2010
Alalahanin Kung Sino Kayo!
Mayo 2010


Alalahanin Kung Sino Kayo!

Wala nang tanawing mas gaganda pa kaysa sa isang kabataang babaeng pinagniningning ng Espiritu, na tiwala at malakas ang loob dahil siya ay banal.

Elaine S. Dalton

Tayo ay mga anak na babae ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayo at mahal natin Siya.1 Nakadarama ako ng pagpapakumbaba at nagpapasalamat ako na makasama kayo. Biniyayaan ako ng Panginoon ng malinaw na pagkaunawa sa kung sino kayo at bakit narito kayo sa mundo sa panahong ito. Mahal kayo ng Panginoon, at alam kong mahal ninyo Siya. Nakikita ito sa inyong mukha, sa inyong kahinhinan, sa inyong hangaring piliin ang tama, at sa inyong matibay na pangakong manatiling banal at dalisay.

Sama-sama nating naranasan ang maraming magagandang sandali. Nagpatotoo tayo sa mga kamping habang nakapalibot sa camp fire, sa mga kapilya, at sa mga fireside. Nadama namin ang alab ng inyong pananampalataya. Umakyat tayo ng mga bundok at nagwagayway ng mga ginintuang bandera—mula Brazil hanggang Bountiful—na sumasagisag sa pangakong malalim na nakaukit sa ating mga puso na mananatiling banal at laging maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Nanalangin tayo, binasa ang Aklat ni Mormon, at ngumiti araw-araw, at kasama ang ating mga ina, lola, at mga lider, ginagawa natin ang ating Pansariling Pag-unlad. At nagsisimula pa lamang tayo!

Ito ang napakagandang panahon para mabuhay sa mundo at maging isang kabataang babae. Ganoon pa rin ang ating pananaw. Ito ay ang maging karapat-dapat na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ito ang pinakamataas nating mithiin! Kaya’t patuloy nating aakayin ang daigdig sa pagbalik sa kabanalan—pagbalik sa kalinisan ng puri at kadalisayan ng pagkatao. Patuloy nating gagawin ang lahat para tulungan ang isa’t isa na “tumayo sa mga banal na lugar”2 at matanggap, makilala, at umasa sa Espiritu Santo.

Patuloy tayong mangungusap tungkol kay Cristo, magagalak kay Cristo, upang malaman ng bawat isa sa atin kung kanino tayo aasa para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.3 At oo, patuloy tayong magpapakatatag anumang unos ang rumagasa sa atin dahil alam natin at pinatototohanan natin na “sa bato ng ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, [natin] kailangang itayo ang [ating] saligan … isang saligan na kung sasandigan [natin] ay hindi [tayo] maaaring bumagsak.”4

Ang payo ng Panginoon kay Josue ang Kanya ring payo sa inyo ngayon, mga “kabataang may banal na pagkapanganay.”5 “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.”6 Hindi kayo nag-iisa! Kahit kayo lang ang Banal sa mga Huling Araw sa inyong paaralan o sa inyong magkakaibigan o maging sa inyong pamilya, hindi kayo nag-iisa. Makaaasa kayo sa lakas ng Panginoon. Tulad ng sabi ni Josue sa mga Israelita, “Magpakabanal kayo: sapagka’t bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”7 Ito ang panawagan ni Josue para sa pagbabalik sa kabanalan, at ito rin ang panawagan sa atin ngayon. Hindi natin magagawa ang gawain kung saan tayo inilaan at inihanda, maliban kung tatamuhin natin ang lakas at tiwalang nagbubuhat sa banal na pamumuhay.

