Liahona
Bigyan Ako ng Liwanag Nang Ligtas Kong Matahak ang Daang Hindi Ko Talos
Hulyo 2024


Digital Lamang

Bigyan Ako ng Liwanag Nang Ligtas Kong Matahak ang Daang Hindi Ko Talos

Mula sa isang mensahe sa pagtatapos na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University–Hawaii noong Disyembre 8, 2023. Para sa buong mensahe, bisitahin ang speeches.byuh.edu.

Ang susunod ninyong mga hakbang ay maaaring patungo sa daang hindi ninyo alam. Ngunit kung “[hahayaan ninyong akayin kayo] ng Diyos,” alam ko na ang Kanyang patnubay “sa [inyo’y magiging] mas mabuti kaysa liwanag at mas ligtas kaysa daang talos.”

si Jesucristo na may hawak na lampara at gumagabay sa daan

Saving That Which Was Lost [Pagliligtas sa Nawala], ni Michael Malm

Mahal kong mga kaibigan, kasiyahan kong makasama kayo sa magandang lugar na ito at isang karangalan ang magsalita sa inyo sa napakahalagang araw na ito sa inyong buhay.

Sa panahong naghahanda ako ng ibabahagi ko sa inyo, hindi ko sukat akalain na ibabahagi ko iyon sa araw na tatawagin akong pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ni ang pagsabi niyan ay hindi kapani-paniwala para sa akin. Dumating ang tawag na iyon kahapon. Halos wala akong tulog kagabi, tulad ng naiisip ninyo. Napagtanto ko ngayon, sa pinaka-pambihirang paraan, na hindi ako kailanman naghanda ng mga sasabihin para sa iba na akmang-akma sa isang sandali sa sarili kong buhay. Ang Diyos, na makapangyarihan sa lahat, at hindi nagulat sa pagtawag na nangyari kahapon (gaano man kalaking sorpresa iyon sa akin at tiyak na sa lahat ng nakakakilala sa akin nang husto), ay ginabayan ako sa mga mensaheng ito para sa inyo. Ngunit para sa akin din talaga ang mga ito, sa sandaling ito. At labis kong kakailanganin ang mga ito sa susunod na ilang linggo, buwan, at sa katunayan ay mga taon.

Ang maging Apostol ay ang maging isang espesyal na saksi ng Panginoong Jesucristo. Lubos kong nalalaman na kakailanganin kong lumago sa lahat ng mabuting paraan para maging lingkod na kinakailangan sa akin ng Tagapagligtas. Ang aking mga kakulangan, kahinaan, at kawalan ay napakalinaw sa akin, ngunit nananalig ako sa pagpapasensya ng aking Ama, sa biyaya ni Jesucristo, at sa pagtuturo ng Banal na Espiritu.

Gusto kong magbahagi ng ilang salitang isinulat ng makatang si Minnie Louise Haskins:

“At sinabi ko sa lalaking nakatayo sa pintuan ng bagong taon: ‘Bigyan mo ako ng liwanag, nang ligtas akong makatahak sa daang di ko talos.’

At siya’y tumugon: ‘Humayo ka sa dilim at hayaang akayin ka ng Diyos. At iyan sa iyo’y mas mabuti kaysa liwanag at mas ligtas kaysa daang talos.’

Kaya’t ako’y humayo, at sa pag-akay ng Diyos, masayang tinahak ang dilim.

At dinala Niya ako sa kaburulan at sa [pagsikat ng araw] sa Silangang mapanglaw.”

Ang susunod na gagawin ninyo ay malamang na patungo sa daang hindi ninyo talos—at tunay ngang magkakaroon kayo ng maraming gayong karanasan sa buhay ninyo, na walang gagabay sa inyo. Ngunit kung “[hahayaan ninyong akayin kayo] ng Diyos,” alam ko na, tulad ng pangako sa tula, ang Kanyang patnubay “sa [inyo’y] mas mabuti kaysa liwanag at mas ligtas kaysa daang talos.”

“Hayaang Akayin Ka ng Diyos”

Ano ang ibig sabihin ng “hayaang akayin ka ng Diyos”? Ang kahulugan nito marahil ay manampalatayang tulad ng balo ng Zarefta, na inubos ang huli niyang kakarampot na pagkain para pakainin ang propetang si Elias. Hinayaan niyang akayin siya ng Diyos nang may kagila-gilalas na tiwala, at hindi naubusan ng laman ang kanyang tapayan ng harina at banga ng langis kundi naglaan ng pagkain para mabuhay sila ng kanyang anak sa buong panahon ng taggutom (tingnan sa 1 Mga Hari 17). O baka masulyapan ito nang kaunti sa pag-aatubili ngunit sa huli ay mapagpakumbabang pagsunod ni Naaman, ang punong-kawal ng hukbo na nagkaroon ng ketong, nang sundin nito ang propetang si Eliseo at maligo nang pitong beses sa Ilog Jordan para gumaling (tingnan sa 1 Mga Hari 5). Maaari nitong ipaalala sa atin si Maria, ang ina ni Jesus, na tinanggap ang isang nakakagulat na utos na nagpapabago ng buhay sa maikli ngunit makapangyarihang pariralang “Narito ako na alipin ng Panginoon” (Lucas 1:38).

