2010
Pagpapagaling ng Maysakit
Mayo 2010


Pagpapagaling ng Maysakit

Taglay natin ang kapangyarihang ito ng priesthood, at lahat tayo ay dapat maging handang gamitin ito nang wasto.

Elder Dallin H. Oaks

Sa mga panahong ito ng kaguluhan sa buong mundo, parami nang parami ang mga taong sumasampalataya na bumabaling sa Panginoon para humiling ng pag-alo at pagpapagaling. Nais kong magsalita sa mga maytaglay ng priesthood na ito tungkol sa pagpapagaling ng maysakit—sa pamamagitan ng siyensya, mga panalangin ng pananampalataya, at mga basbas ng priesthood.

I.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paggamit ng pinakamainam na kaalaman at pamamaraan ng siyensya. Gumagamit tayo ng nutrisyon, ehersisyo, at iba pang mga praktis para maingatan ang kalusugan, at nagpapatulong sa mga manggagamot, tulad ng mga doktor at siruhano, upang maipanumbalik ang kalusugan.

Ang paggamit ng siyensya ng medisina ay hindi salungat sa ating mga panalangin ng pananampalataya at pananalig sa mga basbas ng priesthood. Kapag humiling ng basbas ng priesthood ang isang tao, itatanong ni Brigham Young, “Sinubukan mo na bang gamutin ito?” Sa mga sumagot ng hindi dahil “gusto naming magpabasbas sa mga Elder, at sumasampalataya kami na gagaling kami,” sinabi ni Pangulong Young: “Lubhang taliwas iyan sa aking pananampalataya. Kung maysakit tayo, at hiniling natin sa Panginoon na pagalingin tayo, at gawin ang lahat ng kailangang gawin para sa atin, ayon sa pagkaunawa ko sa Ebanghelyo ng kaligtasan, mas mabuti pang hilingin ko sa Panginoon na palaguin ang aking trigo, nang hindi ko inaararo ang lupa at itinatanim ang mga binhi. Mukhang sang-ayon ako na gawin ang lahat ng remedyong nalalaman ko, at [pagkatapos ay] hilingin ko sa Ama sa Langit … na maging mabisa ang ginawa ko sa pagpapagaling ng katawan ko.”1

Mangyari pa hindi tayo naghihintay na maubos ang lahat ng iba pang paraan bago manalangin nang may pananampalataya o magbigay ng mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling. Sa mga emergency, mga panalangin at basbas ang nauuna. Kadalasan ay sabay-sabay nating ginagawa ang lahat. Sinusunod nito ang mga turo sa banal na kasulatan na dapat tayong “manalangin tuwina” (D at T 90:24) at na lahat ng bagay ay dapat gawin sa karunungan at kaayusan.2

II.

Alam natin na ang panalangin ng pananampalataya, na mag-isang inusal o sa ating tahanan o sa mga sambahan, ay maaaring maging mabisang pampagaling sa maysakit. Maraming banal na kasulatang bumabanggit sa bisa ng pananampalataya sa paggaling ng isang tao. Itinuro ni Apostol Santiago na dapat “ipanalangin ng isa’t isa ang iba, upang kayo’y magsigaling,” at idinagdag pa na, “malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid” (Santiago 5:16). Nang gumaling ang babaeng humipo kay Jesus, sinabi Niya rito, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (Mateo 9:22).3 Gayon din, itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang Panginoon ay “gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao” (Moroni 10:7).

Kamakailan ay natuklasan ng isang pambansang survey na halos 8 sa 10 Amerikano ang “naniniwala na nagkakaroon pa ng mga himala ngayon tulad noong unang panahon.” Sangkatlo ng mga na-survey ang nagsabi na “naranasan o nasaksihan nila ang banal na pagpapagaling.”4 Marami nang Banal sa mga Huling Araw na nakaranas ng bisa ng pananampalataya sa pagpapagaling ng maysakit. Naririnig din natin ang mga halimbawa nito sa mga taong sumasampalataya sa ibang simbahan. Inilarawan ng isang lalaking mamamahayag sa Texas ang gayong himala. Nang mahirapan sa paghinga ang isang limang-taong-gulang na batang babae at lagnatin, isinugod ito ng kanyang mga magulang sa ospital. Pagdating niya roon, ayaw nang gumana ng kanyang mga bato at baga, mahigit 40°C ang lagnat niya, at pulang-pula at pasa-pasa ang kanyang katawan. Sabi ng mga doktor, may toxic shock syndrome siya, na walang nakaaalam kung ano ang nagsasanhi. Nang umabot ang balita sa pamilya at mga kaibigan, ipinagdasal siya ng mga taong may-takot sa Diyos, at nagdaos ng espesyal na serbisyo ng panalangin sa kanilang kongregasyong Protestante sa Waco, Texas. Mahimalang nalagpasan niya ang kuko ng kamatayan at pinalabas ng ospital pagkaraan ng mahigit isang linggo. Isinulat ng kanyang lolo, “Siya ang buhay na katunayan na ang Diyos ay talagang sumasagot sa mga panalangin at naghihimala.”5

