2010
Ang Inyong Kaligayahan Magpakailanman
Mayo 2010


Ang Inyong Kaligayahan Magpakailanman

Ibinibigay sa inyo ng Ama sa Langit ang pinakadakilang kaloob sa lahat—buhay na walang hanggan—at ang pagkakataon at walang katapusang pagpapala ng inyong sariling “kaligayahan magpakailanman.”

President Dieter F. Uchtdorf

Mahal kong mga batang kapatid sa iba’t ibang panig ng mundo, nagpapasalamat ako at karangalan kong makasama ninyo ngayon. Mahal kayo ni Pangulong Monson at ng lahat ng mga lider ng Simbahan; ipinagdarasal namin kayo, at nagagalak kami sa inyong katapatan.

Sa paglipas ng mga taon ay nalantad ako sa maraming magagandang wika—bawat isa ay nakaaakit at kahanga-hanga; bawat isa ay may sariling panghalina. Ngunit kahit magkakaiba ang mga wikang ito, kadalasan may mga bagay na magkakapareho sa mga ito. Halimbawa, sa karamihan ng mga wika ay may isang katagang mahiwaga at puno ng pangako saanmang dako ng mundo. Ang katagang iyon ay ang “Noong unang panahon.”

Di ba’t ang napakagandang mga salitang iyon ay panimula ng isang kuwento? Ang “noong unang panahon” ay may ipinapangako: isang kuwento ng pakikipagsapalaran at pagmamahalan, kuwento tungkol sa mga prinsesa at prinsipe. Kabilang dito ang mga kuwento ng katapangan, pag-asa, at wagas na pag-ibig. Sa karamihan sa mga kuwentong ito, nadadaig ng mabait ang salbahe at nadadaig ng mabuti ang masama. Ngunit marahil higit sa lahat, gustung-gusto ko kapag nasa huling pahina na at nakikita ng ating mga mata ang mga huling linya at naroon ang mahiwagang mga salitang “At namuhay silang maligaya magpakailanman.”

Hindi ba’t iyan ang nais nating lahat: ang maging mga bida ng sarili nating kuwento, madaig ang kalaban; magkaroon ng magandang buhay; at, sa huli, mabuhay nang maligaya magpakailanman?

Ngayon nais kong ituon ang inyong pansin sa isang bagay na napakahalaga, napaka-pambihira. Sa unang pahina ng inyong aklat na Pansariling Pag-unlad ng Young Women, makikita ninyo ang mga salitang ito: “Ikaw ay pinakamamahal na anak na babae ng Ama sa Langit, na inihandang pumarito sa lupa sa natatanging panahong ito para sa isang sagrado at maluwalhating layunin.”1

Mga kapatid, totoo ang mga salitang ito! Hindi ito gawa-gawa lang sa isang alamat! Hindi ba’t kagila-gilalas na malaman na ang ating walang hanggang Ama sa Langit ay kilala kayo, pinakikinggan kayo, binabantayan kayo, at walang katapusan ang pagmamahal sa inyo? Sa katunayan, napakalaki ng pagmamahal Niya sa inyo kaya’t ipinagkaloob Niya sa inyo ang buhay na ito sa mundo bilang mahalagang regalo “noong unang panahon,” kumpleto ng sarili ninyong kuwento ng pakikipagsapalaran, pagsubok, at mga pagkakataon ng kagitingan, karingalan, katapangan, at pagmamahal. At, higit sa lahat, iniaalay Niya sa inyo ang isang regalong hindi matutumbasan at mahirap maunawaan. Ibinibigay sa inyo ng Ama sa Langit ang pinakadakilang kaloob sa lahat—buhay na walang hanggan—at ang pagkakataon at walang katapusang pagpapala ng inyong sariling “kaligayahan magpakailanman.”

Ngunit ang gayong pagpapala ay hindi dumarating nang hindi pinaghihirapan. Hindi ito basta ibinibigay dahil gusto ninyo ito. Dumarating lamang ito sa pagkaunawa kung sino kayo at ano ang kailangan ninyong marating upang maging karapat-dapat sa gayong kaloob.

