“Tapang na Ibahagi ang Pinahahalagahan Ko nang Higit sa Lahat,” Liahona, Hulyo 2024.
Tapang na Ibahagi ang Pinahahalagahan Ko nang Higit sa Lahat
Sa pagsunod sa halimbawa ng aking bishop at ng kanyang asawa, nagkaroon ako ng mithiin na ibahagi ang Aklat ni Mormon sa bawat pagbiyahe ko bilang cheerleader.
Habang lumalaki ako, gustung-gusto kong panoorin kung paano tinitipon ng mga inahing manok ni Lola ang kanilang mga sisiw sa ilalim ng mga pakpak nila kapag may mga bagyo para panatilihing ligtas at protektado ang mga ito. Naging mas mahalaga sa akin ang tagpo o ang ganitong eksena nang mabasa ko ang tungkol dito sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 3 Nephi 10:4–6). Bilang young adult, sinabi sa akin ng aking bishop at ng kanyang asawa, na madalas magbiyahe dahil sa kanilang negosyo, na nagbabahagi sila ng Aklat ni Mormon sa isang tao sa bawat pagbiyahe nila.
Nahikayat ako nito. Hinangaan ko sila, at naantig ng kanilang mga halimbawa ang puso ko. Nagpasiya ako na kung makakabiyahe ako sa labas ng Utah, USA, tutularan ko ang kanilang halimbawa at magbabahagi ako ng Aklat ni Mormon sa bawat pagkakataon.
Bilang cheerleader para sa Brigham Young University, madalas akong magbiyahe noon na kasama ng cheerleading team. Bago ang una kong pagbiyahe, bumili ako ng Aklat ni Mormon at isinulat ko roon ang aking patotoo. Gusto kong magkaroon ng tapang na ibahagi sa iba ang pinahahalagahan ko nang higit sa lahat: ang aking patotoo at ang Aklat ni Mormon. Gusto kong maging katulad ng aking bishop at ng kanyang asawa. Gusto kong maging katulad ni Jesucristo. Gusto kong tumulong na tipunin ang iba at tulungan silang lumapit sa Kanya.
Natutuhan ko kaagad na kung bago ang bawat biyahe ay ipagdarasal ko na maakay ako sa isang taong nangangailangan nito, lilitaw ang isang tao sa tamang panahon at sa tamang lugar para natural at madali kong maibahagi ang Aklat ni Mormon. Sa mas maraming pagpraktis ko ay lalong naging madali ang pagbabahagi ko. Naging mas makabuluhan ang mga biyahe ko para sa akin. Lagi akong natutuwang makita ang pinagpala ng Ama sa Langit na makatanggap ng sagradong tipan na ito ni Cristo.
Kapag nagbibiyahe ako noon, pinagninilayan ko, “Saan ako dapat magpunta para mahanap ang taong ipinadadala sa akin ng Ama sa Langit sa pagkakataong ito? Ano ang maaari kong sabihin sa kanya para maiparating kung gaano kahalaga sa akin ang Aklat ni Mormon?” Ang mga iniisip at ginagawa ko ay hindi na natuon sa sarili ko kundi sa mga pangangailangan at libangan ng ibang tao, at nakadama ako ng higit na pagmamahal para sa lahat ng nakikilala ko. Sinikap kong tingnan sila na tulad ng pagtingin sa kanila ng Tagapagligtas. Ipinagdasal ko na tanggapin nila ang banal na kaloob na nais ng Ama sa Langit na ialok ko sa kanila.
Nalungkot ako nang matapos ang senior year ko. Buong buhay kong pinangarap na maging cheerleader para sa BYU. Naging masaya sana ako sa pambihirang karanasang mag-cheer anuman ang mangyari, pero pinagyaman ng oportunidad na magbahagi ng kopya ng Aklat ni Mormon sa bawat pagbiyahe ko bilang cheerleader ang buhay ko sa maganda at di-inaasahang mga paraan.
Ang pagbabahagi ng Aklat ni Mormon ay isang mahalaga at madaling paraan para maging mas makabuluhan ang karanasan ko sa unibersidad. Alam ko na ang mga taong binahaginan ko ng Aklat ni Mormon ay partikular na ginabayan para matanggap ito. Alam ko rin na sa pambihirang pagkakahabi ng buhay ko, naghabi ang Ama sa Langit ng isang mapagmahal at magiliw na awa: pinahintulutan Niyang madama ko ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga anak sa espesyal na paraan sa bawat pagbiyahe ko.
Nang makatapos ako ng pag-aaral, nagpasiya akong patuloy na maghanap ng isang tao na maaari kong bahaginan ng aking patotoo. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ako ng higit na kakayahan at kumpiyansa sa pagbabahagi ng aking patotoo. Natuto akong hindi na matakot na ibahagi ito. Naniniwala ako na magiging mas komportable ang lahat na ibahagi ang kanilang patotoo sa pamamagitan ng pagpapraktis at paghingi ng tulong mula sa Diyos.
Ginawang mas makabuluhan ang buhay ko sa maraming paraan ng pagpiling tularan ang mga halimbawa ng aking butihing bishop at ng kanyang asawa. Tinuruan ako nitong makita na alam ng Panginoon ang nangyayari sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Mahal Niya tayo at sabik Siyang tipunin tayong lahat sa ilalim ng Kanyang pakpak. Napakalaking pagpapala na maunawaan ang maganda at matalinghagang paglalarawang ginagamit Niya kapag inilalarawan Niya ang Kanyang pagtitipon. Tinitipon Niya tayo tulad ng pagtitipon at magiliw na pagprotekta ng inahing manok sa kanyang mga sisiw.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.