Walang duda, ang ibig sabihin ng hayaang akayin ka ng Diyos ay patuloy na hangaring mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at madama ang kagalakan ng kanilang sakdal na pagmamahal. Nangangahulugan ito ng pagsamong maunawaan na palagi natin Silang kasama, kinikilala ang Kanilang presensya habang pinagaganda nito ang ating buhay, at nararanasan ang kagalakan at pasasalamat na malamang na binibigyang-inspirasyon ng pagsasamang iyon. Nangangahulugan ito ng “pag-iisip nang selestiyal,” pag-asam na makarating sa “pagsikat ng araw” sa napakatiyagang pag-akay sa atin ng Diyos, at inilalaan ang ating sarili sa maningning na mithiing iyon. Mga kaibigan ko, kung sisikapin natin na sa Diyos lamang magpaakay at hindi sa anumang iba pang impluwensya, bibigyan tayo ng kapangyarihang harapin ang mga daang hindi natin talos sa hinaharap nang may matibay na pananampalataya at walang-hanggang tiwala.

“[Pagpapaakay] sa Diyos”

Kung gayon, paano tayo makararating doon? Paano natin masusumpungan ang pag-akay ng Diyos at, tulad ng inilalarawan sa tula, “masayang [tatahak sa] dilim”? Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng liwanag na maaaring tumulong at tutulong sa atin na matagpuan “ang pag-akay ng Diyos.”

Si Jesucristo, ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang napakahalagang pinagmumulan ng liwanag sa ating buhay. Tiniyak Niya mismo sa atin, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Ilaw ng buhay! Iyan Siya. Iyan ang inaalok Niya sa atin. Dahil sa Kanyang ilaw, talagang mapipili natin ang pag-asa at kagalakan sa kabila ng nakalilitong mga bagyo sa buhay. Kapag natuklasan ninyo ito, malalaman ninyo ang himala ng Kanyang liwanag na maaaring tumagos sa anumang kadiliman.

Ang pagsasamantala sa tanglaw ng liwanag na iyon sa ating buhay ay nangangahulugan ng pagtuklas sa inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson na kagalakan ng araw-araw na pagsisisi. Sinabi niya sa atin na “ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at gamitin—masigasig na gawin—sa bawat araw habang sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas.” Ang paulit-ulit na pagbalik sa Diyos tuwing malilihis tayo ng landas ay nagpapalaya sa atin mula sa gapos ng kasalanan at kalungkutan na ibabalot sa atin ng kaaway. Matututuhan nating gustuhin ang oportunidad na araw-araw—maging palagian—na magsisi at gawin ito nang may taos-pusong pasasalamat.

Ang mga banal na kasulatan ay isa pang mahalagang pinagmumulan ng liwanag sa ating buhay. Minsa’y isinulat ng Dutch painter na si Vincent van Gogh sa isang liham sa kanyang kapatid na lalaki, “Hindi ninyo alam kung gaano ako naaakit sa Biblia; binabasa ko iyon araw-araw, ngunit gusto ko talagang itanim ito sa aking isipan at tanawin ang buhay ayon sa pariralang iyon, ‘Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko.’” Kapag tinitingnan ko ang kumplikadong kagandahan ng kanyang mga painting, at lalo na ang kanyang umiikot na mga paglalarawan ng liwanag, naiisip ko na inilarawan niya sa kanyang sining ang mundo sa pananaw ng hangaring iyon na tingnan ang buhay ayon sa liwanag ng salita ng Diyos.

Nililiwanag at hinuhubog ba ng mga salita sa mga banal na kasulatan ang pagtingin ninyo sa mundo? Marahil ay narating na ninyo ang antas na iyon ng pakikipagniig sa salita ng Diyos—marahil ay hindi pa. Nasaan man kayo sa inyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, hinihikayat ko kayo na patuloy na maghanap at matuto. Hindi pa huli ang lahat para buksan natin ang ating puso sa mga banal na kasulatan at magabayan ng liwanag nito. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sinasabi namin na nasa mga banal na kasulatan ang mga sagot sa bawat tanong dahil maaari tayong akayin ng mga banal na kasulatan sa bawat sagot. Ilalagay tayo ng mga ito (ng mga banal na kasulatan) sa isang posisyon kung saan maaari tayong magtamo ng inspirasyon para sagutin ang anumang doktrinal o personal na tanong, mayroon mang direktang kinalaman ang tanong na iyon sa paksang pinag-aaralan natin sa mga banal na kasulatan o wala. Iyan ay isang dakilang katotohanan na hindi nauunawaan ng marami.”