Ang Pagsubok ay Bahagi ng Paglalakbay

Sandaling isiping muli ang inyong paboritong kuwento o alamat. Sa kuwentong iyan ang pangunahing tauhan ay maaaring isang prinsesa o kaya’y tagabukid; maaaring isa siyang sirena o kaya’y tagagatas ng baka, isang pinuno o kaya’y utusan. May makikita kayong isang bagay na karaniwan sa lahat: kailangan silang magtagumpay sa kabila ng kagipitan.

Kinailangang pagtiisan ni Cinderella ang kanyang masamang madrasta at mga kinakapatid. Napilitan siyang manilbihan nang matagal at dumanas ng panlalait.

Sa “Beauty and the Beast,” si Belle ay naging bihag ng isang nakakatakot na halimaw para mailigtas ang kanyang ama. Isinakripisyo niya ang kanyang tahanan at pamilya, lahat ng mahal sa kanya, upang lumagi ng ilang buwan sa kastilyo ng halimaw.

Sa alamat na “Rumpelstiltskin,” isang mahirap na tagagiling ang nangako sa hari na kaya ng kanyang anak na babae na mag-ikid ng dayami at gawin itong ginto. Kaagad ipinatawag ng hari ang babae at ikinulong sa isang silid na may kasamang bunton ng mga dayami at spinning wheel o pang-ikid. Kalaunan sa kuwento nanganib na mawala sa kanya ang panganay niyang anak maliban kung mahulaan niya ang pangalan ng mahiwagang nilalang na tumulong sa kanya sa paggawa ng imposibleng gawain na ito.

Sa mga kuwentong ito, sina Cinderella, Belle, at ang anak ng tagagiling ay kinailangang dumanas ng kalungkutan at pagsubok bago sila maging “maligaya magpakailanman.” Pag-isipan ito. Mayroon bang sinuman na hindi kinailangang dumanas ng kahirapan ng tukso, pagsubok, at kalungkutan?

Sa pagitan ng kanilang “noong unang panahon” at “maligaya magpakailanman,” silang lahat ay dumanas ng matinding kagipitan. Bakit kailangang dumanas ang lahat ng kalungkutan at trahedya? Bakit hindi tayo makapamuhay na lang nang tiwasay at payapa, bawat araw ay puno ng pagkamangha, galak, at pag-ibig?

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na kinakailangan na may pagsalungat sa lahat ng bagay dahil kung wala ito hindi natin malalaman ang kaibhan ng tamis sa pait.2 Madarama ba ng marathon runner ang tagumpay ng pagdating sa finish line kung hindi niya naranasan ang hirap ng pagtakbo nang lampas sa kanyang kakayahan? Madarama ba ng piyanista ang kagalakan ng buong husay na pagtugtog ng isang komplikadong piyesa kung wala ang matagal na pagsasanay?

Sa mga kuwento, gayundin sa tunay na buhay, itinuturo sa atin ng kagipitan ang mga bagay na hindi natin matututuhan sa ibang paraan. Ang kagipitan ay tumutulong upang lumalim ang pagkatao na di makakamtan sa ibang paraan. Inilagay tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit sa mundong puno ng mga hamon at pagsubok upang tayo, sa pamamagitan ng oposisyon, ay maging marunong, mas lumakas, at makadama ng kagalakan.

Ikukuwento ko sa inyo ang isang karanasan ko noong tinedyer pa ako habang nagsisimba ang aming pamilya sa Frankfurt, Germany.

Isang araw ng Linggo isinama ng mga misyonero sa aming mga miting ang isang bagong pamilya na noon ko lang nakita. Isang ina na may dalawang magagandang anak na babae. Naisip ko na ginagawang mabuti ng mga misyonerong ito ang kanilang tungkulin.

