Liahona
Mga Pag-uusap ng Pamilya Tungkol sa Pagpapakamatay
Hulyo 2024


“Mga Pag-uusap ng Pamilya Tungkol sa Pagpapakamatay,” Liahona, Hulyo 2024.

Mga Pag-uusap ng Pamilya Tungkol sa Pagpapakamatay

Bilang mga magulang, nais nating ihanda ang ating mga anak para sa anumang mga potensyal na panganib na maaari nilang makaharap. Bagama’t maaaring hindi komportableng pag-usapan, isa ang pagpapakamatay sa mga panganib na iyon.

mga taong nakasakay sa balsa sa mabilis na agos

Ang buhay-pamilya ay parang pagsakay sa balsa sa mabilis at mapanganib na agos. Kapag nagsuot ang mga pamilya ng mga life jacket at helmet, ang mga magulang ay tulad ng mga gabay sa ilog na dati nang nakaraan dito. Kailangan nating balaan ang mga bata tungkol sa malalakas na agos o malalaking batong madaraanan. Kung may mapanganib na talon sa ibaba ng ilog, babalaan ba natin ang mga anak natin tungkol doon? Tuturuan ba natin sila kung paano sumagwan at kung saan sasagwan para mabago ang ruta nila, o maghihintay tayo hanggang sa nasa bingit na sila ng talon bago natin sila balaan?

Bilang mga magulang, maaaring hindi tayo komportableng talakayin ang isang hindi kanais-nais na paksa na tulad ng pagpapakamatay, pero makakatulong tayong protektahan at ihanda ang ating mga anak bago pa sila magkaroon ng mapanganib na mga ideya.

Matutulungan ng mga magulang ang mga anak na matutong maging matatag ang damdamin at malaman kung saan sila maaaring bumaling kapag kailangan nila ng emosyonal na tulong. Itinuro ni Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, na “maaaring kasama rito ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga karamdaman sa emosyon, paghahanap ng resources na makatutulong para malutas ang mga [pakikibakang] ito, at sa huli ay mailapit ang ating sarili at ang iba kay Cristo, ang Dalubhasang Manggagamot.”

Isang Mahalagang Isyu na Dapat Pag-usapan

Ang ilang pagpapakamatay ay nangyayari nang walang anumang malinaw na palatandaan. Para sa ilan hindi halata ang mga palatandaan, o kung minsa’y malinaw ang mga palatandaan. Hindi natin malalaman nang may katiyakan kung ano ang iniisip ng ating mga anak, kaya kailangan natin silang ihanda habang bata pa—kung sakaling maisip nilang magpakamatay.

Pinagtibay ni Sister Aburto, “Mahalagang kausapin ang ating mga anak, pamilya, at kaibigan sa ating tahanan, ward, at komunidad tungkol sa mga isyung ito.”

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat isa sa atin ay may mga kapamilya, mahal na mga kaibigan, o mga kakilala na nakaisip nang magpakamatay, nagtangkang magpakamatay, o nagpakamatay na. … Iniisip ng maraming ward at stake [at mga pamilya] na magkaroon ng talakayan tungkol sa pag-iwas sa pagpapakamatay kapag may nagpakamatay na. Ang tanong ko ay—bakit maghihintay pa? Bakit hindi ito gawin ngayon? Dahil may isang tao sa ward o stake na nag-iisip na magpakamatay.”

Naupo ako kasama ang sarili kong mga anak ilang taon na ang nakalilipas matapos mangyari ang isang trahedya sa aming lugar. Nadama ko na kailangan kong ibahagi sa kanila na sa pamamagitan ni Jesucristo, palaging may paraan para sumulong. Wala silang magagawa, o hindi magagawa, na pagpapakamatay ang sagot. Sa kanilang murang edad, wala akong dahilan para isipin na nasa panganib sila, pero alam ko na marami pa akong magagawa para ihanda ang aking mga anak sa pagharap sa mapanganib at posibleng pag-iisip na magpakamatay.

Ang Pag-uusap Tungkol sa Pagpapakamatay ay Humahadlang sa Pagpapakamatay

Ipinaaalam ng resource guide ng Simbahan para mahadlangan ang pagpapakamatay na: “Ang [pag-uusap] tungkol sa pagpapakamatay ay hindi makahihikayat sa isang tao na [mas] magtangkang magpakamatay. Sa katunayan, ang hayagang [pag-uusap] tungkol sa pagpapakamatay ay isang epektibong paraan para mapigilan ang pagpapakamatay.”

