2010
Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa
Mayo 2010


Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa

Nawa ang galak ng ating katapatan sa pinakamaganda at natatanging katangiang nasa atin ay manatili habang pinananatili natin ang ating pagmamahal at ating kasal, ang ating lipunan at ating mga kaluluwa, na dalisay tulad nang nararapat.

Elder Jeffrey R. Holland

Habang pababa kami ni Sister Holland sa eroplano sa malayong paliparan, tatlong magagandang babaing pababa rin sa eroplanong iyon ang nagmamadaling lumapit para batiin kami. Nagpakilala sila na mga miyembro ng Simbahan, na hindi nakakagulat dahil di naman kami karaniwang binabati sa paliparan ng mga di miyembro ng Simbahan. Sa di-inaasahang pag-uusap, nalaman namin sa kanilang pagluha na kadidiborsyo lamang ng mga babaing ito, at ang dahilan ng bawat isa ay nagtaksil ang kanilang mga asawa, at ang sanhi ng paghihiwalay at pagkakasala ay nagsimula sa pagkaakit sa pornograpiya.

Sa ganyang di magandang panimula ng mensahe ko ngayon—isang bagay na mahirap para sa akin na ibigay— dama kong para akong si Jacob noon na nagsabing, “At labis [kong] ipinagdadalamhati na kinakailangan akong gumamit ng matalim na pananalita … sa harapan ng … marami … [na ang] mga damdamin ay labis na mapagmahal at dalisay at maselan.”1 Ngunit kailangang taliman ang ating pananalita. Siguro dahil sa tatay ako o dahil ako’y lolo kung kaya’t ang mga luha sa mga mata ng mga babaing iyon ay nagpaluha rin sa amin ni Sister Holland, at naiwan akong nagtatanong, “Bakit laganap ang pagguho ng moralidad sa ating paligid, at bakit maraming tao at pamilya, kabilang ang ilang miyembro ng Simbahan ang nabibiktima nito, ang kaawa-awang sinisira nito?”

Ngunit, siyempre, alam ko kahit paano ang sagot sa sarili kong tanong. Kadalasan nakikita nating sinasalakay tayo ng imoral na mga mensahe na lumulunod sa atin sa lahat ng dako. Ang pangit na mukha ng pelikula, telebisyon, at musika ay palubog nang palubog sa mahalay na pananalita at kasalanang sekswal. Nakakalungkot na ang kompyuter at Internet na gamit ko sa paggawa ng family history at paghahanda ng mga pangalang iyon para sa gawain sa templo, kung walang mga filter at kontrol, ay maglalantad sa aking mga anak o apo sa maruruming larawan at ideya na makapagdudulot ng masamang impluwensya sa kanilang isipan magpakailanman.

Alalahanin na sinabi ng mga batang maybahay na iyon na nagsimula ang pagtataksil ng kanilang asawa sa pagkaakit sa pornograpiya, ngunit ang imoral na gawain ay hindi lamang problema ng lalaki, at di lamang mga lalaking may-asawa ang nagkakasala. Ang panganib na makukuha sa isang klik ng mouse—kasama na ang pakikipag-ugnayan sa loob ng chat room—ay walang pinipili, lalaki o babae, bata o matanda, may asawa o wala. At para masigurong mas maraming makakakita nito, abala ang kaaway sa pagpapalawak ng kanyang impluwensya, tulad ng sinasabi nila sa industriya, sa mga cell phone, video game, at MP3 player.

Kung titigil tayo sa pagputol sa mga sanga ng problemang ito at titirahin ang ugat ng puno, di nakakagulat na makita nating nagtatago roon ang pagnanasa. Ang pagnanasa ay di magandang pakinggan, at hindi rin magandang paksa ng usapan, at may magandang dahilan kung bakit sa ilang kultura kilala ito bilang pinakamapanganib sa pitong mapanganib na kasalanan.”2

Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad —ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan. Minsan ay may nagsabi na ang tunay na pag-ibig ay dapat manatili. Nagtatagal ang tunay na pag-ibig. Ngunit mabilis na nagbabago ang pagnanasa tulad ng pagbuklat sa pahina ng pornograpiya o pagsulyap sa isang mapagtutuunan ng panandaliang-kasiyahan, lalaki man o babae. Gusto nating ipaalam sa lahat ang tunay na pag-ibig—tulad ng pag-ibig ko kay Sister Holland; ay ipinagmamalaki at ipinaaalam natin sa ibang tao. Ngunit ang pagnanasa ay ikinahihiya at ikinukubli at halos sadyang itinatago sa iba—mas maganda kapag mas madilim, at may doble-kandadong pintuan pa kung sakali. Ang pag-ibig ay nagbubunsod sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Ang pagnanasa, sa kabilang banda, ay kahit anong hindi makadiyos at natutuwa sa pagpapasasa ng sarili. Ang pag-ibig ay mapagparaya at mapagkandili; ang pagnanasa ay sariling kasiyahan lang ang nasa isip.

