sa Kanya sa Krus. Sa huli ay nagwakas ito sa matagumpay na Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo noong Linggo ng Paskua. Nagampanan ni Cristo ang Kanyang sagradong misyon bilang Tagapagligtas at Manunubos. Tayo ay mabubuhay na mag-uli mula sa kamatayan at muling magsasama ang ating espiritu at katawan. Batay sa personal na pagkamarapat, magkakaroon tayo ng maluwalhating pagkakataong makabalik sa piling ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.6
Sabi ni Propetang Joseph Smith, patungkol sa mga kaganapang ito sa araw ng Paskua, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”7
Habang nagagalak tayo sa espirituwal na kahalagahan ng nangyari sa Getsemani at Golgota, noon pa man ay pinagtutuunan na natin ang nabuhay na mag-uling Panginoon. Nagpatotoo si Frederic Farrar, ang teologong Ingles at mananampalataya, na ipinagdiwang ng pinakaunang henerasyon ng mga mananampalataya sa sinaunang Simbahang Kristiyano ang Tagapagligtas bilang “ang Muling Nagbangon, ang Walang Hanggan, ang Niluwalhating Cristo” at “pinagnilayan Siya, hindi noong Siya ay nasa krus, kundi nasa Trono.”8
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang mensahe natin sa mundo ay Siya ay buhay! Ang simbolo ni Cristo para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay matatagpuan sa ating makahulugang pagsampalataya at sa pamumuhay natin ng Kanyang ebanghelyo.9
Habang pinagbubulayan natin ang kahulugan ng pagiging Kristiyano ngayon, pag-isipan kung ano ang kailangan nating gawin sa pagtahak sa landas ng pagiging disipulo. Iminumungkahi ko na ating pagnilayan at sa angkop na mga paraan ay tularan ang ginawa ng Tagapagligtas sa huling dalawang araw na iyon ng Kanyang mortal na buhay.
Una, isaalang-alang ang pagpapasimula ng Tagapagligtas ng sacrament. Alam ng Tagapagligtas ang mangyayari sa Kanya. Ang Kanyang sagrado at nagbabayad-salang misyon, na nagsimula sa Digmaan sa Langit bago tayo isinilang, ay mangyayari sa gabing iyon at kinabukasan. Subalit sa parating na mga paglilitis sa Kanya ng Kanyang mga kaaway, wala ni katiting na katibayan na naghahanda Siyang ipagtanggol ang Kanyang sarili laban sa mga maling paratang. Sa halip pinasimulan ng Tagapagligtas ang sagradong ordenansa ng sacrament sa Kanyang mga disipulo. Habang pinagninilayan ko ang sagradong okasyong iyan, labis akong naantig. Sacrament meeting ang pinakasagrado at banal sa lahat ng pulong sa Simbahan. Matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sacrament sa mga Nephita.10 Kung tayo ay magiging mga disipulo Niya at magiging tapat na mga miyembro ng Kanyang Simbahan, dapat nating alalahanin at pagpitaganan ang sacrament. Tinutulutan nito ang bawat isa sa atin na ipahayag nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu ang ating kahandaang sundin ang Tagapagligtas, magsisi, at maging isang Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.11 Ang sacrament ay tinutulutan din tayong patunayan sa Diyos na aalalahanin natin ang Kanyang Anak at susundin ang Kanyang mga utos kapag pinanariwa natin ang ating mga tipan sa binyag.12 Pinatitindi nito ang ating pagmamahal at pasasalamat kapwa sa Ama at sa Anak.
Binigyang-diin din ng Tagapagligtas ang pagmamahalan at pagkakaisa at ipinahayag na makikilala tayo bilang Kanyang mga disipulo kung mamahalin natin ang isa’t isa. Kapag pinag-isipan natin ang gagawin Niyang Pagbabayad-sala noon na walang hanggan ang mga bunga, ang utos na iyon ay nangangailangan ng ating pagsunod. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos at pinaglilingkuran ang Kanyang mga anak. Hindi natin lubos na maunawaan ang Pagbabayad-sala, ngunit maaari nating gugulin ang ating buhay sa pagsisikap na maging mas mapagmahal at mabait, anumang paghihirap ang ating dinaranas.
Ang utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na mahalin ang isa’t isa—at ang madula at mabisang paraan ng pagtuturo Niya ng alituntuning ito sa Huling Hapunan—ay isa sa mga pinakanakaaantig at magandang yugto ng mga huling araw ng Kanyang mortal na buhay.
Hindi Siya nagtuturo sa isang karaniwang klase tungkol sa kagandahang-asal. Ito ang Anak ng Diyos na nakikiusap sa Kanyang mga apostol at sa lahat ng disipulong kasunod nila na alalahanin at sundin itong pinakamahalaga sa Kanyang mga turo. Ang pakikitungo at pakikisama natin sa isa’t isa ang sukatan ng ating kahandaang sundin si Jesucristo.