Napansin ko ang isa sa mga anak na may magandang itim na buhok at malalaking brown na mga mata. Ang pangalan niya ay Harriet, at sa palagay ko ay umibig ako sa kanya nang una ko siyang makita. Sa kasamaang palad, ang magandang dalagang ito ay di yata ganoon ang nadarama sa akin. Maraming mga binatang gustong makipagkilala sa kanya at naisip ko kung maituturing ba niya akong higit pa sa isang kaibigan. Pero hindi ko hinayaang maging hadlang iyon sa akin. Umisip ako ng mga paraan para masundan siya. Kapag nagpapasa ako ng sacrament, tinitiyak kong nasa tamang panig ako para ako ang mag-abot ng sacrament sa kanya.

Kapag may mga espesyal kaming aktibidad sa simbahan, nagbibisikleta ako papunta sa bahay ni Harriet at pipindutin ang doorbell. Ang nanay ni Harriet ang karaniwang sumasagot. Sa katunayan, binubuksan niya ang bintana sa kusina ng apartment nila na nasa ikaapat na palapag at nagtatanong kung ano ang kailangan ko. Itinatanong ko kung gusto ba ni Harriet na sumakay sa bisikleta ko papunta sa simbahan. Sasabihin ng ina ni Harriet, “Hindi, mamaya pa siya pupunta, pero matutuwa akong sumakay sa bisikleta mo papunta sa simbahan.” Hindi naman ito ang nasa isip ko, pero paano ako tatanggi?

Kaya nakabisikleta kami papuntang simbahan. Aaminin kong napakaganda ng bisikleta ko. Uupo sa harapan ko ang nanay ni Harriet, at sinisikap kong pakahusayin ang pagmamaneho ng bisikleta sa mabatong lansangan.

Lumipas ang panahon. Habang ang magandang si Harriet ay nakakakilala ng marami pang mga binata, parang walang progreso ang panunuyo ko sa kanya.

Nakadama ba ako ng kabiguan? Oo.

Natalo ba ako? Aba, hindi!

Sa katunayan, sa pagbabalik-tanaw natanto ko na walang masama kung makisama kang mabuti sa ina ng babaing pinapangarap mo.

Makaraan ang maraming taon, pagkatapos ko ng training bilang fighter pilot sa Air Force, nagkaroon ng makabagong himala sa sagot ni Harriet sa patuloy kong panliligaw. Isang araw sabi niya, “Dieter, malaki na ang itinanda ng isip mo sa nakalipas na ilang taon.”

Mabilis na akong kumilos pagkatapos niyon, at ilang buwan lang ay ikinasal ako sa babaing minahal ko noong una ko pa lang siyang makita. Hindi naging madali ang proseso—may mga panahon ng hirap at kalungkutan—ngunit sa wakas nalubos ang kaligayahan ko, at maging hanggang sa ngayon, at higit pa ito.

Mahal kong mga batang kapatid, dapat malaman ninyong daranas kayo ng kagipitan. Walang hindi daranas nito. Magdurusa kayo, matutukso, at magkakamali. Matututuhan ninyo ang natutuhan ng bawat babaing bida: sa pagdaig sa mga hamon ay dumarating ang pag-unlad at lakas.

Ang reaksiyon ninyo sa kagipitan, hindi ang kagipitan mismo, ang nagpapasiya sa magiging kuwento ng inyong buhay.

Mayroon sa inyo na, kahit bata pa, ay dumanas na ng matinding pighati at kalungkutan. Ang puso ko ay puno ng habag at pag-ibig sa inyo. Mahal na mahal kayo ng Simbahan. Mahal na mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Bagamat tila nag-iisa kayo, nakabantay sa inyo ang mga anghel. Kahit nadarama ninyong walang sinumang nakauunawa sa tindi ng inyong pighati, nauunawaan ito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagdusa Siya ng higit kaysa makakaya nating isipin, at ginawa Niya iyon para sa atin; ginawa Niya iyon para sa inyo. Hindi kayo nag-iisa.

