2010
Mga Ina at Anak na Babae
Mayo 2010


Mga Ina at Anak na Babae

Lubhang kailangan sa mga huling araw na ito—at napakahalaga—na ang mga magulang at mga anak ay makinig at matuto sa isa’t isa.

Elder M. Russell Ballard

Mga kapatid, anim na buwan ang nakalilipas, nagsalita ako sa sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya sa mga ama at anak na lalaki. Tulad ng maaari ninyong asahan, ang aking 5 anak na babae, 24 na apong babae, at dumadami pang mga apo sa tuhod na babae ay humiling din na bigyan ko rin sila ng ganoon ding oras. Kaya ngayon ay magsasalita ako, unang-una, sa mga ina at mga anak na babae sa Simbahan.

Ang mahal kong asawa, si Barbara, ay nagkaroon ng mahalagang impluwensiya na walang-hanggan sa aming mga anak na babae at apong babae—at ganoon din sila sa kanya. Ang mga ina at anak na babae ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagtulong sa isa’t isa na saliksikin ang kanilang walang katapusang potensyal, sa kabila ng mga nakabababang impluwensiya ng isang daigdig na sumisira at nagmamanipula sa kanilang pagkababae at pagkaina.

Sa pagsasalita sa mga kababaihan halos isang siglo na ang nakararaan, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Hindi ikaw ang aakayin ng mga kababaihan ng mundo, ikaw ang … aakay sa kababaihan ng mundo sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, lahat ng maka-Diyos, lahat nang nakasisigla at … nakakapagpadalisay sa mga anak ng tao” (Teachings of Presidents of the Church: Joseph F. Smith [1998], 184).

Mga kapatid na babae, kaming inyong mga kapatid na kalalakihan, ay hindi kayang gawin ang ipinagagawa sa inyo ng langit bago pa man itatag ang daigdig. Maaari naming subukan, ngunit kailanma’y di kami makaaasang matutularan ang mga natatanging kaloob ninyo. Wala nang makikita pa sa mundo na mas magiliw, mas mapangalaga, o mas nakapagbabago ng buhay kaysa sa impluwensiya ng isang matwid na babae.

Naiintindihan ko na ang ilan sa inyong mga kabataang babae ay walang mga ina na mapagkukuwentuhan ninyo ng ganitong mga paksa. At marami sa inyong mga kababaihan sa ngayon ay wala pang mga anak na babae. Ngunit dahil lahat ng mga kababaihan ay nagtataglay ng likas na talento at ng pamumunong ipinagkatiwala sa isang ina, karamihan sa sasabihin ko ay naaangkop sa mga lola, tiya, kapatid na babae, madrasta, biyenang babae, lider, at iba pang tagapayo na paminsan-minsan ay siyang pumupuno sa puwang na namamagitan sa ina at sa kanyang anak na babae.

Mga kabataang babae, pinakamamahal kayo ng inyong mga ina. Nakikita nila sa inyo ang pangako ng susunod na henerasyon. Ang lahat ng inyong tagumpay, bawat hamon na inyong napaglabanan, ay nagdudulot sa kanila ng dalisay na kaligayahan. At gayon din, ang inyong mga alalahanin at pasakit ay kanilang mga alalahanin at pasakit.

Ngayon nais kong bigyan kayong mga kabataang babae ng ilang mungkahi kung paano kayo lubos na matutulungan ng pakikipag-ugnayan ninyo sa inyong ina. At pagkatapos ay mayroon din akong ilang ibabahaging ideya sa mga ina tungkol sa kung paano nila magagamit nang husto ang kanilang impluwensiya sa kanilang mga anak na babae at ganoon din sa ibang mga miyembo ng pamilya.

Nakalulungkot na napakadaling ilarawan ang panglilito at pangwawasak sa kababaihan sa makabagong lipunan. Ang malalaswa, mahahalay, mga walang kontrol na kababaihan ay talamak sa mga radyo, magasin, at sinehan— habang pinagkakatuwaan ito ng mundo. Ipinropesiya ni Apostol Pablo ang tungkol sa “panahong mapanganib” na darating sa mga huling araw, at partikular na tinukoy ang bagay na tila sadyang mapanganib sa kanya: “babaing haling na lipos sa kasalanan, hinihila ng mga iba’t ibang pita” (II Kay Timoteo 3:1, 6). Ang kulturang popular ngayon ay kadalasang ginagawang mukhang haling, walang halaga, at walang lakas ang mga babae. Minamaliit at nilalapastangan sila nito at pagdaka’y ipinahihiwatig sa kanila na nakapag-aambag lang sila sa sangkatauhan sa pamamagitan ng panunukso—pinakalaganap na mensaheng mapanganib na madaling ipinararating ng kaaway sa mga babae tungkol sa kanilang mga sarili.