Ilan lang ito sa mga dahilan na nagpapasama sa tunay na kahulugan ng pag-ibig—kahit iniisip lang ito o kasama ang ibang tao—labis na nakapipinsala ito. Sinisira nito ang bagay na pumapangalawa sa ating pananampalataya sa Diyos—ito nga ay ang pananalig sa ating minamahal. Niyayanig nito ang mga haligi ng pagtitiwala na sa ngayon—o sa hinaharap—ay saligan ng pag-ibig, at matagal na panahon ang kailangan para muling maibalik ang tiwalang nawala. Kung lumala ang problemang iyan—sa sarili man o sa kapamilya o opisyal ng gobyerno, mga nangunguna sa negosyo, artista, at idolong atleta—hindi magtatagal ang gusaling itinayo para tahanan ng mga lipunang responsable sa moralidad ay masasabitan na ng karatulang “Walang nakatira dito.”3

Tayo man ay may-asawa o wala, bata o matanda, pag-usapan natin saglit kung paano mag-iingat laban sa tukso, anuman ang iharap na anyo nito. Maaaring di natin malunasan ang lahat ng sakit ng lipunan, ngunit pag-usapan natin ang ilan sa maaaring gawing personal na hakbang.

  • Una sa lahat, magsimula sa paglayo sa mga tao, materyal at kalagayan na makapipinsala sa inyo. Tulad ng alam ng mga umiiwas sa pag-inom ng alak, mapanganib ang magpatukso. Totoo rin iyan sa mga isyu ng moralidad. Tulad ni Jose sa harap ng asawa ni Potiphar,4 tumakbo kayo—tumakbo nang mabilis sa abot ng inyong makakaya mula sa anuman o sinumang nang-aakit sa inyo. At pakiusap, kapag tumatakas kayo sa tukso, huwag sabihin sa kanya ang bagong tirahan ninyo.

  • Aminin na ang mga taong alipin na ng masamang gawi o pagkalulong ay kadalasang higit na kailangan ang tulong ng iba kaysa sa sarili lang niya, at maaaring kasama kayo riyan. Hanapin ang tulong na iyan at tanggapin ito. Kausapin ang inyong bishop. Sundin ang kanyang payo. Humingi ng basbas ng priesthood. Gamitin ang mga tulong na iniaalok ng Family Services ng Simbahan o humingi ng iba pang angkop na tulong propesyonal. Manalangin nang walang humpay. Hilinging tulungan kayo ng mga anghel.

  • Maliban sa mga filter sa mga kompyuter at pagkandado ng puso sa maling pag-ibig, tandaan na ang tanging tunay na pagkontrol sa buhay ay pagsupil sa sarili. Lalo pang kontrolin maging ang kaduda-dudang materyal at relasyon na makakaharap ninyo. Kung ang palabas sa telebisyon ay malaswa, isara ito. Kung malaswa ang pelikula, iwan ito. Kung may nabubuong maling relasyon, putulin ito. Marami sa mga impluwensyang ito, na sa una, ay maaaring di naman mukhang masama, ngunit maaari nitong palabuin ang ating pagpapasiya, pahinain ang ating espirituwalidad, at humantong sa bagay na maaaring masama. Sabi sa lumang kasabihan na ang paglalakbay nang milya-milya ay nagsisimula sa unang paghakbang,5 kaya mag-ingat kayo sa paghakbang.

  • Tulad ng mga magnanakaw sa gabi, ang masasamang kaisipan ay maaari at naghahangad na pumasok sa isipan natin. Ngunit hindi natin kailangang buksan ang pintuan, hainan sila ng tsaa at tinapay, at sabihin sa kanila kung saan nakatago ang mga pilak na kubyertos! (At hindi kayo dapat naghahain ng tsaa.) Itaboy ang masasamang kaisipan! Palitan ang masasamang kaisipan ng mga larawang puno ng pag-asa at ng masasayang alaala; isipin ang mga mukha ng inyong mga minamahal na manlulumo kung sila’y bibiguin ninyo. Maraming kalalakihan ang naligtas mula sa kasalanan o kahangalan sa pag-alaala sa mukha ng kanilang ina, kanilang asawa, o anak na naghihintay sa kanilang pag-uwi. Anuman ang nasa isip ninyo, tiyaking nasasapuso ninyo ito dahil ninanais ninyo. Sabi ng isang makata noon, hayaang ang inyong determinasyon ang manaig sa inyong intensyon.6

  • Linangin at pumaroon kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon. Tiyaking kasama riyan ang inyong sariling tahanan o apartment, na siyang dapat na gabay ninyo sa pagpili ng uri ng sining, musika, at literaturang ilalagay ninyo roon. Kung na-endow na kayo, pumunta sa templo nang madalas hangga’t maaari. Alalahanin na kayo ay pinagkakalooban ng templo ng “kapangyarihan [ng Diyos], … [itinutulot na ang Kanyang] kaluwalhatian ay bumalot sa [inyo], at [pinapangyari na ang Kanyang] mga anghel ay mangalaga sa [inyo].”7 At sa pag-alis ninyo sa templo, alalahanin ang mga simbolo at pangakong dadalhin ninyo, at huwag kailanman isantabi o kalimutan.