Tulad ng isang parola sa bagyo, ang templo ay isang hindi-natitinag na pinagmumulan ng liwanag at isang simbolo ng kaligtasan. Ang hindi-nagbabagong doktrina ng pagsamba sa templo ay nagbibigay ng nagpapatibay na katatagan sa isang mundo ng kaguluhan at kawalang-katiyakan. Ang mga tipang ginagawa natin sa templo ay nagkakaloob sa atin ng lakas, kapangyarihan ng Diyos, at pinupuspos tayo ng liwanag ng Panginoon. Lumalabas tayo mula sa templo na taglay ang Kanyang pangalan, na nakapalibot sa atin ang Kanyang kaluwalhatian, at pinamamahalaan tayo ng Kanyang mga anghel.

Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson na “ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. Binibiyayaan tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa. Nakakaapekto ito sa kung sino tayo at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan.” Tunay ngang ang paggawa at pagtupad ng gayong mga tipan ay “[pagpapaakay] sa Diyos.” Kung hindi pa kayo pinupuspos ng liwanag at kapayapaan ng templo, hinihikayat ko kayong pumunta roon nang mas madalas. Hanapin ang Diyos sa Kanyang banal na bahay. Sapagkat, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doktrina at mga Tipan 50:24).

Ang mahalagang talatang iyan sa banal na kasulatan ay totoo sa lahat ng liwanag ng ebanghelyo. Kapag kayo ay “[nagpaakay] sa Diyos,” habang hinahanap ninyo si Cristo, makabuluhang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, at gumagawa ng mga sagradong tipan sa templo, ang liwanag ng “pagsikat ng araw,” ng “ganap na araw” na iyon, ay unti-unting magniningning. Tunay ngang kayo mismo ay magiging bahagi ng liwanag na iyon.

Habambuhay na Paglilingkod

Ang tulang tinutukoy ko ngayon ay pinasikat ng Pamaskong mensahe ni Haring George VI ng United Kingdom. Noong Disyembre 1939, nasangkot sa labanan ang Europa, at naranasan ng milyun-milyong tao ang mga epekto ng digmaan. Humarap sa mga mamamayan ang isang bagong taon na may pangako ng pagrarasyon, mga blackout, at mga air raid. Marami nang nawalan, at tila wala nang mababanaag sa hinaharap kundi kadiliman.

Nagsalita si Haring George VI sa kanyang mga tao ayon sa kontekstong ito at ibinahagi ang mga salita ni Minnie Louise Haskins: “Humayo ka sa dilim at hayaang akayin ka ng Diyos. At iyan sa [inyo’y] mas mabuti kaysa liwanag at mas ligtas kaysa daang talos.” Ang mga salita ng hari ay nagbigay ng kapanatagan, tapang, at diwa ng pambansang pagkakaisa, at nagtakda ng pangkalahatang damdamin sa diwa ng digmaan na iimpluwensya sa susunod na mga taon. Ang hinaharap ay may hatid na paghihirap at kawalan ng katiyakan sa sa mga tao sa Europa noong 1939, at walang-duda na may taglay rin itong mga hamon at pagkakataong lumago para sa atin. Ang ipinapangako sa atin ng ebanghelyo ay na kung hahayaan nating akayin tayo ng Diyos, na hawak-hawak ang ating mga kamay, magagabayan tayo sa mga pagsubok at pakikibaka sa buhay at patungo sa Kanyang liwanag na patuloy sa pagningning.

Pinamunuan ni Haring George VI ang kanyang mga tao sa isa sa pinakamatitinding labanan sa kasaysayan. Malaki ang personal na sakripisyo niya sa paglilingkod sa kanyang bayan—atubili niyang tinanggap ang tungkuling maghari matapos magbitiiw sa tungkulin ang nakatatanda niyang kapatid. Ang pamumuno, at lalo na ang pagsasalita sa publiko, ay hindi naging madali sa kanya. Sa pamamagitan lamang ng matagalang mga pagsisikap, kabilang na ang pagdaig sa kanyang pautal na pagsasalita, nagawa niyang maglingkod nang napakaepektibo sa kanyang mga tao.

