Liahona
Isang Kahanga-hangang Paghahanda para sa Buhay
Hulyo 2024


“Isang Kahanga-hangang Paghahanda para sa Buhay,” Liahona, Hulyo 2024.

Isang Kahanga-hangang Paghahanda para sa Buhay

Ang natututuhan ng mga binata at dalaga sa misyon ay magpapala sa kanilang buhay magpakailanman.

dalawang lalaking missionary na naglalakad sa kalye

Mula pa noong bata ako, nabibighani na ako palagi sa kasigasigan ng mga missionary. Sa isang sacrament meeting sa maliit kong branch sa Minas, Uruguay, nagpatotoo ang isang missionary at nagpahayag ng kanyang damdamin tungkol sa kanyang misyon. Nanatili sa aking puso’t isipan ang sinabi niya.

“Balang-araw,” sabi ko sa sarili ko, “magmimisyon ako.”

Kalaunan, bilang isang priest, nagkaroon ako ng oportunidad na samahan ang mga missionary sa mga lesson. Isang di-malilimutang karanasan ang maging missionary sa edad na 16!

Nang mag-18 taong gulang ako, ilang kabataan mula sa aking branch ang bumalik mula sa kanilang misyon, kabilang ang kapatid kong si Ana, na nakauwi na mula sa misyon sa Argentina. Naantig din ng kanilang mga karanasan at patotoo ang puso ko.

Habang papalapit ang ika-19 na kaarawan ko, ginusto kong ibigay ang pangalan ko para humayo at ipahayag ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at maglingkod sa Kanyang ubasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 75:2). Inihanda at ipinadala ko ang mga papeles ko sa misyon. Nang dumating ang aking call, binuksan ko ang liham na nilagdaan ni Pangulong Spencer W. Kimball at nabasa ko na maglilingkod ako sa Uruguay/Paraguay Mission. Maglilingkod ako sa sarili kong bansa! Masaya ako sa pagkakataong ipahayag ang “mabubuting balita ng malaking kagalakan, maging ang walang hanggang ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 79:1).

Dumating ako sa mission office matapos magbiyahe nang dalawang oras sakay ng bus patungong Montevideo, Uruguay. Itinalaga ako ng mission president bilang missionary para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at binigyan ako ng kompanyon. Nang hapong iyon, nagsimula kaming kumatok sa mga pintuan.

Sa simula, may mga pagkakataon na hindi nakakatuwa ang misyon na tulad ng inakala kong mangyayari. Mabuti na lang, nagkaroon ako ng masunurin at masipag na kompanyon na tumulong sa akin na matuklasan ang kagalakan ng paglimot sa aking sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Pinagpala ako ng kanyang halimbawa sa buong misyon ko.

Pero ang paghahanda kong maging kinatawan ng Tagapagligtas na si Jesucristo ay matagal nang nagsimula.

Lahat ng Ito ay Nagsimula sa Isang Tie Clip

Noong Enero 1962, noong anim na taong gulang ako, dumating ang mga missionary sa tindahan ng mga alahas ng tatay ko na naghahanap ng kapalit ng tie clip na naiwala ng isa sa kanila. Habang naroon, narinig nila na may tumutugtog ng gitara. Nang magtanong sila tungkol doon, pinapasok sila ng tatay ko at ipinakilala ang kaibigan niya.

Sa kanilang pag-uusap, tinanong ng tatay ko at ng kaibigan niya ang mga missionary kung marunong silang maggitara. Sinabi ng isang elder na marunong siya nang kaunti. Ipinasa sa kanya ng kaibigan ng tatay ko ang gitara at hinilingan siyang tumugtog. Nagsimula siyang tumugtog ng ilang awitin habang kumakanta ang kompanyon niya.

Ang simpleng paghahanap ng tie clip ng mga missionary ay humantong sa pag-aaral ng pamilya ko tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Naging mabuting kaibigan namin ang mga missionary at nagsimula kaming makinig sa mga lesson. Itinanim ang binhi ng ebanghelyo, at nagsimula itong lumago, una sa nanay kong si Elsa, at sa mga kapatid kong sina Ana at Stella, at pagkatapos ay sa akin.

Simula sa araw na iyon, napamahal na sa pamilya ko ang gawaing misyonero. Nagmisyon ako, nagmisyon na ang mga anak kong lalaki, at ngayo’y nagsisimula nang maghanda ang aming mga apo para sa misyon at maglingkod sa misyon, na lumikha ng ikatlong henerasyon ng mga missionary.

Hindi palaging madaling maging missionary. Kailangan ng paghahanda bago maging handa ang isang binata o dalaga na magmisyon. Dito maaaring maging mabuting halimbawa ang mga magulang, pamilya, at lider ng Simbahan at magtulungan bilang isang team para maihanda ang mga kabataan sa murang edad.