Kung napakabigat ng inyong pasanin, iangat ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit, at tutulungan at pagpapalain Niya kayo. Sinasabi Niya sa inyo, tulad ng sinabi Niya kay Joseph Smith, “Ang [inyong] kasawian at ang [inyong] mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay pagtitiisan [ninyong] mabuti, ang Diyos ay dadakilain [kayo] sa itaas.”3

Di lamang pagtitiis ng kasawian ang kailangan ninyong gawin upang lumigaya sa buhay. Hayaang ulitin ko: ang reaksiyon ninyo sa kasawian at tukso ay mahalaga sa kung mararating ba ninyo o hindi ang inyong “kaligayahan magpakailanman.”

Manatiling Tapat sa Alam Ninyong Tama

Mga kapatid, mga batang kapatid, minamahal kong mga kapatid, manatiling tapat sa alam ninyong tama. Saanman kayo lumingon ngayon, makikita ninyo ang mga pangako ng kaligayahan. Ang patalastas sa isang magasin ay nangangako ng kaligayahan kung bibilhin ninyo ang isang damit, shampoo, o makeup. Ginagawang kaakit-akit ng mga produksiyon ng media ang mga taong gumagawa ng masama o nagpapatangay sa tawag ng laman. Kadalasan ang mga tao ring ito ay ginagawang halimbawa ng tagumpay at mga bagay na nagawa.

Sa mundo kung saan ang masama ay pinalalabas na mabuti at ang mabuti bilang masama, mahirap kung minsan na malaman ang katotohanan. Sa ilang paraan halos katulad ito ng mahirap na kalagayan ni Little Red Riding Hood: kapag medyo hindi ka sigurado sa nakikita mo, ito ba ay ang mahal na lola o isang mapanganib na lobo?

Maraming taon na ang ginugol ko sa cockpit ng eroplano. Tungkulin kong dalhin ang malaking jet nang ligtas mula sa alinmang panig ng mundo papunta sa balak naming puntahan. Alam ko na kung gusto kong maglakbay mula New York papuntang Rome, kailangan kong lumipad pasilangan. Kung may magsasabi sa aking dapat akong lumipad patimog, alam kong walang katotohanan sa kanilang mga salita. Hindi ako magtitiwala sa kanila dahil alam ko mismo. Walang panghihikayat, walang pambobola, panunuhol, o banta na makakukumbinsi sa akin na ang paglipad patimog ang maghahatid sa akin sa aking patutunguhan dahil alam ko.

Lahat tayo’y naghahanap ng kaligayahan, at sinisikap nating lahat na matagpuan ang sarili nating “kaligayahan magpakailanman.” Ang totoo ay alam ng Diyos kung paano makarating doon! At gumawa Siya ng mapa para sa inyo; alam Niya ang daan. Siya ang inyong pinakamamahal na Ama sa Langit, na hangad ang inyong kabutihan, ang inyong kaligayahan. Taglay ang pagmamahal ng isang perpekto at dalisay na Ama hangad Niyang maabot ninyo ang inyong banal na patutunguhan. Ang mapa ay magagamit ng lahat. Malinaw ang ibinibigay nitong direksiyon kung ano ang gagawin at saan pupunta ang lahat ng nagsisikap lumapit kay Cristo at “tumayo bilang [saksi] ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”4 Ang gagawin lamang ninyo ay magtiwala sa inyong Ama sa Langit. Magtiwala nang sapat sa Kanya upang sundin ang Kanyang plano.

Gayunman, hindi lahat ay susunod sa mapa. Maaaring tingnan nila ito. Maaaring isipin nilang makatwiran ito, o baka nga totoo. Ngunit hindi nila sinusunod ang mga bilin ng langit. Marami ang naniniwala na dadalhin sila ng kahit anong daan sa “kaligayahan magpakailanman.” Ang ilan ay maaari pang magalit kapag sinisikap ng ibang nakaaalam sa daan na tulungan at sabihan sila. Inaakala nila na ang gayong payo ay makaluma, hindi akma, hindi bagay sa modernong pamumuhay.

Mga kapatid, mali ang akala nila.