Kaya nga, mga mahal kong kabataang babae, buong puso ko kayong hinihimok na huwag ninyong ituring na halimbawa at tagapayo ang makabagong kultura. Sa halip, tingnan ninyo ang inyong matatapat na ina bilang isang huwarang susundin. Tularan ninyo sila, hindi ang mga artista na ang mga pamantayan ay wala sa mga pamantayan ng Panginoon, na ang pinahahalagahan ay hindi nagpapakita ng isang walang hanggang pananaw. Tingnan ang inyong ina. Matuto mula sa kanyang mga kalakasan, tapang, at katapatan. Pakinggan siya. Maaaring hindi siya mahusay sa pagtetext; maaaring wala siyang Facebook. Ngunit kapag patungkol sa puso at sa mga bagay ng Panginoon, mayroon siyang yaman ng kaalaman. Habang papalapit na kayo sa edad ng pag-aasawa at pagiging ina, siya ang magiging pinakamagaling na pagmumulan ng kaalaman. Walang ibang tao sa mundo ang nagmamahal sa inyo nang ganoon o handang magsakripisyo para hikayatin kayo at tulungan kayo na mahanap ang kaligayahan—sa buhay na ito at sa walang hanggan.

Mahalin ang inyong ina, mga kabataan kong kapatid. Igalang siya. Pakinggan siya. Pagtiwalaan siya. Ang pinakamakabubuti sa iyo ang nais niya. Inaalala niya ang iyong walang hanggang kaligtasan at kaligayahan. Kaya maging mabait sa kanya. Maging mapagpasensya sa kanyang mga kamalian, dahil mayroon siya ng mga iyon. Lahat naman tayo ay ganoon.

Ngayon hayaan ninyo akong magbahagi ng ilang ideya sa inyo, mga ina, tungkol sa natatanging papel na ginagampanan ninyo sa buhay ng inyong mga anak na babae. Mayroong kaibigan ang aming pamilya na madalas maglakbay kasama ang mga kaanak. Ang kanyang pangunahing naoobserbahan sa bawat paglalakbay ay kung gaano nagkakatulad ang ugali ng mga kabataang babae at ang kanilang mga ina. Kung matipid ang mga ina, ganoon din ang mga anak na babae. Kung mayumi ang mga ina, ganoon din sila. Kung naka tsinelas at kaswal ang kasuotan ng mga ina sa sacrament meeting, ganoon din ang mga anak nilang babae. Mga ina, ang inyong halimbawa ay labis na mahalaga sa inyong mga anak na babae—hindi man nila ito aminin.

Sa kasaysayan ng mundo, ang kababaihan ang laging nagsisilbing tagapagturo ng moralidad. Ang pagtuturong iyon ay nagsisimula sa duyan at nagpapatuloy sa buong buhay ng kanilang mga anak. Ngayon, ang ating lipunan ay inuulan ng mga mapanganib, mali, at masamang mensahe tungkol sa kababaihan at pagiging ina. Ang pagsunod sa mga mensaheng ito ay aakay sa inyong mga anak na babae sa daan patungo sa kasalanan at kasiraan ng sarili. Maaaring hindi iyon maiintindihan ng inyong mga anak na babae maliban kung inyong sasabihan sila, o mas mabuti, kung inyong ipapakita kung paano gumawa ng mabuting pagpili. Bilang mga ina sa Israel, kayo ang unang tagapagtanggol ng inyong mga anak na babae laban sa mga panlilinlang ng mundo.

Ngayon, mga ina, nauunawaan ko na kung minsan ay tila hindi pinapansin ng ating mga anak ang mga aral na sinisikap nating ituro sa kanila. Maniwala kayo—nakita ko na ang pagtunganga ng mga tinedyer na para bang wala silang naririnig kung kailan pa naman sa palagay ninyo ay nasa pinakamagandang bahagi na ang inyong sermon. Tinitiyak ko sa inyo na kahit inaakala ninyong hindi siya nakikinig sa sinasabi ninyo, natututo pa rin siya mula sa inyo habang tinitingnan niya kung ang inyong ginagawa ay tugma sa inyong sinasabi. Gaya ng sinabi ni Ralph Waldo Emerson, “Mas kapani-paniwala ang ginagawa mo kaysa sa naririnig na sinasabi mo” (tingnan sa Ralph Keyes, The Quote Verifier [2006], 56).

