Liahona
Ipinakita sa Akin ng Diyos na Mayroon Akong Layunin
Hulyo 2024


“Ipinakita sa Akin ng Diyos na Mayroon Akong Layunin,” Liahona, Hulyo 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Ipinakita sa Akin ng Diyos na Mayroon Akong Layunin

Nahulog ako mula sa isang puno, pero iniligtas ako ng Panginoon para makapagbagumbuhay ako at matulungan ko ang mga taong may kapansanan na katulad ng sa akin.

lalaki sa wheelchair kasama ang kanyang pamilya

Mga larawang-kuha ni Christine Hair

Dumalo kami noon ng kapatid kong babae sa isang religious conference nang paakyatin niya ako sa isang puno at pakuhanin ng isang buwig ng mga niyog para sa kumperensya. Habang kinokolekta ko ang mga niyog sa tuktok ng puno, biglang nagdilim ang paningin ko at nahulog ako. Lumagapak ako sa lupa na una ang likod at nawalan ako ng pakiramdam sa mga paa ko.

Dinala ako sa ospital, kung saan itinuwid ng mga doktor ang mga buto ko sa likod. Sa loob ng tatlong buwan, nakahiga lang ako sa ospital, na ni hindi makaupo. Madamdamin at nakapanlulumo ang panahong iyon. Nakahiga lang ako roon at nag-iisip kung ano ang mangyayari sa akin at ano ang susunod kong gagawin.

Sumangguni sa Panginoon

Pagkaraan ng tatlong buwan, pinapunta ako sa New Zealand para maoperahan ako sa likod. Dahil sa operasyon nakaya ko nang maupo sa halip na mahiga lang. Habang nasa ospital sa New Zealand, nakilala ko ang isang babaeng nagtatrabaho roon. Tinanong niya ako, “Kilala ba kita? Parang pamilyar ka.”

Nagsimula kaming mag-usap. Ibinahagi niya ang ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan ako ng Aklat ni Mormon. Noong una, hindi ko ito binasa. Nasa tabi lang ito ng higaan ko. Gayunman, isang araw, nag-iisa ako at walang nakawiwiling panoorin sa telebisyon. Pagkatapos ay nakita ko ang Aklat ni Mormon sa ibabaw ng mesa ko. Binuklat ko ito at nagsimula akong magbasa nang magbasa.

Habang nagbabasa ako, nadama ko na may kakaiba tungkol sa Aklat ni Mormon at malamang na naglalaman ito ng totoong ebanghelyo ni Jesucristo. Minarkahan na ng babae sa ospital ang ilang talata, na ang isa ay ang Alma 37:37: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan.”

Natuon ang pansin ko sa mga salitang iyon at napaisip ako. Para malaman kung Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan, nalaman ko na kailangan kong sumangguni sa Panginoon. Gusto ko ring makita mismo ang simbahang ito.

Naglaho ang Kawalan Ko ng Pag-asa

Pag-uwi ko mula sa New Zealand, inanyayahan ko ang mga missionary na turuan ako. Nang matuto ako, nagkaroon ako ng patotoo na ito ang Simbahan ni Cristo. Nagpapasalamat ako sa mga missionary na nagturo sa akin. Sa aking binyag, nagkaroon sila ng lakas na buhatin ako palusong sa tubig—karga ako ng isa samantalang bininyagan naman ako ng isa pa.

Nang mabinyagan ako, naglaho ang lahat ng depresyon at kawalan ng pag-asang tiniis ko. Nalaman ko na mayroon akong layunin sa buhay at na mahal ako ng Diyos.

Bago ako nabinyagan, ikinahiya ko ang sarili ko dahil naka-wheelchair ako. Gayunman, matapos akong mabinyagan, nagsimula akong magpunta sa ward tuwing Linggo at makibahagi sa mga aktibidad ng mga young single adult. Dumalo pa nga ako sa mga sayawan sa stake, na sumasayaw sakay ng wheelchair ko sa bawat tugtog. Sumali rin ako sa isang network para sa mga Samoan na may mga pinsala sa gulugod.

Natanto ko na naghilom na ang damdamin ko na kailangan kong magtago. Sa pamamagitan ng Simbahan, nagkaroon ako ng kumpiyansa na muling makihalubilo sa mga tao.

Tinulungan din ako ng Panginoon na itulak ang sarili ko at lumago nang hikayatin akong dumalo sa tatlong-taong programa sa Cambodian School of Prosthetics and Orthotics (CSPO). Hindi ko tiyak noon na makakasali ako sa programa dahil wala pang sinumang naka-wheelchair na nag-apply. Gayunman, sa huli ay tinulutan ako ng sitwasyon na makadalo sa CSPO sa Cambodia. Nagtapos ako roon bilang unang estudyanteng may kapansanan sa kasaysayan ng programa.

lalaking may hawak na prosthetic arm

Bago siya nabinyagan, ikinahiya ni Posenai na naka-wheelchair siya. Pero matapos siyang mabinyagan, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng kumpiyansa na muling makihalubilo sa mga tao.”