Tunay ngang katulad ng turo sa Aklat ni Mormon, ang Diyos ay “ipinakikilala ang kanyang sarili sa lahat ng yaong naniniwala sa kanya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; oo, sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, gumagawa ng mga makapangyarihang himala … sa mga anak ng tao alinsunod sa kanilang pananampalataya” (2 Nephi 26:13).

III.

Para sa grupong ito—na nasa hustong gulang na mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood at kabinataang di maglalaon ay tatanggap ng kapangyarihang ito—itutuon ko ang aking pananalita sa mga basbas ng pagpapagaling na kaakibat ng kapangyarihan ng priesthood. Taglay natin ang kapangyarihang ito ng priesthood, at lahat tayo ay dapat maging handang gamitin ito nang wasto. Makikita sa kasalukuyang pagdami ng mga kapinsalaang dulot ng kalikasan at mga hamong pinansyal na higit nating kakailanganin ang kapangyarihang ito sa hinaharap kaysa rati.

Maraming banal na kasulatang nagtuturo na “ipapatong [ng mga lingkod ng Panginoon] ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila’y magsisigaling” (Marcos 16:18).6 Nangyayari ang mga himala kapag ginamit ang awtoridad ng priesthood para basbasan ang maysakit. Dinanas ko na ang mga himalang ito. Noong bata pa ako at nang magbinata ako nakakita na ako ng mahimalang mga pagpapagaling na katulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan, at marami rin naman sa inyo.

May limang bahagi sa paggamit ng awtoridad ng priesthood na basbasan ang maysakit: (1) pagpapahid ng langis, (2) pagbubuklod ng pagpapahid, (3) pananampalataya, (4) mga salita sa basbas, at (5) kalooban ng Panginoon.

Pagpapahid ng Langis

Madalas banggitin sa Lumang Tipan ang pagpapahid ng langis bilang bahagi ng basbas na ipinagkaloob ng awtoridad ng priesthood.7 Ang mga pagpapahid ay ipinahayag na para magpabanal8 at marahil ay maituturing ding sagisag ng mga basbas na ibinuhos mula sa langit bunga ng sagradong gawaing ito.

Sa Bagong Tipan mababasa natin na ang mga Apostol ni Jesus ay “nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila” (Marcos 6:13). Itinuro sa aklat ni Santiago ang papel ng pagpapahid ng langis kaugnay ng iba pang mga elemento sa basbas ng pagpapagaling sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood:

“Nagbabata baga ang sinoman sa inyo? ipatawag niya ang mga matanda sa iglesia; at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon:

“At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may-sakit, at ibabangon siya ng Panginoon” (Santiago 5:14–15).

Pagbubuklod ng Pagpapahid

Kapag pinahiran ng langis ang isang tao sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, ang pagpapahid ay ibinubuklod ng awtoridad ding iyon. Ang ibig sabihin ng ibuklod ang isang bagay ay pagtibayin ito, gawing mabisa ito para sa layunin nito. Kapag ang mga Elder ay nagpahid ng langis sa maysakit at ibinuklod ang pagpapahid, binubuksan nila ang mga dungawan ng langit para maibuhos ng Panginoon ang mga pagpapalang niloloob Niya para sa taong maysakit.