Turuan ang inyong mga anak na babae na magkaroon ng kasiyahan sa pag-aaruga ng mga bata. Dito magkakaroon ang kanilang pagmamahal at mga talento ng pinakamalaking kahalagahan sa kawalang hanggan. Isaalang-alang sa kontekstong ito ang atas ni Pangulong Harold B. Lee na “ang pinakamahalagang gawain … na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000] 158). Totoo ito para sa ating lahat, ngunit ito ay mas epektibo kung isasaalang- alang ang ugnayan ng mga ina at mga anak na babae.

Mga ina, turuan ang inyong mga anak na babae na ang isang matapat na anak na babae ng Diyos ay iniiwasan ang tuksong magtsismis o maghusga. Sa isang sermon sa Relief Society ng Nauvoo, ang propetang Joseph Smith ay nagpayo sa mga kababaihan na “ang dila ay hindi napaaamo—pigilan ang inyong dila tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 533).

Sa mga nagdaang taon, dumagsa ang mga artikulo, libro, at pelikula na naisulat tungkol sa mga kababaihang mahilig sa tsismis at “masama ang ugali.” Palaging tinatangka ni Satanas na pahinain ang pinakamahalagang aspeto ng banal na katangian ng babae—ang likas na pagiging mapag-alaga.

Ang ugnayan ng isang ina at anak na babae ay ugnayan na kung saan ang isang anak na babae ay natututong mag-alaga mula sa pag-aalaga sa kanya. Siya ay minamahal. Siya ay tinuturuan at nararanasan niya mismo kung ano ang pakiramdam ng may nagmamalasakit sa kanya na sapat para itama siya habang patuloy na hinihikayat at pinagkakatiwalaan din siya.

Tandaan, mga kapatid, ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng moral at espirituwal na kapangyarihan. Nagkakaroon tayo ng ugnayan sa kapangyarihang iyon sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at sa pagsunod sa mga tipang iyon. Mga ina, turuan ang inyong mga anak na babae ng kahalagahan ng pakikipagtipan, at pagkatapos ay ipakita sa kanila kung paano sundin ang mga tipan na iyon sa paraan na hahangarin nilang mamuhay nang karapat-dapat upang makapasok sa templo.

Sa panahon ngayon, ang ibig sabihin nito ay makipag-usap sa inyong mga anak na babae tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa seks. Ang inyong mga anak ay lumalaki sa isang mundo na bukas na tinatanggap ang maaga, walang-ingat at hindi pinag-isipang pakikipagtalik. Ang mahahalay, malalaswang babae ay ginagawang kaakit-akit at kadalasa’y hinahangaan at ginagaya. Kahit may mga hakbanging maaari nating gawin sa ating mga tahanan at pamilya upang mabawasan ang ating pagkalantad sa ganitong masasamang elemento ng makabagong pamumuhay, ang inyong mga anak na babae ay hindi lubusang maiiwasan ang mga lantarang seksuwal na mensahe at pang-aakit na pumapalibot sa kanila. Kailangan ninyo ng madalas at hayagang pag-uusap kung kailan matuturuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng mga katotohanan tungkol sa mga paksang ito.

Halimbawa, kailangan nilang maunawaan na kung sila ay magsusuot ng sobrang sikip, ikli o baba, hindi lamang sila nakapagbibigay ng maling ideya sa mga kabataang lalaki na kasama nila, kundi ipinagpapatuloy din nila sa kanilang sariling isipan na ang kahalagahan ng kababaihan ay nababatay lamang sa kanyang abilidad na makaakit ang iba. Ito ay hindi naging o hindi magiging tugma sa matwid na kahulugan ng isang tapat na anak na babae ng Diyos. Kailangan nilang marinig ito—nang maliwanag at paulit-ulit—mula sa inyong mga bibig, at kailangan nilang makita itong inilalarawan nang tama at palagi mula sa inyong sariling pamantayan sa pananamit, pag-aayos, at disenteng pamumuhay.