Ayon kay John Ackerman, PhD, suicide prevention clinical manager sa Nationwide Children’s Hospital, “Ang paglikha ng isang ligtas na lugar para mag-usap tungkol sa pagpapakamatay ay maaaring magligtas sa buhay ng isang bata.” Sa katunayan, dagdag pa niya, “kung ang isang bata ay nakakaisip na magpakamatay, batid na ang isang nag-aalalang adult ay handang makipag-usap nang hayagan ay kadalasang nakakaginhawa.”

“Ang angkop na paraan ng pag-uusap tungkol sa pagpapakamatay ay tumutulong na pigilan ito sa halip na hikayatin ito,” pagtuturo ni Sister Aburto. Nagpakamatay ang kanyang ama. Sa loob ng maraming taon, iniwasan niyang pag-usapan ito ng kanyang pamilya. Gayunman, natutuhan niya mula noon na mahalagang pag-usapan ito nang tapatan at malinaw. “Nasasabi ko na ngayon sa mga anak ko ang pagkamatay ng aking ama at nasaksihan ko ang paggaling na naibibigay ng Tagapagligtas sa magkabilang panig ng tabing.”

Ang hayagang pag-uusap tungkol sa pagpapakamatay ay maaaring magbigay ng lakas-ng-loob sa mga anak na lumapit sa kanilang mga magulang at sa iba pang mapagkakatiwalaang mga adult sa halip na isipin nilang mag-isa na magpakamatay, kung sakaling maisip nila ito.

Naiulat na ng mga batang kasimbata ng anim o pitong taong gulang na naiisip nilang magpakamatay. “Dati-rati … hindi naniniwala ang mga therapist at researcher at magulang na nakaisip nang magpakamatay ang mga batang musmos na wala pang 10 o 11 taong gulang,” sabi ni Dr. Ackerman. “Alam natin na hindi talaga iyan totoo.” Ipinahihiwatig niya na kahit ang mga batang musmos ay maaaring iugnay ang ideya ng pagpapakamatay sa pakiramdam na sila ay pabigat, nasasaktan ang kanilang damdamin, o nawawalan sila ng pag-asa.

Tiniyak ni Sister Aburto: “Ang malaman kung paano matutukoy ang mga palatandaan at sintomas sa ating sarili at sa iba ay makatutulong. Matututuhan din nating malaman ang di-tumpak o di-makatutulong na paraan ng pag-iisip at kung paano papalitan ang mga ito ng mas tumpak at mas makatutulong na paraan ng pag-iisip.”

Ang Pagpapakamatay ay Mas Madalas Kaysa Inaakala Natin

Sa buong mundo, halos isa kada 40 segundo ay may nagpapakamatay, at ito ang pangalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa mundo para sa mga taong 15–24 na taong gulang. Sa isang pag-aaral kamakailan na isinagawa sa libu-libong kabataan sa Utah, USA, natuklasan ng mga researcher mula sa Brigham Young University na tinatayang 12 porsiyento ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ang seryosong nag-isip na magpakamatay, at 4 na porsiyento ang nagtangka nang magpakamatay.

Para sa konteksto, sa isang grupo ng 25 tinedyer, 3 sa kanila, ayon sa estadistika, ay seryosong nag-isip na magpakamatay, at ang isa ay nagtangka nang magpakamatay.

Kung matutulungan natin ang ating mga anak na mahanap ang suportang kailangan nila bago nila marating ang punto ng krisis—kapag nauwi sa plano ang ideya—maaaring silang matulungan na magbago ng isip bago mahuli ang lahat.

Saan Magsisimula

Sa napakamurang edad, maaaring magsimulang makaunawa ng damdamin ang mga bata, pero maaari nating ituro sa kanila ang tamang pananalita para mailarawan nila nang tama ang kanilang nararamdaman. Maaaring ang unang hakbang ay tulungan ang isang batang musmos na bumuo ng bokabularyo ng kanyang damdamin. Maaari nating turuan ang mga bata na maunawaan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng nagagalit, malungkot, naiinis, at iba pa. Kung maipapaliwanag ng bata ang nadarama niya, maaari tayong magtulungan mula roon. Sa paraang angkop sa edad, maaari nating talakayin sa mga bata ang matindi nilang damdamin kahit anim na taong gulang pa lang sila at tulungan silang tukuyin at harapin ang mga damdaming ito.