Sa pakikinig natin sa mga mensahe ng kumperensyang ito, maaantig ang ating puso at magpapasiya at mangangako tayong maging mas mabuti. Ngunit pagsapit ng Lunes ng umaga babalik tayo sa trabaho, paaralan, sambayanan, at sa isang mundong puno ng kaguluhan. Marami sa mundong ito ang takot at galit sa isa’t isa. Kahit nauunawaan natin ang mga damdaming ito, kailangan nating maging magalang sa ating pakikipag-usap at mapitagan sa ating pakikisalamuha. Totoo ito lalo na kapag nakikipagtalo tayo. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin pati ang ating mga kaaway.13 Napakarami sa ating mga miyembro ang sumusunod sa payong ito. Subalit may ilang nakadarama na mas mahalagang mailabas ang kanilang galit o kinikimkim na opinyon kaysa iayon ang kanilang sarili sa buhay at turo ni Jesucristo. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na malaman na kung paano tayo nakikipagtalo ay tunay na sukatan kung sino tayo at kung talagang sinusunod natin ang Tagapagligtas. Angkop lang na makipagtalo, ngunit hindi angkop na initan ang ulo. Ang karahasan at paninira ay hindi sagot sa ating mga pagtatalo. Kung magpapakita tayo ng pagmamahal at paggalang kahit hindi maganda ang sitwasyon, nagiging higit tayong katulad ni Cristo.
Ang pangako ng Tagapagligtas na mapapasa mga Apostol ang Espiritu Santo ay napakahalaga sa pag-unawa sa napakadakilang papel ng Espiritu Santo, ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, ang Mang-aaliw, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagpapahayag ng katotohanan ng lahat ng bagay, at nagpapabanal sa mga yaong nagsisi at nabinyagan. Siya ay tinutukoy bilang Banal na Espiritu ng Pangako at siyang nagpapatibay kung katanggap-tanggap sa Diyos ang matwid na mga gawa, ordenansa, at tipan ng bawat isa sa atin.14 Sila na ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ay tumatanggap ng lahat ng mayroon ang Ama.15
Naninirahan tayo sa maingay at magulong mundo, kung saan maaaring mapanood at marinig ang impormasyon, musika, o maging ang walang katuturang bagay tuwing gigising tayo. Kung gusto nating matamo ang inspirasyon ng Espiritu Santo, dapat tayong magkaroon ng oras na maghinay-hinay, magbulay, manalangin, at mamuhay sa paraang tayo ay karapat-dapat tumanggap at magsagawa ng Kanyang mga pahiwatig. Maiiwasan nating ang malalaking pagkakamali kung susundin natin ang Kanyang mga babala. Pribilehiyo natin bilang mga miyembro na makatanggap ng liwanag at kaalaman mula sa Kanya hanggang sa ganap na araw.16
Ang mga pagsubok na naranasan ng Tagapagligtas sa pagbabayad-sala sa Getsemani at sa krus ay dakilang halimbawa sa atin. Nasaktan ang Kanyang isipan, katawan, at espiritu sa paraang hindi natin kayang unawain. Sa halamanan, nanalangin Siya sa Kanyang Ama, na sinasabing, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”17 Bilang Kanyang mga disipulo magkakaroon ng mga pagkakataon na tayo ay susubukin at di-makatarungang uusigin at di-makatwirang kukutyain at daranas ng temporal at espirituwal na mga pagsubok na tila hindi natin kakayanin at makakatikim sa mapait na saro na dalangin nating lumampas sa atin. Walang hindi daranas ng mga pagsubok sa buhay.
Naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Malinaw na sinabi sa mga banal na kasulatan na walang nakaaalam kung kailan ito mangyayari. Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na sa huling mga araw, kasama sa mapapait na sarong daranasin natin, nariyan ang mga “lindol sa iba’t ibang dako”18 at “mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito.”19
Nangyari kamakailan ang mapangwasak na mga lindol at tsunami sa iba’t ibang lugar, kabilang na ang Chile, Haiti, at mga pulo sa Pacific. Ilang linggo pa lang ang nakararaan nakipagkita sina Presiding Bishop H. David Burton, Elder Tad R. Callister, at ako sa mga Banal na namatayan ng mga kapamilya dahil sa tsunami na tumama sa silangang bahagi ng Samoa noong Setyembre. Punung-puno ang kapilya, at malungkot ang pagkikitang ito. Natiyak namin sa karapat-dapat na mga miyembrong ito na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakapiling nilang muli ang kanilang pumanaw na mga mahal sa buhay.