Ang isang paraan para matulungan silang maghanda ay magbahagi ng mga praktikal na kasanayan sa kanila. Ang mga kasanayang tulad ng pag-iipon ng pera, paglalaba at pagpaplantsa ng mga damit, pananahi, pagpapakintab ng sapatos, pagluluto, pagkausap sa iba, at paglilingkod sa iba ay makakatulong sa kanilang misyon. Ang partisipasyon sa seminary at institute ay tumutulong din sa paghahandang iyon at nakaayon ito sa natututuhan nila sa tahanan at sa kanilang mga korum at klase.

Dapat magpatuloy ang ating suporta habang nasa misyon sila. Magandang marinig ang magagandang karanasan ng ating mga missionary halos araw-araw. Maaari din tayong maging bahagi ng mga karanasang iyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga tinuturuan nila. Halimbawa, kinontak ng nanay ng isa sa mga missionary na nagturo sa aming pamilya ang nanay ko at sinulatan siya nang maraming taon, na nakatulong sa nanay ko na manatili sa landas ng tipan.

Sa pagtulong natin sa mga magiging missionary na maghanda, dapat nating tandaan na ang gawaing misyonero ay higit pa sa isang tradisyon sa Simbahan—ito ay isang paanyaya at utos mula sa Panginoon (tingnan sa Mateo 28:19). Sa simula, itinuro kina Eva at Adan ang ebanghelyo. Pagkatapos ay itinuro nila ang ebanghelyo sa kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:6–12). “At sa gayon sinimulang ipangaral ang Ebanghelyo, mula sa simula, na ipinahayag ng mga banal na anghel na isinugo mula sa kinaroroonan ng Diyos” (Moises 5:58).

Ang pangangaral na ito ay nagpapatuloy ngayon sa isang hukbo ng mahigit 71,000 missionary. Pero kailangan natin ng maraming-marami pa sa unahan—isang hukbo ng mga missionary at mga miyembro.

dalawang sister missionary na nagdarasal

Ang Matututuhan Natin sa Ating Misyon

Habang nasa misyon ako, nasanay ako sa gawaing misyonero at nagsimula akong mag-isip nang mas malalim tungkol sa ating mensahe. Noon ko pa nadama na ang ebanghelyo ay totoo, pero nagkaroon ako ng matinding hangaring malaman na ito ay totoo. Nagdasal ako, nag-ayuno, nag-aral, nagtrabaho, at pagkatapos ay naghintay ng sagot.

Sa isang lesson isang araw, ibinahagi ko ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin. …

“Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

Sa sandaling iyon, nadama ko na pinagtitibay sa akin ng Espiritu Santo na ang itinuturo ko ay totoo. Nakita talaga ni Propetang Joseph Smith ang Ama at ang Anak, at ang Aklat ni Mormon ay ang salita ng Diyos at, kasama ng Biblia, ay nagpapatotoo sa ating Tagapagligtas. Napakalaki ng kapayapaang inihatid nito sa aking kaluluwa. Kahit makalipas ang ilang dekada, pinasasaya pa rin nito ang puso ko.

Ang aking misyon ay parang pagtatamo ng isang espirituwal na master’s degree. Ang natututuhan ng mga binata at dalaga sa misyon ay magpapala sa kanilang buhay magpakailanman. Kasama ng maraming bagay, natututuhan nila:

  • Kung paano mag-aral, manalangin, magturo, at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo araw-araw.

  • Kung paano mamuhay kasama ang isang kompanyon nang 24 na oras sa isang araw.

  • Kung paano pangalagaan ang kanilang kalusugan.

  • Kung paano magplano.

  • Kung paano paghusayin ang mga kasanayan sa pamumuno.

  • Kung paano makitungo nang wasto sa ibang tao.

  • Kung paano maghangad, makinig, at magpagabay sa Espiritu Santo.

Ang mga binata at dalagang naglilingkod sa misyon ay palalakasin at magiging handang harapin ang mga hamon ng buhay habang patuloy nilang ipinamumuhay ang natutuhan nila habang nasa misyon sila.

Ngayon na ang Araw

Itinuro na sa atin ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson:

“Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas. Isipin na lamang ninyo kung gaano kabilis malulutas ang mga hidwaan sa buong mundo—at sa personal nating buhay—kung pipiliin ng lahat na sundin si Jesucristo at ipamumuhay ang Kanyang mga turo.”

Ngayon ang araw para ipakita ang ating pagkatao at tapang at ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ngayon ang araw para maghanda ang ating mga kabataan na maglingkod sa batalyon ng Panginoon sa isang teaching o service mission. Kailangan kayo ng mundo! May mga tuhod na palalakasin, mga kamay na itataas, at katotohanang ipapangaral (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:5).

Nawa’y mahikayat tayo ng sumusunod na paanyaya mula sa Panginoon na kumilos at itaas ang bandila ng katotohanan nang may kapangyarihan:

“Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking kalooban na kayo ay nararapat na humayo …

“Itinataas ang inyong mga tinig na katulad ng tunog ng isang pakakak, ipinahahayag ang katotohanan alinsunod sa mga paghahayag at kautusan na aking ibinigay sa inyo.

“At sa ganito, kung kayo ay matatapat kayo ay … puputungan ng karangalan, at kaluwalhatian, at kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 75:3–5).