Ang maaagang pag-uusap na ito ay tutulong din sa mga magulang na maging pamilyar sa tipikal na mga damdamin ng kanilang mga anak. Karamihan sa mga bata ay dumaranas ng masasaya at malulungkot na damdamin. Normal ito. Ang pagkakaroon ng maaga at madalas na pakikipag-usap sa mga batang musmos ay maaaring magbigay sa mga magulang ng paraan para mahiwatigan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng tipikal na masasaya at malulungkot na damdamin ng pagkabata at ng mapanganib na ideya.

Ang mga pag-uusap para mahadlangan ang pagpapakamatay ay katulad ng iba pang mga training na ibinibigay ng mga magulang para mahadlangan ito. Maaari nating ihanda ang mga bata at kabataan sa posibilidad na maisip nila ang magpakamatay sa parehong paraan na maaari natin silang ihanda kung paano magmaneho ng kotse at ano ang gagawin kapag may aksidente. “Gusto nating ihanda ang ating mga anak na maunawaan kung ano ang maaari nilang madama at ano ang maaari nilang makita sa kanilang mga kaibigan,” sabi ni Dr. Ackerman.

dalagitang tumutulong sa pagbuhat ng balsa

Pagpapatuloy sa Pag-uusap

Habang tumatanda ang mga bata, magiging pangmatanda rin ang mga pakikipag-usap natin sa kanila. Maaari tayong magtanong ng mga bagay na hindi masasagot ng oo o hindi at hayaan nating sumagot sila nang tapatan. Hikayatin ang mga bata na maging tapat sa mga damdaming nagpapahirap sa kanila. Ipinapakita sa pagsasaliksik na ang pagbibigay lunas sa mahihirap na damdamin ay maaaring makabawas sa tindi at tagal ng damdaming iyon.

Sa pamamagitan ng hayagang pag-uusap tungkol sa depresyon, pagpapakamatay, o panghihina-ng-loob, nalalaman ng mga bata na maaari nilang ibahagi ang kanilang tapat na mga ideya at na ligtas nilang maibabahagi ang damdamin nila sa atin. “Nakukuha rin nila ang malinaw na mensahe na labis ang malasakit mo sa kanila, at mahalaga sa iyo ang kanilang kaligayahan at kapakanan,” sabi ng isang mental health counselor.

Ang ating pagmamahal at suporta para sa ating mga anak ay maaaring maging huwaran ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. “Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit—bawat isa sa inyo,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018). “Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. … Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot kayo o masaya, nawawalan ng pag-asa o umaasa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.”

Kaagad matapos kong talakayin ang pagpapakamatay sa mga anak ko, nagtanong ang aking siyam-na-taong-gulang na anak na lalaki kung maaari niya akong kausapin nang sarilinan. Sinabi niya sa akin ang mga pagkakataon na naisip niyang magpakamatay, at idinetalye pa kung paano niya gagawin ito. Hindi ko sukat-akalin na naisip niya ang mga ito. Niyakap ko siya, pinasalamatan ko siya sa kanyang katapangang sabihin ito sa akin, at sinabi ko sa kanya na anuman ang kanyang ginawa o inisip, mahalaga siya at kailangan sa aming pamilya. At nangako ako sa sarili ko na babantayan ko ang iba pang palatandaan na naiisip niyang magpakamatay o tanda ng karamdaman sa pag-iisip.