Kayo ay mga kabataang babaeng may malakas na pananampalataya. Dinala ninyo ang inyong pananampalataya nang pumarito kayo sa mundo. Itinuro ni Alma na bago kayo nabuhay sa mundo nagpakita kayo ng “labis na pananampalataya at mabubuting gawa.”8 Lumaban kayo taglay ang inyong pananampalataya at patotoo upang ipagtanggol ang planong inihayag ng Diyos. Alam ninyong mabuti ang plano, at alam ninyo na gagawin ng Tagapagligtas ang sinabi Niyang gagawin Niya—dahil kilala ninyo Siya! Nanindigan kayong kasama Niya, at sabik na kayo sa inyong pagkakataong pumarito sa mundo. Alam ninyo kung ano ang kakailanganin sa inyo. Alam ninyong mahirap ito, gayunpaman may tiwala kayo na hindi lamang ninyo maisasakatuparan ang inyong banal na misyon kundi makagagawa rin kayo ng kaibhan. Kayo ay “mga piling espiritung inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw, kasama ang pagtatayo ng mga templo at ang pagsasagawa ng mga ordenansa rito.”9

At ngayon narito kayo upang gawin ang inilaan at inihandang gawin ninyo. Habang minamasdan ko kayo ngayong gabi, iniisip ko kung kamukha ninyo ang mga nobya ng mga kabataang mandirigma ni Helaman! Hindi nakapagtatakang lalong pinatindi ni Satanas ang mga pag-atake niya sa inyong pagkatao at kabanalan. Kung kayo ay manlulupaypay, panghihinaan ng loob, magagambala, maaantala, o hindi magiging karapat-dapat sa pagtanggap ng gabay ng Espiritu Santo o hindi makapapasok sa banal na templo ng Panginoon, mananalo siya.

Mga kabataang babae ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, alalahanin kung sino kayo! Kayo ay pinili. Kayo ay mga anak na babae ng Diyos. Hindi kayo dapat maging henerasyon ng mga kabataang babae na kontento na sa pakikibagay. Dapat kayong magkaroon ng lakas ng loob na mamukod-tangi, na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”10 Papapaniwalain kayo ng mundo na wala kayong kabuluhan—na wala kayo sa uso at walang kamuwang-muwang. Aakitin kayo ng mundo at igigiit sa maingay na tinig na “magpakasasa,” “subukan ang lahat,” “mag-eksperimento at maging masaya.” Sa kabaligtaran, bumubulong ang Espiritu Santo at inaanyayahan kayo ng Panginoon na “[lumakad] sa landas ng kabanalan” “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito,” “at tuparin ang [inyong] mga tipan.”11

Gustung-gusto ko ang kuwento tungkol sa anak na lalaki ni King Louis XV1 ng Pransya dahil matibay ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang pagkatao. Noong binatilyo pa siya, kinidnap siya ng masasamang kalalakihan na nag-alis sa kanyang amang hari sa trono. Alam ng mga taong ito na kung masisira nila ang kanyang pagkatao, hindi na siya magiging tagapagmana ng trono. Sa loob ng anim na buwan inilantad nila ang binatilyo sa lahat ng uri ng kasamaan sa mundo, subalit hindi ito kailanman nagpadaig sa mga pamimilit na ito. Ipinagtaka ito ng mga kumidnap sa kanya, at matapos gawin ang lahat ng maisip nila, tinanong nila ang binatilyo kung bakit ganoon katatag ang kanyang pagkatao. Simple lang ang kanyang sagot. Sabi niya, “Hindi ko magagawa ang ipinagagawa ninyo, sapagka’t isinilang ako na maging isang hari.”12

Tulad ng anak ng hari, namana ng bawat isa sa inyo ang banal na pagkapanganay. Bawat isa sa inyo ay may banal na pamana. “Kayo ay literal na mariringal na anak na babae ng ating Ama sa Langit.”13 Bawat isa sa inyo ay isinilang na maging isang reyna.

Noong nag-aaral pa ako sa Brigham Young University, nalaman ko ang tunay na kahulugan ng pagiging isang reyna. Nabigyan ako ng pambihirang pagkakataon, kasama ang isang maliit na grupo ng mga estudyante, na makadaupang-palad ang propeta, si President David O. McKay. Sinabihan ako na isuot ko ang pinakamaganda kong damit at maghanda sa pagbiyahe nang maaga papuntang Huntsville, Utah, sa tahanan ng propeta. Hindi ko malilimutan kailanman ang naranasan ko. Pagpasok pa lang namin sa bahay, nadama ko na ang diwang pumupuspos sa tahanang iyon. Nakaupo kami sa sala ng propeta at nakapalibot sa kanya. Nakasuot si Pangulong Mckay ng puting terno, at nakaupo sa tabi niya ang kanyang asawa. Isa-isa niya kaming pinalapit at hiniling na magsabi kami ng tungkol sa aming sarili. Nang lumapit ako, inabot niya ang aking kamay, at habang nagkukuwento ako tungkol sa aking buhay at pamilya, tumitig siya sa aking mga mata.