Ang Ebanghelyo ang Daan Tungo sa Kaligayahan Magpakailanman

Nauunawaan ko na, minsan, nagtataka ang ilan kung bakit sila dumadalo sa mga miting ng Simbahan o bakit napakahalagang regular na basahin ang mga banal na kasulatan o manalangin sa Ama sa Langit araw-araw. Narito ang sagot ko: Ginagawa ninyo ang mga bagay na ito dahil bahagi ito ng landas ng Diyos para sa inyo. Ang landas na iyon ang maghahatid sa inyong “kaligayahan magpakailanman.”

Ang “maligaya magpakailanman” ay hindi isang bagay na nasa mga alamat lamang. Maaaring mapasainyo ito! Ito ay para sa inyo! Ngunit kailangan ninyong sundin ang mapa ng inyong Ama sa Langit.

Mga kapatid, yakapin sana ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo! Pag-aralang mahalin ang inyong Ama sa Langit ng inyong buong puso, lakas, at pag-iisip. Puspusin ang inyong mga kaluluwa ng kabanalan, at mahalin ang kabutihan. Palaging sikaping ipakita ang pinakamainam na magagawa ninyo at ng iba.

Matutong tanggapin at gawin ang mga pinahahalagahan ng Young Women. Ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang mga pamantayang ito ang umaakay at pumapatnubay sa inyo tungo sa inyong “kaligayahan magpakailanman.” Ang pagsunod sa mga pamantayang ito ay maghahanda sa inyo upang gawin ang mga sagradong tipan sa templo at buuin ang inyong sariling pamana ng kabutihan sa inyong mga kalagayan. “Tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag,”5 kahit may mga tukso o kahirapan. Ipinapangako ko sa inyo na ang mga susunod na henerasyon ay magpapasalamat sa inyo at pupurihin ang inyong pangalan dahil sa inyong katapangan at katapatan sa mahalagang panahong ito ng inyong buhay.

Mahal kong mga batang kapatid, kayo na naninindigan sa katotohanan at kabutihan, kayo na naghahangad ng kabutihan, kayo na lumusong sa mga tubig ng binyag at lumalakad sa mga landas ng Panginoon, ang ating Ama sa Langit ay nangako na kayo ay “paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; [kayo’y] magsisitakbo, at hindi mangapapagod; [kayo’y] magsisilakad, at hindi manganghihina.”6 Kayo ay “hindi malilinlang.”7 Kayo ay pagpapalain at pauunlarin ng Diyos.8 “Ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.”9

Mga kapatid, mahal namin kayo. Ipinagdarasal namin kayo. Magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Kayo ay tunay na mariringal na espiritung anak ng Makapangyarihang Diyos. Kayo ay mga prinsesa, na nakatakdang maging mga reyna. Ang sarili ninyong kagila-gilalas na kuwento ay nagsimula na. Ang inyong “noong unang panahon” ay ngayon na.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, iniiwan ko sa inyo ang aking basbas at ibinibigay sa inyo ang pangako na sa pagtanggap at pamumuhay ninyo ng mga pinahahalagahan at alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, “magiging handa [kayong] palakasin ang tahanan at mag-anak, gawin at sundin ang mga sagradong tipan, tanggapin ang mga ordenansa sa templo, at tamasahin ang mga biyaya ng kadakilaan.”10 At darating ang araw na bubuklatin ninyo ang mga huling pahina ng inyong maluwalhating kuwento; at doon ay mababasa ninyo at mararanasan ang katuparan ng pinagpala at kagila-gilalas na salitang iyon: “At sila’y namuhay nang maligaya magpakailanman.” Ito ay pinatototohanan ko sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 1.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 2:11, 15.

  3. Doktrina at mga Tipan 121:7–8.

  4. Mosias 18:9.

  5. Doktrina at mga Tipan 87:8.

  6. Isaias 40:31.

  7. Joseph Smith—Mateo 1:37.

  8. Tingnan sa Mosias 2:22–24.

  9. Doktrina at mga Tipan 21:6.

  10. Pansariling Pag-unlad ng Young Women, 3.