Ang lahat ng kabataan ay mas malamang na gumawa ng mga tipan at sundin ang mga ito kung matututuhan nilang makilala ang presensya at tinig ng Espiritu. Turuan ang inyong mga anak na babae tungkol sa mga bagay ng Espiritu. Ibaling sila sa mga banal na kasulatan. Bigyan sila ng mga karanasan na tutulong sa kanila na pakamahalin ang pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood sa kanilang mga buhay. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tipan matututo silang makinig sa tinig ng Panginoon at tumanggap ng personal na pahayag. Tunay na diringgin at sasagutin ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Ang tema sa Mutual ngayong 2010 ay para sa mga kabataan at sa ating lahat din: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Diyos ay sumasa iyo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9). Dadalhin sila nito nang ligtas tungo sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon.

Tiyaking alam nila na ang pagsunod sa mga tipan ay pinakaligtas na daan patungo sa walang hanggang kaligayahan. At kung kinakailangan, turuan sila kung paano magsisi at kung paano manatiling wagas at karapat dapat.

Ngayon, kung ito ay hindi bago sa inyo, mga kapatid, ito ay dahil nakikipag-usap ako sa mga magulang at mga anak sa tatlong magkakasunod na pangkalahatang kumperensya. Noong nakaraang Abril hinimok ko ang mga kabataan na “matuto sa mga aral ng nakaraan.” Mula sa mensaheng iyon ay binanggit ko: “Kapag handa kayong makinig at matuto, ang ilan sa mga pinakamakabuluhang turo ay nanggagaling sa mga taong nauna sa inyo… . Mas bubuti ang iyong buhay kung tutularan ninyo ang magandang halimbawa ng matatapat na tagasunod ni Cristo.” (“Matuto mula sa mga Aral ng Nakaraan,” Liahona, Mayo 2009, 31, 33.)

Noong nakaraang Oktubre nangusap ako sa mga ama at anak na lalaki sa kapulungan ng priesthood, at ngayon nangungusap ako lalo na sa mga ina at anak na babae. Sa iba’t ibang pagkakataong ito, ang mensahe ko ay magkaiba, ngunit magkatulad. Sana’y nakikinig kayo at nakita ang isang huwaran at narinig ang isang matibay, hindi nagbabagong mensahe na lubhang kailangan sa mga huling araw—at napakahalaga—na ang mga magulang at mga anak ay makinig at matuto sa isa’t isa. Hindi lamang ito mababaw na konsepto na aking sinasabi. Ito ang pinakadiwa, ang sentro ng plano ng Diyos para sa ating walang hanggang kaligayahan at kapayapaan.

Tutulong ang Simbahan hangga’t makakaya namin. Narito kami para suportahan at alalayan kayo bilang mga magulang at anak. Ngunit ang tahanan ang pinakamahalagang lugar upang ihanda ang mga kabataan ngayon sa pamumuno sa pamilya at sa Simbahan sa hinaharap. Nasa bawat isa sa atin bilang mga ina at ama na gawin ang lahat upang maihanda ang ating mga kabataan na maging matapat, matwid na kalalakihan at kababaihan. Sa tahanan natin dapat ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa.

Tatapusin ko ang aking payo sa isang buod mula kay Pangulong Joseph F. Smith. “Ang samahan ng ating pamilya ay hindi lamang para sa buhay na ito, sa panahon, na alam nating iba sa kawalang hanggan. Nabubuhay tayo sa buhay na ito at sa kawalang hanggan. Bumubuo tayo ng samahan at ugnayan para sa buhay at sa kawalang hanggan… . Sino pa ba maliban sa mga Banal sa Huling Araw ang nagninilay sa ideya na magpapatuloy ang pamilya sa kabilang buhay? Ang ama, ang ina, ang mga anak, nakikilala ang isa’t isa … ? ang organisasyong ito ng pamilya bilang isang bahagi sa dakila at ganap na organisasyon ng gawain ng Diyos, at ang lahat ay nakalaang magpatuloy sa buhay at kawalang hanggan?” (Teachings: Joseph F. Smith, 385, 386).

Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos sa pagtuturo, pag-aalaga, at paghahanda sa isa’t isa sa loob ng ating mga tahanan para sa dakilang gawain na dapat magawa ng lahat sa atin ngayon at sa hinaharap ay ang aking panalangin, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.