Ang pag-akay sa iba sa paraan ng pag-akay ng Tagapagligtas, sa paraan na nais Niya tayong mamuno, ay ang paglingkuran sila. Kadalasa’y nangangailangan ng sakripisyo at paglago mula sa atin ang paglilingkod na iyon. Palagi, ang gayong paglilingkod ay makakatulong na pinuhin at pabanalin tayo, at babaguhin ang ating puso at huhubugin ang ating pagkatao para maging higit na katulad ng ating Huwarang si Jesucristo, ang pinakadakilang lingkod sa lahat.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Ang inyo at aking susi para marating ang ating potensyal bilang mga lingkod ay ang makilala ang ating Panginoon, gawin para sa Kanya ang ating makakaya, at makuntento na ipaubaya ang nalalabi sa Kanyang mga kamay. Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa na makakaharap ninyo sa susunod na mga araw. Mahihirapan kayong magpasiya sa pagitan ng pangangailangang maglagay ng pagkain sa mesa at ng bubong sa inyong ulunan, na asikasuhin ang isang pangangailangan ng pamilya, na tumugon sa mga panaghoy ng mga balo o ulila sa inyong paligid, at kasabay nito ay tugunan ang mga kinakailangan ng calling na natanggap ninyo sa Simbahan. Kapag nangyari iyan, labis kayong matutuksong bumulung-bulong, marahil ay para magreklamo pa.

“Ngunit tandaan na naglilingkod kayo sa isang Panginoon na nagmamahal sa inyo, na nakakakilala sa inyo, at makapangyarihan sa lahat. Hindi Siya lumikha ng mga sapilitang kahilingan para sa inyong paglilingkod kundi ng mga oportunidad para sa inyong paglago. Maaari kayong manalangin sa Kanya nang may tiwala at magtanong, ‘Ano ang susunod ninyong ipagagawa sa akin?’ Kung makikinig kayo nang mapagpakumbaba at may pananampalataya, makararamdam kayo ng sagot. At, kung kayo ay matalino at mabuti, sisimulan ninyong gawin ang iniutos ng inyong Panginoon. At ipauubaya ninyo ang nalalabi sa Kanyang mga kamay.”

Habang patungo kayo “sa daang hindi ninyo talos,” na mahigpit na nakahawak sa dalisay na mga pinagmumulan ng katotohanan at liwanag, hayaang maging mantra ninyo ang “sino ang maaari kong paglingkuran?” Tandaan na ipinayo ni Cristo: “Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo” (Mateo 23:11). Sa paningin ng Panginoon, ang kadakilaan ay sinusukat hindi ayon sa ating mga personal na tagumpay kundi sa pakikitungo sa Kanyang mga anak nang may pagmamahal sa kapwa-tao.

Naniniwala sa Inyo ang Inyong Ama sa Langit

Pinatototohanan ko ang realidad ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, na nakikinig sa inyong bawat panalangin; ang Kanyang Anak na buhay, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo; at ang walang-hanggang nagbabayad-salang kaloob ng Manunubos sa ating lahat. Nagkaroon ng pagpapanumbalik ng walang-hanggang kaalaman at katotohanan. Nagpapatuloy ito ngayon at magpapatuloy hanggang sa maluwalhating araw na iyon kapag bumalik si Jesucristo. Bawat isa sa inyo ay minamahal sa mga paraang hindi ninyo nauunawaan.

Lubos akong nagpapasalamat na malaman na ang hinaharap ay huhubugin ng matatapat na lingkod na lider na tulad ninyo. Ilang paraan bang hindi mabilang “[itataas ng bawat isa sa inyo] ang mga kamay na nakababa” (Doktrina at mga Tipan 81:5)? Naniniwala ako sa kakayahan ninyong maglingkod sa sangkatauhan. Ang mas mahalaga, naniniwala sa inyo ang inyong Ama sa Langit. Personal Niyang kilala ang bawat isa sa inyo, at inaabot Niya sa inyo ang Kanyang kamay para akayin kayo patungo sa “pagsikat ng araw.” Humayo kayo, mga kaibigan ko, nang may kagalakan, “hayaang akayin [kayo] Diyos,” at hayaang gabayan Niya kayo “nang ligtas sa daang hindi ninyo talos.”

Mga Tala

  1. Minnie Louise Haskins, “God Knows,” 1908.

  2. Minnie Louise Haskins, “God Knows,” 1908.

  3. Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 118.

  4. Russell M. Nelson, “Apat na Regalo mula sa Tagapagligtas,” Liahona, Dis. 2019, 15.

  5. Vincent van Gogh, Letter to Theo van Gogh, Mar. 1877.

  6. Dallin H. Oaks, “Studying the Scriptures” (mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii, Mar. 14, 1986), 18–21, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 10.

  8. Henry B. Eyring, “Go Forth to Serve” (mensahe sa pagtatapos sa Brigham Young University, Abr. 25, 2002), 2, speeches.byu.edu.