Liahona
3 Paraan para Maiayon ang Inyong Buhay sa Kalooban ng Diyos
Hulyo 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

3 Paraan para Maiayon ang Inyong Buhay sa Kalooban ng Diyos

Paano natin malalaman kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit?

si Jesucristo na may hawak na tupa

Going Home [Pag-uwi], ni Yongsung Kim

Sa nakalipas na ilang taon, naisip ko:

“Ano ang kalooban ng Diyos para sa buhay ko?”

“Paano ko iaayon ang kalooban ko sa Kanyang kalooban?”

Matagal ko nang hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito—at palagay ko hindi ko pa rin natatanggap ang mga iyon. Pero nakatuklas ako ng tatlong katotohanan na nagpapaunawa sa akin kung paano mamuhay sa paraang nais ng Ama sa Langit.

1. Panatilihing Sumasaiyo ang Espiritu

Ang isang mahalagang bahagi ng pagsunod sa nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit ay ang paghahanap at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Maaaring mangusap sa atin ang Espiritu sa maraming paraan, pero responsibilidad nating mamuhay nang karapat-dapat upang makasama Siya at personal na alamin kung paano Siya nangungusap sa atin.

Para sa akin, nangungusap ang Espiritu sa pamamagitan ng aking mga iniisip, pero kung minsa’y maaaring mahirap mahiwatigan ang pagkakaiba sa pagitan ng sarili kong damdamin at ng patnubay ng Diyos.

Ang isang bagay na gusto kong gawin ay pagnilayan kung ang mga iniisip ko ay mabuti. Tulad ng itinuro ng propetang si Moroni, “Lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos” (Moroni 7:12). Kung sinasabi sa akin ng isang kaisipan na gumawa ng mabuti para sa ibang tao, inaanyayahan akong makipag-ugnayan sa Ama sa Langit, o hinihikayat akong maging higit na katulad ni Jesucristo, alam ko na nagmumula iyon sa Espiritu Santo.

Araw-araw, sinisikap kong panatilihing kasama Siya palagi, mapakinggan ang Kanyang mga paanyaya, at maging handa akong kumilos ayon sa mga ito. Tinutulungan ako nitong iayon ang aking buhay sa Ama sa Langit.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang Espiritu Santo ay isinusugo sa matatapat at nakipagtipang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Ngayon, magiging natatangi ang inyong mga karanasan, at gagabayan kayo ng Espiritu sa paraang angkop sa inyong pananampalataya at kakayahan na tumanggap ng paghahayag para sa inyo at para sa mga taong mahal ninyo at pinaglilingkuran.”

2. Alalahanin ang Iyong Banal na Pagkatao—at Tulungan ang Iba na Maalala ang Kanilang Pagkatao

Sabi ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili”—iyan ang pangalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:39). Maaari tayong makadama ng higit na pagmamahal at habag para sa ating sarili at sa iba kapag alam at iginagalang natin ang ating banal na pagkatao.

Nais ng Ama sa Langit na ituring natin ang ating sarili kung ano tayo—Kanyang pinakamamahal na mga anak na may walang-katapusang potensyal. Dahil mahal Niya tayo, nais Niyang mahalin natin ang iba at tulungan silang maalala kung sino sila talaga.

Mapagmahal na ipinaalala sa atin ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pananampalataya, paglilingkod, at sakripisyo ay nakatutulong sa atin na mas hindi magtuon sa ating mga sarili kundi mas magtuon sa ating Tagapagligtas. Kapag mas mahabagin, matapat, at walang pag-iimbot ang ating paglilingkod at sakripisyo sa Kanya, mas mauunawaan natin ang walang hanggang nagbabayad-salang awa at biyaya ni Jesucristo para sa atin.”

Sa palagay ko, kung titingnan natin ang ating sarili tulad ng pagtingin sa atin ng Ama, mas madali nating makikita ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.

3. Magtiwala sa Kanyang Takdang Panahon

Ang isang pangunahing bahagi ng paggawa ng mga bagay sa paraan ng Diyos ay ang magtiwala sa Kanyang takdang panahon. Alam ko na may mga pagkakataon sa ating buhay na ayaw talaga nating maghintay. Marahil ay umaasa tayo sa mga pagpapala, kabilang na ang paghahanap ng mapapangasawa, pagkakaroon ng sapat na pera para makabili ng bahay, paghahanap ng trabahong malaki ang suweldo, pagpapagaling ng katawan o isipan, o di-mabilang na iba pa.

Pero ang mga pagpapalang ito kung minsan ay hindi dumarating kung kailan natin gusto. Sa katunayan, kung minsan ay maaaring maramdaman natin sa buhay na tayo ay tila ba naglalakbay sa isang malawak na disyerto, kung saan natuyot na ang mga pagpapala.

Gayunman, kapag naghihintay tayo sa Ama sa Langit, maaari nating alalahanin ang kuwento tungkol sa mga Jaredita sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Eter 2). Nang maglakbay sila patungong lupang pangako, ayaw ng Diyos na tumigil sila sa ilang (tingnan sa talata 7). Ninais Niya na patuloy silang maglakbay. Sa gayon ding paraan, ayaw rin ng Ama na tumigil tayo sa ating mga simbolikong ilang. Nais Niya na patuloy tayong sumulong nang may pananampalataya hanggang sa maabot natin ang mga pagpapalang ipinangako sa atin.

Nais Niya na patuloy akong manampalataya, sumunod sa Kanyang mga utos, at matiyagang maghintay sa Kanya.

Maaaring may mga pagkakataon na hindi natin maunawaan kung bakit kailangan nating tiisin ang ilang hamon o kung bakit kailangan nating maghintay sa Kanyang takdang panahon. Ang isang bagay na natutuhan ko ay na lahat, gaano man kahirap, ay laging para sa ating ikabubuti kung patuloy tayong lalapit sa Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7).

Alam ko na habang sinisikap nating gawin ang mga bagay sa paraan ng Ama sa Langit, makakasama natin ang Espiritu Santo at madarama ang Kanyang pagmamahal araw-araw. Kung magtitiwala tayo sa Ama sa Langit, kahit sa mahihirap na panahon, matatagpuan natin ang lakas na kailangan natin. Kung may pinagdaraanan kayong mahirap, lumuhod at kausapin Siya. Alam ko na diringgin kayo ng Ama sa Langit at bibigyan kayo ng kapanatagan at patnubay na kailangan ninyo.

Maaaring hindi mawala ang inyong mga paghihirap matapos manalangin, pero bibigyan kayo ng Ama ng lakas na magpatuloy—at sasamahan Niya kayo sa landas na iyon.