Nang bumalik ako sa Samoa, nagsalita ako sa isang debosyonal ng YSA tungkol sa kalusugan. Pagkatapos ng kumperensya, nilapitan ako ng isang babae para kamayan ako at sabihan na nagustuhan niya ang mensahe ko. Kauuwi lang ni Lagimanofia mula sa kanyang misyon. Mula nang makilala ko siya, nadama ko na pinalakas niya ang mga kahinaan ko. Matagal ko nang ipinagdarasal na makahanap ng isang tao na maaari kong makasama sa buhay at mamahalin at tatanggapin ako.

Nang magsimula kaming magdeyt ni Lagimanofia, inalagaan niya ako at tinanggap ako, at sinuportahan kami ng kanyang pamilya. Ikinasal kami, at nagbago ang aming buhay magpakailanman nang ampunin namin si Posenai Jr. Inihanda kami ng Diyos na ampunin siya. Nagpasaya sa amin nang husto ang pagdating niya sa aming buhay.

Maaari ba Akong Maglingkod?

Sa simbahan, tinawag ako bilang ward clerk at kalaunan bilang counselor sa bishopric. Hindi ako makapaniwala na maaaring maglingkod ang isang taong naka-wheelchair. Nadama ko na nawalan ako ng silbi nang maaksidente ako, pero nadama ko na may pakinabang ako nang magtrabaho ako sa Simbahan at natulungan ako nitong matanto na maaari akong mag-ambag. Gustung-gusto ko ang oportunidad na mas mapalapit kay Jesucristo habang naglilingkod ako.

Bilang tagapayo sa bishopric, ginusto kong magabayan para magampanan ko nang mas mahusay ang calling ko. Dahil diyan ay gusto kong mas maghanda para sa bawat Linggo. Nakagawian kong magbasa ng aking mga banal na kasulatan, at nagkaroon ako ng mga oportunidad na magpatotoo. Nakatulong pa nga sa akin ang pagiging lider sa simbahan na maging lider sa trabaho. Lumakas ang pakiramdam ko na kaya kong mamuno at magsalita, na nagtulot sa akin na mamuno sa iba pang mga aspeto.

Ngayo’y nagtatrabaho ako bilang prinsipal ng Prosthetics and Orthotics Department sa Tupua Tamasese Meaole Hospital, ang pangunahing ospital sa Samoa. Sinusukatan ng aking departmento ng mga walking aid at wheelchair ang mga 500 katao sa isang taon. Tumutulong ang Simbahan, sa pamamagitan ng Samoan Ministry of Health, na maglaan ng mga kailangang wheelchair at materyal sa paggawa ng mga prosthetic (tingnan sa philanthropies.ChurchofJesusChrist.org/humanitarian-services). Tinutulungan nito ang mga tao na makabalik sa trabaho at makaasa sa sarili. Binibigyan din nila ng pag-asa at paraan ang mga tao pabalik sa buhay na inakala nilang nawala na sa kanila.

lalaking naka-wheelchair na tinutulungan ang isa pang lalaking may prosthetic leg

“Ang pagtatrabaho sa Simbahan ay nagpadama sa akin na may pakinabang ako at natanto ko na maaari akong mag-ambag,” sabi ni Posenai. “Gustung-gusto ko ang oportunidad na mas mapalapit kay Jesucristo habang naglilingkod ako.”

Umasa sa Panginoon

Kung magpapayo ako sa iba pang may mga kapansanan, sasabihin kong, “Huwag ninyong hayaang mapigilan kayo ng inyong mga kapansanan sa inyong pinaniniwalaan. Ibuhos ang puso ninyo sa gusto ninyong makamtan at pagsikapan ninyo iyon nang husto. Kapag humingi kayo ng tulong sa Panginoon, pagpapalain Niya kayo [tingnan sa 2 Nephi 32:9].”

Sa paniniwalang iyan, nagpapatuloy ako, at ito ang dahilan kaya ganito ako ngayon. Naniniwala ako na inilagay ako rito at iniligtas para sa isang layunin. Nahulog ako sa punong iyon, pero iniligtas ako ng Panginoon para makapagbagumbuhay ako at magawa ko ang gawaing ito na tumutulong sa lahat ng mga taong ito. Itinuro sa akin ng Panginoon na maaari kong tulungan ang maraming tao—hindi sa kabila ng kapansanan ko kundi dahil dito.