Liahona
Ang Dalawang Katotohanan na Tumutulong sa Akin na Maunawaan ang Pagpapakumbaba
Hulyo 2024


“Ang Dalawang Katotohanan na Tumutulong sa Akin na Maunawaan ang Pagpapakumbaba,” Liahona, Hulyo 2024.

Mga Young Adult

Ang Dalawang Katotohanan na Tumutulong sa Akin na Maunawaan ang Pagpapakumbaba

Ang pagpapakumbaba ay maaaring makatulong kapwa sa kapalaluan at sa damdamin ng kakulangan.

mga binatilyo sa isang silid-aralan sa simbahan

Larawan ng mga miyembro sa Paraguay na kuha ni Leslie Nilsson

Isang katotohanan: Ako ay anak ng Diyos. At iyan ay isang kamangha-mangha at banal na katotohanan.

Isa pang kasinghalaga na katotohanan: Dahil lahat ng iba pa sa daigdig na ito ay anak din ng Diyos, sila rin ay mga kamangha-mangha at banal na nilalang.

Ang dalawang katotohanang ito ay malamang na parehong mukhang malinaw, pero matagal bago ko talaga naintindihan at naunawaan ang kahulugan ng mga ito sa buhay ko. Kung minsa’y nakakagawa ako ng kasalanan sa pagharap sa isang sitwasyon nang may kayabangan, na ipinapalagay na ang paraan ko ang tamang paraan o mas may kakayahan ako kaysa sa ibang tao. Sa ibang mga pagkakataon ay kabaligtaran ang ginagawa ko, na nadarama na hindi ako gaanong karapat-dapat o mahalaga kaysa sa iba sa paligid ko.

Ang sagot sa dalawang pakikibaka ay iisa:

Pagpapakumbaba.

Hindi pa ba Ako Sapat?

Isang karanasan na talagang nakapagpakumbaba sa akin ang nangyari sa aking misyon. Sa palagay ko nahihirapan ang karamihan sa mga missionary sa damdamin ng kakulangan habang sinisikap na magdala ng mga tao kay Jesucristo. Sa aking misyon, gumugol ako ng ilang oras sa isang araw sa pagsisikap lang na maghanap ng isang taong tuturuan at paulit-ulit na matanggihan. Hindi ko nadama na matagumpay ako. Hindi ko nadama na sapat na ang mga pagsisikap ko. Kalaunan, unti-unti kong nadama na ang ginawa ko ay hindi pa sapat.

Bagama’t maaaring tila hindi pagpapakumbaba ang kailangan ko, nang ipaliwanag ko ang damdamin ko sa aking mission president, tinulungan niya akong makita na bahagi ng problema ko ang pag-iisip na hindi ko daranasin ang mga problemang kinakaharap ng mga missionary sa buong mundo. Pero hindi ako ang unang missionary na nakaramdam na tinanggihan, at siguradong hindi ako ang huli.

Kahit paano nakumbinsi ko ang sarili ko na ang mga paghihirap ko ay kagagawan ko, sa kabila ng katotohanan na ang ilan sa pinakamagagaling na missionary sa kasaysayan—tulad ng orihinal na Labindalawang Apostol, ng mga anak ni Mosias, at ni Nakababatang Alma—ay naharap sa mas matinding pagtanggi at pag-uusig kaysa sa naranasan ko.

Sa halip na maawa sa sarili ko, unti-unti kong nadama na kasama ko si Jesucristo sa aking mga paghihirap. At nang mahiya ako sa aking di-perpektong mga pagsisikap, naalala ko ang itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mas matutulungan at masusuportahan ng Pagbabayad-sala [ni Cristo] ang mga missionary kaysa sa mga investigator. Kapag nahihirapan kayo, tinatanggihan, … namumuhay kayo na tulad sa pinakamainam na buhay sa mundong ibabaw, ang natatanging puro at perpektong buhay na naipamuhay.”

Nagbabalik-tanaw pa rin ako sa karanasang ito kapag kailangan kong alalahanin na magpakumbaba at magtiwala sa Panginoon.

Isang Aral sa Pagpapakumbaba

Marami akong natutuhan tungkol sa aking identidad bilang anak ng Diyos noong nasa misyon ako. Pero nang makauwi ako, natanto ko na marami pa akong dapat malaman tungkol sa kahalagahan ng pag-alaala na ang ibang mga tao ay mga anak din ng Diyos.

Hindi nagtagal pagkauwi ko, binigyan ako ng mahirap na calling at pinamahala sa isang mahalagang kaganapan. Nahirapan ako, at hindi ko makontak ang mga taong dapat sana ay tumutulong sa akin. Nagpadala ako ng email na, sa totoo lang, medyo matapang ang pananalita.

Tama ako na mahalaga ang calling at na kailangan ko ng dagdag na suporta, pero agad kong natanto na hindi siguro ito ang pinakamainam na paraan para maghikayat ng mga tao. Kinailangan kong magpakumbaba; kinailangan kong alalahanin na malamang na may sariling mga pinoproblema ang ibang tao.

Tulad ng itinuro ni Elder Steven E. Snow noong miyembro siya ng Pitumpu, “Kung nagpapakumbaba tayo, sinasagot ang ating mga dalangin; nagiging payapa ang ating isipan; mas epektibo tayo sa paglilingkod sa ating mga tungkulin; at kung patuloy tayong magiging matapat, makababalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.”

Totoo nga, nakadama ako ng higit na kagalakan sa calling ko at sa buhay ko nang matuto akong mas magpakumbaba.

Pagbabalanse ng Dalawang Katotohanan

Para sa akin, ang matuto ng tunay na pagpapakumbaba ay naging tungkol sa pagbabalanse ng dalawang katotohanang ito:

Ako ay anak ng Diyos, At ako ay napapaligiran ng iba pang mga anak ng Diyos.

Nang matutuhan ko ang iba pa tungkol sa pagpapakumbaba, natanto ko na totoo ang itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapakumbaba ay hindi kinikilala na malaking tagumpay o kaya ay pagdaig sa malaking hamon. … Ito ay pagkakaroon ng kumpiyansa na sa bawat araw at bawat oras ay makakaasa tayo sa Panginoon, maglilingkod sa Kanya, at makakamit ang Kanyang mga layunin.” Natutuhan ko na talagang maaari kong makamtan ang mga layunin ng Panginoon—pero kapag isinuko ko lang ang aking kalooban sa Kanya at nagtiwala ako na alam Niya ang pinakamainam.

Alam ko na kapag nagsikap tayong maging mas mapagpakumbaba at katulad ni Cristo, pagpapalain tayo ng Ama sa Langit sa ating mga pagsisikap.

Ang awtor ay naninirahan sa Frankfurt, Germany.