Pagkatapos naming magpakilala, sumandal siya sa kanyang silya at inabot ang kamay ng kanyang asawa at sinabi, “Ngayon, mga dalaga, gusto kong makilala ninyo ang aking reyna.” Sa tabi niya’y nakaupo ang kanyang asawa, si Emma Ray McKay. Bagama’t wala siyang suot na kumikinang na diyamante, at hindi siya nakaupo sa trono, nalaman kong siya ay tunay na reyna. Ang kanyang puting buhok ang kanyang korona, at ang dalisay niyang mga mata ay kumikinang na parang mga hiyas. Habang nagkukuwento sina Pangulo at Sister McKay tungkol sa kanilang pamilya at kanilang pagsasama, ang magkakapit nilang mga kamay ay lubos na nagpapakita ng kanilang pagmamahalan. Nababanaag sa kanilang mga mukha ang galak. Ang taglay niyang kagandahan ay hindi mabibili. Nagmula ito sa maraming taon ng paghahangad ng pinakamaiinam na kaloob, pagiging maalam, paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pananampalataya. Nagmula ito sa maraming taon ng masigasig na paggawa, ng matapat na pagtitiis sa mga pagsubok taglay ang magandang pananaw, tiwala, lakas, at tapang. Nagmula ito sa kanyang walang maliw na debosyon at katapatan sa kanyang asawa, kanyang pamilya, at sa Panginoon.

Sa araw na iyon ng taglagas sa Huntsville, Utah, napaalalahanan ako tungkol sa aking banal na pagkatao, at nalaman ko ang tungkol sa tinatawag ko ngayon na “tunay na kagandahan” —ang uri ng kagandahang nagniningning mula sa loob palabas. Ito ang uri ng kagandahang hindi likha lamang ng make-up, o ng operasyon, o hindi maaaring bilhin. Ito ang uri ng kagandahang hindi kumukupas. Ito ay espirituwal na kagandahan. Ang tunay na kagandahan ay nagmumula sa kabanalan. Ito ang kagandahan ng kalinisan ng puri at malinis na pagkatao. Ito ang uri ng kagandahang nakikita ninyo sa mga mata ng mga banal na babaeng tulad ng inyong mga ina o lola. Ito ay kagandahang natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, at pagtupad sa mga tipan.

Lubhang binibigyang-diin ng daigdig ang pisikal na kariktan at pinapaniwala kayo na kailangan ninyong makamukha ang sikat na modelo sa pabalat ng magasin. Sasabihin sa inyo ng Panginoon na bawat isa sa inyo ay may natatanging kagandahan. Kapag kayo ay banal, malinis ang puri, at malinis ang pagkatao, magniningning ang inyong panloob na kagandahan sa inyong mga mata at sa inyong mukha. Laging sinasabi noon ng aking lolo, “Kung malapit ka sa Diyos at Kanyang pagpapala—di kailangang magsalita, makikita ito sa iyong mukha.”14 Kapag kayo ay karapat-dapat na makasama ang Espiritu Santo, tiwala kayo at magniningning ang inyong panloob na kagandahan. Kaya nga “puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; [at] … ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina.”15

Itinuro sa atin na “ang kaloob na Espiritu Santo … ay nagpapabilis ng takbo ng pag-iisip, nagdaragdag, nagpapalaki, nagpapalawak at nagpapadalisay ng lahat ng likas na simbuyo ng damdamin at magiliw na saloobin… . Nanghihikayat ito ng kabanalan, kabaitan, kabutihan, kagiliwan, kahinahunan, at pag-ibig sa kapwa. Pinag-iibayo nito ang kagandahan ng tao, anyo at katangian.”16 Iyan ang isang malaking sikreto ng kagandahan! Iyan ang kagandahang namasdan ko sa tahanan ng isang propeta. Nalaman ko noong araw na iyon na ang kagandahang nakita ko kay Sister McKay ang tanging kagandahan na talagang mahalaga at ang tanging uri ng kagandahan na hindi kumukupas.