Marami sa mga taong naguguluhan ang umiiyak sa bandang huli, “Ano ang iniisip ko?’ Siyempre, anuman ang iniisip nila, hindi iyon si Cristo. Subalit bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, nangangako tayo tuwing Linggo na tataglayin natin ang Kanyang pangalan at nangangako na “lagi siyang aalalahanin.”8 Kaya sikapin pa nating alalahanin Siya—lalo pa’t Kanyang “dinala ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kapanglawan …, [na] siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan … ; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.”9 Tunay na gagabayan nito ang ating mga kilos sa kagila-gilalas na paraan kung aalalahanin natin na sa tuwing nagkakasala tayo, hindi lamang natin sinasaktan ang ating mga mahal sa buhay, kundi sinasaktan din natin Siya, na lubos na nagmamahal sa atin. Kung nagkasala man tayo, gaano man kabigat ang kasalanang iyon, masasagip tayo ng gayunding kagila-gilalas na nilikha, Siya na nagtataglay ng tanging pangalang ibinigay sa silong ng langit kung kanino ang sinumang lalaki o babae ay maaaring maligtas.10 Kapag hinaharap ang ating mga pagkakasala at ang ating mga kaluluwa ay nasasaktan ng tototong pasakit, nawa’y sambitin din natin ang sinambit ng nagsisising si Alma: “O, Jesus, ikaw na anak ng Diyos, kaawaan ako.”11

Mga kapatid, mahal ko kayo. Mahal kayo ni Pangulong Thomas S. Monson at ng mga Kapatid. Higit pa riyan, mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Sinikap kong magsalita ngayon tungkol sa pagmamahal—ang tunay at totoong pag-ibig, ang paggalang dito, ang angkop na paglalarawan dito sa mabubuting lipunan sa kasaysayan ng tao, ang kasagraduhan nito sa pagitan ng mag-asawa, at ng mga pamilyang nalikha ng pagmamahal. Sinikap kong magsalita tungkol sa pagtubos na nagpakita ng pagmamahal, ang pag-ibig sa kapwa-tao na ipinakita, na napapasaatin dahil sa biyaya ni Cristo. Kinailangan ko ring magsalita tungkol sa Diyablo, ang nuno ng kasamaan, ang ama ng kasinungalingan at pagnanasa, na gagawin ang lahat upang gayahin ang tunay na pag-ibig, lapastanganin at dungisan ang tunay na pagmamahal saanman at kailanman niya makaharap ito. At nabanggit ko ang hangarin niyang sirain tayo hangga’t makakaya niya.

Kapag naharap tayo sa gayong mga tukso sa ating panahon, dapat nating ipahayag, tulad ng ginawa ng binatang si Nephi, “[Hindi ako] mag[bi]bigay-puwang kailanman sa kaaway ng aking kaluluwa.”12 Maitataboy natin ang masama. Kung talagang gusto natin, ang kaaway na iyan ay maitataboy ng mapantubos na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo. Dagdag pa riyan, ipinangangako ko sa inyo na ang liwanag ng Kanyang walang hanggang ebanghelyo ay maaari at muling magliliwanag sa sandaling mawala ang pag-asa at dumilim ang buhay. Nawa ang galak ng ating katapatan sa pinakamaganda at natatanging katangiang nasa atin ay manatili habang pinananatili natin ang ating pagmamahal at ating kasal, ang ating lipunan at ating mga kaluluwa, na dalisay tulad nang nararapat, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Jacob 2:7.

  2. Tingnan, halimbawa, ang akda ni Henry Fairlie na The Seven Deadly Sins Today, (1978).

  3. Tingnan sa Fairlie, The Seven Deadly Sins Today, 175.

  4. Tingnan sa Genesis 39:1–13.

  5. Lao Tzu, sa Bartlett’s Familiar Quotations, tinipon ni John Bartlett, ika-14 na edisyon (1968), 74.

  6. Tingnan sa Juvenal, The Satires, satire 6, taludtod 223.

  7. Doktrina at mga Tipan 109:22.

  8. Doktrina at mga Tipan 20:77; tingnan din sa talata 79.

  9. Isaias 53:4–5.

  10. Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:12.

  11. Alma 36:18.

  12. 2 Nephi 4:28.