Itinuro ni Pangulong Brigham Young: “Kapag nagpapatong ako ng mga kamay sa maysakit, inaasahan kong ang kapangyarihan ng pagpapagaling at impluwensiya ng Diyos ay dadaloy sa akin patungo sa maysakit, at mawawala ang karamdaman… . “Kapag tayo ay handa, kapag tayo ay mga banal na sisidlan sa harapan ng Panginoon, may daloy ng kapangyarihan mula sa Pinakamakapangyarihan na makararaan sa tabernakulo ng nangangasiwa tungo sa katawan ng maysakit, at siya ay gumagaling… .”9

Kahit marami kaming alam na sitwasyon na gumaling ang mga taong binasbasan ng awtoridad ng priesthood, bihira naming banggitin ang mga pagpapagaling na ito sa mga pampublikong pulong dahil pinag-iingat kami ng makabagong paghahayag na huwag “ipagyabang ang [ating sarili] dahil sa mga bagay na ito, ni pag-uusapan ang mga ito sa harapan ng sanlibutan; sapagkat ang mga bagay na ito ay ibinigay para sa inyong kapakinabangan at para sa kaligtasan” (D at T 84:73).

Pananampalataya

Ang pananampalataya ay kailangan sa pagpapagaling sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng langit. Itinuturo pa nga sa Aklat ni Mormon na “kung walang pananampalataya [ang] mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila” (Eter 12:12).10 Sa bantog na pananalita tungkol sa pangangasiwa sa maysakit, sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang pangangailangan sa pananampalataya ay madalas hamakin. Ang maysakit at ang pamilya kadalasan ay tila lubos na umaasa sa kapangyarihan ng priesthood at kaloob na magpagaling na inaasahan nilang taglay ng mga kalalakihang nangangasiwa, samantalang ang mas mabigat na responsibilidad ay nasa taong binabasbasan… . Ang pangunahing elemento ay ang pananampalataya ng indibiduwal kapag ang taong iyon ay may malay at pananagutan. Ang ‘pinagaling ka ng iyong pananampalataya’ [Mateo 9:22] ay madalas banggitin ng Guro kaya halos maging koro na ito ng isang awitin.”11

Iminungkahi pa ni Pangulong Kimball na “ang napakadalas na mga pangangasiwa ay maaaring isang pahiwatig ng kawalan ng pananampalataya o ipinapasa ng maysakit ang responsibilidad sa pagkakaroon ng pananampalataya sa mga elder sa halip na sa sarili niya.” Ikinuwento niya ang isang tapat na miyembrong babae na tumanggap ng basbas ng priesthood. Nang tanungin kinabukasan kung nais niyang mabasbasang muli, sumagot siya: “Hindi na, napahiran na ako ng langis at nabasbasan. Naisagawa na ang ordenansa. Bahala na ako ngayong mag-angkin ng aking pagpapala sa pamamagitan ng aking pananampalataya.”12

Mga Salita sa Basbas

Ang isa pang bahagi ng basbas ng priesthood ay ang mga salita sa basbas na sinasambit ng maytaglay ng priesthood matapos niyang ibuklod ang pagpapahid ng langis. Ang mga salitang ito ay maaaring napakahalaga, ngunit ang nilalaman nito ay hindi kailangan at hindi itinatala sa mga talaan ng Simbahan. Sa ilang basbas ng priesthood—tulad ng patriarchal blessing—ang mga salitang sinambit ang pinakabuod ng basbas. Ngunit sa isang basbas ng pagpapagaling ang iba pang mga bahagi ng basbas—ang pagpapahid ng langis, pagbubuklod, pananampalataya, at kalooban ng Panginoon—ang kailangang mga elemento.

Ang pinakamainam, lubhang aayon sa Espiritu ng Panginoon ang elder na nangangasiwa kaya malalaman at ipapahayag niya ang kalooban ng Panginoon sa mga salita sa basbas. Itinuro ni Brigham Young sa mga maytaglay ng priesthood, “Pribilehiyo at pananagutan ninyong mamuhay nang gayon upang malaman ninyo ang salita ng Panginoon kapag ito ay winika sa inyo at kapag ang isipan ng Panginoon ay ipinahayag sa inyo.”13 Kapag nangyari iyan, literal at mahimalang natutupad ang binigkas na basbas. Sa ilang piling okasyon naranasan ko na ang katiyakan ng inspirasyong iyan sa basbas ng pagpapagaling at nalaman ko na kalooban ng Panginoon ang sinasambit ko. Gayunman, gaya ng karamihang nangangasiwa sa mga basbas ng pagpapagaling, madalas akong dumanas ng kawalang-katiyakan sa mga salitang dapat kong sambitin. Sa iba’t ibang kadahilanan, tumataas at bumababa ang antas ng talas ng pakiramdam ng bawat elder sa mga panghihikayat ng Espiritu. Bawat elder na nagbabasbas ay maaaring maimpluwensyahan ng mga hangarin niya para sa maysakit. Bawat isa rito at ang iba pang mga kakulangan ng tao ay maaaring umimpluwensya sa mga salitang sasambitin natin.