Ang stake president na si Sonny Purcell ay nagmamaneho ng kanyang kotse nang makita niyang parating ang malaking alon mula sa laot. Bumusina siya at pinatigil ang mga batang naglalakad sa kalsada na papasok sa eskuwela at sinabihan silang tumakbo nang mabilis hangga’t kaya nila patungo sa mas mataas at ligtas na lugar. Sinunod ng mga bata ang kanyang bilin. Dali-dali siyang nagmaneho, kinuha ang kanyang apat-na-taong gulang na anak na babae, isinakay sa kotse, at saka niya sinikap na kunin ang kanyang ina. Bago siya umabot sa kanyang ina, sumalpok na ang malaking tubig sa kanyang sasakyan at tinangay ito sa layong 100 yarda (91 m), kung saan ito sumabit sa isang puno. Mabilis siyang kumilos para ligtas na mailagay sa ibabaw ng kotse ang kanyang anak at saka lumangoy para sagipin ang kanyang ina, na nakakapit sa sanga ng isa pang puno malapit sa bahay nila. Nagsumikap siyang lumangoy na tangay ang nanay niya papunta sa sasakyan at nakaligtas sila. Maraming hindi sinuwerte nang gayon. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makapunta sa mas mataas at ligtas na lugar. Marami ang nasawi, lalo na ang mga bata at matatanda.
Sinabi namin sa mga pamilyang Samoan na lahat ng miyembro sa lahat ng dako ng mundo ay nagpapaabot ng pagmamahal at pag-aalala sa kanila at ipinagdasal sila at nagbigay ng mga handog-ayuno at tulong kapwa para sa mga miyembro at sa kanilang mga kapitbahay. Ganito rin ang nangyari sa mga miyembro at kanilang mga kapitbahay sa Chile at Haiti. Ginagawa natin ito dahil sinusunod natin si Jesucristo.
Sa pakikipag-usap namin sa mga pamilya sa Samoa, kitang-kitang laganap ang kahalagahan ng espirituwal na magtungo sa mas mataas na lugar, mamuhay nang mas marapat, at manangan sa nakapagliligtas na mga ordenansa. Ang halimbawa at buhay ng Tagapagligtas ay nagtuturo sa atin na espirituwal na iwasan ang mababang landas, kung saan nangingibabaw ang mga bagay ng mundong ito. Nang kamayan ko ang mga miyembro pagkatapos naming mag-usap, sinabi sa akin ng isang babae na hindi pa nakakapasok sa templo ang kanyang pamilya at namatay na ang anak nilang babae. Lumuluhang sinabi niya na mithiin nila ngayong ihanda ang kanilang sarili para sa mga sagradong ordenansa ng templo nang upang magkasama-sama sila sa kawalang-hanggan.
Habang pinagninilayan ko ang sinabi ng babaeng ito at ang kasalukuyang kalagayan ng mundo, nadama ko ang pangangailangang payuhan ang bawat isa sa atin na hangarin ang mas mataas na lugar—ang kanlungan at walang hanggang proteksyon ng templo.
Noong Linggo ng Paskua, Abril 3, 1836, isang linggo makaraang ilaan ng Kirtland Temple, nangasiwa ang Labindalawa sa pamamahagi ng sacrament ng hapunan ng Panginoon sa mga miyembro. Pagkatapos ng pulong, kasunod ng taimtim na panalangin at tahimik na pagdarasal, nagpakita ang Tagapagligtas sa Kanyang kaluwalhatian kina Propetang Joseph at Oliver Cowdery at sa pamamagitan nina Moises, Elias, at Elijah nagsimula ang panunumbalik ng karagdagang mga susi ng priesthood, kabilang na ang sagradong kapangyarihang magbuklod ng mga pamilya sa buong kawalang-hanggan.20
Ngayong umaga ng Paskua nagagalak tayo sa lahat ng ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Dahil sa Kanya makakamtan ng bawat isa sa atin ang ating kaligtasan at kadakilaan. Ngunit tayo, tulad ng mga batang Samoan, ay dapat tumakbo nang mabilis hangga’t kaya natin papunta sa mas mataas na lugar na Kanyang inilaan para sa kaligtasan at kapayapaan.
Ang isa sa mga paraan para magawa natin ito ay sa pagsunod sa mga turo ng ating buhay na propeta na si Pangulong Thomas S. Monson. Isa siyang magandang halimbawa ng isang taong sumusunod sa Tagapagligtas.
Ngayong maluwalhating umaga ng Paskua inuulit ko ang mahahalagang salitang isinulat ni Eliza R. Snow, isang tapat na lingkod sa panahon ng Pagpapanumbalik:
Kay luwalhati, dakila’t ganap,
Layuning tayo’y maligtas,
Katarungan, pag-ibig, awa
Dakilang nagkakatugma!21
Pinatototohanan ko bilang apostol na si Jesucristo ay buhay at Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Inilaan Niya ang landas na tatahakin tungo sa tunay na kaligayahan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.