May malalim na tanong si Alma na dapat pag-isipan ng bawat isa sa atin: “Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha?”17

Kamakailan, isang grupo ng mga dalagita ang bumisita sa aking opisina. Pagkatapos bumisita, isa sa kanila ang nagsabi nang may luha sa kanyang mga mata, “Hindi ko po naisip kailanman na maganda ako. Pakiramdam ko ay napakaordinaryo kong tao. Pero ngayon, nang madaan ako sa salamin sa inyong opisina at sumulyap dito, ang ganda ko!” Siya ay maganda dahil pinagliliwanag ng Espiritu ang kanyang mukha. Nakita niya ang kanyang sarili tulad ng pagkakita sa kanya ng ating Ama sa Langit. Natanggap niya ang larawan ng Diyos sa kanyang mukha. Iyan ang tunay na kagandahan.

Mga kabataang babae, tumingin kayo sa salamin ng kawalang-hanggan. Alalahanin kung sino kayo! Tingnan ang inyong sarili tulad ng pagkakita sa inyo ng ating Ama sa Langit. Kayo ay pinili. Kayo ay isinilang na marangal. Huwag ninyong ikompromiso ang inyong banal na pamana. Isinilang kayo na maging reyna. Mamuhay nang karapat-dapat para makapasok sa templo at matanggap doon “ang lahat na mayroon [ang] Ama.18 Taglayin ang tunay na kagandahan. Wala nang tanawing mas gaganda pa kaysa sa isang kabataang babaeng pinagniningning ng Espiritu, na tiwala at malakas ang loob dahil siya ay banal.

Alalahanin, kayo ay mga anak na babae ng ating Ama sa Langit. Mahal na mahal Niya kayo kaya’t ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang ipakita sa inyo kung paano mamuhay, upang makabalik kayo sa Kanya balang-araw. Pinatototohanan ko na sa paglapit ninyo sa Tagapagligtas, ginagawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala na makapagsisi kayo, magbago, maging dalisay, at matanggap ang Kanyang larawan sa inyong mukha. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala kayo ay magiging malakas at matapang habang patuloy ninyong iwinawagayway ang inyong bandera para sa kabanalan. Kayo ay ginintuan. Kayo ang bandera!

Kaya’t nagtatapos ako sa mga salita ng Panginoon sa bawat isa sa atin, na Kanyang minamahal na mga anak: “Masdan, … ikaw ay isang hinirang na babae, na aking tinawag.”19 “[Lumakad] sa landas ng kabanalan… . Isantabi muna ang mga bagay ng daigdig… . Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa… . Patuloy na sundin ang aking mga kautusan, at isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap.”20 Ito ay pinatototohanan ko sa banal na pangalan ng ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa “Tema ng Young Women,” Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 3.

  2. Doktrina at mga Tipan 87:8.

  3. Tingnan sa 2 Nephi 25:26.

  4. Helaman 5:12.

  5. “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

  6. Josue 1:9.

  7. Josue 3:5; tingnan din sa Ang Gabay sa mga Banal na mga Kasulatan, “Pagpapabanal,” scriptures.lds.org.

  8. Alma 13:3.

  9. Doktrina at mga Tipan 138:53–54.

  10. Doktrina at mga Tipan 115:5.

  11. Doktrina at mga Tipan 25:2, 10, 13.

  12. Tingnan sa Vaughn J. Featherstone, “The King’s Son,” New Era, Nob. 1975, 35.

  13. Ezra Taft Benson, “To the Young Women of the Church,” Ensign, Nob. 1986, 85.

  14. Di-kilala ang may-akda; tingnan sa Elaine S. Dalton, “Nakikita sa Inyong Mukha,” Liahona, Mayo 2006, 109.

  15. Doktrina at mga Tipan 121:45–46.

  16. Parley P. Pratt, Key to the Science of Theology, ika-10 edisyon (1965), 101; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Alma 5:14.

  18. Doktrina at mga Tipan 84:38.

  19. Doktrina at mga Tipan 25:3.

  20. Doktrina at mga Tipan 25:2, 10, 13, 15.