Hindi Sagot ang Pagpapakamatay

Maaaring ang ikinatatakot ng ilang kabataan ay pagpapakamatay lamang ang sagot sa kawalan nila ng pag-asa. Tiniyak ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo … , o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”

Bukod sa pakikipag-usap sa ating mga musmos na anak, maaari tayong makipag-usap sa mga kabataang sumusunod sa huwarang ibinigay ni Pangulong Holland: “Sa sinuman sa ating mga kabataan na nahihirapan, anuman ang inyong mga alalahanin o paghihirap, hindi sagot ang pagpapakamatay. Hindi nito maiibsan ang sakit na nararamdaman ninyo o iniisip ninyong naidudulot ninyo. Sa mundong nangangailangan ng lahat ng liwanag na makukuha nito, huwag sana ninyong balewalain ang walang-hanggang liwanag na itinimo ng Diyos sa inyong kaluluwa bago pa likhain ang daigdig na ito. … Huwag ninyong kitlin ang buhay na pinag-alayan ni Cristo ng Kanyang buhay upang maligtas. Makakayanan ninyo ang mga paghihirap sa buhay na ito dahil tutulungan namin kayong makayanan ang mga ito. Mas malakas kayo kaysa inaakala ninyo. Ang tulong ay makukuha, mula sa iba at lalo na sa Diyos. Kayo ay minamahal at pinahahalagahan at kailangan. Kailangan namin kayo!”

Maaari ninyong talakaying mag-asawa kung kailan magandang simulan na pag-usapan ito—bago pa dumating ang krisis, kung mayroon man. Maaari ninyong mapanalanging hangarin ang Espiritu para makatulong sa paggabay kapwa sa tiyempo at mga salitang gagamitin sa pakikipag-usap sa inyong mga anak.

Hindi tayo kailanman responsable sa pagpili ng iba na wakasan ang buhay, pero may mga bagay tayong magagawa para tumulong na hadlangan ito. Tulad ng itinuro ni Pangulong Holland:

“Pumarito ang Bugtong na Anak ng Diyos upang bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng pagdaig sa kamatayan.

“Kailangang lubos nating pagtuunan ang kaloob na buhay na iyan at kaagad tulungan ang mga taong posibleng nagtatangkang kitlin ang sagradong kaloob na ito.”

Mga Tala

  1. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 58.

  2. Tingnan sa “Mga Palatandaan ng Pagpapakamatay,” sa Paano Tutulong, Pagpapakamatay, Tulong sa Buhay, Gospel Library.

  3. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag,” 59, tala 10.

  4. Dale G. Renlund, “What We Know about Suicide” (video, 2018), ChurchofJesusChrist.org.

  5. Ang Tao bang Nagsasalita Tungkol sa Pagpapakamatay ay [Mas] Malamang na Magtangkang Magpakamatay?” sa FAQ, Pagpapakamatay, Tulong sa Buhay, Gospel Library.

  6. John Ackerman, “How to Talk to Kids about Suicide,” On Our Sleeves: The Movement for Children’s Mental Health, Ago. 2022, onoursleeves.org.

  7. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag,” 58.

  8. Tingnan sa Kristin Francis, sa “How to Talk to Your Child about Suicide: An Age-by-Age Guide,” University of Utah Health, Set. 6, 2022, healthcare.utah.edu.

  9. Tingnan sa John Ackerman, sa “Talking to Children under 12 about Suicide” (video), kasama sa artikulong “How to Talk to Kids about Suicide,” onoursleeves.org.

  10. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag,” 59, tala 13.

  11. Tingnan sa “Suicide Statistics,” SAVE: Suicide Awareness Voices of Education, save.org.

  12. Tingnan sa W. Justin Dyer, Michael A. Goodman, at David S. Wood, “Religion and Sexual Orientation as Predictors of Utah Youth Suicidality,” BYU Studies Quarterly, tomo 61, blg. 2 (2022), 88.

  13. Tingnan sa Ackerman, “How to Talk to Kids about Suicide” at “Talking to Children under 12 about Suicide” (video), onoursleeves.org.

  14. Ackerman, sa “Talking to Children under 12 about Suicide” (video), onoursleeves.org.

  15. Tingnan sa Ackerman, “How to Talk to Kids about Suicide,” onoursleeves.org.

  16. Naomi Angoff Chedd, sa Sherri Gordon, “How to Talk to Your Kids about Suicide at Every Age,” Very Well Family, Nob. 16, 2022, verywellfamily.com.

  17. Thomas S. Monson, “Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 123–24.

  18. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  19. Jeffrey R. Holland, “Huwag Kang Matakot: Sumampalataya Ka Lamang!,” Liahona, Mayo 2022, 36.

  20. Jeffrey R. Holland, “Huwag Kang Matakot: Sumampalataya Ka Lamang!,” 36.