Mabuti na lang, hindi kailangan ang mga salita ng basbas ng pagpapagaling para magkabisa ito. Kung sapat ang pananampalataya ng tao at loloobin ng Panginoon, gagaling o mababasbasan ang tao sambitin man ng nangangasiwa ang mga salitang ito o hindi. Sa kabilang banda, kung mananaig sa nangangasiwa ang personal na hangarin o kawalan ng karanasan at magbitaw siya ng mga utos o salita sa basbas na labis pa sa nais ipagkaloob ng Panginoon ayon sa pananampalataya ng tao, hindi matutupad ang mga salitang iyon. Dahil dito, mga kapatid, hindi dapat mag-atubili ang sinumang elder na lumahok sa basbas ng pagpapagaling dahil sa takot na hindi niya malalaman ang sasabihin. Ang mga salitang sinasambit sa basbas ng pagpapagaling ay magpapasigla at magpapalakas sa pananampalataya ng mga nakakarinig nito, ngunit ang bisa ng basbas ay batay sa pananampalataya at kalooban ng Panginoon, hindi sa mga salitang sinambit ng elder na nangasiwa.

Kalooban ng Panginoon

Mga kabataan at matatanda, tandaan sana ninyo ang sasabihin ko ngayon. Kapag ginamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at itinangi ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, lagi nating tandaan na ang pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. Ang alituntuning ito ay itinuro sa paghahayag na nagbilin sa mga elder ng Simbahan na ipatong ang kanilang mga kamay sa maysakit. Nangako ang Panginoon na “siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling” (D at T 42:48; idinagdag ang pagbibigay-diin). Gayundin, sa isa pang makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon na kapag ang isang tao ay “humihingi alinsunod sa kalooban ng Diyos … mangyayari maging gaya ng kanyang hiningi” (D at T 46:30).14

Sa lahat ng ito nalaman natin na maging ang mga lingkod ng Panginoon, na gumagamit ng Kanyang banal na kapangyarihan sa isang sitwasyon kung saan sapat ang pananampalatayang mapagaling, ay hindi makapagbibigay ng basbas ng priesthood na magpapagaling sa isang tao kung hindi ito naaayon sa kalooban ng Panginoon.

Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng Ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: “Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa temple prayer roll ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.” Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay kamakailan. Ipinahayag niya, “Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.” Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon.

Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kapangyarihan ng panalangin ng pananampalataya, at ang katotohanan ng mga alituntuning ito. Higit sa lahat, pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo, na ating pinaglilingkuran, na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay tumitiyak sa ating imortalidad, at ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 163.

  2. Tingnan sa Mosias 4:27.

  3. Tingnan din sa Marcos 10:46–52; Lucas 18:35–43.

  4. U.S. Religious Landscape Survey: Religious Beliefs and Practices: Diverse and Politically Relevant (The Pew Forum on Religion and Public Life, Hunyo 2008), 34, 54, http://religions.pewforum.org/ reports#.

  5. Tingnan sa Steve Blow, “Sometimes, ‘Miracles’ Are Just That,” Dallas Morning News, Ene. 30, 2000, 31A.

  6. Tingnan din sa Mateo 9:18; Marcos 5:23; 6:5; 7:32–35; 16:18; Lucas 4:40; Mga Gawa 9:12, 17; 28:8; Doktrina at mga Tipan 42:44, 48; 66:9.

  7. Tingnan, halimbawa, sa Exodo 28:41; I Samuel 10:1; 16:13; II Samuel 5:3.

  8. Tingnan sa Levitico 8:10–12.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 283; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ni Huwag Magtiwala sa Bisig ng Laman,” Liahona, Mar. 2010, 40; Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 474.

  10. Tingnan din sa 1 Nephi 7:12; Doktrina at mga Tipan 35:9.

  11. “President Kimball Speaks Out on Administration to the Sick,” Tambuli, Ago. 1982, 36–37.

  12. Tambuli, Ago. 1982, 36.

  13. Mga Turo: Brigham Young, 79.

  14. Tingnan din sa I Ni Juan 5:14; Helaman 10:5.